Ang mga Panalangin na Tiyak na Sasagutin
MAY mga panalangin na tiyakang sasagutin. Ang pinakabuod ng mga iyon ay napapaloob sa isang modelo na ibinigay ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad nang kaniyang sabihin: “Manalangin kayo, kung gayon, ng ganito: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung papaano sa langit, gayundin sa lupa.’ ”—Mateo 6:9-13.
Ang mga salitang iyan ng modelong panalangin ni Jesus ay pinaulit-ulit na nang kung ilang milyong beses. Bagaman hindi inaasahan ni Kristo na basta uulit-ulitin lamang ng kaniyang mga tunay na tagasunod ang ganiyang panalangin, ang kanilang mga hinihiling na nagpapahayag ng nakakahawig na mga damdamin ay tiyak na sasagutin. (Mateo 6:7, 8) Kaya, ano ba ang ibig sabihin ng pakabanalin nawa ang pangalan ng Diyos? Bakit ipananalangin na ang kaniyang Kaharian ay dumating nawa? At bakit hihilingin na mangyari nawa ang kalooban ng Diyos?
“Pakabanalin Nawa ang Pangalan Mo”
Si Jehova, “ang Kataas-taasan sa buong lupa,” ang Isa na tinutukoy ni Jesus bilang “Ama namin na nasa langit.” (Awit 83:18) Ang Diyos ay “naging ama” ng mga Israelita nang sila’y palayain buhat sa pagkaalipin sa mga Ehipsiyo at pumasok sa isang tipan na may kaugnayan sa kanila. (Deuteronomio 32:6, 18; Exodo 4:22; Isaias 63:16) Sa ngayon, ang pinahirang mga Kristiyano ay may malumanay na pakikitungo kay Jehova bilang kanilang Ama. (Roma 8:15) At ang kanilang mga kasamahan, na may makalupang pag-asa, ay nananalangin din sa Diyos na Jehova bilang kanilang Ama.—Juan 10:16; Apocalipsis 7:1-9.
Subalit bakit ipananalangin na pakabanalin nawa ang pangalan ng Diyos? Bueno, magbuhat nang maghimagsik ang unang mag-asawa sa halamanan ng Eden, ang pangalan ng Diyos ay naupasala na. Bilang sagot sa gayong panalangin, aalisin ni Jehova ang lahat ng upasala na ibinunton sa kaniyang alaalang pangalan. (Awit 135:13) Kaniyang gagawin ito sa pamamagitan ng pag-aalis ng kabalakyutan sa lupa. Tungkol sa panahong iyan, sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Ezekiel: “Ako’y pakikitang dakila at banal at pakikilala sa harap ng mga mata ng maraming bansa; at kanilang makikilala na ako ay si Jehova.”—Ezekiel 38:23.
Ang Diyos na Jehova ay banal at malinis. Ang kaniyang pangalan ay dapat kung gayon na pakabanalin, o ibukod bilang banal. Kaniyang ipakikilala ang kaniyang kabanalan sa pamamagitan ng pagkilos upang ariing banal ang kaniyang sarili sa harap ng lahat ng nilalang. (Ezekiel 36:23) Yaong mga naghahanap ng kaniyang pabor at ng buhay na walang-hanggan ay kailangang matakot kay Jehova at pakabanalin ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng pagkilala rito bilang hiwalay at nakatataas kaysa lahat ng mga iba. (Levitico 22:32; Isaias 8:13; 29:23) Kaya naman, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Pakabanalin nawa ang pangalan mo” o, “ituring na banal; pakitunguhan na banal.” Ating matitiyak na sasagutin ng Diyos ang bahaging ito ng modelong panalangin ni Jesus.
“Dumating Nawa ang Kaharian Mo”
Sinabi rin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo.” Ang mga panalangin na humihiling ng pagdating ng Kaharian ng Diyos ay tiyakang sasagutin. Ang Kaharian ay soberanong pamamahala ni Jehova na ipinahahayag sa pamamagitan ng isang makalangit na Mesiyanikong pamahalaan sa mga kamay ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, at kasamang “mga banal.” (Daniel 7:13, 14, 18, 22, 27; Isaias 9:6, 7) Malaon nang napatunayan ng mga Saksi ni Jehova buhat sa Kasulatan na si Jesus ay nakaluklok na bilang isang makalangit na Hari noong taóng 1914. Kung gayon, bakit ipananalangin ng sinuman na “dumating nawa” ang Kaharian?
Ang pananalangin sa pagdating ng Kaharian ay aktuwal na nangangahulugang paghiling na ito’y dumating na laban sa lahat ng mga mananalansang sa pamamahala ng Diyos sa lupa. Hindi na magtatagal ngayon “dudurugin at wawasakin . . . ng kaharian [ng Diyos] ang lahat ng mga kahariang ito [sa lupa], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” (Daniel 2:44) Ang ganitong pangyayari ay may bahagi sa pagbanal sa sagradong pangalan ni Jehova.
“Mangyari Nawa ang Kalooban Mo”
Ibinilin pa rin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na manalangin: “Mangyari nawa ang kalooban mo, kung papaano sa langit, gayundin sa lupa.” Ito’y isang kahilingan na kumilos nawa si Jehova na kasuwato ng kaniyang kalooban para sa lupa. Ito’y nahahawig sa ipinahayag ng salmista: “Anumang kinalugdan ni Jehova na gawin ay kaniyang ginawa sa langit at sa lupa, sa mga dagat at sa lahat ng mga kalaliman. Kaniyang pinaiilanlang ang mga singaw na mula sa mga wakas ng lupa; kaniyang ginawa maging ang mga bambang para sa pag-ulan; kaniyang inilalabas ang hangin mula sa kaniyang mga kamalig, siya na pumaslang sa mga panganay ng Ehipsiyo, kapuwa sa tao at sa hayop. Siya’y nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan sa gitna mo, Oh Ehipto, kay Faraon at sa lahat ng kaniyang mga lingkod; siya na pumaslang sa maraming bansa at pumatay sa makapangyarihang mga hari.”—Awit 135:6-10.
Ang pananalangin na maganap sa lupa ang kalooban ni Jehova ay isang kahilingan na tuparin ang kaniyang mga layunin may kinalaman sa globong ito. Kasali na rito ang permanenteng pag-aalis sa mga mananalansang sa kaniya, gaya kung papaano kaniyang inalis ang mga ito sa maliitang paraan noong sinaunang mga panahon. (Awit 83:9-18; Apocalipsis 19:19-21) Ang mga panalangin upang mangyari na ang kalooban ni Jehova sa buong lupa at sa sansinukob ay tunay na sasagutin.
Pagka Nagpupunò Na ang Kaharian
Sa halip na ang umiral ay kabalakyutan na laganap ngayon sa lipunan ng tao, ano ang maaasahan pagka ang Kaharian ng Diyos ay nagpupunò na at ginagawa na sa lupa ang banal na kalooban gaya ng ginagawa sa langit? Ayon kay apostol Pedro, “may mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang “bagong mga langit” ay matuwid na espirituwal na mga kapangyarihang naghahari—si Jesu-Kristo at ang 144,000 na mga kasamang tagapagmana sa makalangit na Kaharian. (Roma 8:16, 17; Apocalipsis 14:1-5; 20:4-6) Ang “isang bagong lupa” ay hindi isa pang makalupang globo. Sa halip, ito ay isang matuwid na lipunan ng mga taong mamumuhay sa lupa.—Ihambing ang Awit 96:1.
Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, ang lupa ay gagawing isang pangglobong paraiso. (Lucas 23:43) Kung magkagayon, ang tunay na kapayapaan at kaunlaran ay tatamasahin ng lahat ng masunuring mga tao. (Awit 72:1-15; Apocalipsis 21:1-5) Ikaw ay maaaring mapabilang sa maligayang pulutong na iyan kung ikaw ay isang tapat na tagapagtaguyod ng Mesiyanikong pamamahala sa masunuring mga sakop nito sa lupa. Ang mga nagtataguyod ng ganiyang pamamahala ay taimtim na nananalangin na pakabanalin ang pangalan ni Jehova, na ang kaniyang Kaharian ay dumating na, at ang kaniyang kalooban ay maganap na. Ang kanilang taos-pusong mga panalangin ay tiyak na sasagutin.