Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 7/15 p. 27-30
  • Bakit Dapat Maging Mapagpakumbaba?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Dapat Maging Mapagpakumbaba?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Pagpapakumbaba?
  • Ito’y Kailangang Maging Tunay
  • Ang Punto de Vista ni Jehova
  • Ipinakikita ng Diyos at ni Kristo
  • Mga Kapakinabangan ng Pagpapakumbaba
  • Ang Pagpapakumbaba at ang Organisasyon ng Diyos
  • Ang Pagpapakumbaba at ang Disiplina
  • Manatiling Nabibihisan ng Pagpapakumbaba
  • Kapakumbabaan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Linangin ang Tunay na Kapakumbabaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Mahalaga kay Jehova ang mga Lingkod Niyang Mapagpakumbaba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • Si Jesus—Parisan ng Kapakumbabaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 7/15 p. 27-30

Bakit Dapat Maging Mapagpakumbaba?

ANG Amerikanong autor na si Edgar Allan Poe ay katatapos lamang basahin ang kaniyang bagong kuwento sa harap ng ilang kaibigan. Kanilang biniro siya na totoong malimit na ginamit niya ang pangalan ng bayani. Ano ang naging reaksiyon ni Poe? Naalaala ng isang kaibigan ang ganito: “Ang kaniyang mapagmataas na damdamin ay hindi kayang batahin ang gayong tahasang pamimintas, kaya sa silakbo ng galit, bago siya nahadlangan ng kaniyang mga kaibigan, bawat pilyego ay kaniyang naihagis sa nag-aalab na apoy.” Naging abo ang isang kuwento na “totoong nakatutuwa, na walang bahagya man ng kaniyang karaniwang . . . kalungkutan.” Maaaring nailigtas sana iyon ng pagpapakumbaba.

Bagaman dahilan sa pagmamataas ay gumagawa ang mga tao ng mga bagay na di-nararapat, ito ay palasak sa sanlibutan. Subalit ang mga lingkod ni Jehova ay kailangang maging iba. Kailangang isuot nila ang mainam ang pagkadisenyong kasuotan ng pagpapakumbaba.

Ano ba ang Pagpapakumbaba?

Ang magandang kasuotang Kristiyano ng pagpapakumbaba ang tinutukoy ni apostol Pablo nang siya’y sumulat sa mga kapananampalataya sa sinaunang siyudad ng Colosas. Kaniyang ipinayo: “Gaya ng mga hinirang ng Diyos, na mga banal at minamahal, magbihis kayo ng isang pusong mahabagin, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kahinahunan, at pagtitiis.”​—Colosas 3:12.

Oo, ang pagpapakumbaba ay “kababaang-loob.” Ito ay “pagkamababang kalooban; kawalan ng pagmamataas; kaamuan.” Ang isang taong mapagpakumbaba ay “mahinhin ang diwa; hindi hambog.” Siya ay “totoo o lubos na magalang.” (The World Book Dictionary, Tomo I, pahina 1030) Ang pagpapakumbaba ay hindi karuwagan o kahinaan. Ang totoo, sa pagmamataas masisinag ang kahinaan, samantalang ang pagpapakumbaba ay kadalasan nangangailangan ng tibay ng loob at ng lakas.

Sa Kasulatan ang isang salitang Hebreo na isinaling “magpakababa ka” ay may literal na kahulugang “yurakan mo ang iyong sarili.” Kaya, ang pantas na manunulat ng Kawikaan ay nagpayo: “Anak ko, . . . kung ikaw ay nasilo ng mga salita ng iyong bibig, . . . iligtas mo ang iyong sarili, yamang ikaw ay nahulog sa kamay ng iyong kapuwa: Yumaon ka, at magpakababa [yurakan mo ang iyong sarili] at mangayupapa ka sa iyong kapuwa.” (Kawikaan 6:1-3) Samakatuwid nga, alisin mo sa iyo ang pagmamataas, kilalanin mo ang iyong pagkakamali, ituwid mo ang mga bagay-bagay.

Ito’y Kailangang Maging Tunay

Hindi lahat ng taong waring mababang-loob ay may tunay na pagpapakumbaba. May waring mababang-loob na mga taong marahil sa totoo ay mapagmataas at kanilang gagawin ang lahat upang makamit ang ibig nila. At nariyan din ang mga taong nagkukunwaring mapagpakumbaba upang hangaan sila ng iba. Halimbawa, si apostol Pablo ay nakakita ng ilan na may “pakunwaring pagpapakumbaba,” at kaniyang ipinakita na sinumang gumagawa nito ay sa katunayan “nagpapalalo nang walang-kabuluhan sa pamamagitan ng kaniyang kaisipang makalaman.” Ang gayong tao ay may maling akala na ang pagkakaroon ng isa ng pabor ng Diyos ay depende sa kung siya’y kumakain, umiinom, o humihipo ng ilang bagay o nangingilin ng mga kapistahang relihiyoso o hindi. Totoo, baka siya’y waring banal at mababang-loob, ngunit ang kaniyang pakunwaring pagpapakumbaba ay walang kabuluhan. (Colosas 2:18, 23) Sa katunayan, ito ay umakay sa kaniya na mag-akalang ang gantimpalang buhay ay ipinagkakaloob sa mga taong nagtatakuwil ng materyal na mga bagay. Ito’y nagbunga rin naman ng isang mapandayang anyo ng materyalismo sapagkat ang mga pagbabawal ng asetismo ay nakatutok ang pansin sa materyal na mga bagay na kaniyang inaangkin na hinahamak.

Sa kabilang panig, ang tunay na pagpapakumbaba ay pumipigil sa isang tao ng pagpapakita ng pagkaimportante ng sarili sa pamamagitan ng pananamit, pag-aayos, at istilo ng pamumuhay. (1 Juan 2:15-17) Ang isang taong nabibihisan ng pagpapakumbaba ay hindi tumatawag ng di-nararapat na pansin sa kaniyang sarili o sa kaniyang mga kakayahan. Bagkus, ang pagpapakumbaba ay tumutulong sa kaniya na maging makonsiderasyon sa iba at tingnan ang kaniyang sarili gaya ng tingin ng Diyos sa kaniya. At papaano nangyayari iyan?

Ang Punto de Vista ni Jehova

Nang mga sandaling papahiran na lamang ng propetang si Samuel ang isang bagong hari ukol sa bansang Israel, inakala niya na ang anak ni Jesse na si Elias ang napili ni Jehova. Subalit sinabi ng Diyos kay Samuel: “Huwag mong tingnan ang kaniyang hitsura at ang kaniyang taas, sapagkat siya’y aking tinanggihan. Sapagkat ang batayan ng pagtingin ng tao ay di-gaya ng sa Diyos, dahil sa ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.” Pito sa mga anak ni Jesse ang itinakuwil. Ang pinili ng Diyos ay si David, na napatunayang isang taong may pananampalataya at pagpapakumbaba.​—1 Samuel 13:14; 16:4-13.

Ang bihis ng pagpapakumbaba ay nag-iingat sa atin laban sa pagiging mapagmataas, pangahas​—at walang pagsang-ayon ng Diyos. Siya ay “sumasalansang sa mga mapagmataas, ngunit siya’y nagbibigay ng di-sana-nararapat na awa sa mga mapagpakumbaba.” (Santiago 4:6) Ang kaniyang pangmalas ay ipinakikita sa mga salita ng salmista: “Si Jehova ay mataas, gayunma’y nakikita niya ang mapagpakumbaba; ngunit ang hambog ay nakikilala niya buhat lamang sa malayo.” (Awit 138:6; 1 Pedro 5:5, 6) Ang inaasahan ng Diyos sa kaniyang mga lingkod ay makikita buhat sa kaniyang tanong na ito na iniharap sa Mikas 6:8: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang gumawa nang may katarungan at ibigin ang kaawaan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”

Ipinakikita ng Diyos at ni Kristo

Hindi nga katakatakang asahan ni Jehova na tayo’y magpapakita ng pagpapakumbaba! Ito’y isa sa kaniyang sariling mga katangian. Pagkatapos na iligtas siya ng Diyos sa kaniyang mga kaaway, si David ay umawit: “Ikaw [Jehova] ang magbibigay sa akin ng iyong kalasag ng kaligtasan, . . . at ang iyong pagpapakumbaba ang magpapadakila sa akin.” (Awit 18:35; 2 Samuel 22:1, 36) Bagaman si Jehova ay nasa kataas-taasang langit, “siya ay nagpapakababang tumitingin sa langit at sa lupa, kaniyang ibinabangon ang dukha mula sa mismong alabok; kaniyang itinataas ang maralita mula sa abo, upang maupo siya na kasama ng mga pangulo.” (Awit 113:5-8) Ang Diyos ay nagpapakita ng pagpapakumbaba sa pamamagitan ng pagpapakita ng awa sa makasalanang mga tao. Ang kaniyang pakikitungo sa mga makasalanan at pagbibigay ng kaniyang Anak bilang isang hain ukol sa mga kasalanan ay mga kapahayagan ng kaniyang pagpapakumbaba, pag-ibig, at iba pang mga katangian.​—Roma 5:8; 8:20, 21.

Si Jesu-Kristo, na “maamo at mababang-loob,” ang nagpakita ng pinakadakilang halimbawa ng pagpapakumbaba ng tao. (Mateo 11:29) Sinabi niya sa kaniyang mga alagad, “Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagpapakababa ng kaniyang sarili ay itataas.” (Mateo 23:12) Iyan ay hindi lamang matamis na mga salita. Nang gabing bago siya mamatay, hinugasan ni Jesus ang mga paa ng kaniyang mga apostol, isang gawaing mga alipin lamang ang karaniwang gumagawa. (Juan 13:2-5, 12-17) Si Jesus ay mapagpakumbabang naglingkod sa Diyos bago naparito sa lupa at nagpakita ng pagpapakumbaba magbuhat nang siya’y buhaying-muli tungo sa isang mataas na kalagayan sa langit. Kaya ipinayo ni Pablo sa mga kapananampalataya na ‘ituring na ang iba’y nakahihigit sa kanila’ at magkaroon ng kapakumbabaan na gaya ng kay Jesu-Kristo.​—Filipos 2:3, 5-11.

Yamang ang Diyos at si Kristo ay nagpapakita ng pagpapakumbaba, yaong nagnanasang sila’y sang-ayunan ng Diyos ay kailangang magpakita ng katangiang ito. Sakaling tayo’y nagiging mapagmataas paminsan-minsan, isang kapantasan na tayo’y magpakumbaba at manalangin na tayo’y patawarin ng Diyos. (Ihambing ang 2 Cronica 32:24-26.) At sa halip na magkaroon ng mataas na pagkakilala sa ating sarili, kailangang ikapit natin ang payo ni Pablo: “Huwag ninyong ilagak ang inyong pag-iisip sa mga bagay na kapalaluan, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan.” (Roma 12:16) Kung gayon, papaanong ang pagpapakumbaba ay mapakikinabangan natin at ng iba?

Mga Kapakinabangan ng Pagpapakumbaba

Ang isang kapakinabangan ng pagpapakumbaba ay nasa bagay na pinipigil tayo nito ng paghahambog tungkol sa ating sarili. Kaya naman tayo’y hindi kinayayamutan ng iba at naiiwasan natin ang pagkapahiya sa iba kung sila’y hindi humahanga. Si Jehova ang dapat nating ipagmapuri, hindi ang ating sarili.​—1 Corinto 1:31.

Ang pagpapakumbaba ay tumutulong sa atin na kamtin ang patnubay ng Diyos. Si Jehova ay nagsugo ng isang anghel kay Daniel na taglay ang isang pangitain sapagkat ang propetang iyan ay nagpakumbaba sa harap ng Diyos nang humihingi ng patnubay at unawa. (Daniel 10:12) Nang mga sandaling pangungunahan na ni Ezra ang bayan ni Jehova upang makalabas sa Babilonya taglay ang maraming ginto at pilak para pagandahin ang templo sa Jerusalem, siya’y nagpahayag ng isang pag-aayuno upang kanilang maipakitang sila’y mapagpakumbaba sa harap ng Diyos. Ang resulta? Sila’y iniligtas ni Jehova sa pagsalakay ng kaaway sa panahon ng mapanganib na paglalakbay. (Ezra 8:1-14, 21-32) Tulad ni Daniel at ni Ezra, tayo’y magpakita ng pagpapakumbaba at hilingin ang patnubay ni Jehova sa halip na pagsikapang ganapin ang bigay-Diyos na mga tungkulin sa tulong ng ating sariling karunungan at lakas.

Kung tayo’y mapagpakumbaba, igagalang natin ang iba. Halimbawa, ang mga batang mapagpakumbaba ay gumagalang at sumusunod sa kanilang mga magulang. Ang mapagpakumbabang mga Kristiyano ay gumagalang din sa kanilang kapuwa kapananampalataya sa ibang bansa, lahi, at angkan, sapagkat nang dahil sa pagpapakumbaba tayo ay nagiging makatarungan.​—Gawa 10:34, 35; 17:26.

Ang pagpapakumbaba ay nagpapaunlad ng pag-iibigan at kapayapaan. Ang isang taong mapagpakumbaba ay hindi nakikipaglaban sa mga kapananampalataya upang maipilit ang kaniyang ipinalalagay na mga karapatan. Ang tanging ginawa ni Pablo ay mga bagay na nagpapatibay at hindi makababagabag sa budhi ng isang kapatid. (Roma 14:19-21; 1 Corinto 8:9-13; 10:23-33) Ang pagpapakumbaba ay tumutulong din sa atin na paunlarin ang pag-iibigan at kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatawad sa iba sa kanilang pagkakasala laban sa atin. (Mateo 6:12-15; 18:21, 22) Ito ang nagtutulak sa atin na lumapit sa isang taong nagawan ng pagkakasala, aminin ang ating pagkakamali, at hilingin na tayo’y patawarin, at gawin ang magagawa natin upang maituwid ang anumang pagkakamali na maaaring nagawa natin. (Mateo 5:23, 24; Lucas 19:8) Kung isang pinagkasalahan natin ang lumapit sa atin, ang pagpapakumbaba ang mag-uudyok sa atin na payapang lutasin ang suliranin taglay ang espiritu ng pag-iibigan.​—Mateo 18:15; Lucas 17:3.

Ang kaligtasan ay depende sa pagpapakita ng pagpapakumbaba. Halimbawa, tungkol sa Diyos ay sinasabi: “Ang bayang mapagpakumbaba ay iyong ililigtas; ngunit ang iyong mga mata ay laban sa mga mapagmataas, upang iyong ibaba sila.” (2 Samuel 22:28) Pagka ang Haring si Jesu-Kristo ay ‘sumakay na alang-alang sa katotohanan, pagpapakumbaba, at katuwiran,’ kaniyang ililigtas ang mga nagpapakumbaba sa harap niya at ng kaniyang Ama. (Awit 45:4) Yaong mga nagpapakita ng pagpapakumbaba ay maaaliw ng mga salitang: “Hanapin ninyo si Jehova, lahat kayong maaamo sa lupa, na sumunod sa Kaniyang sariling kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaipala malilingid kayo sa araw ng galit ni Jehova.”​—Zefanias 2:3.

Ang Pagpapakumbaba at ang Organisasyon ng Diyos

Ang pagpapakumbaba ay umaakay sa bayan ng Diyos na magpahalaga sa kaniyang organisasyon at manatili roon bilang mga tagapag-ingat ng katapatan. (Ihambing ang Juan 6:66-69.) Kung sakaling tayo’y hindi binigyan ng isang pribilehiyo sa paglilingkod na inaasahan nating tatanggapin natin, ang pagpapakumbaba ang tutulong sa atin upang makipagtulungan sa mga taong bumabalikat ng pananagutan sa loob ng kongregasyon. At ang ating mapagpakumbabang pakikipagtulungan ay nagsisilbing isang mabuting halimbawa.

Sa kabilang panig, ang pagpapakumbaba ang humahadlang sa atin sa pagpapakita ng kapalaluan may kaugnayan sa ating pribilehiyo ng paglilingkod sa gitna ng bayan ni Jehova. Tayo’y hinahadlangan nito na humanap ng kapurihan para sa gawain na binigyan tayo ng pribilehiyo na gawin sa organisasyon ng Diyos. Bukod diyan, kung tayo’y naglilingkod bilang matatanda, ang pagpapakumbaba ang tutulong sa atin na makitungo nang malumanay sa kawan ng Diyos.​—Gawa 20:28, 29; 1 Pedro 3:8.

Ang Pagpapakumbaba at ang Disiplina

Ang ibinihis natin na pagpapakumbaba ang tutulong sa atin na tumanggap ng disiplina. Ang mga taong mapagpakumbaba ay hindi katulad ni Haring Uzzias ng Juda, na ang puso’y naging totoong palalo kung kaya’t inagaw niya ang mga tungkulin ng isang saserdote. Siya’y ‘nagtaksil kay Jehova at naparoon sa templo upang magsunog ng kamangyan sa dambana ng kamangyan.’ Nang si Uzzias ay magalit sa mga saserdote dahilan sa pagtutuwid sa kaniya, siya’y dinapuan ng ketong. Anong laking halagang naibayad dahilan sa kawalan ng pagpapakumbaba! (2 Cronica 26:16-21; Kawikaan 16:18) Huwag kayong tutulad kailanman kay Uzzias at hahayaang ang pagmamataas ay humadlang sa inyo na tanggapin sa Diyos ang disiplina sa pamamagitan ng Kaniyang Salita at organisasyon.

Sa bagay na ito sinabi ni Pablo sa pinahirang mga Hebreong Kristiyano: “Tuluyang nakalimutan ninyo ang payo sa inyo bilang mga anak: ‘Anak ko, huwag hamakin ang disiplina buhat kay Jehova, ni manlupaypay man pagka ikaw ay itinutuwid niya; sapagkat ang iniibig ni Jehova ay kaniyang dinidisiplina; sa katunayan, kaniyang hinahampas ang bawat tinatanggap niya na isang anak.’ . . . Totoo, walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakapagpapaligaya, kundi nakapagpapalungkot; subalit pagkatapos, sa mga nasanay na ay namumunga iyon ng bungang mapayapa, samakatuwid nga, ang katuwiran.” (Hebreo 12:5-11) Alalahanin din na “ang mga saway ng disiplina ang daan ng buhay.”​—Kawikaan 6:23.

Manatiling Nabibihisan ng Pagpapakumbaba

Anong pagkahala-halaga nga na ang mga Kristiyano’y laging nakabihis ng pagpapakumbaba! Ito’y nag-uudyok sa atin na magtiyaga bilang mga tagapagbalita ng Kaharian, na mapagpakumbabang nagpapatotoo sa bahay-bahay sa paghahanap ng mga taong “wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan.” (Gawa 13:48; 20:20) Oo, ang pagpapakumbaba ay tumutulong sa atin na patuloy na sumunod sa Diyos sa lahat ng bagay, bagaman ang palalong mananalansang ay napopoot sa ating matuwid na landasin.​—Awit 34:21.

Dahilan sa ang pagpapakumbaba ay nag-uudyok sa atin na ‘tumiwala kay Jehova nang buong puso natin,’ kaniyang itinutuwid ang ating mga landas. (Kawikaan 3:5, 6) Sa katunayan, tanging kung tayo’y nakabihis ng magandang katangiang ito tunay na makalalakad tayo na kaalinsabay ng Diyos at magtatamasa ng kaniyang pagsang-ayon at pagpapala. Gaya ng isinulat ng alagad na si Santiago: “Magpakumbaba kayo sa paningin ni Jehova, at kaniyang itataas kayo.” (Santiago 4:10) Kung gayon, tayo’y magbihis ng pagpapakumbaba, ang magandang kasuotang iyan na ang Diyos na Jehova ang may gawa.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share