‘Paghahasik na may Luha at Pag-aani na may Kagalakan’
Inilahad ni Miyo Idei
“Mamamatay ako! Mamamatay ako! Tulungan ninyo ako!” Ang aking ama ay nagkakandahirap noon sa pagsigaw. Ang kaniyang tinig ang nangingibabaw samantalang ako’y nagmamadali nang pagtakbo palabas sa bahay. Noon ay hatinggabi, at ang aking ama ay inaatake sa puso, nagtatakbo ako sa aking tiyuhin, na doon nakatira sa karatig, ngunit nang kami’y bumalik, wala nang pulso si Itay.
NAGANAP iyan noong Disyembre 14, 1918. Sa edad na 13, ako’y ulilang lubos. Ang aking ina ay namatay nang ako’y pitong taóng gulang. Sa pagkawala ng aking mga magulang nang ganoong kaaga sa aking buhay, naisip ko, ‘Bakit nga ba namamatay ang mga tao? Ano ang nangyayari pagkamatay?’
Pagkatapos ko ng pag-aaral sa isang paaralan para sa mga guro, ako’y naging isang guro sa Tokyo at nagturo sa Shinagawa Elementary School. Nang maglaon, isang kakilala ko ang nagpakilala sa akin sa isang binata, si Motohiro, na naging asawa ko nang ako’y edad 22. Sa nakaraang 64 na taon, kami’y nagkasalo sa matatamis at mapapait na mga karanasan sa buhay. Hindi nagluwat at kami’y lumipat sa Taiwan, na noon ay nasa ilalim ng pamamahalang Hapones. Nang panahong iyon hindi ko naisip na ako’y makasusumpong ng dahilan ng kagalakan sa bansang iyan.
Pagkatuto ng Katotohanan
Noong tagsibol ng 1932, nang kami’y nakatira sa labas ng kabayanan ng Chiai sa central Taiwan, isang lalaking nagngangalang Saburo Ochiai ang dumalaw sa amin. Kaniyang itinawag-pansin sa amin ang mga hula sa Bibliya kasali na ang pangako tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay. (Juan 5:28, 29) Anong kagila-gilalas na pag-asa! Ganiyan na lamang ang pagnanasa kong muling makita ang aking ina at ama. Taglay ang makatuwirang mga argumento, rasonableng mga paliwanag, at matibay na patotoo ng Bibliya, ang kaniyang mga salita ay waring may katotohanan nga. Mabilis ang takbo ng oras habang aming ginugugol ang buong maghapon sa pag-uusap tungkol sa Bibliya. Ang Bibliya ay biglang naging isang kaakit-akit na aklat sa akin.
Hindi nagtagal at umalis si Mr. Ochiai para tumungo sa ibang lugar, anupa’t iniwanan kami ng mga aklat na gaya ng Creation, Harp of God, Government, Prophecy, Light, at Reconciliation, pawang lathala ng Watch Tower Bible and Tract Society. Ako’y bigay na bigay sa pagbabasa ng mga yaon, at habang ginagawa ko iyon, aking nadama ang naisin na sabihin sa iba ang aking nababasa. Kung si Jesus ay nagsimula ng kaniyang ministeryo sa kaniyang sariling bayan ng Nasaret, bakit hindi ako magsisimula sa lugar na aking tinitirhan? Ako’y dumalaw sa aking pinakamalapit na kapitbahay. Walang sinumang nagturo sa akin kung papaano mangangaral, kaya ako’y nagbahay-bahay dala ang aking Bibliya at ang mga aklat na aking nabasa, anupa’t ginawa ko ang pinakamagaling na magagawa ko sa pangangaral. Ang mga tao ay tumugon naman nang may kabutihan at tumanggap ng mga magasin. Hiniling ko sa Todaisha, gaya ng tawag sa Watch Tower Society noon sa Hapón, na padalhan ako ng 150 kopya ng pulyetong pinamagatang The Kingdom, the Hope of the World, at aking ipinamahagi ang mga ito.
Isang araw isang tao na tumanggap ng literatura ang nagsabi sa akin na dumating daw ang pulisya pagkatapos na ako’y lumisan at kinumpiska ang mga aklat. Hindi nagtagal pagkatapos nito, apat na tiktik ang dumating sa aking bahay at kinumpiska ang lahat ng aking mga aklat at mga magasin. Bibliya lamang ang kanilang iniwan. May limang taon, na wala akong nakilalang lingkod ni Jehova, subalit ang silakbo ng katotohanan ay patuloy na nagningas sa aking puso.
At dumating ang Disyembre 1937! Dalawang colporteur buhat sa Hapón ang dumalaw sa amin. Ako’y takang-taka, kaya itinanong ko: “Papaano mo nalaman ang tungkol sa amin?” Sabi nila: “Narito sa amin ang pangalan mo.” Kami’y naalaala ni Jehova! Ang dalawang Saksi, si Yoriichi Oe at si Yoshiuchi Kosaka, ay namisikleta nang mga 240 kilometro mula sa Taipei hanggang Chiai sakay ng mga lumang bisikleta, samantalang dala nila sa kanilang likuran ang kanilang mga gamit. Samantalang sila’y nakikipag-usap sa amin, ang naramdaman ko’y katulad ng bating na Etiope na nagsabi: “Ano ba ang humahadlang sa akin sa pagpapabautismo?” (Gawa 8:36) Nang gabing sila’y dumating, kami ng aking asawa ay nagpabautismo.
Pag-aasikaso sa Nakabilanggong mga Kapatid
Noong 1939 inaresto nang di-inaasahan ang mga Saksi ni Jehova sa buong Hapón. Hindi nagtagal at ang daluyong ng pag-uusig ay nakarating sa Taiwan. Noong Abril kapuwa si Brother Oe at Kosaka ay inaresto. Makalipas ang dalawang buwan kami rin ay inaresto. Yamang ako’y isang guro, ako’y pinalaya kinabukasan, ngunit ang aking asawa ay ikinulong nang may apat na buwan. Pagkalaya ng aking asawa, kami’y lumipat sa Taipei. Yamang ngayon kami ay mas malapit sa bilangguan na kinabibilangguan ng dalawang kapatid, ito’y nagsilbing isang mabuting kaayusan.
Ang Taipei Prison ay isang bilangguan na may mahigpit na seguridad. Dala ko ang mga damit at pagkain, naparoon ako upang makipagkita sa mga kapatid. Una, si Brother Kosaka ang dumating na may kasamang isang guwardiya at isang tiktik sa likod ng 30 sentimetrong bintana na kinabitan ng lambat-lambat na alambre. Siya’y maputla at ang kaniyang mga labi ay simpula ng sariwang mga strawberry. Siya’y nagkasakit ng tuberkulosis.
Pagkaraan ay lumabas si Brother Oe na nakangiti pa, at masayang inulit-ulit: “Mabuti at kayo’y nakarating.” Palibhasa’y naninilaw at namamaga ang kaniyang mukha, kinumusta ko ang kaniyang kalusugan. “Mabuti naman!” ang tugon niya. “Ito ay isang napakabuting lugar. Walang mga surot o pulgas. Nakakakain ako rito ng buckwheat noodles. Ang lugar na ito ay mistulang isang hacienda,” aniya. Ang pulis at ang guwardiya ay hindi makapigil nang pagtatawa at ang sabi: “Oh, hindi patatalo sa atin ang Oe na ito.”
Muling Ibinilanggo
Mga hatinggabi noong Nobyembre 30, 1941, mga ilang araw pagkatapos na ako’y makauwi buhat sa pagdalaw sa mga kapatid, may kumalampag sa pinto. Nakita ko ang tulad-bundok na mga anino ng mga sumbrero sa naibubukas at naisasarang pintuang salamin. Ang bilang ko ay walo ang mga iyon. Sila’y mga pulis. Sila’y sapilitang pumasok sa aming bahay at itinaob ang lahat ng kanilang makita sa loob ng bahay—ngunit lahat ay nawalang-kabuluhan. Pagkatapos nang isang oras na paghahalughog sa lugar na iyon, kanilang kinumpiska ang ilang album ng litrato at sinabihan kami na sumama sa kanila. Naalaala ko na si Jesus ay inaresto sa kalaliman ng gabi. (Mateo 26:31, 55-57; Juan 18:3-12) Natawa pa ako nang mapag-isip ko ang walong lalaki na nag-aaksaya pa ng panahon sa mga bagay na wala namang kabuluhan tungkol sa aming dalawa.
Kami’y dinala sa isang gusaling di ko kabisado na malaki at madilim. Nang bandang huli ay nadiskubre namin na iyon pala ang Taipei Hichisei Prison. Kami’y nakaupo sa harap ng isang malaking desk, at nagsimula ang pagtatanong. Ulit at ulit na sila’y nagtanong: “Sino ang inyong nakikilala?” At bawat isa sa amin ay tumugon: “Wala akong nakikilalang sinuman.” Papaano namin makikilala ang mga nasa mainland sa Hapón? Ang tanging nakikilala namin ay sina Brother Oe at Kosaka, at hindi na namin binanggit pa ang ibang pangalan na aming nakilala nang di-tuwiran.
Hindi nagtagal at sumapit ang alas singko ng umaga, at dalawang tiktik ang nagdala sa akin sa aking selda. Mga ilang panahon din bago ako nahirati sa bagong kapaligiran. Sa unang pagkakataon sa aking buhay, ako’y nakaengkuwentro ng mga surot. Ang munting mga insektong ito, na desididong manginain sa mga baguhan, ay walang puknat na gumambala sa akin, gayong pinabayaan naman ang dalawa pang babae sa selda—bagaman tiniris ko nang tiniris ang makita ko. Sa wakas ay sumuko ako at hinayaan nang kagatin nila ako.
Ang aming pagkain ay isang tasa ng hilaw na nilugaw, ngunit sa aking panlasa iyon ay parang bigas pa. Ang pinaka-ulam ng nilugaw ay kaunting inasnang dahon ng labanos na galing sa Hapón at may buhangin pa. Sa simula, dahilan sa ang pagkain ay may masamang amoy at marumi, ayaw tanggapin iyon ng aking sikmura, at ang ibang preso ay nagsirating at kinain iyon. Mangyari pa, ako’y unti-unting nakibagay upang makapanatiling buháy.
Malungkot ang buhay sa bilangguan. Minsan, narinig ko ang isang tao, na pinaghihinalaang isang espiya, naghihihiyaw dahilan sa pinahihirapan. Nakita ko ang isang tao sa kasunod na selda nang mamatay dahil sa paghihirap. Yamang nakikita mismo ng aking mga mata ang kaganapan ng lahat ng ito, matindi ang aking paniniwala na ang matandang sistemang ito ay kailangang magwakas, at ang aking pag-asa sa mga pangako ng Diyos ay lalong tumibay higit kailanman.
Pinagtatanong
Ako’y nakulong nang mga isang taon at limang beses pinagtatanong. Isang araw isang tagausig ang dumating nang unang pagkakataon, at ako ay dinala sa isang pagkaliit-liit na silid para pagtatanungin. Ang unang sinabi niya ay: “Sino ang lalong dakila, si Amaterasu Omikami [ang diyosa ng araw] o si Jehova? Sabihin mo sa akin!” Nag-isip ako sandali kung papaano ako sasagot.
“Sabihin mo sa akin kung sino ang lalong dakila, o kung hindi ay gugulpihin kita!” Siya’y nakasimangot na tumitig sa akin.
Mahinahong sumagot ako: “Sa mismong pasimula ng Bibliya, nasusulat, ‘Sa pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.’ ” Hindi ko na inakala na kailangang dagdagan ko pa iyon ng anuman. Ako’y kaniyang tinitigan nang walang gaputok mang salita at pagkatapos ay binago niya ang paksa.
Siyanga pala, ano ba ang dahilan at ako’y ikinulong? Ang rekord ng pagsisiyasat ay nagsabi: “Pinangangambahan na baka kaniyang mailigaw ang publiko sa pamamagitan ng kaniyang pagsasalita at pagkilos.” Ito ang dahilan kung bakit ako’y nakakulong nang hindi naman nililitis ng hukuman.
Sa tuwina’y malapit sa akin si Jehova habang ako’y dumaranas ng lahat ng ito. Dahil sa kagandahang-loob ni Jehova, ako’y nagkaroon ng pambulsang Kasulatang Griego Kristiyano. Isang tiktik ang naghagis nito sa aking selda isang araw, na ang sabi: “Sa iyo na lang iyan.” Binasa ko iyon araw-araw hanggang sa sukdulang masaulo ko ang aking binabasa. Ang halimbawa ng kagitingan ng mga Kristiyano noong unang siglo sa aklat ng Mga Gawa ay naging isang malaking pampatibay-loob. Ang 14 na liham ni Pablo ay nagpalakas din sa akin. Si Pablo ay nakaranas ng labis na pag-uusig, ngunit sa tuwina’y inalalayan siya ng banal na espiritu. Ang gayong mga pag-uulat ang nagpatibay-loob sa akin.
Ako’y namayat na mabuti at nanghina, ngunit ako’y pinalakas ni Jehova, kadalasa’y sa mga paraang di-inaasahan. Isang araw ng Linggo isang tiktik na hindi ko nakikilala kailanman ang dumating na may dalang isang bagay na nakabalot sa isang bandana. Kaniyang binuksan ang pinto ng selda at kami’y lumabas at naglakad sa looban. Nang sumapit kami sa isang malaking punong alkampor, binuksan niya ang balutan. At hindi ko sukat akalain! Mga saging at mga tinapay ang naroroon. Kaniyang sinabihan ako na kanin ang mga ito. Ang sabi ng tiktik: “Lahat kayo ay napakabubuting mga tao. Subalit kailangang tratuhin namin kayo nang ganito na gaya ng pagtrato sa mga preso. Ibig kong umalis na sa trabahong ito sa madaling panahon.” Kaya naman ako ay pinakitunguhan nang may kabaitan ng mga guwardiya at mga tiktik. Sila’y nagtiwala sa akin at hinayaang linisin ko ang kanilang mga silid at binigyan ako ng iba’t ibang klase ng trabaho na may kasamang pribilehiyo.
Nang magtatapos na ang 1942, ako’y ipinatawag ng isa sa mga tiktik na dumakip sa amin. “Bagaman ikaw ay karapat-dapat sa sentensiyang kamatayan, ikaw ay palalayain sa araw na ito,” ang sabi niya. Ang aking asawa ay nakauwi na mga isang buwan bago ako pinalaya.
Muli Kong Nakasalamuha ang mga Saksi
Samantalang kami’y nakakulong, ang Hapón ay nakilahok na sa Digmaang Pandaigdig II. Pagkatapos, noong 1945, nabalitaan namin na ang Hapón ay natalo sa giyera, at nabasa namin sa mga pahayagan na ang pulitikal na mga preso ay palalayain na. Batid namin na si Brother Kosaka ay namatay sa sakít sa bilangguan, ngunit agad-agad na nagpadala ako ng mga liham sa mga bilangguan sa Taipei, Hsinchu, at iba pang mga siyudad at nakibalita ako tungkol kay Brother Oe. Subalit, wala akong tinanggap na kasagutan. Nang bandang huli ay napag-alaman ko na si Brother Oe ay binaril ng isang firing squad.
Noong 1948 kami’y tumanggap ng di-inaasahang liham na galing sa Shanghai. Iyon ay nanggaling kay Brother Stanley Jones, na ipinadala sa Tsina nang makatapos sa Gilead, isang bagong katatatag na paaralang misyonero ng mga Saksi ni Jehova. Naalaala na naman kami ni Jehova! Labis ang aking kagalakan na magkaroon ng ganitong pakikiugnay sa organisasyon ni Jehova. Pitong taon na ang lumipas buhat nang makita namin si Brother Oe. Bagaman ako’y lubusang nakahiwalay noong buong panahong iyon, patuloy na inihahayag ko sa iba ang mabuting balita.
Nang unang dalawin kami ni Brother Jones, mga sandali iyon ng kagalakan. Siya’y totoong palakaibigan. Bagaman noon lamang namin siya nakilala, para bang ang tinatanggap namin sa aming tahanan ay isang napakalapit na kamag-anak. Hindi nagtagal pagkatapos, si Brother Jones ay lumisan patungong T’ai-tung, tumawid sa kabundukan, kasama ang aking asawa bilang ang kaniyang tagapagsalin. Sila’y nagbalik pagkalipas ng mga isang linggo, at sa panahong iyon sila ay nagdaos ng isang-araw na asamblea at nagbautismo ng mga 300 buhat sa tribong Amis sa baybaying silangan.
Ang pagdalaw ni Brother Jones ay makabuluhan para sa akin sa isa pang paraan. Ako’y nangangaral na mag-isa hanggang noon. At ngayon isang mag-asawa, ang asawang lalaki ay aming kasera, ang nabautismuhan sa panahon ng dalaw ni Brother Jones. Magbuhat noon, maraming beses na nakaranas ako ng kagalakan ng paggawa ng mga alagad bukod sa kagalakan ng pagbabalita ng Kaharian. Nang magtagal ay lumipat kami sa Hsinchu, na kung saan makaitlong dinalaw kami ni Brother Jones, tigalawang linggo bawat dalaw. Lubusang nasiyahan ako sa kapaki-pakinabang na pakikisalamuha. Nang huling okasyon, sinabi niya: “Sa susunod, isasama ko ang aking kapareha, si Harold King.” Ngunit ang “sa susunod” na iyon ay hindi kailanman dumating, sapagkat di-nagtagal pagkatapos silang dalawa ay kapuwa ibinilanggo sa Tsina.
Noong 1949, si Joseph McGrath at si Cyril Charles, mga misyonero buhat sa ika-11 klase ng Gilead, ay dumating sa Taiwan. Kanilang pinalawak ang gawain sa Taiwan, na ginagamit ang aming tahanan bilang ang kanilang sentro. Ang kanilang halimbawa ay tunay na nagpatibay-loob sa akin. Gayunman, dahil sa pulitikal na situwasyon ay napilitan silang lumisan patungong Hong Kong. Hindi ko mapigil ang aking luha habang sila’y paalis kasama ang isang pulis. “Huwag kang umiyak, Miyo,” ang sabi ni Joe. Kaniyang isinusog: “Salamat sa iyo,” at iniabot sa akin ang kaniyang gamít na gamít nang ballpoint pen bilang isang alaala.
Pagganap sa Pagsasanay sa Bata
Kaming mag-asawa ay hindi nagkaroon ng anak kaya aming inampon ang pamangking babae ng aking asawa nang ito’y apat na buwan lamang ang edad. Ang buhay ng kaniyang ina ay nanganib dahil sa hika.
Noong 1952, si Brother Lloyd Barry, na isang misyonero sa Hapón ay dumalaw sa Taiwan para tumulong upang ang gawain doon ng mga Saksi ni Jehova ay kilalanin bilang legal. Siya’y pumisan sa amin at kami’y pinatibay-loob na totoo. Noon ay 18 buwan na ang aming anak. Kaniyang kinalong ito at tinanong: “Ano ang pangalan ng Diyos?” Sa aking pagtataka, tinanong ko siya: “Ibig ba ninyong sabihin na dapat naming turuan siya gayong siya’y napakabata pa?” “Oo,” ang matatag niyang sagot. Pagkatapos ay kinausap niya ako tungkol sa kahalagahan ng pagsasanay sa isang bata sa pinakamaagang mga taon. Ang sabi niya na: “Siya’y isang regalo buhat kay Jehova para sa inyong ikaaaliw,” ay laging nasa isip ko.
Karaka-raka, sinimulan ko na ang pagsasanay sa aking anak, si Akemi, upang kaniyang makilala at ibigin si Jehova at maging kaniyang lingkod. Tinuruan ko siya ng mga simbolo sa pagbigkas, pasimula sa tatlong letrang e, ho, at ba na kung bubuuin ay salitang “Ehoba,” o Jehova, sa salitang Hapón. Nang sumapit siya sa edad na dalawang taon, kaniya nang nauunawaan ang sinasabi ko sa kaniya. Kaya tuwing gabi bago siya matulog, kinukuwentuhan ko siya ng mga kuwento sa Bibliya. Siya’y interesadong nakikinig at kaniyang natatandaan iyon.
Nang siya’y tatlo at kalahating taóng gulang, si Brother Barry ay dumalaw muli at binigyan niya si Akemi ng isang Bibliya na nasusulat sa pangkaraniwang Hapón. Ito’y lumakad sa palibot ng kuwarto na dala ang Bibliya, at nagsasabi: “Bibliya ni Akemi! Bibliya ni Akemi!” Makalipas ang ilang minuto, siya’y bumulalas: “Ang Bibliya ni Akemi ay walang Jehova! Ayoko nito!” Kaniyang inihagis iyon sa lapag. Sa aking pagtataka, tinunghayan ko ang nilalaman. Una ay binuklat ko sa Isaias kabanata 42, talatang 8. Doon ang pangalang Jehova ay pinalitan ng salitang “Panginoon.” Tinunghayan ko ang iba pang mga teksto, pero hindi ko makita ang banal na pangalan, na Jehova. Tumahimik lamang si Akemi nang muli kong ipakita sa kaniya ang pangalan ni Jehova sa aking dating Bibliya, na nasa lipas nang wikang Hapón.
Pagbabalik sa Hapón
Kami’y bumalik sa Hapón noong 1958 at nakiugnay sa Sannomiya Congregation sa Kobe. Yamang napakaraming dahilan upang pasalamat kay Jehova, ibig kong ipahayag ang pasasalamat na iyon sa pamamagitan ng pagiging isang payunir—isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Puspusang ginanap ko ang paglilingkurang payunir. Kaya naman, nakapagdaos ako ng maraming pantahanang pag-aaral sa Bibliya at nalasap ko ang kagalakan sa mga 70 hanggang 80 katao na natulungan upang mapasakatotohanan. Sa isang panahon ay nagkapribilehiyo pa ako na maglingkod bilang isang espesyal payunir, na gumugugol nang mahigit na 150 oras buwan-buwan sa larangan, habang inaasikaso ko rin ang aking asawa at anak.
Yamang kami’y nanirahan sa Taiwan nang mahigit na 30 taon, ang buhay sa Hapón ay isang kabiglaanan sa kultura, at ako’y dumanas ng maraming mahihigpit na pagsubok. Sa gayong mga pagkakataon si Akemi ang aking naging kaaliwan at alalay, gaya ng sinabi sa akin ni Brother Barry mga ilang taon na ang nakaraan. Pagka ako’y nalulungkot, kaniyang sasabihin sa akin: “Nanay, lakasan mo ang iyong loob. Si Jehova ang tutulong sa iyo upang makaraos.” “Oo, gayon nga, di ba?” Ako’y sasagot at yayakapin ko siya nang mahigpit. Anong laking pampatibay-loob! Kaylaki ng pasasalamat ko kay Jehova!
Paghahandog kay Jehova ng Aking Anak
Si Akemi ay naging isang mamamahayag nang siya’y 7 taon at nabautismuhan nang siya’y 12 taon, noong tag-araw ng 1963. Sinikap kong gumugol ng malaking panahon hangga’t maaari na kapiling siya. (Deuteronomio 6:6, 7) Nagkaroon ng mga kagipitan nang siya’y nagdadalaga na, subalit dahil sa maiinam na halimbawa at pampatibay-loob buhat sa mga espesyal payunir na ipinadala sa aming kongregasyon, si Akemi ay sa wakas nagkaroon ng tunguhin na magpayunir sa bagong mga teritoryo.
Sa pandistritong kombensiyon noong 1968, siya’y gumanap ng papel ng anak na dalaga ni Jephte sa drama sa Bibliya. Sa aking panonood ng drama, napagpasiyahan ko, gaya ng ginawa ni Jephte, na ang aking bugtong na anak, na aking pinakamamahal hanggang noon, ay ihandog kay Jehova para sa buong-panahong ministeryo. Ano na nga kaya ang magiging buhay ko kung wala sa aking piling ang aking anak? Iyon ay isang hamon, sapagkat noon ay mahigit na 60 taon na ako.
Noong 1970 sumapit ang panahon upang iwanan kami ng aming anak. Siya’y humingi ng pahintulot sa aking asawa at naparoon sa Kyoto upang maglingkod bilang isang payunir. Palibhasa’y nauunawaan niya ang aming damdamin, waring nagdurugo ang kaniyang puso habang siya’y lumilisan sa amin. Aking sinipi ang Awit 126:5, 6 bilang pahimakas na teksto para sa kaniya: “Sila na naghahasik na may luha ay mag-aani na may kagalakan. Siyang lumalabas at umiiyak, na nagdadala ng isang sakong punô ng binhi, walang pagsalang siya’y babalik nang may kagalakan, na dala ang kaniyang mga tangkas.” Ang mga salitang ito ay nakapagpagalak din sa akin.
Nang malaunan si Akemi ay nag-asawa at nagpatuloy sa pagiging espesyal payunir kasama ng kaniyang asawa. Magbuhat noong 1977, nang ang kaniyang asawa’y atasan na maging isang tagapangasiwa sa sirkito, sila’y naglilingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Ako’y regular na naglalatag ng isang mapa at “naglalakbay” sa mapa kasama ng aking anak. Isang kagalakan ko na mapakinggan ang kanilang mga karanasan at makilala ang maraming mga sister sa pamamagitan ng aking anak.
Ako’y 86 anyos na. Ang mga araw na lumipas ay mistulang isang pagbabantay lamang sa magdamag. Hindi na ako makagawa na gaya ng dati, ngunit ang paglilingkod sa larangan ay nakapagdadala pa rin sa akin ng kagalakan. Pagka ako’y nagbubulay-bulay tungkol sa 60 taon na lumipas buhat nang ako’y makaalam ng katotohanan, ang matatag na pangako ng Diyos ay bumabalong sa aking puso. Oo, si Jehova na kikilos nang may katapatan sa mga tapat ay nagpapahintulot na tayo’y umani ng saganang kagalakan.—Awit 18:25.