Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
‘Pag-aani’ sa Venezuela
Minsan ang gawaing pangangaral ay inihalintulad ni Jesus sa taunang pag-aani. (Mateo 9:36-38) Ang Panginoon ng pag-aani ay ang Diyos na Jehova, at ang aanihin ay tunay na marami sa buong lupa. Kasali na rito ang madalang-gawing teritoryo sa Venezuela.
Ang tanggapang sangay sa Venezuela ng Watch Tower Society ay nag-uulat ng nangyari nang isang grupo ng mga Saksi ay gumawa sa teritoryo ng Sabana Grande, Estado ng Guárico. Nagbibida ang mga Saksi: “Ang bahay na aming tinutuluyan noon ay isang magandang lugar na pagdausan ng mga pulong, kaya agad-agad na kami’y nagsimulang mag-anyaya ng mga tao sa mga pulong doon. Hindi pa kilala ng mga tao ang mga Saksi ni Jehova. Bagaman may apat na grupong ebangheliko sa bayan, ang mga tao ay sabik na matuto buhat sa Bibliya.
“Kami’y gumawa nang tatlong oras sa umaga at tatlong oras sa hapon, nagbabahay-bahay at nag-aanyaya ng mga tao sa pulong sa susunod na gabi. Wala kaming mga silya, kaya hinilingan namin sila na dalhin ang kanilang sariling mga silya. Nang sumapit ang oras upang pasimulan ang pulong, nagsimula namang dumating ang mga tao, bawat isa’y may bitbit na isang silya. Nang matapos ang pulong, sinabihan namin sila na ibig naming isulat ang mga pangalan ng mga nagnanais magkaroon ng isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Lahat ng 29 na dumalo ay gustong mapasulat ang kanilang mga pangalan.
“Nang aming isinasara na ang pinto pagkalabas ng huling panauhin, may napansin kaming tatlong lalaking nakatayo sa may kanto ng bahay. Nang mga dakong alas nuebe, kami’y handa nang umupo at kumain nang sila’y tumuktok sa pinto. Sila’y nagtanong ng mga katanungan gaya ng: ‘Ano ba itong pangangaral na inyong ginagawa sa bayang ito? Sa anong dahilan nagpulong kayo rito ngayong gabi?’
“Tinanong namin kung mayroon kaming nilabag na batas. Sila’y tumugon ng wala at sinabi nilang sila’y mga pastor ng tatlo sa mga simbahang ebangheliko sa bayang iyon. Sila’y nag-alala dahilan sa walang mga tao ang kanilang mga simbahan nang gabing iyon. Aming inanyayahan sila na tumuloy at ipinaliwanag namin ang aming gawain. Kami’y nagpasakamay rin sa kanila ng ilang literatura at hiniling namin na sila’y bumalik sa susunod na Huwebes.
“Nang sumunod na Huwebes bumalik ang mga pastor at may kasamang 22 katao na ibig makarinig ng aming sasabihin. Inakala ng mga pastor na yamang kami’y mga babae, wala kaming kaya na humarap sa kanila sa isang talakayan. Gayumpaman, ang pulong ay tagumpay naman sa aming pagkamalas. Nang matapos ay ipinaliwanag namin na kami’y gumagawa ng listahan ng mga taong ibig na matuto ng higit pa buhat sa Bibliya. Marami sa mga kasama ng mga pastor ang ibig na mairagdag ang kanilang mga pangalan sa listahan, at may iba na nagsabi pang ibig nilang sumama sa amin sa pangangaral!
“Aming ipinaliwanag na sila’y mangangailangan ng higit pang kaalaman at pagsasanay sa Bibliya bago sila makisama sa amin sa pangangaral. Araw-araw ay may mga taong nagpupunta sa bahay, hinihilingan kami na ipaliwanag sa kanila ang Bibliya. Kung minsan, pagka kami’y nakapagpaliwanag na hanggang sa kalaliman ng gabi, kailangan pang hilingin namin sa kanila na sila’y magsiuwi na. Nang sa wakas ay aalis na kami sa teritoryo, sila’y lungkot na lungkot at sinabi sa amin na pagka kami’y bumalik, sila’y sasama na sa amin sa pangangaral. Sila’y nangako na pagdating ng panahong iyan sila’y nagkamit na ng kinakailangang pagsulong.”
Nang lisanin ng mga Saksi ang teritoryong iyon, may 40 katao na ibig mag-aral ng Bibliya. Ang mga pangalan ng mga taong interesadong ito ay iniwan sa pinakamalapit na kongregasyon na humigit-kumulang 50 kilometro ang layo. At nangyari, may ilang mga Saksi buhat sa isa pang siyudad na lumipat sa bayang ito, at isang grupo ng masigasig na mga mángangarál ng mabuting balita ang natatag.