Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Bakit ang 29 C.E. ay itinuturing na isang totoong mahalagang petsa sa kasaysayan ng Bibliya sa halip na ang 14 C.E., ang pasimula ng paghahari ni Tiberio Cesar, na binabanggit sa Lucas 3:1?
Ang pasimula ng paghahari ni Tiberio ay hindi binabanggit sa Bibliya, kundi ang isang pangyayaring nagaganap sa huling bahagi ng kaniyang ika-15 taon ang binabanggit. Kaya naman nagagawa ng mga nag-aaral ng Bibliya na tiyakin ang pangyayaring iyon bilang nagaganap sa 29 C.E., na maituturing na isang totoong mahalagang petsa buhat sa punto de vista ng Bibliya.
Ang paghahari ng ikalawang emperador ng Roma, si Tiberio Cesar, ay tinatanggap naman ng marami sa kasaysayan. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Noong AD 14, Agosto 19, si Augusto [na unang emperador] ay namatay. Si Tiberio, ngayon na siyang pinakamataas, ay namulitika sa Senado at hindi pinayagan na hirangin siya nito na emperador sa loob ng halos isang buwan, ngunit noong Setyembre 17 siya ay naging kahalili bilang prinsipe.”a
Ang pihong petsang ito para sa pagsisimula ng paghahari ni Tiberio ay may kaugnayan sa Bibliya sapagkat sinasabi ng Lucas 3:1-3 tungkol sa ministeryo ni Juan Bautista: “Nang ikalabinlimang taon nga ng paghahari ni Tiberio Cesar, na noo’y gobernador sa Judea si Poncio Pilato, . . . ay dumating ang salita ng Diyos kay Juan na anak ni Zacarias, sa ilang. Kaya siya ay naparoon sa buong lupain sa palibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo na sagisag ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.”
Si Juan ay hindi nagsimulang nangaral at nagbautismo nang maging emperador si Tiberio kundi ginawa niya ito “nang ikalabinlimang taon nga ng paghahari ni Tiberio Cesar.” Ang ika-15 taon na iyan ay mula taglagas ng 28 C.E. hanggang sa taglagas ng 29 C.E. Gayunman, ang pagkaalam nito ay hindi nagpapangyaring matiyak ng isa kung kailan nagsimula ang ministeryo ni Juan ng taon na iyon o kung papaano kakalkulahin ang kaugnay na mga pangyayari.
Subalit ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng mahalagang karagdagang impormasyon. Halimbawa, ang hula ni Daniel tungkol sa “pitumpung sanlinggo” ay nakatutok sa 29 C.E. ukol sa paglitaw ng Mesiyas. Ipinakikita rin nito na ang ministeryo ni Jesus ay magiging tatlo at kalahating taon ang haba. (Daniel 9:24-27) Isusog pa rito ang mga detalyeng ito sa Bibliya: si Jesus ay isinilang anim na buwan pagkaraang isilang si Juan; nang bautismuhan si Jesus, siya’y “mga tatlumpung taon gulang”; at si Jesus ay namatay sa tagsibol ng 33 C.E. (panahon ng Paskua), nang siya ay 33 1/2 taong gulang.—Lucas 1:24-38; 3:23; 22:14-16, 54.b
Sa pagkakaroon ng ganiyang tiyakang impormasyon sa Bibliya, kasali na ang sekular na pagpepetsa sa paghahari ni Tiberio, magagawa ng mga mag-aarál ng Bibliya na kalkulahin na ang ministeryo ni Juan ay nagsimula noong tagsibol ng 29 C.E., at pagkalipas ng anim na buwan, sa taglagas ng 29 C.E. si Jesus ay binautismuhan ni Juan. Samakatuwid, hindi 14 C.E. kundi 29 C.E. ang itinuturing bilang totoong mahalagang petsa buhat sa punto de vista ng Bibliya.
[Mga talababa]
a Ang Setyembre 17 sa kalendaryong Julian ay katumbas ng Setyembre 15 sa kalendaryong Gregorian, ang kalendaryong malaganap na ginagamit ngayon.
b Ihambing ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 458, 463, 467; Tomo 2, pahina 87, 899-902, 1099, 1100, lathala ng Watchtower Bible ang Tract Society of New York, Inc.