Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 2/1 p. 8-13
  • Ang Kaloob ni Jehova na Banal na Espiritu

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kaloob ni Jehova na Banal na Espiritu
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kapangyarihan ng Banal na Espiritu
  • Kahima-himalang mga Gawa
  • Kinasihang mga Kasulatan
  • Pagtitiwala sa Banal na Espiritu
  • Ang Espiritu ng Diyos Noong Unang Siglo
  • Pakinabang Buhat sa Banal na Espiritu ng Diyos
  • Banal na Espiritu
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • ‘Sa Pangalan ng Banal na Espiritu’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Ginagabayan ng Espiritu ng Diyos—Noong Unang Siglo at Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Alamin Kung Ano ang Banal na Espiritu
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 2/1 p. 8-13

Ang Kaloob ni Jehova na Banal na Espiritu

“Gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya!”​—LUCAS 11:13.

1, 2. (a) Ano ang ipinangako ni Jesus tungkol sa banal na espiritu, at bakit ito tunay na nakaaaliw? (b) Ano ba ang banal na espiritu?

NOONG taglagas ng taóng 32 C.E. samantalang nangangaral si Jesus ng mabuting balita sa Judea, binanggit niya sa kaniyang mga alagad ang tungkol sa pagkabukas-palad ni Jehova. Siya’y gumamit ng ilang mabibisang ilustrasyon at pagkatapos ay gumawa ng isang kahanga-hangang pangako, na nagsasabi: “Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marunong magbigay ng mabubuting regalo sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya!”​—Lucas 11:13.

2 Totoong nakaaaliw ang mga salitang iyan! Kung tayo’y nagtitiis ng kaligaligan ng mga huling araw ng sanlibutang ito, nakaharap sa pagkapoot ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo, at nilalabanan ang ating makasalanang mga hilig, tunay na nakagagalak-pusong malaman na tayo’y palalakasin ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Oo, ang tapat na pagtitiis ay hindi mangyayari kung wala ang alalay na iyan. Naranasan mo na ba ang kapangyarihan ng espiritung ito, na siyang aktibong puwersa ng Diyos? Nauunawaan mo ba kung gaano ang maitutulong nito sa iyo? Lubusan mo bang ginagamit ito?

Ang Kapangyarihan ng Banal na Espiritu

3, 4. Ipaghalimbawa ang kapangyarihan ng banal na espiritu.

3 Isaalang-alang muna ang kapangyarihan ng banal na espiritu. Gunitain ang taóng 1954. Iyan ay nang isang bomba hidroheno ang pasabugin sa Bikini Atoll sa Timog Pasipiko. Sa isang kisap-mata pagkatapos sumabog ang bomba, ang magandang islang iyan ay naging isang mistulang pagkalaki-laking bola ng apoy at hinambalos ng isang pagsabog na ang lakas ay katumbas ng pagsabog ng 15 milyong tonelada ng TNT. Saan ba nanggaling ang lahat ng mapangwasak na lakas na iyan? Iyon ay resulta ng pagbabago tungo sa enerhiya ng isang munting kudlit lamang ng uranyum at hidroheno na pinaka-pusod ng bomba. Datapuwat, ano nga kung magagawa ng mga siyentipiko ang kabaligtaran ng kanilang nagawa sa Bikini? Ipagpalagay na kanilang matitipong lahat ang mistulang apoy na enerhiyang iyon at maikukumberte sa ilang mga libra ng uranyum at ng hidroheno. Anong laking tagumpay nga! Subalit, si Jehova ay gumawa ng isang bagay na kahawig niyan ngunit sa isang lalong malawakang antas nang “sa pasimula [kaniyang] nilalang ang langit at ang lupa.”​—Genesis 1:1.

4 Si Jehova ay may malawak na mga reserba ng dinamikong lakas. (Isaias 40:26) Sa paglalang, tiyak na ginamit niya ang iba sa lakas na ito nang kaniyang buuin ang lahat ng materya na bumubuo ng uniberso. Ano ang kaniyang ginamit sa gawang paglalang na ito? Ang banal na espiritu. Ating mababasa: “Sa pamamagitan ng Salita ni Jehova ay nayari ang mga langit, at lahat ng natatanaw roon ay sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang bibig.” (Awit 33:6) At ang ulat ng Genesis ng paglalang ay nagsasabi: “Ang aktibong puwersa [banal na espiritu] ng Diyos ay kumikilos nang pabalik-balik sa ibabaw ng tubig.” (Genesis 1:2) Anong makapangyarihang puwersa nga ang banal na espiritu!

Kahima-himalang mga Gawa

5. Sa papaanong dakilang mga paraan gumagawa ang banal na espiritu?

5 Ang banal na espiritu ay gumagawa pa rin sa napakadakilang mga paraan. Ito ang pumapatnubay at umaakay sa makalangit na organisasyon ni Jehova. (Ezekiel 1:20, 21) Tulad ng enerhiya na likha ng pagsabog ng bomba hidroheno, yaon ay magagamit upang pumuksa sa mga kaaway ni Jehova pagka isinagawa na ang hatol, ngunit iyon ay kumilos din sa ibang mga paraan na kagila-gilalas sa atin.​—Isaias 11:15; 30:27, 28; 40:7, 8; 2 Tesalonica 2:8.

6. Papaanong ang banal na espiritu ay umalalay kay Moises at sa mga anak ni Israel sa kanilang pakikitungo sa Ehipto?

6 Halimbawa, mga 1513 B.C.E., sinugo ni Jehova si Moises upang humarap kay Faraon ng Ehipto para hilingin na palayain ang mga anak ni Israel. Sa loob ng naunang 40 taon, si Moises ay naging isang pastol sa Midian, kaya bakit nga makikinig si Faraon sa isang pastol? Sapagkat si Moises ay naparoon sa pangalan ng tanging tunay na Diyos, si Jehova. Upang patunayan ito, siya’y binigyan ni Jehova ng kapangyarihan na gumawa ng mga himala. Ang mga ito ay lubhang kahanga-hanga na anupa’t kahit ang mga saserdoteng Ehipsiyo ay napilitang umamin: “Iyon ang daliri ng Diyos!”a (Exodo 8:19) Pinasapit ni Jehova ang sampung salot sa Ehipto, ang huli ang pumuwersa kay Faraon na payagan nang lumisan sa Ehipto ang bayan ng Diyos. Nang si Faraon ay magmatigas na hinabol sila kasama ang kaniyang hukbo, ang mga Israelita ay nakatakas nang isang daan ang makahimalang nabuksan patawid sa Mapulang Dagat. Tinugis sila ng hukbong Ehipsiyo at nalunod sa dagat.​—Isaias 63:11-14; Hagai 2:4, 5.

7. (a) Ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit ang banal na espiritu ay gumawa ng mga himala? (b) Bagaman wala nang mga himala na ginagawa ang banal na espiritu, bakit nakaaaliw ang ulat tungkol sa mga ito sa Bibliya?

7 Oo, si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu ay gumawa ng makapangyarihang himala alang-alang sa mga Israelita noong panahon ni Moises, at sa ibang mga panahon din. Ano ba ang layunin ng mga himalang iyon? Tinupad niyaon ang mga layunin ni Jehova, pinangyaring ang kaniyang pangalan ay makilala, at ipinakita ang kaniyang kapangyarihan. At kung minsan, tulad sa kaso ni Moises, kapani-paniwalang pinatutunayan niyaon na ang isa ay may pagtangkilik ni Jehova. (Exodo 4:1-9; 9:14-16) Gayunman, ang mga himala na pinapangyari ng banal na espiritu ay pambihira sa buong kasaysayan.b Malamang, karamihan ng mga taong nabuhay noong mga sinaunang panahon sa Bibliya ay hindi nakasaksi ng isa man, at sa ngayon ang mga iyan ay hindi na nangyayari. Gayumpaman, samantalang tayo sa ngayon ay nakikipagbaka sa mga suliranin na waring mahirap pagtagumpayan, hindi ba isang kaaliwang malaman na kung tayo’y hihingi kay Jehova na taglay ang pananampalataya, kaniyang bibigyan tayo ng gayunding espiritu na umalalay kay Moises sa harap ni Faraon at nagbukas ng daan para sa mga Israelita upang makatawid sa Mapulang Dagat?​—Mateo 17:20.

Kinasihang mga Kasulatan

8. Ano ang bahaging ginagampanan ng banal na espiritu sa pagbibigay ng Sampung Utos?

8 Pagkatapos na mailabas sila sa Ehipto, pinangunahan ni Moises ang mga Israelita patungo sa Bundok Sinai, na kung saan si Jehova ay pumasok sa isang pakikipagtipan sa kanila at binigyan sila ng kaniyang Kautusan. Ang isang mahalagang bahagi ng Kautusang iyan na ibinigay sa pamamagitan ni Moises ay ang Sampung Utos, at ang orihinal na mga sipi nito ay nakaukit sa mga tapyas ng bato. Papaano? Sa pamamagitan ng banal na espiritu. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ngayon pagkatapos na makipag-usap sa kaniya [si Jehova] sa Bundok Sinai kaniyang ibinigay kay Moises ang dalawang tapyas ng Patotoo, na mga tapyas ng bato na sinulatan ng daliri ng Diyos.”​—Exodo 31:18; 34:1.

9, 10. Papaano naging aktibo ang banal na espiritu sa pagsulat sa Kasulatang Hebreo, at papaano ito makikita buhat sa pananalitang ginamit ng mga alagad ni Jesus?

9 Bukod sa Sampung Utos, sa pamamagitan ng kaniyang espiritu si Jehova ay nagbigay sa Israel ng daan-daang kautusan at mga regulasyon upang pumatnubay sa buhay ng tapat na mga lalaki at mga babae. At higit pa ang darating. Mga daan-daang taon pagkatapos ng kaarawan ni Moises, ang mga Levita ay nagpatotoo sa pamamagitan ng isang pangmadlang panalangin kay Jehova: “Tiniis mong malaon [ang mga Israelita] at patuloy na sumaksi ka laban sa kanila ng iyong espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta.” (Nehemias 9:5, 30) Maraming kinasihang mga hula na sinalita ng mga propetang iyon ang isinulat. Isa pa, ang banal na espiritu ang kumikilos sa tapat na mga lalaki upang isulat ang banal na mga kasaysayan at ang taos-pusong mga awit ng papuri.

10 Lahat ng mga kasulatang ito ang tinutukoy ni Pablo noon nang kaniyang sabihin: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16; 2 Samuel 23:2; 2 Pedro 1:20, 21) Oo, sa pagsipi sa mga kasulatang ito, ang mga alagad ni Jesus noong unang siglo ay malimit na gumagamit ng pananalitang gaya ng “ang banal na espiritu ay nagsalita . . . sa pamamagitan ng bibig ni David,” “ang banal na espiritu ay angkop na nagsalita sa pamamagitan ni Isaias,” o basta lamang “ang banal na espiritu ay nagsasabi.” (Gawa 1:16; 4:25; 28:25, 26; Hebreo 3:7) Anong laking pagpapala na ang gayunding banal na espiritu na kumasi sa pagsulat ng Banal na Kasulatan ang nag-ingat sa mga iyan upang tayo’y maakay at maaliw ngayon!​—1 Pedro 1:25.

Pagtitiwala sa Banal na Espiritu

11. Anong pagkilos ng espiritu ang nakita kung tungkol sa pagtatayo ng tabernakulo?

11 Habang ang mga Israelita ay nakakampamento sa paanan ng Bundok Sinai, sila’y inutusan ni Jehova na magtayo ng isang tabernakulo bilang isang sentro para sa tunay na pagsamba. Papaano nila magaganap ito? “Sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel: ‘Tingnan ninyo, tinawag ni Jehova sa pangalan si Bezalel na anak ni Uri na anak ni Hur ng tribo ni Juda. At kaniyang pinuspos siya ng espiritu ng Diyos sa karunungan, sa kaunawaan at sa kaalaman at sa lahat ng sari-saring gawain.’ ” (Exodo 35:30, 31) Pinahusay pa ng banal na espiritu ang anumang likas na pagkadalubhasa ni Bezalel sa anumang gawain, at kaniyang matagumpay na mapangangasiwaan ang pagtatayo ng kahanga-hangang kayariang iyon.

12. Papaano pinalakas ng espiritu ang mga indibiduwal sa pambihirang paraan pagkatapos ng panahon ni Moises?

12 Sa isang mas huling panahon, si Samson ay pinakilos ng espiritu ni Jehova, anupa’t binigyan siya ng lakas na higit kaysa lakas ng tao upang kaniyang mapalaya ang Israel buhat sa mga Filisteo. (Hukom 14:5-7, 9; 15:14-16; 16:28-30) Mas huli pa rin, si Solomon ay pinagkalooban ng natatanging karunungan bilang hari ng pinahirang bayan ng Diyos. (2 Cronica 1:12, 13) Sa ilalim ng kaniyang paghahari, ang Israel ay umunlad sa paraan na hindi pa nangyayari, at ang maligayang kalagayan nito ay nagsisilbing isang halimbawa ng mga pagpapala na tatamasahin ng bayan ng Diyos sa ilalim ng Milenyong Paghahari ni Kristo Jesus, ang Lalong-dakilang Solomon.​—1 Hari 4:20, 25, 29-34; Isaias 2:3, 4; 11:1, 2; Mateo 12:42.

13. Papaanong ang ulat ng espiritu na pagpapalakas kina Bezalel, Samson, at Solomon ay nagpapatibay-loob sa atin ngayon?

13 Anong laking pagpapala na ang espiritu ring iyon ang pinapangyayari ni Jehova na tumulong sa atin! Pagka nadarama natin na tayo’y walang sapat na kayang tupdin ang isang atas o makibahagi sa pangangaral, mahihiling natin kay Jehova na bigyan tayo ng gayunding espiritu na kaniyang ibinigay kay Bezalel. Pagka tayo’y dumaranas ng sakit, o nagtitiis ng pag-uusig, ang gayunding espiritu na nagbigay kay Samson ng pambihirang lakas ang magpapatibay sa atin​—bagaman, ang totoo, hindi sa makahimalang paraan. At pagka tayo’y napaharap sa mahihirap na suliranin o kinakailangang gumawa ng mahalagang mga pasiya, mahihiling natin kay Jehova, na nagbigay kay Solomon ng pambihirang karunungan, na tulungan tayo na kumilos nang may karunungan. Pagkatapos, tulad ni Pablo, ating sasabihin: “Para sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahilan sa kaniya na nagbigay sa akin ng kapangyarihan.” (Filipos 4:13) At ang pangako ni Santiago ay kakapit sa atin: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, patuloy na humingi siya sa Diyos, sapagkat siya’y nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.”​—Santiago 1:5.

14. Sino, noong sinaunang panahon at sa ngayon, ang inalalayan ng banal na espiritu?

14 Si Moises ay napuspos din ng espiritu ni Jehova sa kaniyang gawain na paghatol sa bansa. Nang ang iba’y inatasan na tumulong kay Moises, sinabi ni Jehova: “Ako’y kukuha sa espiritung sumasaiyo at aking isasalin sa kanila, at kanilang tutulungan ka sa pagdadala ng pasan ng bayan, upang huwag mong dalhing mag-isa.” (Bilang 11:17) Sa gayon, ang mga lalaking iyon ay hindi kinailangang kumilos na taglay ang kanilang sariling lakas. Ang banal na espiritu ang umalalay sa kanila. Ating mababasa na sa mga okasyon noong bandang huli ang espiritu ni Jehova ay pumuspos sa iba pang indibiduwal. (Hukom 3:10, 11; 11:29) Nang pahiran ni Samuel si David bilang hinaharap na hari ng Israel, ang rekord ay nagsasabi: “Kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at pinahiran siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid. At ang espiritu ni Jehova ay nagsimulang magpakilos kay David mula sa araw na iyon hanggang sa haharapin.” (1 Samuel 16:13) Sa ngayon ang mga may mabibigat na pananagutan​—pamilya, kongregasyon, o pang-organisasyon​—​ay maaaliw sa pagkaalam na ang espiritu ng Diyos ay umaalalay pa rin sa kaniyang mga lingkod samantalang kanilang inaasikaso ang kani-kanilang mga obligasyon.

15. Papaanong pinalakas ng banal na espiritu ang organisasyon ni Jehova (a) noong mga kaarawan ni Hagai at Zacarias? at (b) sa ngayon?

15 Mga ilang libong taon makalipas ang kaarawan ni Moises, ang tapat na mga anak ni Israel ay bumalik sa Israel buhat sa Babilonya taglay ang utos na muling itayo ang templo. (Ezra 1:1-4; Jeremias 25:12; 29:14) Subalit, may bumangong mahihirap na mga balakid at sila’y nasiraan ng loob sa maraming taon. Sa wakas, ibinangon ni Jehova ang mga propetang sina Hagai at Zacarias upang palakasing-loob ang mga Judio na huwag sa kanilang sariling lakas umasa. Subalit papaano magaganap ang gawain? “ ‘Hindi sa pamamagitan ng lakas ng hukbo, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Zacarias 4:6) At sa pag-alalay ng espiritu ng Diyos, ang templo ay naitayo. Ang bayan ng Diyos sa ngayon ay nakagawa rin naman nang malaki. Ang pangangaral ng mabuting balita ay lumaganap sa buong lupa. Milyun-milyong mga tao ang tinuturuan ng katotohanan at katuwiran. Mga kombensiyon ang inoorganisa. Mga Kingdom Hall at mga tanggapang sangay ang itinatayo. Ang kalakhang bahagi nito ay nagawa sa gitna ng mapait na pananalansang. Subalit hindi nasiraan ng loob ang mga Saksi ni Jehova, sa pagkaalam na ang lahat ng bagay na kanilang nagawa ay, hindi sa pamamagitan ng lakas ng hukbo, ni ng kapangyarihan man ng tao, kundi sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos.

Ang Espiritu ng Diyos Noong Unang Siglo

16. Ano ang naging karanasan ng mga lingkod ni Jehova bago noong panahon ng mga Kristiyano kung tungkol sa pagkilos ng espiritu ng Diyos?

16 Gaya ng ating nakita na, ang mga lingkod ng Diyos bago ng panahon ng mga Kristiyano ay lubhang palaisip tungkol sa kapangyarihan ng espiritu ng Diyos. Sila’y nagtiwala na iyon ay tutulong sa kanila na tuparin ang mabibigat na mga pananagutan at ganapin ang kalooban ng Diyos. Batid din nila na ang Kautusan at ang iba pang banal na mga kasulatan ay kinasihan, isinulat sa ilalim ng impluwensiya ng espiritu ni Jehova, at sa gayon ang mga iyon ay ‘Salita ng Diyos.’ (Awit 119:105) Ngayon, ano naman ang masasabi tungkol sa kapanahunang Kristiyano?

17, 18. Ano ang ilan sa mga himalang ipinakita ng espiritu noong panahon ng mga Kristiyano, at sa anong layunin nagsilbi ang mga ito?

17 Ang unang siglo ng ating Panlahatang Panahon (Common Era) ay nakasaksi rin ng kahanga-hangang mga pagkilos ng espiritu ng Diyos. Nariyan ang kinasihan-ng-espiritung panghuhula. (1 Corinto 14:1, 3) Bilang katuparan ng pangako ni Jesus na ang banal na espiritu ang magpapaalaala sa kaniyang mga alagad ng lahat ng bagay na kaniyang sinalita at tuturuan sila ng higit pang mga pitak ng katotohanan, maraming mga aklat ang isinulat sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu. (Juan 14:26; 15:26, 27; 16:12, 13) At may mga himala, gaya ng tatalakayin nang lalong malawakan sa ating sumusunod na artikulo. Oo, ang unang siglo ay pinasimulan ng isang kahanga-hangang himala. Humigit-kumulang noong taóng 2 B.C.E., isang natatanging sanggol ang nakatakdang isilang, at bilang isang tanda, ang kaniyang ina na nasa kabataan pa ay isang dalaga. Papaano nga mangyayari iyan? Sa pamamagitan ng banal na espiritu. Ang ulat ay nagsasabi: ”Ang pagkapanganak nga kay Jesu-Kristo ay ganito. Nang si Maria na kaniyang ina ay ipangakong ipakakasal kay Jose, bago sila nagsama ay nasumpungang siya’y nagdadalantao sa pamamagitan ng banal na espiritu.”​—Mateo 1:18; Lucas 1:35, 36.

18 Nang malaki na si Jesus, siya’y nagpalabas ng mga demonyo, nagpagaling ng mga may sakit, bumuhay pa nga ng mga patay sa kapangyarihan ng banal na espiritu. Ang iba sa kaniyang mga tagasunod ay gumawa rin ng mga himala at ng makapangyarihang mga gawa. Ang natatanging mga katangiang ito ay mga kaloob ng espiritu. Ano ba ang layunin nito? Gaya rin ng ginawa ng mga naunang himala, ang mga ito ay nagpalawak pa ng mga layunin ng Diyos at nagsiwalat ng kaniyang kapangyarihan. Higit pa, ipinakita ng mga ito ang pagiging totoo ng pag-aangkin ni Jesus na siya’y sinugo mula sa Diyos; at nang malaunan, pinatunayan ng mga ito na ang unang-siglong kongregasyong Kristiyano ang piniling bansa ng Diyos.​—Mateo 11:2-6; Juan 16:8; Gawa 2:22; 1 Corinto 12:4-11; Hebreo 2:4; 1 Pedro 2:9.

19. Papaano napalalakas ang ating pananampalataya ng ulat ng Bibliya ng mga himala ni Jesus at ng kaniyang mga apostol?

19 Gayunman, si apostol Pablo ay nagsabi na ang ganiyang kahima-himalang mga pagpapakita ng espiritu ay katangian ng kongregasyon sa kabataan at mapaparam, kaya tayo sa ngayon ay hindi nakakakita ng gayong mga himalang gawa ng banal na espiritu. (1 Corinto 13:8-11) Gayunman, ang mga himalang ginanap ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ay higit pa ang taglay kaysa makasaysayang interes lamang. Ang mga ito’y nagpapalakas ng ating pananampalataya sa pangako ng Diyos na ang sakit at kamatayan ay hindi na magkakaroon ng dako sa ilalim ng paghahari ni Jesus sa bagong sanlibutan.​—Isaias 25:6-8; 33:24; 65:20-24.

Pakinabang Buhat sa Banal na Espiritu ng Diyos

20, 21. Papaano tayo makikinabang sa paglalaan ng banal na espiritu?

20 Isang makapangyarihang puwersa nga ang espiritung ito! Subalit papaano tayong mga Kristiyano sa ngayon ay makikinabang dito? Una, sinabi ni Jesus na dapat nating hilingin ito, kaya bakit hindi gawin iyan? Manalangin kay Jehova na bigyan ka ng kahanga-hangang kaloob na ito hindi lamang kung mga panahon ng kagipitan kundi sa bawat pagkakataon. Bukod dito, basahin ang Bibliya upang makausap ka ng banal na espiritu. (Ihambing ang Hebreo 3:7.) Bulay-bulayin ang iyong binabasa at ikapit iyon upang ang banal na espiritu ay maging isang impluwensiya sa iyong buhay. (Awit 1:1-3) Gayundin, makisama ka​—sa indibiduwal, sa mga kongregasyon at sa mga asamblea​—​sa mga iba na umaasa sa espiritu ng Diyos. Anong pagkasaga-saganang pinatitibay ng banal na espiritu ang mga pumupuri sa kanilang Diyos “sa nagkakatipong karamihan”!​—Awit 68:26.

21 Hindi ba si Jehova ay isang bukás-palad na Diyos? Kaniyang sinasabing ang kailangan lamang sa atin ay humingi ng banal na espiritu at kaniyang ibibigay iyon sa atin. Anong laking kamangmangan na umasa sa ating sariling karunungan at lakas gayong isang makapangyarihang tulong ang maaaring ipagkaloob sa atin! Gayunman, may iba pang mga bagay tungkol sa espiritu ng Diyos na may epekto sa atin bilang mga Kristiyano, at ang mga ito ay tatalakayin sa sumusunod na artikulo.

[Mga talababa]

a Ang pananalitang “daliri ng Diyos” ay karaniwan nang tumutukoy sa banal na espiritu.​—Ihambing ang Lucas 11:20 at Mateo 12:28.

b Ang karamihan ng mga himalang nasusulat sa Bibliya ay nangyari noong panahon ni Moises at ni Josue, ni Elias at ni Eliseo, at ni Jesus at ng kaniyang mga apostol.

Masasagot Mo ba ang Sumusunod na mga Tanong?

◻ Papaano nilalang ni Jehova ang lahat ng materya sa uniberso?

◻ Ano ang ilan sa mga paraan na sa pamamagitan niyaon gumawa ang banal na espiritu bago noong panahon ng mga Kristiyano?

◻ Papaano tayo inaaliw sa ngayon ng pagkaalam kung ano ang nagawa ng banal na espiritu noong sinaunang mga panahon?

◻ Papaano tayo makikinabang sa paglalaan ng banal na espiritu?

[Larawan sa pahina 10]

Ang espiritu na nagbigay kay Samson ng lakas na higit pa kaysa taglay ng tao ay makapagbibigay sa atin ng kapangyarihan sa lahat ng bagay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share