Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
ANG artikulong “Tinatapos ni Jesus ang Lahat ng Kahilingan ng Diyos,” sa susunod na mga pahina, ang huling bahagi ng ating mahabang serye ng “Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus.” Ang seryeng ito ay inilathala sa Ang Bantayan nang mahigit na anim na taon, sa 149 na sunud-sunod na mga labas, pasimula noong Abril 1, 1985, na labas.
Inaasahan namin na ang seryeng ito sa Ang Bantayan ay nakatulong sa inyo na sundin ang payo ni apostol Pablo na ‘masidhing pagmasdan si Jesus’ at sundin ang utos ng Diyos na “makinig sa kaniya.” (Hebreo 12:2, 3; Mateo 17:5) Sa nakalipas na mga taon, marami ang sumulat upang sabihin na sila’y natulungan na gawin ito. “Para bagang ako’y naroroon at nakikinig sa kaniya at nagmamasid sa kaniyang ginagawa,” ang isinulat ng isang mambabasa. “Ako’y natutong mahalin siya dahilan sa mga artikulong ito.”
Isa pang mambabasa ang sumulat: “Bawat labas ay waring may punto na nakaligtaan ko nang binabasa ko ang salaysay ng Bibliya. Ako’y nawili na itanim sa isip ang iba’t ibang pangyayari sa buhay ni Jesus ayon sa lalong mahusay na kaayusan ng pagkakasunud-sunod ayon sa panahon sa pamamagitan ng pagbabasa ng bawat artikulo.” Marami ang nagpahayag ng nakakatulad na pagpapahalaga sa pagkatuto kung kailan at kung saan si Jesus ay nagturo at gumawa ng mga bagay-bagay noong panahon ng kaniyang ministeryo.
Isang babae sa Espanya ang nagsabi: “Aking itinabi ang lahat ng artikulo sa simula pa lamang. Ito’y totoong malaking tulong para sa mga adulto at gayundin sa mga bata. Ako’y 44 na taon, at labis na nasisiyahan pagka binabasa ko ang mga salaysaying ito. Para bang ako’y naroroon sa bawat pangyayaring inilalahad.”
Isang ina sa Estados Unidos ang sumulat: “Dahilan sa kaiklian ng mga artikulo at ng kanilang simpleng istilong pagkasulat, ang aking asawa ay sumali na sa aming pampamilyang pag-aaral. Ang aking otso-anyos na anak na lalaki ang humiling sa akin na sumulat upang pasalamatan kayo dahil sa nakikipag-aral na ngayon ng Bibliya ang kaniyang tatay. Kaniyang hinihiling na balang araw pagka tapos na ang seryeng ito ang mga artikulo ay ilathala sana sa isang aklat upang kaniya namang maibahagi ito sa kaniyang mga kamag-aral.”
Marahil ang inyong damdamin ay katulad din ng mambabasa na ganito ang hinanakit kamakailan: “Medyo po nalulungkot ako na isiping malapit nang matapos ang serye samantalang isinasaalang-alang ang mga huling araw ng buhay ni Kristo. Talagang hahanap-hanapin ko ang kanilang dako sa Ang Bantayan.” Inaasahan namin na kayo man ay masisiyahan sa huling bahaging ito ng aming serye na “Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus.”