Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 5/15 p. 3-4
  • Ano ang Sanhi ng Pagdurusa ng Pamilya?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Sanhi ng Pagdurusa ng Pamilya?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Ilang Dahilan ng Pagdurusa ng Pamilya
  • Kagipitan ng Pamilya—Isang Tanda ng Panahon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • May Lihim ba ang Kaligayahan sa Pamilya?
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Unahin ang Diyos sa Inyong Buhay Bilang Isang Pamilya!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Si Jehova, ang Ating ‘Tanggulan sa mga Panahon ng Kabagabagan’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 5/15 p. 3-4

Ano ang Sanhi ng Pagdurusa ng Pamilya?

‘SIYA’Y tamad!’ ang bulalas ni Bob. ‘Siya’y isang teribleng tagapangalaga ng bahay!’

‘Hindi totoo iyan!’ ang pakli naman ni Jean. ‘Hindi siya nagpapahalaga sa anumang gawin ko. Siya ang pinakapalapintasing lalaki na nakilala ko.’

Ano ba ang masama sa naging buhay nina Bob at Jean?a Ang kanilang kabagu-bagong pagsasama bilang mag-asawa ay aapat-apat na buwan lamang, ngunit iyon ay kaylapit-lapit na sa kapahamakan. Gayunman, ang kanilang kaso ay hindi isang kataliwasan, sapagkat ipinakikita ng mga ulat na karaniwan na ang hindi pagkakasundo ng mag-asawa. Ngayo’y sinasabi ng mga dalubhasa na kalahati ng lahat ng mga bagong pag-aasawa sa Estados Unidos ay magwawakas sa diborsiyo. Nahahawig na malulungkot na ulat ang nanggagaling sa maraming iba pang mga bansa. Gayunman, ang diborsiyo ay isa lamang bahagi ng paglalarawan. Sa wala pang katulad na dami at sa iba’t ibang kadahilanan, ang mga pamilya ay nasa pagdurusa.

Ang Ilang Dahilan ng Pagdurusa ng Pamilya

Ang mga anak ay lubhang apektado pagka mga kalagayang nagpapahirap ang umiral sa isang pamilya. Ang magasing Newsweek ay nag-uulat: “Isang katlo ng mga batang ipinanganak noong nakalipas na sampung taon [sa Estados Unidos] ay marahil mamumuhay sa isang pamilyang iisa lamang ang tunay na magulang bago sila sumapit sa 18 taon. Isa sa bawat apat na anak ngayon ang pinalalaki ng isa lamang tunay na magulang. Mga 22 porsiyento ng mga anak sa ngayon ang mga anak sa labas; na dito, mga ikatlong bahagi ang anak ng isang inang tinedyer.”

Sa pagbanggit ng isang kaugnay na sanhi ng pagdurusa ng pamilya, ang dalubhasa sa pang-aabuso sa bata na si J. Patrick Gannon ay nagsasabi: “Ang kasalukuyang mga surbey ay nagpapakita na milyun-milyong tao ang lumaki sa dysfunctional [abnormal ang pag-andar] na mga pamilya na kung saan ang karahasan, insesto, o emosyonal na pag-aabuso na likha ng alkoholismo ay isang araw-araw na pangyayari.” Hindi nga katakataka na maraming batang napahantad sa gayong mga bagay ang marahil walang alam kung papaano maiiwasan ang suliranin ng pamilya bilang mga adulto.

May mga tagapagmasid na marahil ang pagdurusa ng pamilya ay isisisi sa mga bagong pangkabuhayan, panlipunan, at pangmoral na dinaranas sa mga lupaing industriyalisado. Halimbawa, ang maramihang paglahok ng mga babae sa larangan ng paggawa ay nagbigay-daan sa kadalasan nakalilitong bagong kaayusan ng mga papel na ginagampanan at mga pananagutan sa tahanan. Ang mga ina ay nanginginig na nag-eensayo ng kinakalawang nang kadalubhasaan sa trabaho, ang mga ama naman ay bantulot na nakikipagpunyagi sa gawaing-bahay, at ang mga anak ay nag-iiyakan upang maibagay ang sarili sa pamumuhay sa mga ampunan na pinaglalagakan ng mga bata kung araw.

Maraming pamilya ang nasa ilalim ng matinding panggigipit sa mga bansa sa buong globo. Isang nagtatrabahong magulang ang naghambing nito sa “pamumuhay sa isang palaging kalagayan ng kagipitan.” Hindi nga katakataka na halos kalahati ng mga sinurbey kamakailan sa Gallup surbey ang nagsabi na ang ‘pamilyang Amerikano ay mas malala ngayon ang suliranin kaysa noong 10 taóng lumipas,’ at kakaunti ang naniniwala na bubuti pa ang kalagayan.

Ang pagdurusa ng pamilya kung gayon ay isang palagiang paksa ng talakayan sa telebisyon at mga pagtatanghal sa radyo. Ang publiko ay totoong nasasabik sa mga aklat tungkol sa pamilya na nagbibigay ng sariling tulong, ang iba ay nagbibigay ng payo na may kaunting kabutihan at praktikal. Bagaman ang payo na ‘makipagtalastasan nang lalong hayagan’ o ‘ibahagi sa iba ang damdamin ng isa’ ay makatutulong, ito’y kulang ng kaunawaan sa tunay na sanhi ng mga suliranin sa sambahayan. Ang susunod na artikulo ang gagawa niyan at ipakikita niyaon kung papaano dapat pakitunguhan ang suliranin ng pamilya.

[Talababa]

a Di-tunay na mga pangalang ginamit upang ikubli kung sino sila.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share