Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 8/1 p. 14-19
  • “Isakbat ang mga Sandata ng Kaliwanagan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Isakbat ang mga Sandata ng Kaliwanagan”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pananalansang Buhat sa mga Autoridad sa Relihiyon
  • Pag-iimbot at Kapalaluan
  • ‘Tinawag Mula sa Kadiliman’
  • ‘Walang Kadiliman sa Diyos’
  • Ang Bagong Pagkatao
  • “Sa Iyong Liwanag Makakakita Kami ng Liwanag”
  • Pumapawi ng Kadiliman ang Liwanag Mula sa Diyos!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • “Ang Ilaw ay Naparito sa Sanlibutan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Sundin ang Liwanag ng Sanlibutan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Sino ang mga Sumusunod sa Liwanag ng Sanlibutan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 8/1 p. 14-19

“Isakbat ang mga Sandata ng Kaliwanagan”

“Ang gabi ay totoong malalim; ang araw ay malapit na. Iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan.”​—ROMA 13:12.

1, 2. Papaanong ang karamihan ng mga Judio noong unang siglo ay tumugon sa “tunay na liwanag,” at ito’y sa kabila ng anong mga bentaha?

SI Jesu-Kristo “ang tunay na ilaw na nagbibigay ng liwanag sa bawat uri ng tao.” (Juan 1:9) Nang siya’y naparito bilang Mesiyas noong 29 C.E., siya’y naparito sa isang bansa na pinili ng Diyos na maging Kaniyang mga saksi at sa gayong kalagayan, sila’y naturingang nag-alay kay Jehova. (Isaias 43:10) Marami sa mga Israelita ang naghihintay sa Mesiyas, at marami ang nakaaalam ng ilan sa mga hula na pagkakakilanlan sa kaniya. Isa pa, si Jesus ay nangaral sa lahat ng panig ng Palestina, na gumagawa ng mga himala samantalang lubusang nagmamasid ang karamihan. Ang lubhang karamihan ay nagtipon upang makapakinig sa kaniya at sila’y humanga sa kanilang nakita at narinig.​—Mateo 4:23-25; 7:28, 29; 9:32-36; Juan 7:31.

2 Subalit, sa bandang huli, karamihan ng mga Judio ay tumanggi kay Jesus. Sinasabi ng Ebanghelyo ni Juan: “Siya’y naparito sa sariling kaniya, ngunit hindi siya tinanggap ng mga sariling kaniya.” (Juan 1:11) Bakit nga ganito? Ang sagot sa tanong na iyan ay tutulong sa atin na huwag na muling maulit ang kanilang pagkakamali. Ito’y tutulong sa atin na ‘iwaksi ang mga gawa ng kadiliman at . . . isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan,” sa gayo’y iniiwasan ang isang di-mabuting hatol na gaya ng tinamo ng Israel noong unang siglo.​—Roma 13:12; Lucas 19:43, 44.

Pananalansang Buhat sa mga Autoridad sa Relihiyon

3. Papaanong ang mga Judiong lider ng relihiyon ay nagpatunay na “mga bulag na tagaakay”?

3 Sa Israel ang mga lider ng relihiyon ang pangunahing tumanggi sa ilaw. Sa kabila ng pagiging mga guro na “may kaalaman sa Kautusan,” kanilang ipinapasan sa mga tao ang isang legalistikong sistema ng mga alituntunin na kadalasa’y salungat sa Kautusan ng Diyos. (Lucas 11:45, 46) Sa gayon, kanilang ‘niwalang-kabuluhan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng sali’t saling-sabi na kanilang itinuro.’ (Marcos 7:13; Mateo 23:16, 23, 24) Sila’y “mga bulag na tagaakay,” na humahadlang sa sumisikat na liwanag.​—Mateo 15:14.

4, 5. (a) Papaano kumilos ang mga Fariseo nang marami sa mga Judio ang magtanong kung si Jesus nga ang Mesiyas? (b) Anong masamang saloobin ng puso ng mga Fariseo ang nahayag?

4 Minsan nang maraming Israelita ang nag-iisip kung baka si Jesus nga ang Kristo, ang nababahalang mga Fariseo ay nagsugo ng mga opisyal upang arestuhin siya. Ang mga opisyal ay nagsibalik nang walang dala, na ang sabi: “Kailanma’y wala pang taong nagsasalita nang gayon.” Di man lamang naantig ang damdamin, ang mga Fariseo ay nagtanong sa mga opisyal: “Kayo man ba ay nangailigaw rin? Sumampalataya ba sa kaniya ang sinuman sa mga pinunò o sinuman sa mga Fariseo? Datapuwat ang karamihang ito na hindi nakaaalam ng Kautusan ay mga isinumpa.” Si Nicodemo, isang miyembro ng Sanedrin, ay tumutol na aniya’y di-ayon sa batas na hatulan ang isang tao nang hindi pa siya napakikinggan. May pagkainis na bumaling sa kaniya ang mga Fariseo na ang sabi: “Ikaw ba’y taga-Galilea rin? Siyasatin mo, at tingnan mo na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.”​—Juan 7:46-52.

5 Bakit ang mga lider ng relihiyon sa isang bansang nag-alay sa Diyos ay kumilos nang gayon? Sapagkat sila’y tinubuan ng isang masamang kalagayan ng puso. (Mateo 12:34) Ang kanilang hamak na pagkakilala sa mga karaniwang tao ang nagbunyag ng kanilang pagmamataas. Ang kanilang pagkabanggit na ‘walang sinuman sa mga pinunò o sinuman sa mga Fariseo ang sumampalataya sa kaniya’ ay mapagmataas na pagsasabing ang Mesiyas ay tunay tangi lamang kung kanilang sinang-ayunan ito. Isa pa, sila’y mga sinungaling, na nagsisikap siraan si Jesus dahilan sa siya’y nanggaling sa Galilea, gayong ang isang payak na pagsusuri ay maaaring nagsiwalat sana na siya’y aktuwal na isinilang sa Bethlehem, ang inihulang dakong sisilangan ng Mesiyas.​—Mikas 5:2; Mateo 2:1.

6, 7. (a) Ano ang ikinilos ng mga lider ng relihiyon sa pagkabuhay-muli ni Lasaro? (b) Ano ang sinabi ni Jesus upang ibunyag ang pag-ibig sa kadiliman ng mga lider ng relihiyon?

6 Ang di-natitinag na pagsalansang sa liwanag ng mga lider na ito ng relihiyon ay kapani-paniwalang ipinakita nang buhaying-muli ni Jesus si Lasaro. Sa isang taong may takot sa Diyos, ang gayon ay patotoo nga na si Jesus ay itinataguyod ni Jehova. Gayunman, ang mga lider ng relihiyon ay walang ibang nakikita kundi isang posibleng banta sa kanilang katayuan na may mataas na pribilehiyo. Sinabi nila: “Ano kaya ang kailangang gawin natin, sapagkat ang taong ito ay gumagawa ng maraming tanda? Kung siya’y ating pababayaang gayon, ang lahat ng mga tao ay sasampalataya sa kaniya, at paparito ang mga Romano at kukunin kapuwa ang ating dako at ang ating bansa.” (Juan 11:44, 47, 48) Kaya’t sila’y nagsanggunian kung papaano papatayin kapuwa si Jesus at si Lasaro, marahil umaasang sa ganitong paraan ay mapapatay nila ang ilaw.​—Juan 11:53, 54; 12:9, 10.

7 Sa gayon, ang mga lider na iyon ng relihiyon ng bansa ng Diyos ay napalayo sa liwanag dahil sa pagmamataas, kapalaluan, mapandayang kaisipan, at isang nangingibabaw na interes-sa-sarili. Sa bandang dulo ng kaniyang ministeryo, ibinunyag ni Jesus ang kanilang pagkakasala, na nagsasabi: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mapagpaimbabaw! sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao; sapagkat kayo’y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok naman ay ayaw ninyong bayaang makapasok.”​—Mateo 23:13.

Pag-iimbot at Kapalaluan

8. Anong mga pangyayari sa Nasaret ang nagbunyag ng masamang kalagayan ng puso ng mga ibang tao roon?

8 Sa pangkalahatan, ang mga mamamayang Judio noong unang siglo ay salamin ng kanilang mga lider ng relihiyon sa pagtanggi sa liwanag dahilan sa masamang saloobin ng puso. Halimbawa, minsan si Jesus ay naanyayahan na magsalita sa isang sinagoga sa Nasaret. Kaniyang binasa at ipinaliwanag ang isang talata buhat sa Isaias, at sa pasimula, ang kongregasyon ay nakinig sa kaniya. Subalit nang siya’y magharap ng makasaysayang mga paghahambing na nagbunyag ng kanilang pag-iimbot at kawalan ng pananampalataya, sila’y nangagalit at nagsikap na patayin siya. (Lucas 4:16-30) Ang kapalaluan, bukod sa iba pang masasamang asal, ang humadlang sa kanila sa wastong pagtugon sa liwanag.

9. Papaano nabunyag ang maling mga motibo ng isang malaking grupo ng mga taga-Galilea?

9 Sa isa pang pagkakataon, makahimalang pinakain ni Jesus ang isang malaking pulutong sa tabi ng Dagat ng Galilea. Ang mga saksi ng himalang ito ay nagsabi: “Tiyak na ito ang propeta na darating sa sanlibutan.” (Juan 6:10-14) Nang si Jesus ay pumaroon sa isa pang lugar sakay ng bangka, ang karamihan ay sumunod sa kaniya. Gayunman, batid ni Jesus na ang motibo ng marami ay hindi ang pag-ibig sa liwanag. Kaniyang sinabi sa kanila: “Ako’y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo’y nagsikain ng tinapay at kayo’y nangabusog.” (Juan 6:26) Hindi nagtagal at napatunayang tama ang kaniyang sinabi nang marami sa sumusunod sa kaniya ang nangagbalik sa sanlibutan. (Juan 6:66) Isang mapag-imbot na, “ano ang mapapakinabang ko riyan?” na saloobin ang humadlang sa liwanag.

10. Papaano naapektuhan ng liwanag ang karamihan ng mga Gentil?

10 Pagkamatay at pagkabuhay-muli ni Jesus, ang sumasampalatayang mga Judio ay nagpatuloy ng pagdadala ng liwanag sa iba pang mga Judio, ngunit kakaunti ang tumugon. Sa gayon, si apostol Pablo at ang iba pa na nagsilbing “liwanag sa mga bansa,” ang nagdala ng mabuting balita sa ibang lupain. (Gawa 13:44-47) Maraming mga di-Judio ang nagsitugon, subalit ang pangkalahatang reaksiyon ay naging gaya ng iniulat ni Pablo: “Aming ipinangaral si Kristo na ibinayubay, . . . [isang mensahe na] sa mga bansa ay kamangmangan.” (1 Corinto 1:22, 23) Karamihan ng mga di-Judio ay tumanggi sa liwanag sapagkat sila’y binulag ng paganong mga pamahiin o ng makasanlibutang mga pilosopya.​—Gawa 14:8-13; 17:32; 19:23-28.

‘Tinawag Mula sa Kadiliman’

11, 12. Sino ang tumugon sa liwanag noong unang siglo, at sino ang tumutugon sa ngayon?

11 Noong unang siglo, sa kabila ng di-pagtugon ng karamihan, maraming mga matuwid-ang-puso ang ‘tinawag mula sa kadiliman tungo sa kagila-gilalas na liwanag ng Diyos.’ (1 Pedro 2:9) Tungkol sa mga ito si apostol Juan ay sumulat: “Ang lahat ng nagsitanggap [kay Kristo], ay pinagkalooban niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos, sapagkat sila’y nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan.” (Juan 1:12) Pasimula noong Pentecostes 33 C. E., ang mga mangingibig na ito sa liwanag ay nangabautismuhan ng banal na espiritu at naging mga anak ng Diyos na may pag-asang magharing kasama ni Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian.

12 Sa ating kaarawan ang mga kabilang sa huling bahagi ng pinahirang mga anak na iyon ng Diyos ay natipon na, at sa pagtupad ng hula ni Daniel, sila’y “sumisikat na gaya ng kaningningan ng langit . . . , na ibinabalik ang marami sa katuwiran.” (Daniel 12:3) Kanilang lubusang pinasikat ang kanilang liwanag kung kaya’t mahigit na apat na milyong “ibang tupa” ang naakit sa katotohanan at nagtatamasa ng isang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos. (Juan 10:16) Ang mga ito, sa kabilang dako, ay nagpapasikat ng liwanag sa buong daigdig, kung kaya ngayon ang liwanag na iyan ay buong ningning na sumisikat higit kailanman. Sa ating kaarawan, tulad din noong unang siglo, “hindi nadaig ng kadiliman [ang liwanag].”​—Juan 1:5.

‘Walang Kadiliman sa Diyos’

13. Anong babala ang ibinigay ni apostol Juan sa atin?

13 Gayunman, huwag nating kalilimutan ang babala ni apostol Juan: “Ang Diyos ay liwanag at sa kaniya’y walang anumang kadiliman. Kung sinasabi natin: ‘Tayo’y may pakikiisa sa kaniya,’ subalit patuloy na lumalakad tayo sa kadiliman, tayo’y nagsisinungaling at hindi nagsisigawa ng katotohanan.” (1 Juan 1:5, 6) Maliwanag, posible para sa mga Kristiyano na mahulog sa gayunding patibong gaya ng mga Judio at, samantalang naturingang mga sumasaksi sa Diyos, sila’y magbunga ng mga gawa ng kadiliman.

14, 15. Anong mga gawa ng kadiliman ang nahayag sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo, at ano ang ating natututuhan dito?

14 Oo, ito’y nangyari noong unang siglo. Mababasa natin ang tungkol sa malulubhang pagkakabaha-bahagi sa Corinto. (1 Corinto 1:10-17) Kinailangan ni apostol Juan na magbigay ng babala sa pinahirang mga Kristiyano na huwag mapoot sa isa’t isa, at si Santiago ay nagpayo sa iba na huwag bigyan ng pabor ang mayayaman higit kaysa mahihirap. (Santiago 2:2-4; 1 Juan 2:9, 10; 3 Juan 11, 12) Bukod dito, nang siyasatin ni Jesus ang pitong kongregasyon sa Asia Minor, gaya ng nalalahad sa aklat ng Apocalipsis, kaniyang iniulat ang tungkol sa pagpasok ng mga gawa ng kadiliman, kasali na ang apostasya, idolatriya, imoralidad, at materyalismo. (Apocalipsis 2:4, 14, 15, 20-23; 3:1, 15-17) Noong mga unang araw na iyon ng kongregasyong Kristiyano, may mga nagsialis sa liwanag, ang iba’y itiniwalag at ang iba naman ay nagpaanod sa “kadiliman sa labas.”​—Mateo 25:30; Filipos 3:18; Hebreo 2:1; 2 Juan 8-11.

15 Lahat ng mga pag-uulat na ito mula noong unang siglo ay nagpapakita ng iba’t ibang paraan kung papaano ang kadiliman ng sanlibutan ni Satanas ay makasisingit sa kaisipan ng isahang mga Kristiyano o kahit na sa buong kongregasyon. Dapat tayong maging mapagbantay upang ang ganiyang bagay ay huwag mangyari kailanman sa atin. Papaano natin magagawa iyan?

Ang Bagong Pagkatao

16. Anong mainam na payo ang ibinigay ni Pablo sa mga taga-Efeso?

16 Ipinayo ni Pablo sa mga taga-Efeso na huwag nang padala sa “kadiliman ng pag-iisip, at hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos.” Upang huwag nang mapabalik pang muli sa kadilimang iyan, sila’y kailangang magpaunlad ng mga saloobin ng puso na ukol sa liwanag. Sinabi ni Pablo: “Inyong iwan ang dating pagkatao na naaayon sa inyong dating pag-uugali at patuloy na sumasamâ ayon sa kaniyang mapandayang mga pita; kundi . . . mangagbago kayo sa puwersang nagpapakilos sa inyong isip, at kayo’y magbihis ng bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.”​—Efeso 4:18, 22-24.

17. Papaano maiiwasan natin sa ngayon ang pagbabalik sa kadiliman?

17 Dito si Pablo’y nagpapayo, wika nga, ng madaliang operasyon​—ang pag-aalis ng sangkap na dati’y isang bahagi natin, ang ating matandang pagkatao, at hayaang umunlad ang isang buong bagong espiritu na ‘magpapakilos sa ating isip.’ At siya’y nakikipag-usap hindi sa mga bagong interesado kundi sa bautismadong mga Kristiyano. Ang pagbabago ng ating pagkatao ay hindi humihinto sa bautismo. Ito ay isang patuloy na pag-unlad. Kung tayo’y hihinto ng pagpapaunlad ng bagong pagkatao, ang dating pagkatao ay malamang na sumaibabaw-muli, taglay ang kaniyang kapalaluan, pagmamataas, at kaimbutan. (Genesis 8:21; Roma 7:21-25) Ito’y maaaring humantong sa pagbabalik sa mga gawa ng kadiliman.

“Sa Iyong Liwanag Makakakita Kami ng Liwanag”

18, 19. Ano ang sinabi ni Jesus at ni Pablo tungkol sa paraan ng pagkakilala sa “mga anak ng liwanag”?

18 Alalahanin na ang ating pagtatamo ng buhay na walang-hanggan ay depende sa ating pagtanggap ng mabuting hatol buhat sa Diyos, na ang hatol na ito ay batay sa kung gaano iniibig natin ang liwanag. Pagkatapos ipahiwatig ang huling bahaging ito, sinabi ni Jesus: “Siyang namimihasa ng paggawa ng masama ay napopoot sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa. Ngunit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa liwanag, upang mahayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa na kaayon ng sa Diyos.”​—Juan 3:19-21.

19 Sinuportahan ni Pablo ang ganitong kaisipan nang siya’y sumulat sa mga taga-Efeso: “Patuloy na magsilakad kayong gaya ng mga anak ng liwanag, sapagkat ang bunga ng liwanag ay binubuo ng bawat uri ng kabutihan at ng katuwiran at ng katotohanan.” (Efeso 5:8, 9) Kaya ang ating mga gawa ang nagpapakita kung tayo ay mga anak ng liwanag o ng kadiliman. Subalit ang matuwid na mga gawa ay maaaring manggaling lamang sa isang mabuting puso. Kaya kailangang bantayan natin ang ating puso, maging palaisip sa pangangailangan na patuloy na baguhin ang ating pagkatao, pakaingat tungkol sa espiritung nagpapakilos sa ating isip.​—Kawikaan 4:23.

20, 21. (a) Anong natatanging hamon ang nakaharap sa mga anak na isinilang sa mga pamilyang Kristiyano? (b) Anong hamon ang nakaharap sa lahat ng mga anak ng mga magulang na Kristiyano?

20 Sa ilang kaso, ito’y naging isang natatanging hamon sa mga anak ng nag-alay na mga Saksi ni Jehova. Bakit? Bueno, sa isang banda, ang gayong mga anak ay nagtatamasa ng kahanga-hangang pagpapala. Ang pagkaalam sa katotohanan sapol sa maagang kamusmusan ay nangangahulugan, sa katunayan, na ang isang tao ay hindi nangangailangang makaranas muna ng pagiging nasa kadiliman ng sanlibutan ni Satanas. (2 Timoteo 3:14, 15) Sa kabilang banda, may mga anak na nasa ganitong katayuan na ipinagwawalang-bahala ang katotohanan at hindi natututo kailanman na talagang umibig sa liwanag. Ganito ang katayuan ng karamihan sa mga Judio noong unang siglo. Sila’y nagsilaki sa isang bansang nag-alay kay Jehova, at sila’y may kaalaman sa katotohanan sa papaano man. Subalit iyon ay wala sa kanilang puso.​—Mateo 15:8, 9.

21 Ang mga magulang na Kristiyano ay may pananagutan sa Diyos na palakihin sa liwanag ang kanilang mga anak. (Deuteronomio 6:4-9; Efeso 6:4) Bagaman gayon, sa wakas ang anak mismo ang kinakailangang umibig sa liwanag higit kaysa kadiliman. Ang liwanag ng katotohanan ay kailangang gawin niyang bahagi ng kaniyang sarili. Habang siya’y lumalaki, ang ilang bahagi ng sanlibutan ni Satanas ay baka waring kaakit-akit. Ang walang-iniintindi o iresponsableng istilo ng pamumuhay ng kaniyang mga kasamahan ay baka waring totoong nakatutuwa. Ang pag-aalinlangan sa pananampalataya na itinuturo sa mga paaralan ay waring kaakit-akit. Subalit hindi niya dapat kalimutan na sa labas ng liwanag, ‘kadiliman ang tumatakip sa lupa.’ (Isaias 60:2) Sa tinagal-tagal, ang nasa karimlang sanlibutang ito ay walang anumang mabuting maihahandog.​—1 Juan 2:15-17.

22. Papaano ngayon pinagpapala ni Jehova ang mga pumupunta sa liwanag, at papaano niya pagpapalain sila sa hinaharap?

22 Si Haring David ay sumulat: “Nasa iyo [Jehova] ang bukal ng buhay; sa iyong liwanag makakakita kami ng liwanag. Ipagpatuloy mo ang iyong kagandahang-loob sa mga kumikilala sa iyo.” (Awit 36:9, 10) Yaong mga umiibig sa liwanag ay nakakikilala kay Jehova, at ito’y maaaring mangahulugan ng buhay para sa kanila. (Juan 17:3) Sa kaniyang kagandahang-loob, sila’y inaalalayan ni Jehova ngayon, pagka nagsimula na ang malaking kapighatian, kaniyang itatawid sila tungo sa isang bagong sanlibutan. Ito’y maaaring maging karanasan natin kung ngayon ay iiwasan na natin ang kadiliman ng sanlibutan ni Satanas. Sa bagong sanlibutan, ang sangkatauhan ay ibabalik sa sakdal na buhay sa Paraiso. (Apocalipsis 21:3-5) Yaong mga tatanggap ng mabuting hatol sa panahong iyon ay magkakaroon ng pag-asang magpainit sa liwanag ni Jehova sa lahat ng panahong darating. Anong ningning na pag-asa! At anong tinding panghihikayat ngayon na “iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman at . . . ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan”!​—Roma 13:12.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Bakit karamihan ng mga Judio noong kaarawan ni Jesus ay tumanggi sa liwanag?

◻ Gaano kalawak ang pagsikat ng liwanag sa modernong panahon?

◻ Anong mga babala tungkol sa pag-iimbot at kapalaluan ang ibinibigay ng mga halimbawa noong unang siglo?

◻ Ano ang kailangan upang tayo’y makapanatili sa liwanag?

◻ Anong mga pagpapala ang nakalaan sa mga umiibig sa liwanag?

[Larawan sa pahina 14]

Ang karamihan ng mga Judio noong kaarawan ni Jesus ay hindi tumugon sa liwanag

[Mga larawan sa pahina 17]

Sa lumipas na mga dekada sari-saring paraan ang ginamit upang pasikatin ang liwanag sa paggawa ng mga alagad

[Larawan sa pahina 18]

“Inyong iwan ang dating pagkatao . . . at kayo’y magbihis ng bagong pagkatao”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share