Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 12/1 p. 15-20
  • Pagsasagawa ng Dalisay na Relihiyon Para sa Kaligtasan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagsasagawa ng Dalisay na Relihiyon Para sa Kaligtasan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Salitang “Relihiyon” sa Bibliya
  • “Malinis at Walang Bahid-Dungis” Buhat sa Pangmalas ng Diyos
  • “Walang Bahid-Dungis ng Sanlibutan”
  • Iba Pang mga Tanda ng Tunay na Relihiyon
  • Ang Tunay na Relihiyon​—Isang Paraan ng Pamumuhay
  • Isang Positibo, Tagapagkaisang Lakas
  • Ang Tagumpay ng Dalisay na Relihiyon
  • Pag-alpas Buhat sa Huwad na Relihiyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Natagpuan Mo Na ba ang Tamang Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Ang Pagsambang Sinasang-ayunan ng Diyos
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 12/1 p. 15-20

Pagsasagawa ng Dalisay na Relihiyon Para sa Kaligtasan

“Ang relihiyon na dalisay at tunay sa paningin ng Diyos na Ama ay makikita sa mga bagay na gaya ng . . . pananatiling walang dungis sa sanlibutan.” ​—SANTIAGO 1:27, Phillips.

1. Ano ba ang ibig sabihin ng relihiyon, at sino ang makatuwirang may karapatang magsabi kung ano ang pagkakaiba ng di-tunay at ng tunay na relihiyon?

ANG ibig sabihin ng relihiyon ay “ang kapahayagan ng paniniwala at pagpapakundangan ng tao sa isang nakatataas-taong kapangyarihan na kinikilala bilang ang maylikha at tagapamahala ng sansinukob.” Sino, kung gayon, ang matuwid na may karapatang magsabi ng pagkakaiba ng tunay na relihiyon at ng di-tunay na relihiyon? Tiyak na iyon ay ang Isang pinaniniwalaan at pinakukundanganan, ang Maylikha. Malinaw na binalangkas ni Jehova sa kaniyang Salita ang kaniyang pangmalas sa tunay at sa di-tunay na relihiyon.

Ang Salitang “Relihiyon” sa Bibliya

2. Papaano ipinaliliwanag ng mga diksiyunaryo ang orihinal na salitang Griegong isinalin na “anyo ng pagsamba” o “relihiyon,” at sa anu-anong uri ng pagsamba maikakapit ito?

2 Ang salitang Griego na isinaling “anyo ng pagsamba,” o “relihiyon,” ay thre·skeiʹa. Sa A Greek-English Lexicon of the New Testament ang kahulugan ng salitang ito ay “ang pagsamba sa Diyos, relihiyon, lalu [na] ayon sa pagpapahayag nito sa relihiyosong serbisyo o kulto.” Ang Theological Dictionary of the New Testament ay nagbibigay ng higit pang mga detalye, na nagsasabi: “Ang kasaysayan ng salita ay pinagtatalunan; . . . ang modernong mga iskolar ay pabor sa pagkakaroon ng kaugnayan sa therap- (‘maglingkod’). . . . Mapapansin din ang pagkakaiba ng kahulugan. Ang mabuting diwa ay ang ‘relihiyosong sigasig’ . . . , ‘pagsamba sa Diyos,’ ‘relihiyon.’ . . . Subalit mayroon din naman itong masamang diwa, samakatuwid baga, ‘relihiyosong pagmamalabis,’ ‘maling pagsamba.’ ” Sa gayon, ang thre·skeiʹa ay maaaring isaling “relihiyon” o “anyo ng pagsamba,” mabuti man o masama.

3. Papaano ginamit ni apostol Pablo ang salitang isinaling “anyo ng pagsamba,” at ano ang interesanteng komento tungkol sa pagkasalin ng Colosas 2:18?

3 Ang salitang ito ay apat na ulit lamang lumilitaw sa Kasulatang Griego Kristiyano. Makalawang ginamit ito ni apostol Pablo upang tumukoy sa huwad na relihiyon. Sa Gawa 26:5, siya’y nasusulat na nagsasabing bago siya naging isang Kristiyano, “sang-ayon sa pinakamahigpit na sekta ng ating anyo ng pagsamba [“relihiyon,” Phillips] ako’y namuhay na isang Fariseo.” Sa kaniyang liham sa mga taga-Colosas, siya’y nagbabala: “Huwag hayaang nakawan kayo ng gantimpala ng sinumang tao na mahilig sa pakunwaring pagpapakumbaba at sa anyo ng pagsamba sa mga anghel.” (Colosas 2:18) Ang gayong pagsamba sa mga anghel ay maliwanag na laganap sa Phrygia noong mga kaarawang iyon, ngunit ito ay isang anyo ng huwad na relihiyon.a Kapuna-puna, samantalang ang ilang mga salin ng Bibliya ay “relihiyon” ang pagkasalin sa thre·skeiʹa, sa Colosas 2:18 karamihan ay gumagamit ng salitang “pagsamba.” Ang New World Translation ay walang pagbabago sa pagsasalin ng thre·skeiʹa bilang “anyo ng pagsamba,” isang talababa sa Reference Bible ang bumabanggit sa tuwina sa alternatibong saling “relihiyon” ayon sa pagkagamit sa mga bersiyong Latin.

“Malinis at Walang Bahid-Dungis” Buhat sa Pangmalas ng Diyos

4, 5. (a) Sang-ayon kay Santiago, kaninong pangmalas tungkol sa relihiyon ang pinakamahalaga? (b) Ano ang maaaring magpawalang-kabuluhan sa anyo ng pagsamba ng isang tao, at ano ang kahulugan ng salitang isinaling “walang kabuluhan”?

4 Ang dalawa pang pagkagamit ng salitang thre·skeiʹa ay nasa liham na isinulat ng alagad na si Santiago, isang miyembro ng lupong tagapamahala ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano. Siya’y sumulat: “Kung inaakala ninuman na isa siyang pormal na mananamba [“maging ‘relihiyoso,’ ” Phillips] ngunit hindi naman nagpipigil ng kaniyang dila, kundi patuloy na dinaraya ang kaniyang sariling puso, ang anyo ng pagsamba ng taong ito [“relihiyon,” Phillips] ay walang kabuluhan. Ang anyo ng pagsamba [“relihiyon,” Phillips] na malinis at walang bahid-dungis sa paningin ng ating Diyos at Ama ay ito: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili mo na manatiling walang bahid-dungis ng sanlibutan.”​—Santiago 1:26, 27.

5 Oo, ang pagmamasid sa pangmalas ni Jehova tungkol sa relihiyon ay mahalaga kung ibig natin na tayo’y tumanggap ng kaniyang pagsang-ayon at makaligtas tungo sa bagong sanlibutan na kaniyang ipinangako. (2 Pedro 3:13) Ipinakikita ni Santiago na ang isang tao ay baka waring sa sarili niya’y talagang relihiyoso subalit ang kaniyang anyo ng pagsamba ay maaaring walang kabuluhan. Ang salitang Griego rito na isinaling “walang kabuluhan” ay nangangahulugan din na “walang ginagawa, bakante, walang bunga, walang saysay, walang lakas, kulang ng katotohanan.” Maaari ngang magkagayon kung ang isang taong nag-aangking isang Kristiyano ay hindi nagpipigil ng kaniyang dila at ginagamit iyon sa pagpuri sa Diyos at sa pagpapatibay sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano. Kaniyang “dinaraya ang kaniyang sariling puso” at hindi nagsasagawa ng “relihiyon na dalisay at tunay sa paningin ng Diyos.” (Phillips) Ang punto de vista ni Jehova ang mahalaga.

6. (a) Ano ang tema ng liham ni Santiago? (b) Anong kahilingan tungkol sa dalisay na pagsamba ang idiniin ni Santiago, at ano ang sinabi tungkol dito ng modernong-panahong Lupong Tagapamahala?

6 Hindi binabanggit ni Santiago ang lahat ng bagay na hinihiling ni Jehova may kaugnayan sa dalisay na pagsamba. Kasuwato ng pangkalahatang tema ng kaniyang liham, na pananampalatayang pinatunayan ng mga gawa at ng pangangailangan na huwag makipagkaibigan sa sanlibutan ni Satanas, kaniyang itinatampok ang dalawa lamang kahilingan. Ang isa ay “tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.” Kasali rito ang tunay na pag-ibig Kristiyano. Si Jehova sa tuwina ay nagpapakita ng pagmamalasakit sa mga ulila at mga babaing balo. (Deuteronomio 10:17, 18; Malakias 3:5) Ang isa sa mga unang-unang ginawa ng unang-siglong lupong tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano ay ang tulungan ang mga babaing balo na Kristiyano. (Gawa 6:1-6) Si apostol Pablo ay nagbigay ng detalyadong tagubilin para sa maibiging pangangalaga sa lubhang mga dukhang matatandang biyuda na nagpatunay na sila’y tapat sa nakalipas na maraming taon at walang pamilya na tutulong sa kanila. (1 Timoteo 5:3-16) Ang modernong-panahong Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nagbigay rin naman ng tiyakang tagubilin tungkol sa “Pangangalaga sa mga Dukha,” na nagsasabi: “Kasali sa tunay na pagsamba ang pangangalaga sa mga tapat at taimtim na maaaring nangangailangan ng materyal na tulong.” (Tingnan ang aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, pahina 122-3.) Ang mga lupon ng matatanda o indibiduwal na mga Kristiyano na nagpapakitang sila’y pabaya sa bagay na ito ay nakalilimot sa isang mahalagang aspekto ng anyo ng pagsamba na malinis at walang bahid-dungis buhat sa pangmalas ng ating Diyos at Ama.

“Walang Bahid-Dungis ng Sanlibutan”

7, 8. (a) Anong ikalawang kahilingan para sa tunay na relihiyon ang binanggit ni Santiago? (b) Nakatutugon ba ang klero at ang mga pari sa kahilingang ito? (c) Ano ang masasabi tungkol sa mga Saksi ni Jehova?

7 Ang ikalawang kahilingan para sa tunay na relihiyon na binanggit ni Santiago ay “ingatan ang sarili mo na manatiling walang bahid-dungis ng sanlibutan.” Sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito”; kagaya rin niya, ang kaniyang tunay na mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19; 18:36) Ito ba’y masasabi tungkol sa klero at sa mga pari ng alinmang relihiyon ng sanlibutang ito? Kanilang itinataguyod ang Nagkakaisang mga Bansa. Marami sa kanilang mga lider ang tumanggap sa paanyaya ng papa na makipagtipon sa Assisi, Italya, noong Oktubre 1986 upang pagkaisa-isahin ang kanilang mga panalangin ukol sa tagumpay ng taguyod-ng-UN na “Internasyonal na Taon ng Kapayapaan.” Subalit, ang kanilang mga pagsisikap ay nawalan ng kabuluhan, kung ibabatay sa angaw-angaw na nangamatay sa digmaan noong taon na iyon at nang mga taon mula noon. Ang klero ay kalimitang nakikipagniig sa namiminunong lapian sa pulitika, samantalang may kataksilang gumagawa ng lihim na mga pakikitungo sa oposisyon upang sinuman ang maminuno ay ituturing sila na “mga kaibigan.”​—Santiago 4:4.

8 Ang mga Saksi ni Jehova ay napatanyag bilang mga Kristiyano na nananatiling walang kinikilingan kung tungkol sa pulitika at sa mga alitan ng sanlibutang ito. Ganito ang kanilang paninindigan sa lahat ng kontinente at sa lahat ng bansa, gaya ng pinatutunayan ng mga pag-uulat ng mga pahayagan at ng modernong pangkasaysayang mga rekord sa lahat ng panig ng daigdig. Tunay na sila’y “walang bahid-dungis ng sanlibutan.” Ang relihiyon nila ay yaong “relihiyon na dalisay at tunay sa paningin ng Diyos.”​—Santiago 1:27, Phillips.

Iba Pang mga Tanda ng Tunay na Relihiyon

9. Ano ang ikatlong kahilingan para sa tunay na relihiyon, at bakit?

9 Kung ang relihiyon ay “pagpapakundangan ng tao sa isang nakatataas-taong kapangyarihan na kinikilala bilang ang maylikha at tagapamahala ng sansinukob,” tiyak na ang tunay na relihiyon ay kailangang umakay tungo sa pagsamba sa tanging tunay na Diyos, si Jehova. Hindi dapat padilimin nito ang unawa ng mga tao tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pagtuturo ng paganong mga paniwala na gaya ng isang trinitaryong diyos na kung saan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, kaluwalhatian, at pagkawalang-hanggan ng Ama ay taglay rin ng dalawang iba pang persona sa isang mahiwagang Trinidad. (Deuteronomio 6:4; 1 Corinto 8:6) Kailangan ding ipakilala nito ang walang-katulad na pangalan ng Diyos, na Jehova, at parangalan ang pangalang iyan, taglayin nga ang pangalan ng Diyos bilang isang organisadong bayan. (Awit 83:18; Gawa 15:14) Sa bagay na ito ang mga nagsasagawa nito ay kailangang sumunod sa halimbawa ni Kristo Jesus. (Juan 17:6) Ano bang bayan sa ngayon ang nakatutugon sa kahilingang ito maliban sa Kristiyanong mga Saksi ni Jehova?

10. Upang ang isang relihiyon ay makapag-alok ng kaligtasan sa bagong sanlibutan ng Diyos, ano ang kailangang gawin nito, at bakit?

10 Sinabi ni apostol Pedro: “Isa pa, sa kaninumang iba ay walang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan [Jesu-Kristo] sa silong ng langit na ibinigay sa tao na sukat nating ikaligtas.” (Gawa 4:8-12) Ang dalisay na relihiyon na mag-aalok ng kaligtasan sa bagong sanlibutan ng Diyos ay kailangan, kung gayon, na pumukaw ng sigla sa pananampalataya kay Kristo at sa kahalagahan ng haing pantubos. (Juan 3:16, 36; 17:3; Efeso 1:7) Gayundin, kailangang tulungan nito ang mga tunay na mananamba na pasakop kay Kristo bilang nagpupunong Hari ni Jehova at pinahirang Mataas na Saserdote niya.​—Awit 2:6-8; Filipos 2:9-11; Hebreo 4:14, 15.

11. Sa ano kailangang nakasalig ang tunay na relihiyon, at ano ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova tungkol dito?

11 Ang dalisay na relihiyon ay kailangang nakasalig sa inihayag na kalooban ng tanging tunay na Diyos at hindi sa gawang-taong tradisyon o pilosopya. Hindi natin makikilala si Jehova at malalaman ang kaniyang kahanga-hangang mga layunin, ni si Jesus man at ang haing pantubos, kundi dahilan sa Bibliya. Ang di-natitinag na pagtitiwala sa Bibliya ang ikinikintal ng mga Saksi ni Jehova sa tao. Kanila ring pinatutunayan sa kanilang araw-araw na pamumuhay na sila’y kasang-ayon ng sinabi ni apostol Pablo na: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, . . . upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabubuting gawa.”​—2 Timoteo 3:16, 17.

Ang Tunay na Relihiyon​—Isang Paraan ng Pamumuhay

12. Bukod sa pananampalataya, ano ang kinakailangan upang ang pagsamba ay maging tunay, at sa anong mga dahilan masasabing ang tunay na relihiyon ay isang paraan ng pamumuhay?

12 Ipinahayag ni Jesus: “Ang Diyos ay isang Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay kinakailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Ang tunay na relihiyon, o anyo ng pagsamba, ay hindi, samakatuwid, isang seremonyal, ritwalistiko, panlabas na pagpapakita ng kabanalan. Ang dalisay na pagsamba ay espirituwal, nakasalig sa pananampalataya. (Hebreo 11:6) Gayunman, ang pananampalatayang iyan ay kailangang sinusuhayan ng mga gawa. (Santiago 2:17) Tinatanggihan ng tunay na relihiyon ang popular na mga kausuhan. Ito’y kumakapit nang mahigpit sa mga pamantayan ng Bibliya sa moralidad at malinis na pananalita. (1 Corinto 6:9, 10; Efeso 5:3-5) Ang mga nagsasagawa nito ay taimtim na nagsisikap magsibol ng mga bunga ng espiritu ng Diyos sa kanilang buhay pampamilya, sa kanilang hanapbuhay, sa paaralan, at maging sa kanilang paglilibang. (Galacia 5:22, 23) Pinagsisikapan ng mga Saksi ni Jehova na huwag kalimutan ang payo ni apostol Pablo: “Kaya nga, kumakain man kayo o umiinom o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Corinto 10:31) Ang kanilang relihiyon ay hindi hamak na pormalismo; ito ay isang paraan ng pamumuhay.

13. Ano ang kasali sa tunay na pagsamba, at bakit masasabing ang mga Saksi ni Jehova ay mga taong talagang relihiyoso?

13 Mangyari pa, nasasangkot sa tunay na relihiyon ang espirituwal na mga gawain. Kasali na rito ang personal at pampamilyang panalangin, ang regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos at mga tulong sa pag-aaral ng Bibliya, at pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon ng mga tunay na Kristiyano. Ang mga huling nabanggit ay pinasisimulan at tinatapos sa mga awit ng papuri kay Jehova at sa mga panalangin. (Mateo 26:30; Efeso 5:19) Ang espirituwal na mga paksang nakapagpapatibay ay sinusuri sa pamamagitan ng mga diskurso at tanong-at-sagot na mga talakayan ng nilimbag na materyal na maaaring magkaroon ang lahat. Ang gayong mga pulong ay karaniwan nang ginaganap sa malilinis ngunit hindi labis-labis ang dekorasyon na mga Kingdom Hall, na pantanging ginagamit para sa mga layuning panrelihiyon: regular na mga pagpupulong, kasalan, mga serbisyong pag-aalaala sa namatay. Iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga Kingdom Hall at malaki-laking mga Assembly Hall bilang mga dakong nakaalay sa pagsamba kay Jehova. Di-tulad ng maraming mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, ang mga Kingdom Hall ay hindi pansosyal na mga klub.

14. Sa mga taong Hebreo ang wika, ano ang kahulugan ng pagsamba, at anong gawain ang nagpapakita na naiiba ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon?

14 Nakita natin sa may bandang unahan na ang salitang Griegong isinaling “anyo ng pagsamba” o “relihiyon” ay iniuugnay ng mga iskolar sa pandiwa na “maglingkod.” Nakasasabik malaman, ang katumbas sa Hebreo, na ‛avo·dhahʹ, ay maaaring isalin na “paglilingkod” o “pagsamba.” (Ihambing ang mga talababa sa Exodo 3:12 at 10:26.) Sa mga Hebreo, ang pagsamba ay nangangahulugan ng paglilingkod. At ito ang kahulugan nito sa tunay na mga mananamba sa ngayon. Ang isang napakahalaga, nagpapakilalang tanda na naiiba ang tunay na relihiyon ay nasa bagay na lahat ng nagsasagawa nito ay nakikibahagi sa maka-Diyos na paglilingkurang pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian . . . sa buong tinatahang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.” (Mateo 24:14; Gawa 1:8; 5:42) Ano bang relihiyon ang kilala sa buong daigdig dahilan sa pangmadlang pagpapatotoo sa Kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan?

Isang Positibo, Tagapagkaisang Lakas

15. Ano ang isang namumukod na katangian ng tunay na relihiyon?

15 Ang huwad na relihiyon ay tagapagbaha-bahagi. Ito ang pinagmulan, at pinagmumulan pa rin, ng pagkakapootan at pagbububo ng dugo. Sa kabilang panig, ang tunay na relihiyon naman ay tagapagkaisa. Sinabi ni Jesus: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang pag-ibig na tagapagkaisa sa mga Saksi ni Jehova ay nangingibabaw sa pambansa, panlipunan, pangkabuhayan, at panlahi na mga hangganang gumagawa ng pagkakabaha-bahagi sa sangkatauhan. Ang mga Saksi ay “naninindigang matatag sa iisang espiritu, na magkakaisá ng kaluluwa na sama-samang nagsisikap sa pananampalataya sa mabuting balita.”​—Filipos 1:27.

16. (a) Anong “mabuting balita” ang ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova? (b) Anong mga hula ang natutupad sa bayan ni Jehova, at ano ang kasunod na mga pagpapala?

16 Ang “mabuting balita” na kanilang ipinangangaral ay tungkol sa malapit nang maganap na walang-pagbabagong layunin ng Diyos. Ang kaniyang kalooban ay matutupad, “kung papaano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Ang maluwalhating pangalan ni Jehova ay babanalin, at ang lupa ay magiging isang paraiso, na kung saan ang tunay na mga mananamba ay mabubuhay magpakailanman. (Awit 37:29) Literal na milyun-milyong mga tao sa lahat ng bansa ang nakikisama sa mga Saksi ni Jehova, na nagsasabi, bilang katuparan ng hula sa Bibliya: “Kami ay sasama sa inyo na mga tao, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay kasama ninyo na mga tao.” (Zacarias 8:23) Pinagpapala ni Jehova ang kaniyang bayan. “Ang munti” ay talaga namang naging “isang makapangyarihang bansa,” isang pambuong-daigdig na kongregasyong lubusang nagkakaisa sa lahat ng bagay​—sa kaisipan, sa gawain, sa pagsamba. (Isaias 60:22) Ito ay isang bagay na hindi kailanman naisagawa ng huwad na relihiyon.

Ang Tagumpay ng Dalisay na Relihiyon

17. Ano ang naghihintay sa Babilonyang Dakila, at papaano ito magaganap?

17 Inihula ng Salita ng Diyos ang pagkapuksa ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, sinasagisagan ng pangalang “Babilonyang Dakila.” Sa Bibliya ang “mga hari,” o makapulitikang mga pinunò, sa lupa ay sinasagisagan din ng simbolo ng mga sungay ng isang mabangis na hayop. Sinasabi nito sa atin na sa mga puso ng mga pinunong ito ay ilalagay ng Diyos ang layunin na ibagsak at lubusang puksain ang tulad-patutot na institusyong ito ni Satanas na Diyablo.​—Tingnan ang Apocalipsis 17:1, 2, 5, 6, 12, 13, 15-18.b

18. Anong mahalagang dahilan ang ibinibigay ng Bibliya sa pagpuksa sa Babilonyang Dakila, at kailan nagsimula ang huwad na relihiyon sa ganitong kakila-kilabot na hakbangin?

18 Bakit nga karapat-dapat puksain ang Babilonyang Dakila? Ang Bibliya ay sumasagot: “Sa kaniya’y nasumpungan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at lahat ng mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:24) Sa pagpapakita na ang pagbububong ito ng dugo na ginawa ng huwad na relihiyon ay noon pa man bago itinatag ang Babilonya, hinatulan na ni Jesus ang mga pinunong relihiyoso ng Judaismo, na nag-ugnay ng sarili sa Babilonyang Dakila, nang kaniyang sabihin: “Kayong mga ahas, kayong lahi ng mga ulupong, papaano kayo makatatakas buhat sa kahatulan ng Gehenna? . . . [Mangyayaring] mabubo sa inyo ang lahat ng matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matuwid na si Abel.” (Mateo 23:33-35) Oo, ang huwad na relihiyon, na nagsimula sa lupa nang panahon ng paghihimagsik sa Eden, ay kailangang managot sa kakila-kilabot na pagbububo ng dugo.

19, 20. (a) Ano ang gagawin ng mga tunay na mananamba pagkatapos na ang hatol ay maisagawa sa Babilonyang Dakila? (b) Ano ang magaganap pagkatapos, at anong pag-asa ang mapapaharap sa lahat ng tunay na mga mananamba?

19 Pagkatapos na mawasak ang Babilonyang Dakila, ang tunay na mga mananamba na narito sa lupa ay makikiisang-tinig sa makalangit na mga mang-aawit na aawit: “Purihin mo bayan si Jah! . . . Sapagkat kaniyang isinagawa ang hatol sa bantog na patutot . . . , at iginanti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin. . . . At ang usok buhat sa kaniya ay napailanlang magpakailan-kailanman.”​—Apocalipsis 19:1-3.

20 Pagkatapos ay pupuksain naman ang iba pang mga bahagi ng nakikitang organisasyon ni Satanas. (Apocalipsis 19:17-21) Pagkatapos nito, si Satanas, na tagapagtatag ng lahat ng huwad na relihiyon, at ang kaniyang mga demonyo ay ibubulid sa kalaliman. Sila’y hindi na magiging malaya na pag-usigin ang tunay na mga mananamba kay Jehova. (Apocalipsis 20:1-3) Sa panahong iyon ang dalisay na relihiyon ay nagtagumpay na sa huwad. Ang tapat na mga lalaki at mga babae na nakinig sa makalangit na babalang tumakas na sila ngayon buhat sa Babilonyang Dakila ay magkakaroon ng pagkakataon na makaligtas at makapasok sa bagong sanlibutan ng Diyos. Doon, patuluyang maisasagawa nila ang tunay na relihiyon at makapaglilingkod kay Jehova magpakailanman.

[Mga talababa]

a Ukol sa paliwanag tungkol sa pagsamba sa mga anghel na binanggit sa Colosas 2:18, tingnan ang Gumising!, Abril 8, 1986, pahina 23.

b Para sa isang ganap na paliwanag ng hulang ito, tingnan ang aklat na Apocalipsis​—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., kabanata 33-6.

Subukin ang Inyong Memorya

◻ Kaninong pangmalas tungkol sa relihiyon ang pinakamahalaga, at bakit?

◻ Anong dalawang kahilingan para sa tunay na relihiyon ang idiniin ni Santiago?

◻ Ano ang iba pang mga kahilingan para sa tunay na pagsamba?

◻ Anong “mabuting balita” ang ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova?

◻ Papaano magtatagumpay sa huwad na relihiyon ang tunay na relihiyon?

[Larawan sa pahina 17]

Mga pinunong relihiyoso na nagtipon sa Assisi, Italya, noong Oktubre 1986

[Larawan sa pahina 19]

Sa tunay na relihiyon ay kasali ang pakikipagpulong para sa pagsamba

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share