Pagpapaunlad sa Bunga ng Pagpipigil-sa-Sarili
“Ang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili. Laban sa ganiyang mga bagay ay walang kautusan.”—GALACIA 5:22, 23.
1. Sino ang nagbigay sa atin ng pinakamainam na mga halimbawa ng pagpipigil-sa-sarili, gaya ng pinatutunayan sa anong mga teksto?
ANG Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ang nagbigay sa atin ng pinakamaiinam na halimbawa ng pagpipigil-sa-sarili. Magbuhat ng sumuway ang tao nang siya’y nasa halamanan ng Eden, si Jehova ay patuloy na gumagamit ng katangiang ito. (Ihambing ang Isaias 42:14.) Siyam na ulit sa Kasulatang Hebreo ating mababasa na siya ay “mabagal sa pagkagalit.” (Exodo 34:6) Iyan ay nangangailangan ng pagpipigil-sa-sarili. At tunay na ang Anak ng Diyos ay gumamit ng napakalaking pagpipigil-sa-sarili, sapagkat “nang siya ay alipustain, hindi siya gumanti ng pag-alipusta.” (1 Pedro 2:23) Gayunman, maaari sanang humingi si Jesus ng tulong sa kaniyang makalangit na Ama para sa pag-alalay sa kaniya ng “mahigit na labindalawang pulutong ng mga anghel.”—Mateo 26:53.
2. Ano ang maiinam na mga halimbawa sa Kasulatan ng mga taong di-sakdal na patuloy na gumamit ng pagpipigil-sa-sarili?
2 Mayroon din tayong maiinam na halimbawa sa Kasulatan ng mga taong di-sakdal na patuloy na gumamit ng pagpipigil-sa-sarili. Halimbawa, ang katangiang ito ay napatanghal sa isang mahalagang pangyayari sa buhay ni Jose, isang anak ng patriyarkang si Jacob. Anong pambihirang pagpipigil-sa-sarili ang patuloy na ipinakita ni Jose nang subukin ng asawa ni Potipar na siya’y akiting gumawa ng imoralidad! (Genesis 39:7-9) Nariyan din ang mainam na halimbawa ng apat na kabataang Hebreo na patuloy na nagpigil-sa-sarili sa pamamagitan ng pagtangging kumain ng pagkain ng hari ng Babilonya dahilan sa ibinabawal iyon ng Kautusang Mosaiko.—Daniel 1:8-17.
3. Sino ang kilala sa kanilang mahusay na paggawi, gaya ng makikita sa anong patotoo?
3 Para sa modernong halimbawa ng pagpipigil-sa-sarili, maituturo natin ang mga Saksi ni Jehova bilang isang grupo. Sila’y karapat-dapat sa papuring binanggit ng New Catholic Encyclopedia—na sila ay “isa sa mga grupong may pinakamahusay na paggawi sa daigdig.” Isang instruktor sa isang pamantasan sa Pilipinas ang nagsabi na “ang mga Saksi ay buong higpit na nagkakapit ng kanilang natutuhan buhat sa Kasulatan.” Tungkol sa kombensiyon ng mga Saksi sa Warsaw noong 1989, isang reporter na Polako ang sumulat: “55,000 katao ang hindi nanigarilyo kahit minsan sa loob ng tatlong araw! . . . Ang ganitong pagpapakita ng disiplinang higit kaysa maipakikita ng tao ang hinangaan ko nang labis-labis kasabay ng pagkasindak.”
Ang Pagkatakot sa Diyos at Pagkapoot sa Masama
4. Ano ang isa sa pinakamalaking tulong sa patuloy na pagpipigil-sa-sarili?
4 Ang isa sa pinakamalaking tulong sa pagpapaunlad ng pagpipigil-sa-sarili ay ang pagkatakot sa Diyos, ang magaling na pangambang tayo’y hindi kalugdan ng ating mapagmahal na Ama sa langit. Kung gaano kahalaga sa atin ang mapitagang pagkatakot sa Diyos ay pinatutunayan ng bagay na maraming ulit na binanggit ito ng Kasulatan. Nang ihahandog na lamang ni Abraham ang kaniyang anak na si Isaac, sinabi ng Diyos: “Huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay ang bata at huwag mong gawan siya ng anuman, sapagkat alam ko na ngayon na ikaw ay natatakot sa Diyos sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak.” (Genesis 22:12) Tiyak na umiral noon ang malaking kaigtingan ng damdamin, kaya nangailangan ng malaking pagpipigil-sa-sarili si Abraham upang makasunod sa utos ng Diyos hanggang sa puntong itataas na lamang ang kaniyang kutsilyo upang saksakin ang kaniyang minamahal na anak na si Isaac. Oo, ang pagkatakot sa Diyos ay tutulong sa atin na patuloy na magpigil-sa-sarili.
5. Ano ang ginagampanang bahagi ng pagkapoot sa masama sa ating patuloy na pagpipigil-sa-sarili?
5 May malapit na kaugnayan sa pagkatakot kay Jehova ang pagkapoot sa masama. Ating mababasa sa Kawikaan 8:13: “Ang pagkatakot kay Jehova ay ang pagkapoot sa masama.” Kasunod nito, ang pagkapoot sa masama ay tumutulong din sa atin na patuloy na magpigil-sa-sarili. Paulit-ulit, ang Kasulatan ay nagsasabi sa atin na mapoot—oo, masuklam—sa masama. (Awit 97:10; Amos 5:14, 15; Roma 12:9) Kadalasan ang masama ay totoong nakalulugod, totoong nakaaakit, totoong nakabibighani na anupat ang kailangan ay basta kapootan natin iyon upang patibayin ang ating sarili laban doon. Lahat ng gayong pagkapoot sa masama ay may epekto na nagpapalakas ng ating determinasyon na patuloy na magpigil-sa-sarili at sa gayo’y nagsisilbing isang proteksiyon sa atin.
Pagpipigil-sa-Sarili, ang Landas ng Karunungan
6. Bakit isang katalinuhan na supilin ang ating masasamang hilig sa pamamagitan ng patuloy na pagpipigil-sa-sarili?
6 Ang isa pang malaking tulong sa ating patuloy na pagpipigil-sa-sarili ay ang pahalagahan ang karunungan ng pagpapakita ng katangiang ito. Tayo’y hinihilingan ni Jehova na patuloy na magpigil-sa-sarili para sa ating sariling kapakinabangan. (Ihambing ang Isaias 48:17, 18.) Ang kaniyang Salita ay may maraming payo na nagpapakita na isang katalinuhan na supilin ang ating masasamang hilig sa pamamagitan ng patuloy na pagpipigil-sa-sarili. Talagang hindi natin maiiwasan ang walang pagbabagong mga batas ng Diyos. Ang kaniyang Salita ay nagsasabi sa atin: “Anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya; sapagkat ang naghahasik ukol sa laman ay aani ng kasiraan buhat sa kaniyang laman, ngunit ang naghahasik ukol sa espiritu ay aani ng buhay na walang-hanggan buhat sa espiritu.” (Galacia 6:7, 8) Isang malinaw na halimbawa ay ang pagkain at pag-inom. Maraming karamdaman ang resulta dahilan sa ang mga tao ay kumakain o umiinom nang napakarami. Lahat ng ganiyang pagbibigay-daan sa kasakiman ay nag-aalis sa isang tao ng respeto sa sarili. Higit pa riyan, ang isang tao ay hindi maaaring padaig sa kasakiman nang hindi rin naman pinipinsala ang kaniyang kaugnayan sa iba. Ang pinakamalubha sa lahat, ang kawalan ng pagpipigil-sa-sarili ay pumipinsala sa ating kaugnayan sa ating makalangit na Ama.
7. Ano ang isang mahalagang tema ng aklat ng Kawikaan, gaya ng ipinakikita ng anong mga teksto sa Bibliya?
7 Samakatuwid, patuloy na sabihin natin sa ating sarili na ang kasakiman ay magpapahamak sa atin. Ang isang mahalagang tema ng aklat ng Kawikaan, na nagdiriin sa disiplina sa sarili, ay na walang mapapala sa kasakiman at isang karunungan na ang isa ay patuloy na magpigil-sa-sarili. (Kawikaan 14:29; 16:32) At pansinin na sa disiplina sa sarili ay kasangkot hindi lamang ang pag-iwas sa masama. Ang disiplina sa sarili, o pagpipigil-sa-sarili, ay kinakailangan din upang magawa ang tama, na maaaring mahirap sapagkat ito ay salungat sa ating makasalanang mga hilig.
8. Anong karanasan ang nagtatampok sa karunungan ng pagpipigil-sa-sarili?
8 Bilang paghahalimbawa sa karunungan ng pagpipigil-sa-sarili ay ang kaso ng isa sa mga Saksi ni Jehova na nakapila sa isang bangko nang isang lalaki naman ang sumingit sa pila sa unahan niya. Bagaman ang Saksi ay medyo nayamot, siya’y nagpigil-sa-sarili. Nang araw ding iyon ay kailangan niyang makipagkita sa isang inhinyero upang mapalagdaan ang ilang mga plano ng Kingdom Hall. At sino nga ang inhinyerong ito? Aba, ang mismong tao na sumingit sa bandang unahan niya sa bangko! Ang inhinyero ay hindi lamang naging lubhang palakaibigan sa kaniya kundi ang siningil niya sa Saksi ay wala pang isang kasampu ng regular na bayad. Anong tuwa ng Saksi na siya’y nakapagpigil-sa-sarili maaga nang araw na iyon, at hindi hinayaan na siya’y magalit!
9. Ano ang landas ng karunungan pagka tayo’y napapaharap sa abusadong mga salita sa ministeryo?
9 Malimit pagka tayo’y nagbabahay-bahay sa pagdadala ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos o nakatayo sa kanto upang maakit sa ating mensahe ang mga nagdaraan, tayo’y napapaharap sa abusadong pananalita. Ano ang landas ng karunungan? Ang may karunungang pangungusap na ito ay nasa Kawikaan 15:1: “Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot.” Sa ibang pananalita, tayo’y kailangang patuloy na magpigil-sa-sarili. At hindi lamang ang mga Saksi ni Jehova ang nakapapagpatunay nito kundi pati mga iba rin. Ang bisa ng pagpipigil-sa-sarili na makapagpagaling ay patuloy na napatutunayan ng mga nasa propesyon ng medisina.
Tumutulong ang Pag-ibig na Walang-Pag-iimbot
10, 11. Bakit ang pag-ibig ay isang tunay na tulong sa patuloy na pagpipigil-sa-sarili?
10 Ang paglalarawan ni Pablo ng pag-ibig sa 1 Corinto 13:4-8 ay nagpapakita na ang lakas nito ay makatutulong sa atin na patuloy na magpigil-sa-sarili. “Ang pag-ibig ay matiisin.” Upang maging matiisin ay kailangan ang pagpipigil-sa-sarili. “Ang pag-ibig ay hindi nananaghili, ito’y hindi nagmamapuri, hindi nagpapalalo.” Ang katangian na pag-ibig ay tumutulong sa atin na pigilin ang ating mga kaisipan at damdamin, iwasan ang anumang hilig na managhili, magmapuri, o magpalalo. Ang pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na maging ang kabaligtaran ng binanggit, na ginagawa tayong mapagpakumbaba, mababang-loob, gaya ni Jesus.—Mateo 11:28-30.
11 Nagpapatuloy si Pablo ng pagsasabi na ang pag-ibig ay “hindi nag-uugaling mahalay.” Nangangailangan din ng pagpipigil-sa-sarili na kumilos sa desenteng paraan sa tuwina. Ang katangian na pag-ibig ang naglalayo sa atin sa kasakiman, sa ‘pagtingin sa ating sariling kapakanan.’ Ang pag-ibig ay “hindi magagalitin.” Kaydali na magalit dahilan sa sinasabi o ginagwa ng iba! Subalit ang pag-ibig ang tutulong sa atin na patuloy na magpigil at huwag magsalita o gumawa ng mga bagay na pagsisisihan natin pagkatapos. Ang pag-ibig ay “hindi mapagtanim.” Likas sa tao na maghinanakit o magtanim ng sama ng loob. Subalit tayo’y tutulungan ng pag-ibig na alisin sa atin ang gayong mga kaisipan. Ang pag-ibig ay “hindi nagagalak sa kalikuan.” Ito’y nagpipigil upang huwag magkaroon ng kaluguran sa masama, tulad halimbawa ng pornograpya o malalaswang mga palabas sa TV. Nagagawa rin ng pag-ibig na ‘batahin ang lahat ng bagay’ at ‘pagtiisan ang lahat ng bagay.’ Pagpipigil-sa-sarili ang kailangan upang mabata ang lahat ng bagay, upang mapagtiisan ang lahat ng bagay na pagsubok o pabigat at huwag pahinain niyaon ang ating loob, itulak tayo na gumanti, o hilahin tayo na huminto ng paglilingkod kay Jehova.
12. Ano ang isang paraan upang makapagpakita ng ating pagpapahalaga sa lahat ng nagawa para sa atin ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo?
12 Kung tunay na iniibig natin ang ating makalangit na Ama at pinahahalagahan natin ang kaniyang kahanga-hangang mga katangian at lahat ng kaniyang nagawa para sa atin, nanaisin natin na palugdan siya sa pamamagitan ng patuloy na pagpipigil-sa-sarili sa lahat ng panahon. At, kung talagang iniibig natin ang ating Panginoon at Maestro, si Jesu-Kristo, at pinahahalagahan ang lahat ng kaniyang nagawa para sa atin, susundin natin ang kaniyang utos na ‘pasanin ang ating pahirapang tulos at sundan siya nang patuluyan.’ (Marcos 8:34) Tiyak na nangangailangan iyan na patuloy na magpigil-sa-sarili. Ang pag-ibig sa ating mga kapatid na Kristiyano ay tutulong din sa atin na huwag silang saktan sa pamamagitan ng pagkuha ng isang masamang hakbangin.
Ang Pananampalataya at Pagpapakumbaba ay Nakatutulong
13. Bakit ang pananampalataya ay tutulong sa atin na patuloy na magpigil-sa-sarili?
13 Ang isa pang malaking tulong sa patuloy na pagpipigil ay ang pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang mga pangako. Ang pananampalataya ay tutulong sa atin na magtiwala kay Jehova at hintayin ang kaniyang takdang panahon upang ituwid ang mga bagay-bagay. Ang punto ring iyan ang idiniriin ni apostol Pablo nang kaniyang sabihin sa Roma 12:19: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, . . . sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ” Sa bagay na ito, ang pagpapakumbaba ay makatutulong din sa atin. Kung tayo’y mapagpakumbaba, tayo’y hindi madaling magdaramdam dahilan sa guniguni o tunay na mga pagkaapi. Tayo’y hindi magpapadalus-dalos na maglalapat ng ating sariling batas, gaya ng kasabihan, kundi patuloy na magpipigil at si Jehova ang hihintayin natin na kumilos.—Ihambing ang Awit 37:1, 8.
14. Anong karanasan ang nagpapakita na ang pagpipigil-sa-sarili ay maaaring makamtan kahit na ng mga taong kulang na kulang nito?
14 Posibleng matuto tayong patuloy na magpigil-sa-sarili gaya ng ipinakikita ng isang karanasan tungkol sa isang taong totoong mainitin ang ulo. Aba, kaydali-dali niyang magalit na anupat nang tawagan ang pulisya dahilan sa kaunting gulo na silang mag-ama ang dahilan, kaniyang pinatulog ang tatlong pulis bago siya napahinto ng iba! Gayunman, siya’y napaugnay sa mga Saksi ni Jehova at natutong magpigil-sa-sarili, isa sa mga bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Ngayon, 30 taon ang nakalipas, ang taong ito ay tapat na naglilingkod pa rin kay Jehova.
Pagpipigil-sa-Sarili sa Loob ng Sambahayan
15, 16. (a) Ano ang tutulong sa isang asawang lalaki na patuloy na magpigil-sa-sarili? (b) Ang pagpipigil-sa-sarili ay lalo nang kailangan sa anong situwasyon, gaya ng makikita buhat sa anong karanasan? (c) Bakit ang pagpipigil-sa-sarili ay kailangan ng isang asawang babae?
15 Ang pagpipigil-sa-sarili ay tunay na kinakailangan sa loob ng sambahayan. Upang maibig ng isang lalaki ang kaniyang asawa gaya ng kaniyang pag-ibig sa kaniyang sarili kailangan na patuluyang magpigil siya sa kaniyang mga kaisipan, pananalita, at pagkilos. (Efeso 5:28, 29) Oo, nangangailangan ng pagpipigil ang mga asawang lalaki upang makasunod sa ipinayo ni apostol Pedro sa 1 Pedro 3:7: “Kayong mga lalaki patuloy na makipamahay kayong kasama nila ayon sa pagkakilala.” Lalo na kung ang asawang babae ay hindi kapananampalataya kailangang patuloy na magpigil ang sumasampalatayang asawang lalaki.
16 Bilang halimbawa: May isang matanda na ang di-sumasampalatayang asawang babae ay totoong magagalitin. Gayunman, siya (ang matanda) ay patuloy na nagpigil-sa-sarili, at malaki ang kaniyang napakinabang dito na anupat sinabi sa kaniya ng kaniyang doktor: “John, alinman sa ikaw ay likas na isang lalaking napakamatiisin o dili kaya ay mayroon kang isang makapangyarihang relihiyon.” Tayo nga ay may isang makapangyarihang relihiyon, sapagkat “hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng isip,” upang tayo’y patuloy na magpigil-sa-sarili. (2 Timoteo 1:7) Isa pa, para sa isang asawang babae ay kailangan ang pagpipigil-sa-sarili upang maging mapagpasakop, lalo na kung ang kaniyang asawang lalaki ay hindi isang kapananampalataya.—1 Pedro 3:1-4.
17. Bakit ang pagpipigil-sa-sarili ay mahalaga sa ugnayan ng magulang at anak?
17 Ang pagpipigil-sa-sarili ay kailangan din sa ugnayan ng magulang at anak. Upang magkaroon ng mga anak na may pagpipigil-sa-sarili, ang mga magulang mismo ang kailangan munang magpakita ng mabuting halimbawa. At pagka ang mga anak ay nangangailangan na lapatan ng disiplina, iyon ay laging ilalapat taglay ang kahinahunan at pag-ibig, na nangangailangan ng tunay na pagpipigil. (Efeso 6:4; Colosas 3:21) At isa pa, para maipakita ng mga anak na talagang iniibig nila ang kanilang mga magulang, pagsunod ang kailangan, at upang makasunod ay nangangailangan ng pagpipigil-sa-sarili.—Efeso 6:1-3; ihambing ang 1 Juan 5:3.
Gamitin ang Tulong na Inilalaan ng Diyos
18-20. Anong tatlong espirituwal na mga paglalaan ang kailangang samantalahin natin upang mapaunlad ang mga katangiang tutulong sa atin upang patuloy na magpigil-sa-sarili?
18 Upang lumago sa pagkatakot sa Diyos, sa di-sakim na pag-ibig, sa pananampalataya, sa pagkapoot sa masama, at sa pagpipigil-sa-sarili, kailangang samantalahin natin ang lahat ng tulong na inilaan ng Diyos na Jehova. Pag-usapan natin ang tatlong espirituwal na paglalaan na makatutulong sa atin na patuloy na magpigil-sa-sarili. Una sa lahat, nariyan ang mahalagang pribilehiyo ng panalangin. Ayaw natin na dahil sa tayo’y may napakaraming trabaho ay hindi na tayo mananalangin. Oo, tayo’y dapat maghangad na “manalanging walang-patid,” “magmatiyaga ng pananalangin.” (1 Tesalonica 5:17; Roma 12:12) Gawin natin na ang pagpapaunlad sa pagpipigil-sa-sarili ay isang bagay na dapat ipanalangin. Subalit sakaling tayo’y hindi makapagpigil-sa-sarili, may pagsisising magmakaawa tayo sa ating makalangit na Ama na patawarin tayo.
19 Ang ikalawang pantulong upang makapagpigil-sa-sarili ay yaong nanggagaling sa espirituwal na pagkain buhat sa Salita ng Diyos at sa literatura na nagpapangyari sa atin na makaunawa at maikapit ang Kasulatan. Kaydali-dali na mapabayaan ang bahaging ito ng ating banal na paglilingkod! Tayo’y kailangang patuloy na magpigil at patuloy na sabihin sa ating sarili na wala nang lalong mahalaga na mga babasahin kaysa Bibliya at sa inilalaan ng “tapat at maingat na alipin,” kung kaya’t kailangang ito ang unahin natin higit sa lahat. (Mateo 24:45-47) Mainam ang kasabihan na ang buhay ay hindi ganito at ganiyan kundi ganito o ganiyan. Talaga bang tayo’y espirituwal na mga lalaki at mga babae? Kung tayo’y palaisip sa ating espirituwal na pangangailangan, gagamitin natin ang pagpipigil-sa-sarili na kailangan upang maisara ang TV at makapaghanda tayo sa ating mga pulong o makapagbasa ng Ang Bantayan na marahil ay kararating-rating lamang dala ng kartero.
20 Ikatlo, kailangan ding samantalahin natin ang pakinabang na dulot ng mga miting ng kongregasyon at ng lalong malalaking mga asamblea at kombensiyon. Lahat ba ng ganiyang pagtitipon ay lubusang sinasamantala natin? Tayo ba’y dumadalo na handang makibahagi at ginagawa ang gayon ayon sa ipinahihintulot sa atin ng pagkakataon? Sa sukdulang sinisikap nating makinabang sa ating mga pagtitipon, sa sukdulang iyan tayo mapalalakas sa ating determinasyon na patuloy na magpigil-sa-sarili sa lahat ng pagkakataon.
21. Ano ang ilan sa mga pakinabang na maaari nating matamo dahil sa pagpapaunlad ng bunga ng espiritu na pagpipigil-sa-sarili?
21 Ano ang mga pakinabang na maaasahan natin sa pagsusumikap na magpigil-sa-sarili sa lahat ng panahon? Unang-una, hindi natin aanihin ang mga mapapait na bunga ng kasakiman. Tayo’y magkakaroon ng respeto sa sarili at ng isang malinis na budhi. Maiiwasan natin ang napakaraming mga suliranin at tayo’y mananatiling nasa daan ng buhay. Isa pa, ating magagawa ang pinakamalaking posibleng kabutihan sa iba. Higit sa lahat, susundin natin ang payo ng Kawikaan 27:11: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” At iyan ang pinakadakilang pakinabang na posibleng matamo natin—ang pribilehiyo na pasayahin ang puso ng ating maibiging Ama sa langit, si Jehova!
Natatandaan Mo Ba?
◻ Papaano ang pagkatakot sa Diyos ay tumutulong sa atin na patuloy na magpigil-sa-sarili?
◻ Bakit ang pag-ibig ay tumutulong sa atin na patuloy na magpigil-sa-sarili?
◻ Papaano ang pagpipigil-sa-sarili ay tumutulong sa ugnayan ng sambahayan?
◻ Anong mga paglalaan ang kailangang samantalahin natin kung nais nating pasulungin ang pagpipigil-sa-sarili?
[Larawan sa pahina 15]
Si Jose ay patuloy na nagpigil-sa-sarili nang siya’y tuksuhin
[Larawan sa pahina 17]
Ang pagdisiplina sa bata na taglay ang kahinahunan at pag-ibig ay nangangailangan ng tunay na pagpipigil-sa-sarili