Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 10/1 p. 29-31
  • “Huwag Ninyong Ibuyo sa Galit ang Inyong mga Anak”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Huwag Ninyong Ibuyo sa Galit ang Inyong mga Anak”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Ibig Sabihin ng ‘Panggagalit sa Kanila’
  • Pagpapalaki sa mga Anak Ayon sa Disiplina ng Diyos
  • Pagbibigay sa mga Anak ng Atensiyong Kailangan Nila
    Gumising!—2005
  • Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak sa Maibiging Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Matutulungan Ka ba ng Bibliya na Sanayin ang Iyong mga Anak?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 10/1 p. 29-31

“Huwag Ninyong Ibuyo sa Galit ang Inyong mga Anak”

“MGA ama, huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak.” Ganiyan ang sabi ni apostol Pablo. (Efeso 6:4) Sa mga lupain sa Kanluran, na kung saan ang mga magulang ay dumaranas ng mga kagipitan at mga kaigtingan na dulot ng lipunang industriyalisado, hindi laging madali na sila’y makitungo nang may kabaitan sa kanilang mga anak. At ang pagpapalaki sa anak ay isa ring hamon sa mga bansang umuunlad. Totoo, ang takbo ng buhay ay maaaring mas mabagal kaysa sa Kanluran. Subalit ang matagal nang umiiral na mga kaugalian at mga tradisyon ay maaaring makaimpluwensiya sa mga magulang na makitungo sa mga anak sa mga paraang halos tiyak naman na makayayamot at makagagalit sa kanila.

Ang mga anak sa mga ilang umuunlad na bansa ay nalalagay sa pinakamababang antas kung tungkol sa pagkakilala at paggalang sa kanila. Sa may ilang kultura ang mga bata ay inuutusan sa pamamagitan ng tono ng boses na nagbabanta at may kapamahalaan, inaaslangan at iniinsulto. Baka bihi-bihira na makarinig ka na kinakausap nang may kabaitan ng isang adulto ang isang bata, huwag nang sabihin pa ang paggamit ng mga salitang paggalang na “pakisuyo” at “salamat sa iyo.” Inaakala ng mga ama na kailangang patatagin nila ang kanilang kapamahalaan sa pamamagitan ng paggamit ng kamay na bakal; ang mga salitang matitindi ay lalo pang pinatitindi kasabay ng paggamit ng kamay na bakal.

Sa mga ibang kultura sa Aprika, kalimitan ay inaakalang di-dapat na bumati ang isang bata sa isang adulto sa pamamagitan ng kaniyang sariling pagkukusa. Karaniwan nang makakakita ang mga bata, na may mabibigat na sunong sa kanilang ulo, at matiyagang naghihintay na sila’y payagang bumati sa isang grupo ng mga adulto. Ang mga adulto ay magpapatuloy sa kanilang mga daldalan, na hindi pinapansin ang naghihintay ng mga bata hangga’t hindi nila minamabuting payagan silang bumati. Pagkatapos lamang ng gayong mga pagbati pinapayagang lumampas ang mga bata.

Ang karalitaan ay isa pang bagay na makapipinsala sa kapakanan ng mga bata. Pagkatapos masira ang kanilang kalusugan at pag-aaral, ang mga bata ay pinagsasamantalahan bilang mga batang manggagawa. Kahit na sa tahanan ang mga bata ay maaaring inaatangan ng mabibigat na trabaho. At pagka ang mga pamilya sa bandang lalawigan ay nagpapadala ng kanilang mga anak sa malalaking siyudad upang patirahin sa kanilang mga kamag-anak samantalang sila’y nag-aaral, malimit na ang trato sa kanila ay halos mga alipin. Tiyak iyan, lahat ng di-mabuting trato ay nakagagalit sa mga bata.

Kung Ano ang Ibig Sabihin ng ‘Panggagalit sa Kanila’

Ang ibang mga magulang ay madaling naiimpluwensiyahan ng patuloy na nagbabagong mga kaugalian sa pagpapalaki ng anak na hindi gaano alintana ang kahihinatnan. Gayunman, may mabuting dahilan kung kaya ipinapayo ng Salita ng Diyos sa mga magulang na huwag ibuyo sa galit ang kanilang mga anak. Ang orihinal na pananalitang Griyego na isinaling ‘huwag ibuyo sa galit’ ay literal na nangangahulugang “huwag pukawing magalit.” (Kingdom Interlinear) Sa Roma 10:19, ang pandiwa ring iyan ay isinasalin na “udyukan tungo sa marahas na pagkagalit.”

Kaya ang Today’s English Version ay nagsasabi: “Huwag ninyong tratuhin ang inyong mga anak sa isang paraan na manggagalit sa kanila.” Ang The Jerusalem Bible ay nagsasabi rin ng nakakatulad niyan: “Huwag ninyong pagalitin ang inyong mga anak.” Samakatuwid hindi ang tinutukoy ng Bibliya ay ang maliliit na kayamutan na maaaring sa di sinasadya’y pukawin ng isang magulang sa kaniyang anak dahilan sa di-kasakdalan, ni hindi rin ito paghatol sa tama namang ikinakapit na disiplina. Sang-ayon sa Lange’s Commentary on the Holy Scriptures, ang tinutukoy ng talatang ito sa Bibliya ay “ang padalus-dalos, magaspang, pasumpung-sumpong na trato sa mga anak, kaya naman . . . sila’y napalalayo at nahihikayat na sumalansang, lumaban at magtanim ng galit.”

Gaya ng puna ng edukador na si J. S. Farrant: “Ang totoo ay mga tao ang mga bata. Sila’y hindi lamang tumutugon sa isang walang-imik na paraan na gaya ng pagtugon ng mga halaman sa kanilang kapaligiran. Sila’y gumaganti.” At kalimitan ang pagganti sa di-mabuting trato ay nagbubunga ng masama sa espirituwalidad at sa emosyon. Ang sabi ng Eclesiastes 7:7: “Sapagkat dahil lamang sa pagkaapi baka ang isang pantas ay kumilos na mistulang baliw.”

Pagpapalaki sa mga Anak Ayon sa Disiplina ng Diyos

Para sa mga magulang na naghahangad na ang kanilang mga anak ay patuloy na lumakad sa katotohanan huwag nilang payagan na ang mga pamantayan sa kultura ng kanilang bansa at ang mga tradisyon ang maging tanging batayan ng kung papaano nila palalakihin ang kanilang mga anak. (Ihambing ang 3 Juan 4.) Pagkatapos paalalahanan ang mga magulang na huwag ibuyo sa galit ang kanilang mga anak, isinusog ni Pablo: “Patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ang mga pamantayan ni Jehova ang dapat na ihalili sa lokal na mga kaugalian at mga pangmalas.

Bagaman marahil ay karaniwan sa mga ilang lupain na ang mga anak ay tratuhin na mas mabababa at mistulang mga manggagawang alipin, sinasabi ng Bibliya sa Awit 127:3: “Narito! Ang mga anak ay isang mana kay Jehova; ang bunga ng bahay-bata ay isang gantimpala.” Ang isa bang magulang ay makapananatiling may mabuting kaugnayan sa Diyos kung kaniyang inaabuso ang kaniyang mana? Hindi. Wala ring dako ang paniniwala na ang mga bata ay umiiral upang matustusan lamang ang pangangailangan ng kanilang mga magulang. Sa 2 Corinto 12:14, tayo’y pinaaalalahanan ng Bibliya: “Sapagkat hindi nararapat ipagtipon ng mga anak ang kanilang mga magulang, kundi ng mga magulang ang kanilang mga anak.”

Hindi sa bagay na ang mga anak ay dapat malibre sa pagganap sa kanilang mga bahagi sa mga gawain at tungkulin sa sambahayan. Kundi hindi ba dapat na isaalang-alang ang pinakamagaling na kapakanan ng anak? Halimbawa, nang si Yaa, isang batang babaing Kristiyano sa Aprika, ay tanungin kung ano ang ibig niya una sa lahat na gawin para sa kaniya ng kaniyang mga magulang, siya’y tumugon: “Nais ko po sana’y bawasan ang aking trabaho sa bahay sa mga araw na ako’y naglilingkod sa larangan.” Kaya kung ang isang bata ay nahihirapan na makarating sa oras sa paaralan o sa pagdalo sa mga pulong dahilan sa karamihan ng kaniyang trabaho sa bahay, hindi baga pinakamagaling ang gumawa ng mga ilang pagbabago?

Ipagpalagay natin, ang mga bata ay mahirap ngang pakitunguhan. Papaano sila mapakikitunguhan ng mga magulang sa paraan na hindi mapag-abuso o nakagagalit? Sinasabi ng Kawikaan 19:11: “Ang unawa ng isang tao ay tunay na nagpapabagal sa kaniyang galit.” Oo, una muna’y sikaping maunawaan ang iyong anak bilang isang indibiduwal. Bawat bata ay may sariling kakanyahan, sariling mga kapakanan, kakayahan, at mga pangangailangan. Ano ba ang mga ito? Ikaw ba ay nagbigay ng panahon upang makilala mo ang iyong anak at matutuhan ang kasagutan sa kaniyang tanong? Sa paggawa at pagsamba na magkasama, paglilibang bilang isang pamilya​—ang mga bagay na ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga magulang na maging lalong malapit sa kanilang mga anak.

Sa 2 Timoteo 2:22, si Pablo ay nakatuklas ng isa pang interesanteng bagay nang kaniyang sabihin kay Timoteo: “Layuan mo ang mga masasamang pita ng kabataan.” Oo, naunawaan ni Pablo na ang kabataan ay maaaring maging isang panahon ng kaligaligan. Maaaring maganap ang dramatikong pisikal at emosyonal na mga pagbabago. Tumitindi ang pagkaakit sa hindi nila kasekso. Sa panahong ito, ang kabataan ay nangangailangan ng may gulang at maibiging patnubay upang maiwasan ang malulubhang silo. Subalit sila’y hindi dapat tratuhin na para bagang sila ay imoral. Ang nagalit na anak na babae ng isang lalaking Kristiyano ay naghinanakit: “Kung ako’y hindi nagkasala ng pakikiapid, pero binibintangan ako ng aking ama na ginawa ko iyon, ang mabuti pa’y gawin ko nga iyon.” Sa halip na bintangan siya ng masasamang motibo, magpahayag ka ng pagtitiwala sa iyong anak. (Ihambing ang 2 Tesalonica 3:4.) Sa halip na maging palapintasin, magpakita ka ng empatiya at unawa sa isang paraang mapagmahal, walang pagbabago.

Gayunman, maraming suliranin ang maiiwasan kung sa una pa lamang ay ipakikipag-usap ng mga magulang ang mga moral na panganib na nakaharap sa isang anak. Tandaan, inuobligahan ng Diyos ang mga magulang na sanayin at turuan sa Salita ng Diyos ang kanilang mga supling. (Deuteronomio 6:6, 7) Marahil ay kailangan diyan ang malaki-laking panahon at pagsisikap. Nakalulungkot naman, may mga magulang na hindi nagpapatuloy ng pagtuturo sa kanilang mga anak sapagkat kulang sila ng pagtitiis. Ang di pagkaalam bumasa’t sumulat, isang malaking suliranin sa maraming umuunlad na mga bansa, ang isa pang nakahahadlang sa mga ibang magulang.

Sa mga ilang kaso ang isang may gulang na Kristiyano ay maaaring hilingan na tumulong. Baka iyon ay pagbibigay lamang ng mungkahi sa magulang na walang gaanong karanasan. (Kawikaan 27:17) O maaaring iyon ay pagtulong upang makapagdaos ng pampamilyang pag-aaral. Subalit ito’y hindi nag-aalis sa magulang ng kaniyang pananagutan na turuan sa Salita ng Diyos ang kaniyang supling. (1 Timoteo 5:8) Siya’y makapagsisikap na gumawang kasama ang kaniyang mga anak sa ministeryo sa larangan at talakayin ang espirituwal na mga bagay sa mga oras ng pagkain o sa iba pang mga angkop na pagkakataon.

Ang isang kabataang patungo sa pagka-adulto ay natural lamang na maghangad ng higit pang kasarinlan. Malimit na ito’y maling ipinangangahulugan na di-pagpapasakop o pagkawalang-galang. Nakayayamot nga naman kung siya’y tatratuhin ng kaniyang mga magulang na mistulang isang munting bata at tatangging bigyan siya ng higit pang kalayaan sa kaniyang mga pagkilos! Nakaiinis din kung sila ang magpapasiya sa lahat ng pitak ng kaniyang buhay​—sa edukasyon, karera, pag-aasawa​—​nang hindi ipinakikipag-usap sa kaniya ang bagay na ito sa mahinahon at magalang na paraan. (Kawikaan 15:22) Pinayuhan ni apostol Pablo ang kaniyang kapuwa Kristiyano na “sa kapangyarihan na umunawa ay magpakatao kayo nang lubos.” (1 Corinto 14:20) Hindi baga dapat maghangad ang mga magulang na ang kanilang sariling mga anak ay magsigulang​—sa emosyon at sa espirituwalidad? Datapuwat, ang “kapangyarihan na umunawa” ng isang kabataan ay masasanay lamang “sa pamamagitan ng kagagamit.” (Hebreo 5:14) Upang magamit ito siya’y kailangang bigyan ng sapat na kalayaan sa pagpili.

Ang pagpapalaki sa mga anak sa mga kaarawang ito ng kagipitan ay hindi madali. Subalit ang mga magulang na sumusunod sa Salita ng Diyos ay hindi nagbubuyo sa galit o sa pagkayamot sa kanilang mga anak “upang sila’y huwag masiraan ng loob.” (Colosas 3:21) Bagkus, kanilang sinisikap na tratuhin ang kanilang mga anak na taglay ang init, unawa, at karangalan. Ang kanilang mga anak ay inaakay, hindi ipinagtatabuyan; inaalagaan, hindi ipinagwawalang-bahala; pinupukaw na ang motibo’y pag-ibig, hindi ibinubuyo sa galit o pagkasiphayo.

[Larawan sa pahina 31]

Ang paglalaro ng “oware,” isang lokal na laro sa loob ng bahay sa Ghana, ay nagbibigay sa mga magulang na ito ng pagkakataon na makisama sa kanilang mga anak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share