Itinuro ba ng Sinaunang Iglesiya na ang Diyos ay Isang Trinidad?
Bahaging 1—Itinuro ba ni Jesus at ng kaniyang mga Alagad ang Doktrina ng Trinidad?
Itinuro ba ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang doktrina ng Trinidad? Itinuro ba ito ng mga pinuno ng mga simbahan noong sumunod na mga ilang siglo? Papaano ito nagsimula? At bakit mahalaga na malaman ang katotohanan tungkol sa paniwalang ito? Pasimula sa Bahaging 1 sa labas na ito, Ang Bantayan ay tatalakay sa mga tanong na ito sa sunud-sunod na mga artikulo. Ang ibang mga artikulo sa seryeng ito ay ilalathala pana-panahon sa nahuhuling mga labas.
YAONG mga tumatanggap sa Bibliya bilang ang Salita ng Diyos ay kumikilala na sila’y may pananagutan na turuan ang iba tungkol sa Maylikha. Kanila ring kinikilala na ang pinakadiwa ng kanilang itinuturo tungkol sa Diyos ay kailangang maging totoo.
Sinaway ng Diyos ang mga “tagaaliw” ni Job dahil sa hindi paggawa niyan. “Sinabi ni Jehova kay Elipaz na Temanita: ‘Ang aking poot ay nag-alab laban sa iyo at laban sa iyong dalawang kasama, sapagkat kayong mga tao ay hindi nagsalita tungkol sa akin ng bagay na totoo gaya ng ginawa ng aking lingkod na si Job.’ ”—Job 42:7.
Si apostol Pablo, nang tinatalakay ang tungkol sa pagkabuhay-muli, ay nagsabi na kami ay “masusumpungang mga bulaang saksi ng Diyos” kung aming ituturo ang isang bagay tungkol sa mga gawa ng Diyos na hindi totoo. (1 Corinto 15:15) Yamang ito’y totoo tungkol sa turong pagkabuhay-muli, anong laking pag-iingat ang kailangan natin pagka ating itinuturo ang tungkol sa kung sino ang Diyos!
Ang Doktrina ng Trinidad
Halos lahat ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay nagtuturo na ang Diyos ay isang Trinidad. Sang-ayon sa The Catholic Encyclopedia ang turo ng Trinidad “ang pangunahing doktrina ng relihiyong Kristiyano,” at ganito ang katuturang ibinigay dito:
“Sa pagkakaisa ng pagka-Diyos ay may Tatlong Persona, ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo, ang Tatlong Personang ito ay tunay na iba-iba. Samakatuwid, sa pananalita ng Kredong Atanasio: ‘ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay Diyos, ngunit hindi tatlo ang Diyos kundi iisa ang Diyos.’ . . . Ang mga Persona ay magkakasabay at magkakasing-pantay: lahat ay hindi nilikha at pawang makapangyarihan-sa-lahat.”1
Ganiyan din ang katuturang ibinibigay ng The Baptist Encyclopædia. Sinasabi nito:
“Si [Jesus] ay . . . ang walang-hanggang Jehova . . . Ang Espiritu Santo ay si Jehova . . . Ang Anak at ang Espiritu ay kapantay na kapantay ng Ama. Kung siya ay si Jehova ganoon din sila.”2
Sumpa Laban sa mga Mananalansang
Noong 325 C.E., isang konsilyo ng mga obispo sa Nicea sa Asia Minor ang bumuo ng isang kredo na nagpahayag na ang Anak ng Diyos ay “tunay na Diyos” gaya ng Ama na “tunay na Diyos.” Ang isang bahagi ng kredong iyan ay nagsasabi:
“Subalit para sa mga nagsasabi na, Nagkaroon ng [isang panahon] nang [ang Anak] ay hindi pa umiiral, at, Bago isinilang Siya ay hindi umiiral, at Siya ay umiral mula sa wala, o nagsasabing ang Anak ng Diyos ay galing sa isang naiibang hypostasis o sustansya, o nilikha, o maaaring mabago o baguhin—ang mga ito ay sinusumpa ng Iglesya Katolika.”3
Sa gayon, sino man na naniniwala na hindi kasabay na umiral ng Ama ang Anak ng Diyos o na nilikha ang Anak ay nalalagay sa walang-hanggang kapahamakan. Maguguniguni ang panggigipit sa kaninuman upang mapasang-ayon ang karamihan ng karaniwang mga naniniwala.
Noong taóng 381 C.E., isa pang kapulungan ang naganap sa Constantinople at nagpahayag na ang banal na espiritu (santo) ay dapat sambahin at luwalhatiin gaya rin ng Ama at Anak. Makalipas ang isang taon, noong 382 C.E., nagkaroon pa ng isang kapulungan sa Constantinople at pinagtibay ang ganap na pagka-Diyos ng banal na espiritu.4 Nang taon ding iyon, sa harap ng isang kapulungan sa Roma, si Papa Damaso ay nagharap ng isang kalipunan ng mga turo na kailangang kundenahin ng simbahan. Ang dokumento, tinatawag na ang Tomo ni Damaso, ay mayroong sumusunod na mga pangungusap:
“Kung itatatwa ng sinuman na ang Ama ay walang-hanggan, na ang Anak ay walang-hanggan, at na ang Espiritu Santo ay walang-hanggan: siya ay isang erehes.”
“Kung itatatwa ng sinuman na ang Anak ng Diyos ay tunay na Diyos, gaya ng Ama na tunay na Diyos, may taglay ng lahat ng kapangyarihan, nakaaalam ng lahat ng bagay, at kapantay ng Ama: siya ay isang erehes.”
“Kung itatatwa ng sinuman na ang Espiritu Santo . . . ay tunay na Diyos . . . may lahat na kapangyarihan at nakaaalam ng lahat ng bagay, . . . siya ay isang erehes.”
“Kung itatatwa ng sinuman na ang tatlong persona, ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo, ay tunay na mga persona, magkakapantay, walang-hanggan, nagtataglay ng lahat ng bagay na nakikita at di-nakikita, na sila ay makapangyarihan-sa-lahat, . . . siya ay isang erehes.”
“Kung sasabihin ng sinuman na [ang Anak na] ginawang laman ay wala sa langit kasama ng Ama nang siya’y narito sa lupa: siya ay isang erehes.”
“Kung ang sinuman, bagaman sinasabi niya na ang Ama ay Diyos at ang Anak ay Diyos at ang Espiritu Santo ay Diyos, . . . ay di nagsasabing sila’y iisang Diyos, . . . siya ay isang erehes.”5
Ang mga iskolar na Jesuita na nagsalin ng binanggit na buhat sa Latin ay nagsusog: “Si Papa San Celestino I (422-32) ay maliwanag na batas ang turing sa mga kautusang ito ng simbahan; ang mga ito’y maituturing na mga pangangahulugan sa pananampalataya.”6 At sinasabi ng iskolar na si Edmund J. Fortman na ang tomo ay kumakatawan sa “matatag at matibay na doktrina ng trinidad.”7
Kung ikaw ay isang miyembro ng isang relihiyon na naniniwala sa turo ng Trinidad, ang mga pangungusap na ito ba ang nagbibigay ng ibig sabihin ng iyong pananampalataya? At iyo bang napag-isipan na ang paniniwala sa doktrina ng Trinidad ayon sa itinuturo ng mga simbahan ay humihiling sa iyo na maniwala na si Jesus ay nasa langit samantalang siya’y narito rin sa lupa? Ang turong ito ay nahahawig sa binanggit ng klerigong si Atanasio noong ikaapat na siglo sa kaniyang aklat na On the Incarnation:
“Ang Salita [si Jesus] ay hindi nakukulong sa Kaniyang katawan, ni ang Kaniyang pagkanaroon sa katawan ay humahadlang sa Kaniyang pagiging presente saan man. Nang Kaniyang ilipat ang katawan Niya hindi natapos ang Kaniyang pamamanihala sa sansinukob sa pamamagitan ng Kaniyang Isip at lakas. . . . Siya pa rin ang Bukal ng buhay sa buong sansinukob, presente sa bawat bahagi nito, gayunman ay labas sa kabuuan.”8
Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Doktrina ng Trinidad
May mga nanghinuha na ang basta paniniwalang may pagka-Diyos o diyos si Jesus ang buong kahulugan ng aral ng Trinidad. Para sa iba, ang paniniwala sa Trinidad ay walang ibig sabihin kundi paniniwala sa Ama, Anak, at espiritu santo.
Subalit, ang masinsinang pagsusuri sa mga turo ng Sangkakristiyanuhan ay naglalantad sa kalungkut-lungkot na kakulangan ng gayong mga ideya may kaugnayan sa binuong doktrina. Ang opisyal na mga pangangahulugan ay nagbibigay-linaw na hindi isang simpleng ideya ang doktrina ng Trinidad. Sa halip, ito ay isang masalimuot na kalipunan ng hiwa-hiwalay na mga ideya na pinagsama-sama sa loob ng mahabang yugto ng panahon at pinagkawing-kawing.
Buhat sa larawan ng doktrina ng Trinidad na lumitaw pagkatapos ng Konsilyo ng Constantinople noong 381 C.E., buhat sa Tomo ni Damaso noong 382 C.E., buhat sa Kredong Atanasio na nabuo makalipas ang ilang panahon, at buhat sa ibang mga dokumento, malinaw na makikita natin kung ano ang ibig sabihin ng Sangkakristiyanuhan pagka sinabing doktrina ng Trinidad. Kasali ang sumusunod na tiyakang mga ideya:
1. Sinasabing may tatlong banal na persona—ang Ama, ang Anak, at ang espiritu santo—sa pagka-Diyos.
2. Bawat isa sa hiwa-hiwalay na mga personang ito ay sinasabing walang-hanggan, walang dumating na una o pagkatapos ng iba kung panahon ang tinutukoy.
3. Bawat isa ay sinasabing makapangyarihan-sa-lahat, walang lalong dakila o mababa kaysa iba.
4. Bawat isa ay sinasabing omnisyente, nakaaalam ng lahat ng bagay.
5. Bawat isa ay sinasabing siyang tunay na Diyos.
6. Gayunman, sinasabing hindi tatlo ang Diyos kundi iisa lamang ang Diyos.
Maliwanag na ang doktrina ng Trinidad ay isang masalimuot na kalipunan ng mga ideya kasali na ang humigit-kumulang nabanggit na mahahalagang elemento at nagsasangkot ng higit pa, gaya ng isinisiwalat pagka sinuri ang mga detalye. Subalit kung ating isasaalang-alang ang binanggit na mga saligang ideya lamang, maliwanag na kung aalisin ang sinuman, ang matitira ay hindi na ang Trinidad ng Sangkakristiyanuhan. Upang magkaroon ng buong larawan, lahat ng mga bahaging ito ay kailangang naroroon.
Taglay itong higit na pagkaunawa sa terminong “Trinidad,” maitatanong natin ngayon: Iyon ba ay isang turo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad? Kung gayon, dapat sanang lumitaw ito na lubusang buo na noong unang siglo ng ating Pangkalahatang Panahon (Common Era). At yamang ang kanilang itinuro ay matatagpuan sa Bibliya, ang doktrina ng Trinidad kung gayon ay isang turo ng Bibliya o hindi itinuturo nito. Kung turo ito, dapat malinaw na itinuturo ito ng Bibliya.
Hindi makatuwirang isipin na si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay magtuturo sa mga tao tungkol sa Diyos subalit hindi naman sasabihin sa kanila kung sino ang Diyos, lalo na pagka hinilingan ang ilang mga mananampalataya na maging ang kanilang buhay man ay ibigay alang-alang sa Diyos. Kung gayon, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nagbigay sana ng pinakamataas na pagpapahalaga sa pagtuturo sa iba tungkol sa mahalagang doktrinang ito.
Suriin ang Kasulatan
Sa Gawa kabanata 17, talatang 11, ang mga tao ay tinutukoy na “mararangal” sapagkat kanilang “maingat na sinisiyasat sa araw-araw ang mga Kasulatan kung tunay nga ang mga bagay na ito,” yaong mga bagay na itinuro ni apostol Pablo. Sila’y hinimok na gamitin ang mga Kasulatan upang patunayan ang mga turo kahit ng isang apostol. Ganiyan din ang dapat ninyong gawin.
Isaisip na ang Kasulatan ay “kinasihan ng Diyos” at kailangang gamitin sa “pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:16, 17) Samakatuwid ang Bibliya ay kumpleto tungkol sa doktrina. Kung ang doktrina ng Trinidad ay totoo, ito’y dapat na naririyan.
Kayo’y aming inaanyayahan na saliksikin ang Bibliya, lalo na ang 27 mga aklat ng Kasulatang Griegong Kristiyano, upang alamin kung si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nagturo ng isang Trinidad. Samantalang kayo’y nagsasaliksik, tanungin ang inyong sarili:
1. Makakasumpong ba ako ng anumang kasulatan na bumabanggit ng “Trinidad”?
2. Makakasumpong ba ako ng anumang kasulatan na nagsasabing ang Diyos ay may tatlong bukud-bukod na mga persona, Ama, Anak, at banal na espiritu, ngunit ang tatlo ay iisa lamang Diyos?
3. Makakasumpong ba ako ng anumang kasulatan na nagsasabing ang Ama, Anak, at ang banal na espiritu ay magkakapantay sa lahat ng paraan, tulad baga ng sa pagkawalang-hanggan, kapangyarihan, posisyon, at karunungan?
Kahit na kayo lubusang magsaliksik, hindi kayo makakasumpong ng kahit isang kasulatan na gumagamit ng salitang Trinidad, o nagsasabing ang Ama, Anak, at banal na espiritu ay magkakapantay sa lahat ng paraan, tulad halimbawa sa pagkawalang-hanggan, sa kapangyarihan, posisyon, at karunungan. Wala isa mang kasulatan na nagsasabing ang Anak ay kapantay ng Ama sa gayong mga paraan—at kung mayroon mang gayong kasulatan, ang patutunayan ay hindi isang Trinidad kundi sa kalakhang bahagi ay “dalawang persona.” Saan man sa Bibliya ay hindi makikitang ang banal na espiritu ay kapantay ng Ama.
Ang Sinasabi ng Maraming Iskolar
Inaamin ng maraming iskolar, kasali na ang mga Trinitarian, na hindi makikita sa Bibliya ang aktuwal na doktrina ng Trinidad. Halimbawa, sinasabi ng The Encyclopedia of Religion:
“Ang mga kritiko at mga teologo sa ngayon ay nagkakaisa na ang Bibliyang Hebreo ay walang doktrina ng Trinidad . . . Bagaman sa Bibliyang Hebreo ang Diyos ay inilalarawan bilang Ama ng Israel at gumagamit ng paglalarawan sa Diyos bilang isang persona tulad baga ng Salita (davar), Espiritu (ruah), Karunungan (hokhmah), at Presensya (shekhinah), ito ay lumalampas sa intensyon at espiritu ng Matandang Tipan kung iuugnay ang mga ideyang ito sa doktrinang trinitarian noong bandang huli.
“Isa pa, ang mga kritiko at mga teologo ay nagkakaisa na ang Bagong Tipan ay wala ring isang malinaw na doktrina ng Trinidad. Ang Diyos na Ama ang pinagmumulan ng lahat na (Pantokrator) at gayundin siyang ama ni Jesu-Kristo; ang ‘Ama’ ay hindi isang titulo para sa unang persona ng Trinidad kundi isang salitang kasingkahulugan ng Diyos. . . .
“Sa Bagong Tipan ay walang repleksibong kamalayan sa metapisikong kalikasan ng Diyos (‘immanent trinity’), ni ang Bagong Tipan man ay mayroong teknikal na wika noong malaunan ng doktrina (hupostasis, ousia, substantia, subsistentia, prosōpon, persona). . . . Hindi matututulan na ang doktrina ay hindi mapatutunayan batay sa makasulatang ebidensiya lamang.”9
Tungkol sa patotoo ng kasaysayan sa bagay na ito, sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica:
“Maging ang salitang Trinidad man o ang maliwanag na doktrina ay hindi makikita sa Bagong Tipan . . .
“Ang doktrina ay unti-unting nabuo sa loob ng maraming daan-daang taon at dumaan sa maraming pagsalungat. . . .
“Hindi nangyari kundi noong ika-4 na siglo na ang pagkakaiba-iba ng tatlo at ang kanilang pagkakaisa ay pinagsama-sama sa kaisa-isang binuong doktrina na may isang diwa at tatlong persona.”10
Ang New Catholic Encyclopedia ay may nahahawig na pangungusap tungkol sa pinagmulan ng Trinidad:
“Kinikilala ng mga kritiko at mga teologo sa Bibliya, kasali na ang patuloy na dumaraming mga Romano Katoliko, na hindi dapat banggitin ng isa ang Trinitarianismo sa Bagong Tipan nang walang seryosong kuwalipikasyon. Nariyan din ang halos kahawig na pagkilala ng mga historyador ng mga dogma at sistematikong teologo na kung ang tinukoy ng isa ay hindi isang di-kuwalipikadong Trinitarianismo, ang isa ay lumipat mula sa panahon na pinanggalingan ng pagka-Kristiyano hanggang, sabihin na, sa huling kapat ng ika-4 na siglo. Noon lamang ang matatawag na tiyakang turo ng Trinidad na ‘isang Diyos sa tatlong Persona’ lubusang napalakip sa buhay at kaisipang Kristiyano. . . .
“Sa mismong pormula ay hindi mababanaag ang agad na pagkakilala sa panahon ng mga pinagmulan; iyon ay resulta ng 3 siglo ng pagkabuo ng doktrina.”11
“Ipinahihiwatig” ba Ito?
Marahil ay sasabihin ng mga Trinitarian na ang Trinidad ay “ipinahihiwatig” ng Bibliya. Ngunit ang ganitong pag-aangkin ay ginagawa matagal na pagkatapos na maisulat ang Bibliya. Ito’y isang pagtatangka na pigain sa Bibliya ang isang di-sinasadyang kahulugan na sadyang mga klerigo noong bandang huli ang sadyang nagpasiya na gawing doktrina.
Tanungin ang inyong sarili: Bakit “ipahihiwatig” lamang ng Bibliya ang pinakamahalagang turo nito—na sino ang Diyos? Ang Bibliya ay malinaw tungkol sa ibang mga saligang turo; bakit hindi magkakagayon tungkol dito, ang pinakamahalaga pa naman? Hindi baga ang Maylikha ng sansinukob ay susulat ng isang aklat na malinaw na nagpapaliwanag sa kaniyang pagiging isang Trinidad kung ganoon nga?
Ang dahilan kung bakit ang Bibliya ay hindi malinaw na nagtuturo ng doktrina ng Trinidad ay simple: Ito ay hindi isang turo ng Bibliya. Kung ang Diyos nga ay isang Trinidad, tiyak na nilinaw niya ito upang naituro sana sa iba ni Jesus at ng kaniyang mga alagad. At ang mahalagang impormasyong iyan ay nakasali sana sa kinasihang Salita ng Diyos. Disin sana ay hindi ipinaubaya sa di-sakdal na mga tao na makipagpunyagi riyan makalipas ang daan-daang taon.
Pagka ating sinuri ang mga tekstong ibinibigay ng mga Trinitarian bilang ebidensiya na “nagpapahiwatig” ang Bibliya ng isang Trinidad, ano ang ating masusumpungan? Ang isang tapatang pagsusuri ay nagsisiwalat na ang mga tekstong ginamit ay hindi tumutukoy sa Trinidad ng Sangkakristiyanuhan. Sa halip, ang ginagawa ng mga teologo ay pinupuwersa ang mga talata na iayon sa kanilang dati nang binuong ideya ng isang Trinidad. Ngunit ang mga ideyang iyon ay wala sa mga teksto ng kasulatan. Ang totoo, ang mga ideyang iyon ng mga Trinitarian ay salungat sa malinaw na patotoo ng Bibliya sa kabuuan nito.
Ang isang halimbawa ng gayong mga teksto ay makikita sa Mateo 28:19, 20. Doon ang Ama, ang Anak, at ang banal na espiritu ay binabanggit na sama-sama. Sinasabi ng iba na ito raw ay nagpapahiwatig ng isang Trinidad. Subalit ikaw na rin ang bumasa ng mga talata. Mayroon bang anuman sa mga tekstong iyon na nagsasabing ang tatlo ay iisang Diyos na pawang walang-hanggan, pare-pareho ng kapangyarihan, posisyon, at karunungan? Hindi, wala. Ganiyan din kung tungkol sa ibang teksto na bumabanggit sa tatlong magkakasama.
Para sa mga nakakakita na ipinahihiwatig ang Trinidad sa Mateo 28:19, 20 sa paggamit ng “pangalan” sa pang-isahan para sa Ama, Anak, at banal na espiritu, pakisuyong ihambing ang paggamit sa “pangalan,” pang-isahan, para kay Abraham at Isaac sa Genesis 48:16.—King James Version; New World Translation of the Holy Scriptures.
Nakaturo rin ang mga Trinitarian sa Juan 1:1 sa mga ibang salin, na kung saan “ang Salita” ay tinutukoy na “kasama ng Diyos” at siyang “Diyos.” Subalit makikita sa ibang salin ng Bibliya na ang Salita ay “isang diyos” o “dibino,” na ang ibig sabihin ay hindi naman siya ang Diyos kundi siya ay isang makapangyarihan. Isa pa, ang talatang iyan sa Bibliya ay nagsasabi na “ang Salita” ay “kasama” ng Diyos. Diyan ay makatuwirang masasabi na hindi siya ang Diyos na iyan. At kung “ang Salita” ang pag-uusapan, dalawa lamang persona ang binabanggit sa Juan 1:1, hindi tatlo. Paulit-ulit, lahat ng teksto na ginagamit upang subukan na alalayan ang doktrina ng Trinidad ay lubusang nabibigo pagka sinuri nang buong katapatan.a
Ang isa pang bagay na dapat isaalang-alang ay ito: Kung ang doktrina ng Trinidad ay itinuro ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, tiyak na ituturo rin naman iyon ng mga pangunahing klerigo na karakarakang kasunod nila. Ngunit ang mga tao bang iyon, tinatawag sa ngayon na mga Apostolikong Ama, ay nagturo ng doktrina ng Trinidad? Ang tanong na ito ay tatalakayin sa Bahaging 2 sa seryeng ito sa isang nahuhuling labas ng Ang Bantayan.
Mga Reperensiya
1. The Catholic Encyclopedia, 1912, Tomo XV, pahina 47.
2. The Baptist Encyclopœdia, inedit ni William Cathcart, 1883, pahina 1168-9.
3. A Short History of Christian Doctrine, ni Bernhard Lohse, Edisyong 1980, pahina 53.
4. Ibid., pahina 64-5.
5. The Church Teaches, isinalin at inedit nina John F. Clarkson, S.J., John H. Edwards, S.J., William J. Kelly, S.J., at John J. Welch, S.J., 1955, pahina 125-7.
6. Ibid., pahina 125.
7. The Triune God, ni Edmund J. Fortman, Edisyong 1982, pahina 126.
8. On the Incarnation, isinalin ni Penelope Lawson, Edisyong 1981, pahina 27-8.
9. The Encyclopedia of Religion, Mircea Eliade, editor in chief, 1987, Tomo 15, pahina 54.
10. The New Encyclopœdia Britannica, ika-15 Edisyon, 1985, Tomo 11, Micropædia, pahina 928.
11. New Catholic Encyclopedia, 1967, Tomo XIV, pahina 295.
[Talababa]
a Para sa lalong kumpletong pagtalakay sa gayong mga teksto sa Kasulatan, tingnan ang brochure na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 19]
Simbahan sa Tagnon, Pransya