Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 3/1 p. 26-30
  • Pagtataguyod sa Isang Tunguhin sa Edad na Anim na Taon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtataguyod sa Isang Tunguhin sa Edad na Anim na Taon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paggawa Upang Makarating sa Aking Tunguhin
  • Ang Gilead sa Wakas!
  • Mga Misyonero sa Morocco
  • Nagtungo sa Sentral Aprika
  • Sa Wakas, sa Sierra Leone
  • Tinuruan Kami ng Aming mga Magulang na Ibigin ang Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Mapayapa Na ang Kaugnayan Ko sa Diyos at kay Nanay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Isang Pambihirang Pamanang Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Paghanap Muna sa Kaharian—Isang Tiwasay at Maligayang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 3/1 p. 26-30

Pagtataguyod sa Isang Tunguhin sa Edad na Anim na Taon

AYON SA PAGLALAHAD NI SANDRA COWAN

Maraming mga magulang ang pumipili ng isang karera para sa kanilang mga anak, tulad halimbawa ng musika o ballet, at nagsisimulang sanayin sila sa isang maagang edad. Itung-ito ang ginawa sa akin ng aking ina. Dalawang linggo pa lamang na ako’y naisisilang, ako’y dinala na sa lahat ng mga pulong Kristiyano at isinama sa paglilingkod sa larangan.

NANG ako’y apat na taon, inakala ni Inay na handa na akong mangaral na mag-isa. Tandang-tanda ko pa ang aking unang pagtatangka. Sakay ng kotse na kami’y nagtungo sa isang malaking bahay sa bukid, at samantalang si Inay at ang mga iba’y naghihintay sa kotse, ako’y lumabas at lumapit sa pintuan. Isang ginang na mabait ang nakinig samantalang iniaalok ko sa kaniya ang sampung pulyeto. Bilang pinakabayad, binigyan niya ako ng isang malaking bareta ng sabon. Kinuha ko iyon ng aking dalawang kamay upang matanganan iyon. Tuwang-tuwa ako!

Nang taon ding iyon, 1943, ang Watchtower Bible School of Gilead ay nagsimula para sa pagsasanay sa buong-panahong mga ministrong payunir para sa gawaing misyonero. Hinimok ako ni Inay na gawing tunguhin ko sa buhay ang paglilingkurang misyonero. Noon ay kasalukuyang nagaganap sa Europa ang Digmaang Pandaigdig II, at ibinibida sa akin ni Inay ang tungkol sa mga kabataang anak ng mga Saksi sa Europa na kinuha sa kanilang mga magulang. Ibig niya na ako’y magkaroon ng sapat na lakas upang makalampas sa anumang uri ng pagsubok.

Noong tag-araw ng 1946, ako’y binautismuhan sa internasyonal na kombensiyon sa Cleveland, Ohio. Bagaman ako’y anim na taóng gulang lamang noon, disidido akong tuparin ang aking pag-aalay kay Jehova. Nang tag-araw na iyon una akong naglingkod bilang isang payunir. Natatandaan ko na isang umaga ako’y nakapagpasakamay ng 40 magasin sa mga taong nangakaupo sa The Plaza sa San Diego, California. Malaki ang nagawa ng aking pagiging maliit at masalita, natitiyak ko.

Kadalasan kami ay nangangaral malapit sa Beth-Sarim, na dito ang may karamdamang pangulo ng Watch Tower Society, si Brother Rutherford, ay gumugol ng mga panahon ng taglamig bago siya namatay noong 1942. Kami’y dumalaw nang regular at nakisalo sa pananghalian sa buong-panahong mga lingkod doon. Ang gayong maligayang mga pagdalaw ang nagtulak sa akin na magpasiyang ito na nga ang uri ng buhay na ibig ko. Kaya ginawa kong tunguhin sa buhay ang pagsasanay sa Paaralang Gilead at ang paglilingkod misyonero.

Nang sumunod na taon ay nagkahiwalay ang aking mga magulang, ngunit ang pagbabagong iyan sa aming pamilya ay hindi nagpalamig sa aming espirituwalidad. Si Inay ay isang payunir at totoong palaisip tungkol sa pagsasanay naming magkapatid. Ang aming munting treyler ay isang masiglang dako dahilan sa mga pagdalaw ng mga kapatid na Kristiyano. Sinikap ni Inay na makilala ko ang mga nagtapos sa Gilead. Isa na roon ang mag-asawang Lloyd at Melba Barry, na dumadalaw bilang naglalakbay na mga lingkod samantalang hinihintay na pumaroon sa kanilang destino sa Hapón. Sila’y gumugol ng panahon upang patibayin-loob ako​—isang munting batang babae na nagnanasang maging isang misyonera​—​at iyan ang talagang hinangaan ko.

Nang ako’y sampung taóng gulang, si Inay ay nag-asawa ng isang kahanga-hangang Saksi na isa ring ministrong payunir. Kaniyang inaring tunay na anak kaming magkapatid, hindi lamang sa legal na paraan kundi sa kaniya ring puso. Ang kaniyang pag-ibig kay Jehova at sigasig sa paglilingkod ay totoong nakahahawa.

Si Inay at si Itay ay nagkatulungan sa pag-akay sa amin bilang mga anak upang makalampas sa mahihirap na mga taon ng pagkatin-edyer. Ang aming tahanan ay isang espirituwal na kanlungang-dako na nagugunita ko pa ngayon nang may pananabik. Hindi madali para sa kanila na magpayunir samantalang may maliit na kita at nagpapalaki pa ng dalawang anak; kinailangan ang pagsasakripisyo-sa-sarili. Subalit si Inay at si Itay ay umasa kay Jehova at inuna ang mga kapakanan ng Kaharian.

Anong linaw na nakaukit pa sa aking alaala ang internasyonal na kombensiyon sa New York City noong 1950! Si Itay ay umutang sa bangko, at kami’y kumuha ng tatlong pasahero upang makatulong sa gastos. Si Inay, Itay, ang kapatid ko, at ako ay magkakatabing nakaupo sa upuan sa harapan mula sa San Diego hanggang New York, samantalang ang iba ay nakaupo sa likod. Dahilan sa ang amo ni Itay ay ayaw magbigay sa kaniya ng dalawang linggong bakasyon sa trabaho, ang pagdalo sa kombensiyong iyon ang naging sanhi upang siya’y maalis sa kaniyang trabaho. Subalit sineguro sa amin ni Itay, si Jehova ang maglalaan para sa aming pangangailangan, at ganoon nga ang Kaniyang ginawa. Ipinagbili ni Itay ang kotse upang mabayaran ang utang sa bangko, at pagkatapos ay nakakuha naman siya ng isang lalong mainam na trabaho. Ito at ang iba pang kahawig na mga karanasan ang napatunayang malaking tulong sa akin makalipas ang mga taon nang kami ng aking asawa ay mapaharap sa mahihirap na situwasyon.

Sa aming pagbibiyahe pabalik galing sa New York, kami’y dumalaw sa Kingdom Farm, na doo’y nakita ko ang Paaralang Gilead sa unang pagkakataon. Natatandaan ko na ako’y nakatayo sa isa sa mga silid-aralan at sinasabi ko sa aking sarili, ‘Wala pa akong 11 taóng gulang. Hinding-hindi na ako makapag-aaral dito. Ang Armagedon ang darating muna.’ Ngunit ang pagdalaw na iyon ay lalo lamang nagpatibay ng aking loob na gawing aking tunguhin ang Gilead.

Paggawa Upang Makarating sa Aking Tunguhin

Tuwing bakasyon kung tag-araw sa buong panahon ng pag-aaral, mula pa sa unang grado, ako’y nagpayunir na. Pagkatapos, dalawang linggo pagkatapos ko ng high school noong Hunyo 1957, ako’y naging isang regular payunir.

Ang miting sa pandistritong kombensiyon para sa mga interesado sa Gilead na ginanap sa kombensiyon sa Los Angeles noong 1957 ay isang natatanging pagtitipon para sa akin. Samantalang naglalakad ako para pumunta sa tolda para sa miting na iyan, nakasalubong ko si Bill, isang kabataang kapatid na lalaki na kilala ko na sapol nang ako’y anim na taóng gulang. Sa lumipas na taon, siya’y malayo at naglilingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan sa Louisiana. Kami’y nagtaka na maalaman kung gaano kapuwa kami interesado sa paglilingkurang misyonero. Anim na buwan ang nakalipas kami’y nagpasiyang gawing isang proyekto namin iyon na magkasama. Kami’y sumulat sa Samahan at humingi ng atas at isang buwan bago kami ikasal, tinanggap naman namin ang atas sa Romney, West Virginia.

Kami’y lumipat doon samantalang patungo kami sa kombensiyon sa New York noong 1958. Samantalang nasa kombensiyong iyan, kami’y dumalo sa miting para sa mga interesado sa Gilead. Daan-daan ang naroroon. Sa pagmamasid sa karamihang iyon, inakala namin na maliit ang posibilidad na kami’y matawag sa Gilead. Gayumpaman, kami’y nagsumite ng isang paunang aplikasyon, bagaman kami’y 11 linggo lamang na nakakasal. Nang sumunod na taon sa pandistritong kombensiyon sa Philadelphia, kami’y nagsumite ng ikalawang aplikasyon.

Kami ni Bill ay natuto sa Romney na dumepende kay Jehova upang tumulong sa amin sa mahihirap na mga kalagayan. Ang Romney ay isang bayan na may 2,000 mamamayan. Imposibleng makatagpo ka roon ng trabaho. Kami’y nakatira sa isang 5-metrong gawang-bahay na treyler na dinisenyo para sa lagay ng panahon sa California. Wala kaming tubig sa gripo, walang pampainit, at walang refrigerator. Ginaw na ginaw kami sa loob na anupa’t kinailangang tumipak kami ng yelo sa timba upang makakuha ng tubig. Kami’y tinulungan ng mga kapatid hangga’t magagawa nila, binabahaginan kami ng pagkain na kanilang napanguha. Kami’y kumain ng usa, raccoon, at ardilya. Hindi lamang miminsan na inakala naming wala kaming makakain para sa araw na iyon, at pagkatapos pagka kami’y nakarating na sa tahanan galing sa paglilingkod, kami’y makasusumpong ng mga ilang mansanas o keso na iniwan sa harap ng aming pintuan.

Siyam na buwan ding manaka-naka’y nakikipagpunyagi kami sa paghihikahos. Sa wakas, aming ipinasiya na mabuti pang lumipat kami sa Baltimore, Maryland, na kung saan makakakita ng trabaho si Bill. Nang aming sabihin sa mga kapatid ang aming pasiya, sila’y nagsiiyak at kami’y napaiyak din. Kaya ipinasiya namin na dumoon pa kami ng kaunting panahon.

Pagkatapos na pagkatapos niyan isang Saksi na isang manedyer ng isang supermarket sa Westernport, Maryland, mga 60 kilometro ang layo, ang nag-alok kay Bill ng isang trabahong part-time. Nang buwan ding iyon isa sa aming mga inaaralan ng Bibliya ang nag-alok sa amin ng isang munting bahay na may mga kagamitan na at isang malaking kalan na de uling. At noon ay naging paborito kong talata ang Malakias 3:10. Kami’y binuhusan ni Jehova ng pagpapala na higit kaysa aming inaasahan.

Ang Gilead sa Wakas!

Isa sa pinakakapana-panabik na mga araw ng aming buhay ay yaong araw, noong Nobyembre 1959, na kami’y tumanggap ng paanyaya sa Gilead. Kami’y inanyayahan sa ika-35 klase, ang huling-huling ginanap sa Kingdom Farm. Nang ako’y tumindig sa silid-aralan ding iyon na aking dinalaw nang ako’y isang bata, taglay ko ang isang mainit, maligayang damdamin na hindi mailalarawan ng anumang mga salita.

Ang Gilead ay isang espirituwal na luntiang damuhan. Iyon ay nakakatulad ng pamumuhay sa bagong sanlibutan nang may limang buwan. Pambihira sa buhay na tayo’y maghintay ng mga taon para sa isang bagay at pagkatapos ay makikita natin na iyon ay mas magaling kaysa ating inaasahan. Ngunit ang Gilead ay gayung-gayon nga.

Kami’y naatasan na gumawa sa India, subalit sa wakas ay pinagkaitan kami ng visa. Kaya, pagkaraan ng isang taóng paghihintay sa New York City, muli kaming inatasan ng Watch Tower Society upang doon gumawa sa Morocco, Hilagang Aprika.

Mga Misyonero sa Morocco

Kami’y gumugol ng 24 na maliligayang mga taon sa Morocco, napamahal sa amin ang mga tao sa sandali pa lamang na kami’y dumating doon. Kami’y natuto kapuwa ng Pranses at ng Kastila, mga wika na tumulong sa amin na makipag-usap sa maraming taong naninirahan doon na galing sa iba’t ibang bansa. Karamihan ng mga taong nanggaling sa mga ibang bansa ang tumugon sa mensahe ng Kaharian.

Isang babae na aking inaaralan ng Bibliya ang isang Kastilang mananayaw ng flamenco na nagtatrabaho sa isang kabaret sa Casablanca. Pagkatapos na matuto ng mga simulain ng Bibliya, hiniwalayan niya ang may-ari ng kabaret na kaniyang kinakasama at siya’y bumalik sa Espanya. Doon siya’y nagpatotoo sa buong pamilya niya, at ang iba sa kanila ay tumanggap sa mga katotohanan ng Bibliya na kaniyang ibinahagi sa kanila. Pagkatapos ay bumalik siya sa Casablanca, na kung saan siya’y nanatiling tapat sa Diyos hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1990.

Sa aming mga unang taon sa Morocco ay nasaksihan namin ang pagdami ng mga mamamahayag ng Kaharian. Datapuwat, nang maging mahirap na para sa mga banyaga na makakuha ng trabaho at ng mga permiso sa paninirahan doon, marami sa mga Saksi ang lumikas sa Europa. Ang iba sa aming mga inaralan ay naroroon na ngayon sa New Zealand, Canada, Estados Unidos, Bulgaria, Russia, at Pransiya, at ang iba sa kanila ay nakikibahagi sa buong-panahong ministeryo.

Biglang-bigla, noong Abril 1973 ang aming gawaing pangangaral sa Morocco ay ipinagbawal. Anong laking pagkasiphayo iyon! Kung gabi ng Huwebes, kami’y isang maligayang pulutong sa Kingdom Hall, nag-uusap-usap hanggang sa patayin na ang mga ilaw upang ipaalam sa amin na panahon na upang magsiuwi. Bahagya ma’y wala kaming alam na hindi na namin muling makikita ang mga ilaw na iyon na tumatanglaw sa gayong malayang pagsasamahan ng mga Kristiyano. Sa ilalim ng bawal na mga kalagayan, ang aming mga pulong at pansirkitong mga asamblea ay ginaganap na lamang sa maliliit na grupo sa pribadong mga tahanan. Upang makadalo sa mga pandistritong kombensiyon, ang mga Saksi ay naglalakbay patungo sa Pransiya o dili kaya’y sa Espanya.

Habang umuunti kami, ang iilang mga Saksi na natira sa Morocco ay naging lalong malapít sa isa’t isa. Kaya nang sa wakas ay ipasiya ng Watch Tower Society na isara ang sangay at idestino kami sa ibang lugar, lahat kami ay nag-iyakan.

Nagtungo sa Sentral Aprika

Ang aming bagong atas ay ang Central African Republic. Anong laking pagbabago mula sa Hilagang Aprika! Samantalang ang Morocco ay may klima na nahahawig sa klima ng timugang California, ngayon ay naroroon kami sa mainit, maumidong tropiko.

May mga bagong suliranin na kailangang harapin. Halimbawa, ngayon ay kinailangan na mapigil ko ang aking sarili sa pagkatakot sa gumagapang na mga kinapal. Sa tatlong pagkakataon isang butiki ang nahulog sa aking ulo nang ako’y dumaraan sa isang pintuan. Kung minsan, samantalang nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya, isang daga ang makikisali sa amin! Bagaman ibig kong lumukso at tumakbo, natuto akong pigilin ang aking sarili, na ang aking mata ay nakapako kay G. Daga at ang bag ng aking mga aklat at ang aking mga paa ay hindi sumasayad sa sahig hanggang sa siya’y umalis. Napatunayan ko na maaari kang masanay sa anumang bagay kung hindi ka agad-agad susuko.

Nang kami’y naroroon nang may anim na buwan, ipinahayag sa radyo na ang aming gawain ay ipinagbabawal. Kaya ang aming mga Kingdom Hall ay sinarhan, at pinaalis ang mga misyonero. Kami lamang at ang isa pang mag-asawa ang nagawang makapanatili sa sangay sa loob ng isa pang tatlong taon. Pagkatapos isang umaga ng Linggo samantalang ginaganap ang aming Pag-aaral sa Bantayan, may dumating na armadong mga pulis at dinala kami sa headquarters ng pulisya. Kanilang pinalaya ang mga babae at mga bata, ngunit kanilang ikinulong ang 23 mga kapatid na lalaki, kasali na ang aking asawa, si Bill. Makalipas ang anim na araw siya’y kanilang pinalaya upang makauwi at mag-impake; tatlong araw ang nakalipas, sa utos ng pamahalaan, nilisan namin ang bansa, noong Mayo 1989. Isa na namang luhaang pamamaalam iyon sa airport, na kung saan marami sa ating mapagmahal na mga kapatid ay dumating upang kami’y makapagpaalaman na.

Sa Wakas, sa Sierra Leone

Ang kasalukuyang atas namin ay sa Sierra Leone, Kanlurang Aprika, isang magandang bansa na may nakaaakit, puting-buhangin na mga tabing-dagat. Ang mga tao ay totoong palakaibigan, at isang kaluguran ang ministeryo sa larangan. Kami’y inaanyayahan na maupo sa bawat tahanan, kalimitan sa lilim ng isang punong mangga o isang punong niyog. Ang mga tao’y mahilig na makipag-usap tungkol sa Diyos at kinukuha ang kanilang sariling sipi ng Bibliya upang makasubaybay sa pagbabasa.

Kami ni Bill ay kapuwa nagtatrabaho sa Freetown Bethel Home. Ako’y naglilingkod bilang isang receptionist at nag-aasikaso rin naman ng mga suskripsiyon at mga kuwenta ng kongregasyon. Makalipas ang 16 na taon ng paglilingkod sa mga bansa na kung saan bawal ang ating gawaing pangangaral, kahanga-hanga ang naroon ka sa isang lupain na kung saan malaya at umuunlad ang gawain.

Ako’y nakatapos ng 30 taon sa paglilingkurang misyonero noong Hunyo 1991. Totoong-totoo, si Inay ay naglagay sa harap ko ng isang kahanga-hangang tunguhin! Kung sana’y buháy pa siya, nais kong sabihin sa kaniyang muli, “Maraming salamat, Inay!” Nasasabi ko pa rin ngayon, “Maraming salamat, Itay!”

[Larawan sa pahina 28]

Kombensiyon sa New York, 1958

[Larawan sa pahina 29]

35th class​—July, 1960

[Larawan sa pahina 30]

Sina Bill at Sandra Cowan, 1991

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share