Ang Kalusugan at Kaligayahan—Maaari Mo Bang Makamit?
HABANG may di-sakdal na mga lalaki at mga babae, sila’y nagnanasa ng kalusugan at kaligayahan. Bagaman ito ang tiyak na dalawa sa pinakamahalaga sa mga hangarin ng tao, ito ay napatunayang mailap.
Ang mga tao ay gumugol ng malaking pag-iisip, at naghandog ng maraming payo, sa paghahanap na ito. Ganito ang puna ni Dr. Dennis Jaffe: “Sa ngayon, ang pinaka-susi sa walang-katapusang kalusugan at paggaling ay malimit na nakasalalay sa ating sariling paggawi.” Si Abraham Lincoln ay nagkomento minsan: “Ang mga tao ay halos kasinligaya ng kanilang iniisip.” Sang-ayon ka ba? Gaano ba katindi ang paghahangad mo ng kaligayahan? Gaano sa pagkakamit nito ang depende sa pagkakaroon ng mabuting kalusugan?
Ang mga tao’y nagmasid sa lahat ng dako para makamit ang kaligayahan, sumusunod sa waring wala nang katapusang mga palatandaan. Kanilang sinuri ang pilosopya, sikolohiya, at metapisika. Sa kanilang paghahanap ng kaligayahan, ang iba ay nanggalugad sa siyensiya, sa sining, at sa musika. Gayunman kakaunti ang hindi sasang-ayon na ang isang malaking bahagi ng tunay na kaligayahan ay kaugnay ng pagkakaroon ng mabuting kalusugan. “Kung ikaw ay malusog, halos taglay mo na ang lahat,” ang sabi ng isang popular na anunsiyo sa telebisyon.
Sa pagtataguyod sa ganitong paraan, maraming tao ang nagsuri ng sari-saring mga teorya sa kalusugan, kapuwa ang karaniwan at ang di-karaniwan. Halos bawat pampublikong aklatan ay nagpapakita ng walang-katapusang posibilidad na may kaugnayan sa pagkain at uri ng panggagamot. “Maraming aklat ang naisulat tungkol sa kalusugan, pasimula sa sinaunang panahon,” ang komento ng kilalang espesyalista sa puso na si Dr. Paul Dudley White. “Isa sa pinakamagaling ay ang Regiment of Helthe na isinulat mga sanlibong taon na ngayon ang lumipas.”
Sa kabila ng lahat ng ito, ang paghanap ng kalusugan at kaligayahan ay naging isang kabiguan para sa karamihan ng tao. Ito ba’y pinagtatakhan mo, kung isasaalang-alang ang pagkamasulong ng ating kabihasnan gaya ng palagay? Maliwanag, hindi naalis ng siyensiya ang sakit, pagtanda, at kamatayan.
Ngunit pagtatakhan mo rin kaya na malaman na tayo ay wala pa ring paraan ng pagsukat sa kaligayahan at walang mabuting pakahulugan ng kung ano ito? Sa isang panayam na kung saan isinaalang-alang ang “Pagbubulay-bulay Tungkol sa Kaligayahan,” si Pierre Teilhard de Chardin ay may ganitong konklusyon: “Sa loob ng daan-daang taon ito ang naging paksa ng walang-katapusang mga aklat, pagsusuri, indibiduwal at pangmaramihang mga eksperimento, na sunud-sunod; at, nakalulungkot sabihin, lubos na kabiguan ang pagsisikap na magkasundu-sundo. Para sa marami sa atin, bilang resulta, ang tanging praktikal na konklusyon na magagawa buhat sa buong talakayan ay na walang kabuluhan na magpatuloy ng paghahanap.”
Ganiyan ba ang nadarama mo tungkol sa kaligayahan? Tanungin mo ang iyong sarili ng ilang personal ngunit tapatang mga katanungan. Ikaw ba ay talagang naliligayahan ngayon? O ang tunay na kaligayahan ay sa langit lamang masusumpungan? Mayroon bang anumang tiyak na pag-asang tayo’y maaaring magkamit ng kalusugan at kaligayahan, at magkaroon nito dito mismo sa lupa?