Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 9/1 p. 25-29
  • Pagtatalastasan sa Ministeryong Kristiyano

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtatalastasan sa Ministeryong Kristiyano
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pakikipagtalastasan na Walang mga Salita
  • Ang Pangangatuwiran ay Mahalaga sa Pakikipagtalastasan
  • Mga Katangiang Kailangan Para sa Epektibong Pakikipagtalastasan
  • Pag-ibig, Isang Tulong sa Pakikipagtalastasan
  • Pagtatalastasan sa Loob ng Pamilya at sa Kongregasyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Si Jehova at si Kristo—Pangunahin sa Pakikipagtalastasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Komunikasyon na Umaakay sa Buhay
    Gumising!—2003
  • Maging Mahusay sa Pakikipag-usap!
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 9/1 p. 25-29

Pagtatalastasan sa Ministeryong Kristiyano

“Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa.”​—MATEO 28:19.

1. Anong utos na ibinigay ni Kristo ang nagpapahiwatig ng pangangailangan na makipagtalastasan?

ANG utos ni Jesus, na sinipi sa itaas, ay naghaharap sa atin ng hamon ng pakikipagtalastasan sa mga tao sa ating ministeryo samantalang tayo’y nagbabahay-bahay, dumadalaw muli, at gumaganap ng lahat ng iba pang mga bahagi ng pangangaral ng Kaharian. Kasali sa utos na iyan ang pananagutan na ihayag ang katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova, kay Jesu-Kristo, at sa Mesyanikong Kaharian na sa pamamagitan nito ay naghahari na ngayon si Jesus.​—Mateo 25:31-33.

2. Upang tayo’y magtagumpay sa epektibong pakikipagtalastasan, ano ang kailangan natin?

2 Papaano tayo magtatagumpay sa epektibong pakikipagtalastasan? Una, tayo’y kailangang maniwala sa impormasyon na ating sinasabi. Sa ibang pananalita, tayo’y kailangang may matibay na pananampalataya na si Jehova ang kaisa-isang tunay na Diyos, na ang Bibliya ay talagang Salita ng Diyos, at ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa ng sangkatauhan. Sa ganiyang paraan, ang ating itinuturo ay manggagaling sa puso, at ating susundin ang payo ni Pablo kay Timoteo: “Gawin mo ang buong kaya upang iharap ang iyong sarili na sinang-ayunan ng Diyos, isang manggagawa na walang anumang dapat ikahiya, na ginagamit nang tumpak ang salitang katotohanan.”​—2 Timoteo 2:15.

Pakikipagtalastasan na Walang mga Salita

3-5. (a) Papaano tayo makikipagtalastasan nang hindi nagsasalita ng kahit isang salita? (b) Anong mga karanasan ang nagpapatunay nito?

3 Mga salita ang kadalasan ginagamit sa pakikipagtalastasan. Subalit, ang totoo, tayo’y nakikipagtalastasan sa mga tao kahit na bago tayo magsalita sa kanila. Papaano? Sa pamamagitan ng ating tindig at sa paraan ng ating pananamit at pag-aayos. Mga ilang taon na ngayon isang nagtapos na misyonero sa Watchtower Bible School of Gilead ang sakay ng isang barko papunta sa kaniyang destino sa ibang bansa. Makalipas ang ilang araw sa karagatan, isang estranghero ang nagtanong sa kaniya kung bakit siya’y ibang-iba sa lahat ng mga pasahero. Ang misyonero ay nagpapatotoo ng isang bagay na kapuna-puna​—na siya’y may naiibang mga pamantayan at madaling pakitunguhan​—​kahit na dahil lamang sa kaniyang ayos at sa kaniyang paggawi. Ito’y nagbigay ng isang magandang pagkakataon na ang misyonero ay magpatotoo.

4 Muli na naman, isang sister na nakatayo sa kalye at nag-aalok ng literatura sa Bibliya sa mga nagdaraan ang ngumiti ng isang palakaibigang ngiti sa isang babaing dumaan sa tabi niya. Ang babaing ito’y nagsimulang bumaba sa hagdan patungo sa isang istasyon sa subway. Pagkatapos ay nagbago ng isip, bumalik sa sister, at humiling ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ano ba ang nag-udyok sa kaniya na gumawa ng gayon? Bagaman hindi siya inalok ng literatura sa Bibliya, siya’y nginitian ng isang palakaibigang Saksi na nagpapatotoo roon sa kalye.

5 Ang ikatlong halimbawa: Isang grupo ng mga kabataang Saksi ang kumakain sa isang restauran at nangagtaka nang isang taong di-kilala ang lumapit sa kanilang mesa at binayaran ang kanilang mga nakain. Bakit niya ginawa iyon? Siya’y humanga sa kanilang paggawi. Bagaman hindi nagsalita sa taong di-kilala ng kahit isang salita, ang kabataang mga Kristiyanong ito ay nagbigay ng impresyon na sila’y mga taong may takot sa Diyos. Maliwanag, sa pamamagitan ng ating tindig, ayos, at pagkapalakaibigan, tayo’y nakikipagtalastasan na kahit na hindi pa tayo nagsasalita.​—Ihambing ang 1 Pedro 3:1, 2.

Ang Pangangatuwiran ay Mahalaga sa Pakikipagtalastasan

6. Magbigay ng ilustrasyon kung papaano kailangan ang pangangatuwiran sa pakikipagtalastasan.

6 Upang makipagtalastasan nang berbalan sa mga tao tungkol sa mabuting balita, tayo’y kailangang maging handa, hindi nagsasalita sa paraang dogmatiko, kundi nakikipagkatuwiranan sa kanila. Paulit-ulit na mababasa natin na si Pablo’y nakipagkatuwiranan sa mga taong hinatdan niya ng mabuting balita. (Gawa 17:2, 17; 18:19) Papaano natin matutularan siya? Bueno, ang lumulubhang mga kalagayan sa daigdig ay nakaakay marahil sa iba na mag-alinlangan na mayroon ngang isang makapangyarihan-sa-lahat at mapagmahal na Diyos na may pagtingin sa sangkatauhan. Sa kabila nito, tayo’y maaaring makipagkatuwiranan sa kanila na ang Diyos ay may panahon para sa lahat ng bagay. (Eclesiastes 3:1-8) Sa gayon, sinasabi ng Galacia 4:4 na nang sumapit ang takdang panahon ng Diyos, ang kaniyang Anak ay isinugo niya sa lupa. Ito’y libu-libong taon pagkatapos na unang ipangako niya na gagawin niya iyan. Sa katulad na paraan, pagka sumapit na ang kaniyang panahon, kaniyang wawakasan ang pagdurusa at kabalakyutan. Isa pa, ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang Diyos ay may mahigpit na dahilan sa pagpapahintulot na ang pagdurusa at kabalakyutan ay magpatuloy nang napakatagal. (Ihambing ang Exodo 9:16.) Sa pangangatuwiran sa liwanag ng binanggit na, at pagsuhay sa pangangatuwirang iyan sa tulong ng mga ilustrasyon at matibay na patotoo sa Kasulatan, ang taimtim na mga tao ay matutulungan na makaunawa na hindi maaaring gamitin ang laganap na kabalakyutan sa argumento na si Jehova’y hindi umiiral o hindi nagmamalasakit.​—Roma 9:14-18.

7, 8. Papaano maaaring makatulong sa atin ang pangangatuwiran upang magpaliwanag sa isang relihiyosong Judio?

7 Ipagpalagay natin na habang ikaw ay nagbabahay-bahay, isang maybahay ang nagsabi sa iyo: “Ako’y isang Judio, ako’y hindi interesado.” Papaano ka magpapatuloy ng pagsasalita? Isang kapatid ang nagtatagumpay sa ganitong paraan ng pakikipag-usap: ‘Natitiyak ko na kayo’y sasang-ayon sa akin na si Moises ay isa sa pinakadakilang propeta na ginamit kailanman ng Diyos. At alam ba ninyo na sinabi niya ayon sa nasusulat sa Deuteronomio 31:29: “Talastas ko na pagkamatay ko kayo ay . . . lilihis sa daan na aking itinuro sa inyo; at ang kapahamakan ay sasapit sa inyo”? Si Moises ay isang tunay na propeta, kaya ang kaniyang mga salita ay dapat na matupad. Maaari kaya na natupad ito nang suguin ng Diyos ang Mesiyas sa mga Judio at iyan ang dahilan kung bakit hindi siya tinanggap ng mga Judio? Marahil ay ganiyan nga ang nangyari. Ngayon kung ganito ang nangyari at sila’y nagkamali, iyan ba’y dahilan kung bakit kayo at ako ay gagawa ng ganiyan ding pagkakamali?’

8 Tandaan, din, ang mga Judio ay nagdusa nang matindi sa kamay ng Sangkakristiyanuhan, lalo na sa siglong ito. Kaya baka ibig mong sabihin sa maybahay na tayo’y walang bahagi riyan. Halimbawa, baka gusto mong sabihin: ‘Alam ba ninyo na nang nasa kapangyarihan si Hitler, ang mga Saksi ni Jehova ay sumalansang sa kaniyang pagboykoteo sa mga Judio? Sila’y tumangging mag-“Heil Hitler” at magsilbi sa kaniyang hukbo.’a

9, 10. Papaano magagamit ang pangangatuwiran upang tulungan ang isang taong naniniwala sa apoy ng impiyerno?

9 Sa pagsisikap na makipagtalastasan sa isang naniniwala sa apoy ng impiyerno, makapangangatuwiran ka na kung ang isang tao ay naghihirap nang walang-hanggan sa impiyerno, tiyak na mayroon siyang isang kaluluwang di-namamatay. Ang naniniwala sa apoy ng impiyerno ay agad sasang-ayon. Pagkatapos ay maaari mong banggitin ang ulat ng paglalang kay Adan at kay Eva at may kabaitang tanungin siya na kung napansin niya sa pag-uulat na iyan ang anumang pagkabanggit sa gayong kaluluwang walang-kamatayan. Sa pagpapatuloy ng iyong pangangatuwiran, maaari mo nang itawag sa kaniyang pansin ang Genesis 2:7, na kung saan sinasabi sa atin ng Bibliya na si Adan ay naging isang kaluluwa. At pansinin ang sinabi ng Diyos na magiging resulta ng kasalanan ni Adan: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa, sapagkat diyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” (Genesis 3:19) Samakatuwid, si Adan na kaluluwa ay bumalik sa alabok.

10 Maitatawag-pansin mo rin ang bagay na saanman sa ulat ng Genesis ay hindi binabanggit ng Diyos ang walang-hanggang pagpapahirap sa isa sa apoy ng impiyerno. Nang bigyang-babala ng Diyos si Adan na huwag kumain ng ibinabawal na prutas, sinabi niya: “Sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:17) Walang binabanggit diyan na apoy ng impiyerno! Kung ang tunay na resulta ng pagkakasala ni Adan ay, hindi kamatayan, ‘pagbabalik sa alabok,’ kundi walang-hanggang paghihirap, hindi kaya maging makatarungan ang Diyos na ipaliwanag ito nang buong linaw? Sa gayon, ang maingat at may kabaitang pangangatuwiran ay maaaring makatulong sa isang tapat-pusong tao upang makita ang mga di-pagkakatugma ng kaniyang paniniwala. Sana nga ay huwag nating kaligtaan ang kahalagahan ng paggamit ng pangangatuwiran sa ating paghahatid sa iba ng katotohanan ng Salita ng Diyos.​—Ihambing ang 2 Timoteo 2:24-26; 1 Juan 4:8, 16.

Mga Katangiang Kailangan Para sa Epektibong Pakikipagtalastasan

11-13. Anong mga katangiang Kristiyano ang tutulong sa atin sa epektibong pakikipagtalastasan?

11 Ngayon, anong mga katangian ang kailangang pasulungin natin upang maihatid sa iba sa pinakaepektibong paraan ang mga katotohanan ng Kaharian? Bueno, ano ba ang sinasabi sa atin ng halimbawa ni Jesus? Sa Mateo 11:28-30, mababasa natin ang kaniyang mga salita: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.” Diyan ay makikita natin ang isa sa pinaka-susi ng tagumpay ni Jesus sa pakikipagtalastasan. Siya’y maamo at mapagpakumbabang puso. Nakita ng tapat-pusong mga tao na siya’y nakapagbibigay-kaginhawahan. Si apostol Pablo ay nagpakita rin ng isang mainam na halimbawa, sapagkat, gaya ng sinabi niya sa matatanda buhat sa Efeso, sa unang araw na siya’y dumating sa kanila, siya ay mistulang alipin sa paglilingkod sa Panginoon “taglay ang buong kababaang-loob.”​—Gawa 20:19.

12 Sa pamamagitan ng laging pagpapakita ng pagpapakumbaba at kababaang-loob, makikita ng iba na tayo man ay nakapagdudulot ng ginhawa, at magiging mas madali para sa atin na makipag-usap sa kanila. Kung hindi ganiyan ang ating pakikitungo malamang na magkaroon ng balakid sa pagitan natin at ng mga taong gusto nating makausap. Totoo naman, “ang karunungan ay nasa mga mapagpakumbaba.”​—Kawikaan 11:2.

13 Upang epektibong makapaghatid ng impormasyon, tayo’y kailangan ding maging matiyaga at mataktika. Si apostol Pablo ay tunay na mataktika nang siya’y magpatotoo sa mga pilosopong nagtitipon sa harapan niya sa Buról ng Mars. Kaniyang iniharap ang mabuting balita sa paraan na mauunawaan nila. (Gawa 17:18, 22-31) Kung nais natin na maging matagumpay sa ating pakikipagtalastasan sa ating mga tagapakinig, sundin natin ang payo ni apostol Pablo na ibinigay sa mga taga-Colosas nang kaniyang sabihin: “Ang inyong pakikipag-usap sana ay laging magiliw, at hindi walang kalasa-lasa; pag-aralan kung papaano kakausapin sa pinakamagaling na paraan ang bawat tao na inyong makilala.” (Colosas 4:6, The New English Bible) Ang ating pagsasalita ay dapat sa tuwina maging kalugud-lugod. Ang gayong pagsasalita ay magbubukas ng isip ng ating mga tagapakinig, samantalang ang di-maingat na pagsasalita ay magpapasara ng kanilang mga isip.

14. Papaanong ang isang relaks, na harapang pakikipag-usap ay makatutulong sa atin upang makipagtalastasan sa iba?

14 Ibig nating magtinging relaks sa tuwina. Ito’y tumutulong upang maging maalwan ang ating mga tagapakinig. At sa pagiging relaks ay kasali hindi lamang ang pagiging totoong sabik na ikaw na lamang ang magsalita nang magsalita. Bagkus, pagka tayo’y hindi nagmamadali at tayo’y nagtatanong na parang isang kaibigan, ang ating mga tagapakinig ay binibigyan natin ng pagkakataon na magpahayag ng kanilang sarili. Lalo na kapag tayo ay nagpapatotoo sa impormal na paraan ang mabuti’y ating himukin na magsalita ang ating kausap. Bilang halimbawa, isang Saksi ang minsan ay may nakatabi sa eroplano na isang paring Romano Katoliko. Sa loob ng mahigit na isang oras, ang Saksi ay patuloy na nagharap sa pari ng mataktikang mga tanong, at ang pari, sa pagsagot, ang malimit na nagsasalita. Ngunit nang sila’y maghihiwalay na, ang pari ay kumuha ng maraming lathalain sa Bibliya. Ang gayong matiyagang paraan ng pakikipag-usap ay tutulong sa atin na gumamit ng isa pang kinakailangang katangian, ang empatiya.

15, 16. Papaano tutulong sa atin ang empatiya upang makipagtalastasan?

15 Ang ibig sabihin ng empatiya ay paglalagay ng sarili sa kalagayan ng iba. Lubusang naunawaan ni apostol Pablo ang pangangailangan ng empatiya, gaya ng makikita buhat sa kaniyang isinulat sa mga taga-Corinto: “Bagaman ako ay malaya sa lahat ng tao, ako’y napaalipin sa lahat, upang makahikayat ako ng pinakamaraming tao. At sa mga Judio ako’y naging tulad sa Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio; sa mga nasa ilalim ng kautusan ay gaya ng nasa ilalim ng kautusan, bagaman wala ako sa ilalim ng kautusan, upang mahikayat ko ang mga nasa ilalim ng kautusan. Sa mga walang kautusan ako ay tulad sa walang kautusan, bagaman hindi ako walang kautusan sa Diyos kundi nasa ilalim ng kautusan ni Kristo, upang mahikayat ko ang mga walang kautusan. Sa mahihina ako’y naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng bagay ay nakibagay ako sa lahat ng uring mga tao, upang sa lahat ng paraan ay mailigtas ko ang ilan.”​—1 Corinto 9:19-22.

16 Upang matularan si apostol Pablo sa mga bagay na ito, tayo’y kailangang maging mataktika, mapag-unawa, at mapagmasid. Ang empatiya ay tutulong sa atin na ipahayag ang katotohanan sa ating mga tagapakinig ayon sa kanilang paraan ng pag-iisip at pakiramdam. Ang lathalaing Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan ay malaking tulong sa bagay na ito. Laging dalhin ito sa inyong paglilingkod sa larangan.

Pag-ibig, Isang Tulong sa Pakikipagtalastasan

17. Sa lahat ng mga katangiang Kristiyano, alin ang pinakamahalaga sa epektibong paghahatid ng katotohanan, at papaano ito ipinakikita?

17 Ang pagpapakumbaba, kababaang-loob, pagtitiyaga, at empatiya ay kailangan sa epektibong pakikipagtalastasan sa paghahatid ng impormasyon. Datapuwat, higit sa lahat ang walang-imbot na pag-ibig ang tutulong sa atin na maging matagumpay pagka nais nating maabot ang puso ng iba. Si Jesus ay nahabag sa mga tao dahil sa sila ay “pinagsasamantalahan at nakapangalat na mistulang mga tupa na walang pastol.” Pag-ibig ang nag-udyok kay Jesus na sabihin: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagiginhawahin ko.” (Mateo 9:36; 11:28) Palibhasa’y ating iniibig sila kung kaya tayo rin ay nagnanais na paginhawahin ang mga tao at tulungan sila upang lumakad sa daan ng buhay. Ang dala natin ay isang mensahe ng pag-ibig, kaya patuloy na ibalita natin ito sa isang paraang mapagmahal. Ang pag-ibig na ito ay ipinakikita sa pamamagitan ng isang palakaibigang ngiti, ng kabaitan at pagkamalumanay, ng masaya at mainit na pakikitungo.

18. Papaano natin matutularan si Pablo, gaya ng kaniyang pagtulad sa Panginoon?

18 Sa bagay na ito si apostol Pablo ay isang mahusay na tagatulad sa kaniyang Panginoon, si Jesu-Kristo. Bakit siya totoong matagumpay sa pagtatatag ng sunud-sunod na mga kongregasyon? Dahilan ba ito sa kaniyang sigasig? Oo. Ngunit ang isa ring dahilan ay ang pag-ibig na kaniyang ipinakita. Pansinin ang kaniyang pagpapahayag ng pagmamahal may kaugnayan sa bagong kongregasyon sa Tesalonica: “Naging malumanay kami sa inyo, tulad ng isang nagpapasusong ina na nagmamahal sa kaniyang sariling mga anak. Kaya, dahil sa aming magiliw na pagmamahal sa inyo, ganiyan na lamang ang aming kagalakan na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi pati ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat kayo ay napamahal na sa amin.” Ang pagtulad kay Pablo ay tutulong sa atin sa ating mga pagsisikap na makipagtalastasan.​—1 Tesalonica 2:7, 8.

19. Bakit di dapat magpahina ng ating loob ang hindi pagtugon ng mga tao sa ating teritoryo?

19 Kung sakaling ginawa na natin ang ating pinakamagaling na magagawa upang makipagtalastasan at hindi natin nakamtan ang hinahangad na mga resulta, dapat ba itong magpahina ng ating loob? Hindi. Ang mga Estudyante ng Bibliya (gaya ng dating tawag sa mga Saksi ni Jehova) ay nakaugalian nang magsabi na upang tumanggap ng katotohanan, ang mga tao ay kailangang may tatlong katangian. Sila’y kailangan na maging tapat, mapagpakumbaba, at nagugutom. Hindi natin maaasahang ang mga taong di-taimtim ang hangarin, yaong mga hindi tapat, ay tutugon nang ayon sa katotohanan; ni maaasahan natin na ang mga taong arogante o hambog ay makikinig sa mabuting balita. Gayundin, kahit na kung ang isang tao ay may kaunting katapatan at pagpapakumbaba, malamang na hindi niya tatanggapin ang katotohanan kung siya’y hindi nagugutom sa espirituwal na pagkain.

20. Bakit masasabi sa tuwina na ang ating mga pagpapagal ay hindi walang kabuluhan?

20 Walang duda na marami sa inyong nakakatagpo sa inyong teritoryo ay kulang ng isa o higit pa sa tatlong katangiang binanggit. Ganiyan din ang naging karanasan ni propeta Jeremias. (Jeremias 1:17-19; ihambing ang Mateo 5:3.) Gayumpaman, ang ating mga pagpapagal ay hindi walang kabuluhan. Bakit? Sapagkat ating iniaanunsiyo ang pangalan at Kaharian ni Jehova. Sa pamamagitan ng ating pangangaral at ng mismong pagkanaroroon natin, tayo ay nagbibigay ng babala sa mga balakyot. (Ezekiel 33:33) At huwag kalilimutan na sa pamamagitan ng ating pagsisikap na maihatid sa iba ang katotohanan, tayo man ay nakikinabang din. (1 Timoteo 4:16) Ating pinananatiling matibay ang ating pananampalataya at maningning ang ating pag-asa sa Kaharian. Bukod diyan, tayo’y nananatili sa ating integridad at sa gayo’y nakikibahagi sa pagbanal sa pangalan ng Diyos na Jehova, na nagpapagalak sa kaniyang puso.​—Kawikaan 27:11.

21. Ano ang masasabi bilang sumaryo?

21 Masasabi bilang sumaryo: Ang pakikipagtalastasan ay epektibong paghahatid ng impormasyon. Ang sining ng pakikipagtalastasan ay mahalaga, at malaking pinsala ang resulta pagka naputol ang pakikipagtalastasan. Nakita natin na ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ang mga pangunahin sa pakikipagtalastasan at si Jesu-Kristo ay nag-atas ng isang alulod ng pakikipagtalastasan para sa ating kaarawan. Atin ding napag-alaman na sa pamamagitan ng ating pag-aayos at paggawi, tayo ay nakikipagtalastasan, nagpapadala ng mga mensahe sa iba. Ating napag-alaman na ang pangangatuwiran ay may mahalagang bahagi sa ating pagsisikap na makipagtalastasan sa mga tao at upang epektibong makipagtalastasan, tayo’y kailangang maging mapagpakumbaba at mababang-loob, magpakita ng empatiya, maging matiisin, at, higit sa lahat, kailangang ang magpakilos sa atin ay isang pusong puspos ng pag-ibig. Kung ating pauunlarin ang mga katangiang ito at susundin ang mga halimbawa sa Bibliya, tayo’y magtatagumpay sa pakikipagtalastasan bilang mga Kristiyano.​—Roma 12:8-11.

[Talababa]

a Para sa higit pang mga mungkahi kung papaano makikipag-usap sa naniniwalang mga Judio at sa mga iba pa, tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, pahina 21-4.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Sa papaano nagsisimula na ang pakikipagtalastasan bago pa man masabi ang isang salita?

◻ Ano ang ilang halimbawa ng pakikipagtalastasan sa pamamagitan ng epektibong pangangatuwiran?

◻ Anong mga katangian ang tumulong kay Jesu-Kristo at kay Pablo sa epektibong pakikipagtalastasan?

◻ Bakit hindi kailangang manghina ang loob natin kung ang mga resulta ay mabagal nang pagdating?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share