Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 12/15 p. 14-18
  • Manatiling Malapít kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Manatiling Malapít kay Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtugon Ayon sa Layunin ng Diyos
  • Mga Halimbawa ng Pananatiling Malapít kay Jehova
  • Si Jesus, ang Ating Halimbawa
  • Paglalagak kay Jehova ng Ating mga Pasanin
  • Magpapatuloy ang Panalangin at ang Pag-asa
  • Bakit Dapat Tayong Manalangin Nang Walang Lubay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Kung Papaano Ka Mápapalapít sa Diyos
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Itaas ang Matapat na mga Kamay sa Panalangin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Maging Malapít sa Diyos sa Panalangin
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 12/15 p. 14-18

Manatiling Malapít kay Jehova

“Magmatiyaga ng pananalangin.”​—ROMA 12:12.

1. Ano ang kalooban ni Jehova tungkol sa panalangin, at anong pampatibay-loob ang ibinigay ni apostol Pablo tungkol sa pananalangin?

SI Jehova “ang Diyos na nagbibigay ng pag-asa” sa lahat ng kaniyang tapat na mga lingkod. Bilang ang “Nakikinig sa panalangin,” kaniyang dinirinig ang kanilang mga pagsusumamo sa paghingi ng tulong upang makamit ang may-kagalakang pag-asa na kaniyang iniaalok sa kanila. (Roma 15:13; Awit 65:2) At sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, kaniyang pinatitibay-loob ang lahat ng kaniyang mga lingkod na lumapit sa kaniya anumang oras na ibig nila. Siya’y laging naririyan, nagnanasang tanggapin ang kanilang kaloob-loobang mga hangarin. Sa katunayan, kaniyang pinatitibay-loob sila na “magmatiyaga ng pananalangin” at “manalangin nang walang-patid.”a (Roma 12:12; 1 Tesalonica 5:17) Kalooban ni Jehova na lahat ng Kristiyano ay laging manawagan sa kaniya sa panalangin, na ibinubuhos sa kaniya ang laman ng kanilang puso at ginagawa iyon sa pangalan ng kaniyang sinisintang Anak, si Jesu-Kristo.​—Juan 14:6, 13, 14.

2, 3. (a) Bakit ipinayo ng Diyos sa atin na “magmatiyaga ng pananalangin”? (b) Anong katiyakan mayroon tayo na ibig ng Diyos na tayo’y manalangin?

2 Bakit tayo binibigyan ng Diyos ng ganitong payo? Sapagkat ang mga kagipitan at mga pananagutan sa buhay ay maaaring labis na magpabigat sa atin kung kaya’t nakaliligtaan na natin na manalangin. O ang ating mga suliranin ay baka dumaraig sa atin at napapahinto ang ating kagalakan sa pag-asa at tayo’y humihinto sa pananalangin. Dahilan sa mga bagay na ito, kailangan natin ang mga tagapagpaalaala na nagpapatibay-loob sa atin na manalangin at lumapit nang pagkalapit-lapit sa pinagmumulan ng tulong at kaaliwan, si Jehova na ating Diyos.

3 Ang alagad na si Santiago ay sumulat: “Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo.” (Santiago 4:8) Oo, ang Diyos ay hindi naman totoong napakatayog ni totoong napakalayo man upang makinig sa ating mga pagdalangin sa kaniya, sa kabila ng ating di-sakdal na kalagayan bilang mga tao. (Gawa 17:27) Isa pa, siya’y hindi nagwawalang-bahala at di-nababahala tungkol sa atin. Ang sabi ng salmista: “Ang mga mata ni Jehova ay nakatitig sa mga matuwid, at ang kaniyang mga pakinig ay nakabukas sa kanilang daing na humihingi ng tulong.”​—Awit 34:15; 1 Pedro 3:12.

4. Papaano maipaghahalimbawa ang laging pagiging handa ni Jehova na makinig sa panalangin?

4 Si Jehova’y nag-aanyaya na manalangin sa kaniya. Ito ay maihahambing natin sa isang pagtitipon na kung saan may mga taong nag-uusap-usap. Ikaw ay naroroon, nakikinig sa ibang nag-uusap. Ang ginagampanan mo ay papel ng isang tagamasid. Subalit may isang bumaling sa iyo, sinambit ang iyong pangalan, at sa iyo idinirekta ang kaniyang mga salita. Sa ganito’y natatawag ang iyong pansin sa isang natatanging paraan. Katulad din niyan, ang Diyos ay laging handang makinig sa kaniyang mga lingkod, saanman sila naroroon. (2 Cronica 16:9; Kawikaan 15:3) Kaya dinirinig niya ang ating sinasabi, siya’y interesadong nagmamasid upang magsilbing proteksiyon sa atin, wika nga. Gayunman, pagka ating tinatawag ang pangalan ng Diyos sa pananalangin, siya’y lubhang natatawagan ng pansin, at ngayon maliwanag na nakatutok na iyon sa atin. Sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, nahihiwatigan din at nauunawaan ni Jehova ang di-binigkas na panalangin ng tao na nanggagaling sa kaibuturan ng kaniyang puso at isip. Sa ati’y tinitiyak ng Diyos na siya’y magiging malapít sa lahat ng mga taimtim na tumatawag sa kaniyang pangalan at nagsisikap na manatiling malapít sa kaniya.​—Awit 145:18.

Pagtugon Ayon sa Layunin ng Diyos

5. (a) Ano ang ipinakikita ng payo na “magmatiyaga ng pananalangin” tungkol sa ating mga panalangin? (b) Papaano sinasagot ng Diyos ang mga panalangin?

5 Ang payo na magmatiyaga ng pananalangin ay nagpapakita na kung minsan maaaring payagan tayo ni Jehova na patuloy na manalangin tungkol sa isang bagay sa loob ng sandaling panahon bago natin maliwanagan ang kaniyang tugon. Baka tayo’y manghinawa pa nga ng pananalangin sa Diyos na pagkalooban tayo ng pabor o kagandahang-loob na marahil ay lubhang kailangan ngunit matagal na ipinagpapaliban. Sa gayon, tayo’y hinihimok ng Diyos na Jehova na huwag padala sa gayong kaisipan kundi patuloy na manalangin. Tayo’y dapat magpatuloy ng pananalangin sa kaniya tungkol sa ating mga nais na ipaalam, nagtitiwala na kaniyang iginagalang ang ating panalangin at tutugunin ang ating tunay na pangangailangan, hindi lamang sa maaaring ipinangangatuwiran natin. Walang-alinlangan na ang Diyos na Jehova ay nagtitimbang-timbang sa ating mga ipinananalangin ayon sa kaniyang layunin. Halimbawa, baka ang iba ay apektado ng ating hinihiling. Ang bagay na iyan ay maitutulad natin sa isang ama na ang anak ay humihingi sa kaniya ng bisikleta. Batid ng ama na kung kaniyang ibibili ng bisikleta ang anak na iyon, ang kaniyang isa pang anak ay hihingi rin ng isa. Yamang ang isang anak ay baka totoong napakabata para magkaroon ng bisikleta, marahil ay magpapasiya ang ama na huwag na munang bumili sa partikular na panahong iyan. Sa katulad na paraan, sa liwanag ng kaniyang layunin at itinakdang panahon sa mga bagay-bagay, nagpapasiya ang ating Ama sa langit kung ano ang talagang pinakamagaling para sa atin at para sa iba.​—Awit 84:8, 11; ihambing ang Habacuc 2:3.

6. Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus kung tungkol sa panalangin, at ano ang ipinakikita ng katiyagaan sa pananalangin?

6 Kapansin-pansin ang ilustrasyon na ibinigay ni Jesus tungkol sa pangangailangan na ang kaniyang mga alagad ay “laging manalangin at huwag manlulupaypay.” Isang biyuda, na hindi malapatan ng katarungan, ay nagtiyaga sa kaniyang kahihiling sa isang hukom na tao hanggang sa wakas ay nakamtan niya ang katarungan. Isinususog ni Jesus: “Hindi nga ba pangyayarihin ng Diyos na ang kaniyang pinili na sumasamo sa kaniya araw at gabi ay malapatan ng katarungan?” (Lucas 18:1-7) Ang katiyagaan sa pananalangin ay nagpapakita ng ating pananampalataya, ng ating pagtitiwala kay Jehova, ng ating pagnanasang manatiling malapít sa kaniya at pagsusumamo, anupa’t sa kaniyang kamay ipinababahala ang resulta.​—Hebreo 11:6.

Mga Halimbawa ng Pananatiling Malapít kay Jehova

7. Papaano natin matutularan ang pananampalataya ni Abel sa pananatiling malapít kay Jehova?

7 Sa Bibliya ay marami ang iniuulat na mga panalanging binigkas ng mga lingkod ng Diyos. Ang mga ito “ay nasulat upang magturo sa atin, na sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Ang ating pag-asa ay pinatitibay ng ating pagsasaalang-alang ng mga ilang halimbawa ng mga taong nanatiling malapít kay Jehova. Si Abel ay naghandog ng isang kalugud-lugod na hain sa Diyos, at bagaman walang iniuulat na panalangin, walang-alinlangan na siya’y nagsumamo ng pananalangin kay Jehova na sana’y tanggapin ang kaniyang handog. Ang Hebreo 11:4 ay nagsasabi: “Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Diyos ng isang hain na mas mahalaga kaysa kay Cain, na sa pamamagitan ng pananampalatayang iyon ay pinatotohanan na siya’y matuwid.” Alam ni Abel ang pangako ng Diyos sa Genesis 3:15, ngunit kung ihahambing sa mga alam natin ngayon, napakaliit ang nalalaman niya. Gayunman, si Abel ay kumilos salig sa kaalaman na taglay niya. Kaya naman ngayon, ang iba sa mga baguhang interesado sa katotohanan ng Diyos ay wala pang gaanong kaalaman, ngunit sila’y nananalangin at sinasamantala ang kaalaman na taglay nila, gaya rin ng ginawa ni Abel. Oo, sila’y kumikilos nang may pananampalataya.

8. Bakit natin matitiyak na si Abraham ay nanatiling malapít kay Jehova, at anong tanong ang dapat nating itanong sa ating sarili?

8 Isa pang tapat na lingkod ng Diyos ay si Abraham, “ang ama ng lahat ng may pananampalataya.” (Roma 4:11) Sa ngayon, higit kailanman, kailangan natin ang matibay na pananampalataya, at kailangang tayo’y manalangin nang may pananampalataya, gaya ng ginawa ni Abraham. Ang Genesis 12:8 ay nagsasabi na siya’y nagtayo ng isang dambana “kay Jehova at nagsimulang tumawag sa pangalan ni Jehova.” Alam ni Abraham ang pangalan ng Diyos at ginamit niya iyon sa panalangin. Paulit-ulit na nagtiyaga siya nang buong-kataimtiman ng pananalangin, na tumatawag “sa pangalan ni Jehova na walang-hanggang Diyos.” (Genesis 13:4; 21:33) Si Abraham ay tumawag sa Diyos nang may pananampalataya na siya niyang ikinabantog. (Hebreo 11:17-19) Ang panalangin ang tumulong kay Abraham upang manatiling nagagalak na lubha sa pag-asa sa Kaharian. Atin bang tinutularan ang halimbawa ni Abraham ng matiyagang pananalangin?

9. (a) Bakit ang mga panalangin ni David ay nagdudulot ng malaking kapakinabangan sa bayan ng Diyos ngayon? (b) Ano ang maaaring maging resulta ng ating pananalangin gaya ng ginawa ni David upang manatiling malapít kay Jehova?

9 Si David ay namumukod kung tungkol sa pagtitiyaga ng pananalangin, at ang kaniyang mga awit ang nagpapakita kung ano ang dapat na kasangkot sa panalangin. Halimbawa, ang mga lingkod ng Diyos ay wastong makapananalangin tungkol sa mga bagay na gaya ng kaligtasan o paglaya (Aw 3:7, 8; 60:5), patnubay (Aw 25:4, 5), proteksiyon (Aw 17:8), kapatawaran ng mga kasalanan (Aw 25:7, 11, 18), at isang malinis na puso (Aw 51:10). Nang si David ay makadama ng kalungkutan, siya’y nanalangin: “Pagalakin mo ang kaluluwa ng iyong lingkod.” (Aw 86:4) Tayo’y makapananalangin din nang ganiyan na bigyan tayo ng kagalakan ng puso, sa pagkaalam na ninanais ni Jehova na tayo’y magalak sa ating pag-asa. Si David ay nanatiling malapít kay Jehova at nanalangin: “Ang kaluluwa ko ay sumunod na mainam sa iyo; inaalalayan akong mahigpit ng iyong kanang kamay.” (Aw 63:8) Tayo ba ay mananatiling malapít kay Jehova, gaya ni David? Kung gayon, tayo naman ay kaniyang aalalayan.

10. Anong mga maling kaisipan ang minsan ay naisip ng salmistang si Asap, ngunit ano ang kaniyang natalos?

10 Kung ibig nating manatiling malapít kay Jehova, kailangang iwasan natin na mainggit sa balakyot dahilan sa kanilang iresponsable at materyalistikong pamumuhay. Minsan nadama ng salmistang si Asap na walang kabuluhan na maglingkod kay Jehova, sapagkat ang balakyot “ay laging nasa ginhawa.” Gayunman, kaniyang naunawaan na mali ang kaniyang pangangatuwiran at na ang balakyot ay “nasa madulas na dako.” Kaniyang natalos na wala nang higit na mabuti kaysa ang manatiling malapít kay Jehova, at ganito ang kaniyang pagkasabi sa Diyos ng kaniyang niloloob: “Laging sumasaiyo ako; iyong inalalayan ang aking kanang kamay. Sapagkat, narito! silang lumalayo sa iyo ay malilipol. . . . Ngunit para sa akin, mabuti sa akin na lumapit sa Diyos. Ginagawa kong aking kanlungan ang Soberanong Panginoong Jehova, upang aking maihayag ang lahat mong mga gawa.” (Awit 73:12, 13, 18, 23, 27, 28) Sa halip na mainggit sa iresponsableng pamumuhay ng balakyot, na mga taong walang pag-asa, ang tularan natin ay si Asap sa pananatiling malapít kay Jehova.

11. Bakit si Daniel ay isang mainam na halimbawa ng pananatiling malapít kay Jehova, at papaano natin matutularan siya?

11 Si Daniel ay buong-tatag na nagtiyaga ng pananalangin, kahit na nasa panganib sa loob ng yungib ng mga leon dahil sa hindi pagsunod sa itinakdang opisyal na mga pagbabawal tungkol sa panalangin. Ngunit si Jehova ay “nagsugo ng kaniyang anghel at itinikom ang bibig ng mga leon,” at naligtas si Daniel. (Daniel 6:7-10, 22, 27) Lubhang pinagpala si Daniel dahilan sa kaniyang pagtitiyaga ng pananalangin. Tayo man ba ay nagtitiyaga ng pananalangin, lalo na kapag napaharap sa pananalansang sa ating pangangaral ng Kaharian?

Si Jesus, ang Ating Halimbawa

12. (a) Sa pasimula ng kaniyang ministeryo, anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus kung tungkol sa panalangin, at papaano ito pakikinabangan ng mga Kristiyano? (b) Ano ang isinisiwalat tungkol sa panalangin ng modelong panalangin ni Jesus?

12 Sa simula pa lamang ng kaniyang ministeryo sa lupa, si Jesus ay iniuulat na nananalangin. Ang kaniyang saloobin sa pananalangin samantalang binabautismuhan ay nagsilbing isang mainam na halimbawa para sa mga nagpapabautismo sa tubig sa modernong panahon. (Lucas 3:21, 22) Maaaring ang isa’y manalangin na siya’y tulungan ng Diyos na gampanan ang isinasagisag ng bautismo sa tubig. Tinulungan din naman ni Jesus ang iba upang lumapit kay Jehova sa panalangin. Minsan nang si Jesus ay nasa isang lugar at nananalangin, isa sa kaniyang mga alagad ang nagsabi sa kaniya pagkatapos: “Panginoon, turuan mo kami kung papaano mananalangin.” Nang magkagayo’y inilahad ni Jesus ang karaniwang nakikilala bilang ang modelong panalangin, na sa pagkakasunud-sunod ng mga paksa ay makikita na ang pangalan at layunin ng Diyos ang dapat na unahin. (Lucas 11:1-4) Kung gayon, sa ating mga panalangin kailangan natin ang wastong pagkakilala at pagkatimbang, na hindi pinababayaan “ang lalong mahalagang mga bagay.” (Filipos 1:9, 10) Sabihin pa, may mga panahon ng pantanging pangangailangan o pagka isang espesipikong suliranin ang nangangailangang ipanalangin. Tulad ni Jesus, ang mga Kristiyano ay makalalapit sa Diyos sa panalangin upang humingi ng lakas na gampanan ang ilang mga atas o upang harapin ang partikular na mga pagsubok o mga panganib. (Mateo 26:36-44) Ang totoo, ang personal na mga panalangin ay maaaring may kinalaman sa halos lahat ng pitak ng buhay.

13. Papaano ipinakita ni Jesus ang kahalagahan ng pananalangin alang-alang sa iba?

13 Sa pamamagitan ng kaniyang mainam na halimbawa, ipinakita ni Jesus ang kahalagahan ng pananalangin alang-alang sa iba. Batid niya na ang kaniyang mga alagad ay kapopootan at pag-uusigin, gaya rin niya. (Juan 15:18-20; 1 Pedro 5:9) Sa gayon, siya’y dumalangin sa Diyos na “bantayan sila dahilan sa balakyot.” (Juan 17:9, 11, 15, 20) Palibhasa’y alam ang pantanging pagsubok na mapapaharap kay Pedro, sinabi niya sa kaniya: “Ikaw ay ipinagsumamo ko na huwag sanang magkulang ang iyong pananampalataya.” (Lucas 22:32) Anong laking pakinabang kung tayo rin ay patuloy na mananalangin alang-alang sa mga kapatid, na iniisip ang iba at hindi lamang ang ating sariling mga suliranin at kapakanan!​—Filipos 2:4; Colosas 1:9, 10.

14. Papaano natin nalalaman na si Jesus ay nanatiling malapít na malapít kay Jehova sa buong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, at papaano natin siya matutularan?

14 Sa buong ministeryo niya, si Jesus ay nagtiyaga ng pananalangin, nanatiling malapít na malapít kay Jehova. (Hebreo 5:7-10) Si apostol Pedro, sa Gawa 2:25-28, ay sumisipi sa Awit 16:8 at ikinakapit iyon sa Panginoong Jesu-Kristo: “Sinasabi ni David tungkol sa kaniya, ‘Aking inilagay na lagi si Jehova sa harap ng aking mga mata; sapagkat siya’y nasa aking kanan upang huwag akong makilos kailanman.” Magagawa rin natin iyan. Ating maipananalangin na ang Diyos ay maging malapít sa atin, at maipakikita natin ang ating pagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng palaging pagsasaisip sa kaniya sa harap ng ating mga mata. (Ihambing ang Awit 110:5; Isaias 41:10, 13.) Kung magkagayon ay maiiwasan natin ang lahat ng uri ng kabagabagan, sapagkat tayo’y aalalayan ni Jehova, at tayo’y hindi gigiray-giray kailanman.

15. (a) Tungkol sa ano hindi natin dapat kaligtaan na magtiyaga ng pananalangin? (b) Anong pag-iingat ang ipinapayo tungkol sa ating pasasalamat?

15 Harinawang kailanman ay huwag tayong magkait ng pasasalamat kay Jehova ukol sa lahat niyang kabutihan sa atin, oo, “ang nakahihigit na di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos,” na kasali riyan ang pagkakaloob ng kaniyang Anak bilang isang haing pantubos para sa ating mga kasalanan. (2 Corinto 9:14, 15; Marcos 10:45; Juan 3:16; Roma 8:32; 1 Juan 4:9, 10) Oo, sa pangalan ni Jesus, “magpasalamat na lagi ukol sa lahat ng bagay sa ating Diyos at Ama.” (Efeso 5:19, 20; Colosas 4:2; 1 Tesalonica 5:18) Pakaingat tayo na huwag hayaang ang ating pasasalamat ukol sa mga bagay na mayroon tayo ay masira dahilan sa mga bagay na wala tayo o dahil sa ating personal na mga suliranin.

Paglalagak kay Jehova ng Ating mga Pasanin

16. Kung may pasanin na lumiligalig sa atin, ano ang dapat nating gawin?

16 Ang katiyagaan sa pananalangin ay nagpapakita ng lalim ng ating debosyon. Pagka tayo’y nananawagan sa Diyos, ang epekto sa atin ay mabuti kahit na bago niya sagutin iyon. Kung may isang pasanin na lumiligalig sa ating mga pag-iisip, tayo’y makapananatiling malapít kay Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa payo: “Ilagak mo kay Jehova mismo ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) Sa pamamagitan ng paglalagak ng lahat ng ating pasanin​—mga kabalisahan, alalahanín, kabiguan, pangamba, at iba pa​—​sa Diyos, taglay ang lubos na pananampalataya sa kaniya, tayo’y tumatanggap ng katiwasayan ng puso, “ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip.”​—Filipos 4:4, 7; Awit 68:19; Marcos 11:24; 1 Pedro 5:7.

17. Papaano natin makakamit ang kapayapaan ng Diyos?

17 Ang kapayapaan bang ito ng Diyos ay dumarating na bigla? Bagaman tayo ay maaaring magkamit ng biglang kaginhawahan, ang sinabi ni Jesus tungkol sa pananalangin upang humingi ng banal na espiritu ay kumakapit din dito: “Patuloy na humingi, at ibibigay iyon sa inyo; patuloy na humanap, at makasusumpong kayo; patuloy na tumuktok, at bubuksan iyon sa inyo.” (Lucas 11:9-13) Yamang ang banal na espiritu ang siyang ginagamit upang maalis natin ang pagkabalisa, kailangang tayo’y magtiyaga ng paghingi ng kapayapaan ng Diyos at ng kaniyang tulong may kinalaman sa ating mga pasanin. Matitiyak natin na sa matiyagang pananalangin, makakamit natin ang hinahangad na kaginhawahan at katiwasayan ng puso.

18. Ano ang ginagawa ni Jehova para sa atin kung hindi natin alam ang eksaktong hihilingin natin sa ating pananalangin tungkol sa isang kalagayan?

18 Ngunit kumusta naman kung hindi natin alam ang eksaktong hihilingin natin sa panalangin? Ang ating panloob na mga hibik ay kalimitan hindi maipahayag sapagkat hindi natin lubusang nauunawaan ang ating kalagayan, o tayo’y nalilito sa kung ano ang dapat nating iharap kay Jehova. Dito sa puntong ito maaaring mamagitan para sa atin ang banal na espiritu. Si Pablo ay sumulat: “Hindi tayo marunong manalangin nang nararapat ayon sa dapat nating hilingin, ngunit ang espiritu rin ang namamagitan para sa atin na mga hibik na hindi maisasaysay ng pananalita.” (Roma 8:26) Papaano nagkagayon? Sa Salita ng Diyos ay may kinasihang mga hula at mga panalangin na may kaugnayan sa ating kalagayan. Kaniyang hinahayaang ang mga ito ay mamagitan para sa atin, wika nga. Kaniyang tinatanggap ang mga ito bilang siyang dapat nating ipanalangin kung batid lamang natin ang kanilang kahulugan may kaugnayan sa ating kaso, at kaniyang tinutupad ito ayon sa nararapat.

Magpapatuloy ang Panalangin at ang Pag-asa

19. Bakit ang panalangin at ang pag-asa ay magpapatuloy magpakailanman?

19 Ang pananalangin sa ating Ama sa langit ay magpapatuloy magpakailanman, lalo na kung tungkol sa pagpapasalamat para sa bagong sanlibutan at sa lahat ng mga pagpapalang dulot nito. (Isaias 65:24; Apocalipsis 21:5) Tayo ay magpapatuloy rin na magalak sa pag-asa, sapagkat ang ilang anyo ng pag-asa ay magpapatuloy magpakailanman. (Ihambing ang 1 Corinto 13:13.) Kung anong mga bagong bagay ang pangyayarihin ni Jehova pagka siya’y wala na sa ilalim ng kaniyang itinakda sa sarili niya na araw ng kapahingahan sa Sabbath may kaugnayan sa lupa, hindi pa natin maguniguni man lamang. (Genesis 2:2, 3) Sa buong walang-hanggan, siya’y patiunang magbibigay ng mapagmahal na mga sorpresa para sa kaniyang bayan, at ang kinabukasan ay may dalang dakilang mga bagay para sa kanila kung tungkol sa paggawa ng kaniyang kalooban.

20. Ano ang dapat na maging ating determinasyon, at bakit?

20 Taglay ang ganiyang kapana-panabik na pag-asang nasa harapan natin, harinawang lahat tayo ay manatiling malapít kay Jehova sa pamamagitan ng pagtitiyaga ng pananalangin. Harinawang huwag tayong huminto ng pagpapasalamat sa ating Ama na nasa langit alang-alang sa lahat ng mga pagpapalang ibinibigay sa atin. Sa takdang panahon ang ating inaasahan ay may-kagalakang matutupad, nang higit pa kaysa ating naguguniguni o inaasam-asam, sapagkat si Jehova ay maaaring “gumawa nang lubhang sagana nang higit sa lahat ng ating hinihingi.” (Efeso 3:20) Kung gayon, dahil dito, lahat ng kapurihan at kaluwalhatian at pasasalamat ay ibigay natin magpakailanman kay Jehova na ating Diyos, ang “Nakikinig sa panalangin”!

[Talababa]

a Sang-ayon sa Webster’s New Dictionary of Synonyms, ang “Magmatiyaga ay halos sa tuwina nagpapahiwatig ng isang kapuri-puring katangian; ito’y nagpapahiwatig kapuwa ng pagtangging masiraan ng loob dahil sa kabiguan, pag-aalinlangan, o mga kahirapan, at ng isang matatag o masidhing pagtataguyod ng isang layunin o isang gawain.”

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Bakit tayo kailangang magtiyaga ng pananalangin?

◻ Ano ba ang ating natututuhan buhat sa mga halimbawa ng pananalangin bago ng panahong Kristiyano?

◻ Ano ang itinuturo sa atin ng halimbawa ni Jesus tungkol sa panalangin?

◻ Papaano natin mailalagak ang ating mga pasanin kay Jehova at ano ang resulta?

[Larawan sa pahina 17]

Si Daniel ay nagtiyaga ng pananalangin sa kabila ng banta na itatapon sa yungib ng mga leon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share