Papaano Isang Propeta na Gaya ni Moises si Jesu-Kristo?
ANG Diyos na Jehova ay hindi nagsisinungaling. (Tito 1:2; Hebreo 6:18) Samakatuwid, ang mga hula ng kaniyang Salita, ang Bibliya, ay maaasahan at totoo. Tiyak na matutupad ang mga ito.
Kabilang sa mga hulang ito na kinasihan ng Diyos ay isa na isinulat ng propetang Hebreong si Moises tungkol sa Mesiyas. Sa pagsipi sa sinabi ni Jehova, si Moises ay nagpahayag: “Isang propeta ang aking ibabangon para sa kanila [sa mga Israelita] buhat sa gitna ng kanilang mga kapatid, gaya mo [Moises]; at ilalagay ko ang aking mga salita sa bibig niya, at tiyak na sasalitain niya ang lahat ng aking iuutos sa kaniya.”—Deuteronomio 18:17, 18.
Ang hulang ito ay ikinapit ni apostol Pedro kay Jesu-Kristo nang kaniyang sabihin: “Sinabi ni Moises, ‘ang Diyos na Jehova ay magbabangon para sa inyo buhat sa inyong mga kapatid ng isang propeta na gaya ko. Kayo’y kailangang makinig sa kaniya ayon sa lahat ng bagay na kaniyang sasalitain sa inyo.’ ” (Gawa 3:22) Sa katunayan, si Jesu-Kristo mismo ang nagsabi: “Kung inyong pinaniwalaan si Moises ako ay inyong paniniwalaan, sapagkat ang isang iyan ay sumulat tungkol sa akin.” (Juan 5:46) Sa papaanong magkatulad si Jesus at si Moises?
Magkatulad sa Pasimula ng Kanilang Buhay
Si Moises at si Jesus ay kapuwa nakaligtas nang paslangin ang mga sanggol na lalaki. Ang sanggol na si Moises ay ikinubli sa mga tambo na tumutubo sa dalampasigan ng Ilog Nilo at sa gayo’y nakaligtas buhat sa pamamaslang sa mga sanggol na lalaking Israelita gaya ng iniutos ni Faraon ng Ehipto. Bilang isang sanggol, si Jesus ay nakaligtas din sa pamamaslang sa mga sanggol na lalaki na hanggang dalawang taon ang edad sa Jerusalem at sa mga distrito nito. Ang ganitong pagpatay ay iniutos ni Haring Herodes na Dakila, na, tulad ni Faraon, isang kaaway ng Diyos at ng Kaniyang bayan.—Exodo 1:22–2:10; Mateo 2:13-18.
Si Moises at si Jesus ay kapuwa mahinahon, o maamo. Bagaman siya’y lumaki na gaya ng isang anak sa sambahayan ng isang makapangyarihang hari ng Ehipto, si Moises ay “totoong maamo higit kaysa lahat ng mga lalaking nasa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) Magkatulad sila, nang si Jesus ay maglingkod bilang ang makapangyarihang prinsipeng si Miguel sa langit ngunit mapakumbabang naparito sa lupa. (Daniel 10:13; Filipos 2:5-8) Isa pa, si Jesus ay nahabag sa mga tao at kaniyang sinabi: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y matuto sa akin, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang-puso at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.”—Mateo 11:29; 14:14.
Upang makapaglingkod kay Jehova, si Moises at si Jesus ay kapuwa nag-iwan ng prominenteng mga posisyon at ng pagkálalakíng kayamanan. Upang maglingkod kay Jehova at sa Kaniyang bayan, iniwan ni Moises ang kayamanan at ang isang tanyag na lugar sa Ehipto. (Hebreo 11:24-26) Gayundin, iniwan ni Jesus ang isang lubhang pinagpalang posisyon at kayamanan sa langit upang makapaglingkod sa Diyos at sa kaniyang bayan sa lupa.—2 Corinto 8:9.
Si Moises at si Jesus ay kapuwa naging mga pinahiran ng Diyos. Ang propetang si Moises ay naglingkod bilang pinahiran ni Jehova sa bansang Israel. Gaya ng sinabi ni apostol Pablo, “inaring malaking kayamanan [ni Moises] ang kadustaan ng Kristo [pinahiran] kaysa mga kayamanan ng Ehipto.” (Hebreo 11:26; Exodo 3:1–4:17) Kailan nagiging (ang) Kristo, o Pinahiran si Jesus? Ito’y nang siya’y pahiran ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos, nang siya’y bautismuhan. Sa babaing Samaritana sa bukal ni Jacob sa Sychar at sa harap ng mataas na saserdote ng Israel nang siya’y nililitis, si Jesus ay nagpatotoo na siya ang Mesiyas, o Kristo.—Marcos 14:61, 62; Juan 4:25, 26.
Si Moises at si Jesus ay kapuwa nag-ayuno nang 40 araw. Sa pasimula ng kaniyang karera bilang tagapagsalita ng Diyos, si Moises ay nag-ayuno ng 40 araw samantalang nasa bundok ng Sinai. (Exodo 34:28) Si Jesus ay nag-ayuno ng 40 araw sa ilang at pagkatapos ay pinaglabanan niya ang maka-Satanas na tukso maaga sa kaniyang karera bilang ang ipinangakong Mesiyas.—Mateo 4:1-11.
Kapuwa Sila Lumuwalhati kay Jehova
Si Moises at si Jesus ay kapuwa ginamit ni Jehova upang dakilain ang Kaniyang banal na pangalan. Sinabi ng Diyos kay Moises na pumaroon sa mga Israelita sa ngalan ni ‘Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno.’ (Exodo 3:13-16) Si Moises ay naging kinatawan ng Diyos sa harap ni Faraon, na noon ay pinamalaging buháy upang maipakita ang kapangyarihan ni Jehova at ang Kaniyang pangalan ay maihayag sa buong lupa. (Exodo 9:16) Si Jesus ay naparito rin naman sa pangalan ni Jehova. Halimbawa, sinabi ni Kristo: “Ako’y naparito sa pangalan ng aking Ama, ngunit hindi ninyo ako tinanggap.” (Juan 5:43) Niluwalhati ni Jesus ang kaniyang Ama, ipinakilala ang pangalan ni Jehova sa mga taong ibinigay sa kaniya ng Diyos at pinatanyag iyon sa lupa.—Juan 17:4, 6, 26.
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, si Moises at si Jesus ay kapuwa nagsagawa ng mga himala na lumuwalhati sa Diyos. Si Moises ay gumawa ng mga himala upang patunayan na siya ay isinugo ng Diyos na Jehova. (Exodo 4:1-31) Sa buong panahon ng kaniyang karera, si Moises, na ginamit ng Diyos sa paghahati sa tubig ng Mapulang Dagat, ay nagpatuloy sa pagsasagawa ng mga himala na nagbibigay-kaluwalhatian kay Jehova. (Exodo 5:1–12:36; 14:21-31; 16:11-18; 17:5-7; Awit 78:12-54) Sa katulad na paraan, niluwalhati ni Jesus ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng maraming himala. Ganiyan nga kung kaya nasabi ni Jesus: “Maniwala kayo sa akin na ako’y kaisa ng Ama at ang Ama ay kaisa ko; kung hindi naman, maniwala kayo dahil sa mismong mga gawa.” (Juan 14:11) Isa sa kaniyang mga himala ay ang pagpapahinto sa isang malakas na bagyo, kaya ang Dagat ng Galilea ay kumalma.—Marcos 4:35-41; Lucas 7:18-23.
Ang Iba Pang Mahalagang mga Pagkakahawig
Si Moises at si Jesus ay kapuwa may kaugnayan sa isang makahimalang paglalaan ng pagkain. Si Moises ay propeta ni Jehova nang makahimalang ilaan ang mga pagkain para sa mga Israelita. (Exodo 16:11-36) Sa dalawang pagkakataon naman, ayon sa Bibliya, makahimalang pinakain ni Jesus ang lubhang karamihan ng mga tao ng materyal na pagkain.—Mateo 14:14-21; 15:32-38.
Manna buhat sa langit ang kaugnay ng paglilingkod ni Moises at ganoon din ni Jesus. Si Moises ay nangunguna sa mga Israelita nang sila’y paglaanan ng manna buhat sa langit, gaya ng sabi. (Exodo 16:11-27; Bilang 11:4-9; Awit 78:25) Sa isang nakakatulad ngunit lubhang mahalagang paraan, ibinigay ni Jesus ang kaniyang laman na mistulang manna na galing sa langit ukol sa buhay ng masunuring mga tao.—Juan 6:48-51.
Si Moises at si Jesus ay kapuwa nanguna sa mga tao upang makalabas sa pagkaalipin tungo sa kalayaan. Si Moises ay ginamit ng Diyos upang manguna sa mga Israelita sa pagpapalaya sa pagkaalipin sa mga Ehipsiyo at tungo sa kalayaan bilang Kaniyang bayan. (Exodo 12:37-42) Kahawig nito, si Jesus ay nangunguna sa kaniyang mga tagasunod tungo sa kalayaan. Malapit nang manguna si Jesus sa masunuring mga tao upang mapalaya buhat sa pagkaalipin sa organisasyon ni Satanas na Diyablo, at gayundin buhat sa kasalanan at kamatayan.—1 Corinto 15:24-26; Colosas 1:13; 1 Juan 5:19.
Si Moises at si Jesus ay kapuwa naging tagapamagitan ng mga tipan. Si Moises ang tagapamagitan ng tipang Kautusan, sa pagitan ng Diyos na Jehova at ng mga Israelita. (Exodo 19:3-9) Si Jesus naman ang Tagapamagitan ng bagong tipan, sa pagitan ng Diyos at ng espirituwal na Israel.—Jeremias 31:31-34; Lucas 22:20; Hebreo 8:6-13.
Si Moises at si Jesu-Kristo ay kapuwa binigyan ng kapamahalaan na humatol. Si Moises ay nagsilbing hukom at tagapagbigay-batas sa likas na Israel. (Exodo 18:13; Malakias 4:4) Si Jesus ay nagsilbing Hukom at nagbigay sa espirituwal na “Israel ng Diyos” ng kaniyang mga batas at kautusan. (Galacia 6:16; Juan 15:10) Si Kristo mismo ang nagsabi: “Ang Ama ay hindi humahatol sa kaninuman, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol, upang lahat ay magparangal sa Anak gaya ng kanilang pagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kaniya.”—Juan 5:22, 23.
Si Moises at si Jesus ay kapuwa pinagkatiwalaan ng pangungulo sa sambahayan ng Diyos. Si Moises ay tapat bilang ulo sa sambahayan ng Diyos sa sinaunang Israel. (Bilang 12:7) Magkatulad, si Jesus ay ginawa namang Ulo ng espirituwal na sambahayan ng mga anak ni Jehova at napatunayan na tapat sa pagsasagawa niyaon. Oo, si Jesus ay “tapat sa Isa na humirang sa kaniya, gaya rin ni Moises na naging tapat sa buong sambahayan ng Isang iyon. Sapagkat itong huli ay naging karapat-dapat sa higit pang kaluwalhatian kaysa kay Moises, yamang ang nagtayo niyaon ay may higit na karangalan kaysa bahay. . . . Bilang isang katulong si Moises ay tapat sa buong sambahayan ng Isang iyan bilang patotoo sa mga bagay na sasalitain pagkatapos, subalit si Kristo ay tapat bilang Anak sa sambahayan ng Isang iyan. Tayo ay nasa sambahayan ng Isang iyan, kung ating hawak na mahigpit ang ating kalayaan sa pagsasalita at ang ating ipinagmamalaking pag-asa hanggang sa katapusan.”—Hebreo 3:2-6.
Kahit tungkol sa kamatayan, si Moises at si Jesus ay kapuwa magkatulad. Sa papaano nga? Buweno, itinago ni Jehova ang katawan ni Moises, sa gayo’y hinadlangan ang mga tao sa paglapastangan dito o pagsamba rito bilang isang idolo. (Deuteronomio 34:5, 6; Judas 9) Magkapareho, ang Diyos ay may kabatiran kung nasaan ang katawan ni Jesus, yamang hindi hinayaang makakita iyon ng kabulukan at sa gayo’y hinadlangan na maging isang katitisuran sa pananampalataya.—Awit 16:10; Gawa 2:29-31; 1 Corinto 15:50.
Magbigay Pansin sa Hula
Ito ang ilang mga paraan na nagpapatunay na si Jesu-Kristo ay isang propeta na gaya ni Moises. Lubhang kagila-gilalas ang katuparan ng mga sinalita ng Diyos kay Moises tungkol sa pagparito ng propetang iyan!
Walang anumang alinlangan na tinupad ni Jehova ang kaniyang inihulang pangako na magbangon ng isang propeta na gaya ni Moises. Ang mga salita ng Deuteronomio 18:18 ay natupad sa buhay at mga karanasan ni Jesu-Kristo. At ang ganiyang katuparan ay nagbibigay sa atin ng dahilan na magtiwala sa iba pang makahulang bahagi ng Salita ng Diyos. Kaya nga, sa tuwina’y magbigay pansin tayo sa hula ng Bibliya.