Justin—Pilosopo, Apologist, at Martir
“HINIHILING namin na ang mga paratang sa mga Kristiyano ay siyasatin, at na, kung ang mga ito ay mapatunayan, sila’y parusahan nang nararapat sa kanila . . . Subalit kung walang sinuman na makapagpapatunay na kami’y nakagawa ng anumang pagkakasala, ang katarungan ay pumipigil sa inyo, bunga ng isang masamang bali-balita, na ipahamak ang walang kapintasang mga tao . . . Sapagkat kung, pagka iyong natutuhan ang katotohanan, hindi mo ginagawa ang matuwid, sa harap ng Diyos ay hindi ka patatawarin.”
Sa mga salitang ito, si Justin Martyr, isang nag-aangking Kristiyano noong ikalawang siglo C.E., ay umapela sa Romanong emperador na si Antoninus Pius. Si Justin ay humingi ng isang seryosong pag-uusisa ng hukuman sa buhay at paniwala ng nag-aangking mga Kristiyano. Ang ganitong paghiling ng katarungan ay nanggaling sa isang taong may lubhang interesanteng karanasan at pilosopya.
Maagang Buhay at Pagsasanay
Si Justin ay isang Gentil, isinilang mga 110 C.E. sa Samaria sa siyudad ng Flavia Neapolis, ang modernong Nablus. Ang kaniyang sarili’y tinawag niyang isang Samaritano, bagaman malamang na ang kaniyang ama at lolo ay mga Romano o Griego. Yamang siya’y lumaki sa gitna ng mga kaugaliang pagano, lakip na ang pagkauhaw sa katotohanan, ang ganito ay humantong sa isang masigasig na pag-aaral ng pilosopya. Palibhasa’y hindi nasisiyahan sa kaniyang pagsasaliksik sa gitna ng mga Estoiko, Peripatetiks, at Pythagoreans, ang kaniyang itinaguyod ay ang mga ideya ni Plato.
Sa isa sa kaniyang mga isinulat, inilalahad ni Justin ang kaniyang paghangad na makipag-usap sa mga pilosopo at nagsasabi: “Ako’y suko sa isang Estoiko; at pagkatapos gumugol ng malaki-laking panahon kasama niya, na hindi ako nakakuha ng higit na kaalaman sa Diyos (sapagkat hindi niya kilala ang kaniyang sarili), . . . iniwanan ko siya at lumipat ako sa iba.”—Dialogue of Justin, Philosopher and Martyr, With Trypho, a Jew.
Susunod ay lumapit si Justin sa isang Peripatetic na lalong interesado sa salapi kaysa katotohanan. “Ang taong ito, pagkatapos na tanggapin ako sa unang mga ilang araw,” sabi ni Justin, “ay nakiusap sa akin na bayaran ang upa, upang ang aming pagpapalitan ng kuru-kuro ay magbunga. Siya, man, sa kadahilanang ito ay iniwan ko, sa paniniwalang siya’y hindi isang pilosopo.”
Palibhasa’y sabik na marinig ang “piling pilosopya,” si Justin ay “lumapit sa isang Pythagorean, tanyag—isang lalaki na nagmamalaki dahil sa kaniyang sariling karunungan.” Sinabi ni Justin: “Nang aking kapanayamin siya, anupa’t handa akong maging kaniyang tagapakinig at disipulo, sinabi niya, ‘Ano ngayon? Ikaw ba ay may kaalaman sa musika, astronomiya, at geometry? Inaasahan mo bang mauunawaan mo ang alinman sa [maka-Diyos] na mga bagay na iyon na humahantong sa isang maligayang buhay, kung hindi ka tinuruan muna [nito]?’ . . . Kaniyang pinaalis ako nang ipagtapat ko sa kaniya na wala akong anumang kaalaman doon.”
Bagama’t nabigo, si Justin ay patuloy na naghanap ng katotohanan sa pamamagitan ng pagbaling sa kilalang mga Platonista. Ang sabi niya: “Pagkatapos ay ginugol ko ang malaking bahagi ng aking panahon hangga’t maaari sa isa na kamakailan dito nanirahan sa aming siyudad—isang taong tuso, may mataas na posisyon sa mga Platonista,—at ako’y sumulong, at gumawa ng pinakamalaking mga pagsulong sa araw-araw . . . , kaya sandaling naisip ko na ako’y matalino nga; at ang gayon,” ang pagtatapos ni Justin, “ang naging aking kahangalan.”
Ang paghahanap ni Justin ng katotohanan sa pamamagitan ng pakikiugnay sa mga pilosopo ay nawalang-kabuluhan. Subalit samantalang nagbubulay-bulay sa tabing-dagat, kaniyang nakasalubong ang isang matanda nang Kristiyano, “isang matandang lalaki, na tiyak namang hindi hamak ang hitsura, makikita mong may mga ugaling maamo at marangal.” Ang resultang pag-uusap ay tumawag ng kaniyang pansin sa saligang mga turo ng Bibliya na nakatutok sa pangangailangan ng tumpak na kaalaman sa Diyos.—Roma 10:2, 3.
Ang Kristiyanong di nagpakilala sa pangalan ay nagsabi kay Justin: “May umiiral na, matagal pa bago nang panahong ito, na mga lalaking nauna pa kaysa lahat ng mga iginagalang na mga pilosopo, kapuwa matuwid at minamahal ng Diyos, na . . . humula ng mga pangyayaring magaganap, at ngayon ay nagaganap na nga. Sila’y tinatawag na mga propeta. Ang mga ito lamang ang kapuwa nakakita at nagbalita ng katotohanan sa mga tao, . . . palibhasa’y napuspos ng Banal na Espiritu.” At upang pukawin pa ang pananabik ni Justin, sinabi ng Kristiyano: “Ang kanilang mga isinulat ay umiiral pa, at ang nakabasa ng mga iyan ay natutulungan nang napakalaki sa kaniyang kaalaman tungkol sa pasimula at sa wakas ng mga bagay.” (Mateo 5: 6; Gawa 3:18) Gaya ng ipinayo ng mabait na maginoong lalaking iyon, masigasig na sinuri ni Justin ang Kasulatan at waring nakapagtamo ng kaukulang pagpapahalaga sa mga iyon at sa hula sa Bibliya, gaya ng makikita sa kaniyang mga isinulat.
Isang Malapitang Pagmamasid sa Kaniyang mga Isinulat
Si Justin ay humanga sa kawalang-takot ng mga Kristiyano sa harap ng kamatayan. Kaniya ring pinahalagahan ang katotohanang mga turo ng Kasulatang Hebreo. Upang sumuporta sa mga argumento sa kaniyang Dialogue With Trypho, si Justin ay sumipi buhat sa Genesis, Exodo, Levitico, Deuteronomio, 2 Samuel, 1 Hari, Awit, Isaias, Jeremias, Ezekiel, Daniel, Oseas, Joel, Amos, Jonas, Mikas, Zacarias, at Malakias, at gayundin sa mga Ebanghelyo. Ang kaniyang pagpapahalaga sa mga aklat na ito ng Bibliya ay makikita sa pakikipag-usap kay Trypho, na roon ay tinalakay ni Justin ang Judaismo na naniniwala sa Mesiyas.
Iniuulat na si Justin ay isang ebanghelisador, na naghahayag ng mabuting balita sa bawat pagkakataon. Malamang, siya’y naglakbay nang malawakan. Ang iba sa kaniyang panahon ay ginugol sa Efeso, at marahil nanirahan siya sa Roma sa loob ng isang katamtamang haba ng panahon.
Sa mga isinulat ni Justin ay kasali ang apologies na isinulat sa pagtatanggol sa pagka-Kristiyano. Sa kaniyang First Apology, sinisikap niyang hawiin ang masalimuot na kadiliman ng paganong pilosopya sa pamamagitan ng liwanag buhat sa Kasulatan. Kaniyang sinabi na ang karunungan ng mga pilosopo ay kabulaanan at walang kabuluhan kung ihahambing sa mabisang mga salita at mga ginawa ni Kristo. (Ihambing ang Colosas 2:8.) Si Justin ay namamanhik sa kapakanan ng hinahamak na mga Kristiyano at dito niya ibinibilang ang kaniyang sarili. Pagkatapos na siya’y makomberte, siya’y nagpatuloy ng pagsusuot ng kasuotan ng isang pilosopo, nagsasabing kaniya nang nakamtan ang tanging tunay na pilosopya.
Sa pagtangging sumamba sa paganong mga diyos, ang mga Kristiyano noong ikalawang-siglo ay itinuring na mga ateista. “Kami’y hindi mga ateista,” ang sagot naman ni Justin, “yamang sinasamba namin ang Maylikha ng sansinukob . . . Ang aming guro sa mga bagay na ito ay si Jesu-Kristo . . . Siya ang Anak ng tunay na Diyos.” Tungkol sa idolatriya, sinabi ni Justin: “Sila’y gumagawa ng tinatawag nila na isang diyos; na aming itinuturing na hindi lamang walang kabuluhan, kundi nakaiinsulto pa nga sa Diyos . . . Anong laking kahangalan! na ang talipandas na mga tao ay masasabing humuhubog at gumagawa ng mga diyos para sambahin ninyo.”—Isaias 44:14-20.
Sa pamamagitan ng maraming pagbanggit ng mga reperensiya sa Kasulatang Griego Kristiyano, ang kaniyang paniniwala ay ipinahahayag ni Justin tungkol sa pagkabuhay-muli, mga moral Kristiyano, bautismo, hula sa Bibliya (lalo na tungkol kay Kristo), at sa mga turo ni Jesus. Tungkol kay Jesus, sinisipi ni Justin si Isaias, na nagsasabi: “Ang pamamahala ay sasabalikat [ni Kristo].” Sinabi rin ni Justin: “Kung ang hinahanap natin ay isang kaharian ng tao, dapat din nating ikaila ang ating Kristo.” Kaniyang tinatalakay ang mga pagsubok at mga obligasyon ng mga Kristiyano, sinasabi niyang ang tamang paglilingkod sa Diyos ay humihiling ng pagiging isang gumagawa ng Kaniyang kalooban, at sinasabi pa na “ang mga tao ay dapat suguin Niya sa bawat bansa upang ibalita ang mga bagay na ito.”
Sa Senadong Romano nauukol ang The Second Apology of Justin (pinaniniwalaan na isa lamang karugtong noong una). Si Justin ay umaapela sa mga Romano sa pamamagitan ng paglalahad ng mga karanasan ng mga Kristiyano, na mga pinag-usig pagkatapos na makamit ang isang tumpak na kaalaman tungkol kay Jesu-Kristo. Ang moral na kagalingan ng mga turo ni Jesus, na sumisikat sa pamumuhay ng mga mamamayang Kristiyano, ay waring walang gaanong halaga sa mga may kapangyarihang Romano. Bagkus, kahit na lamang ang pagtatapat na ang isa’y disipulo ay maaaring maghatid sa kaniya sa kamatayan. Tungkol sa isang dating guro ng mga doktrinang Kristiyano, si Justin ay sumipi ng isang nagngangalang Lucius, na nagtanong: “Bakit ninyo pinarusahan ang taong ito, hindi bilang isang mangangalunya, ni mapakiapid, ni mamamatay-tao, ni magnanakaw, ni tulisan, na hindi nasentensiyahan dahilan sa anumang krimen, kundi inamin lamang niya na siya’y tinatawag sa pangalan ng Kristiyano?”
Ang lawak ng maling pagkakilala laban sa nag-aaking mga Kristiyano noong panahong iyon ay ipinakikita ng pangungusap ni Justin: “Ako man, kung gayon, ay umaasang mapapahamak at ibibitin sa tulos, ng ilan sa mga taong aking binanggit ang pangalan, o marahil ni Crescens, ang mangingibig na iyan ng pakunwaring katapangan at ng paghahambog; sapagkat ang tao ay hindi karapat-dapat sa pangalan ng pilosopo na hayagang nagpapatotoo laban sa amin sa mga bagay na hindi niya naiintindihan, na sinasabing ang mga Kristiyano ay mga ateista at lapastangan sa Diyos, at ginagawa iyan upang kamtin ang pabor ng nalinlang na karamihan, at palugdan sila. Sapagkat kung kami’y kaniyang tinutuligsa nang hindi niya nababasa ang mga turo ni Kristo, siya’y lubusang liko, at lalong masama kaysa mangmang, na kadalasang umiiwas ng pakikipag-usap o pagsaksi nang walang katotohanan tungkol sa mga bagay na hindi nila naiintindihan.”
Ang Kaniyang Kamatayan
Maaaring sa mga kamay ni Crescens o ng mga ibang Cynics, si Justin ay ipinagkanulo sa prepekturang Romano bilang isang sobersibo at nahatulang mamatay. Noong mga 165 C.E., siya’y pinugutan ng ulo sa Roma at naging isang “martir” (ibig sabihin “saksi”). Kaya nga, siya’y tinatawag na Justin Martyr.
Ang istilo ng pagsulat ni Justin ay maaaring kulang ng kinang at ng pamamaraan ng ibang marurunong na mga tao noong kaniyang kaarawan, ngunit ang kaniyang sigasig sa katotohanan at katuwiran ay maliwanag naman na tunay. Kung hanggang saan siya namuhay na kasuwato ng Kasulatan at ng mga turo ni Jesus ay hindi masasabing tiyakan. Gayunman, ang mga isinulat ni Justin ay pinahahalagahan dahil sa kanilang nilalaman na makasaysayan at maraming pagtukoy buhat sa Kasulatan. Ang mga ito’y nagbibigay ng matalinong unawa sa buhay at mga karanasan ng nag-aangking mga Kristiyano noong ikalawang siglo.
Kapuna-puna ang mga pagsisikap ni Justin na ipakita sa mga emperador ang kawalang-katarungan ng pag-uusig laban sa mga Kristiyano. Ang kaniyang pagtanggi sa paganong relihiyon at pilosopya at pagtanggap naman sa tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos ay nagpapagunita sa atin na sa Atenas si apostol Pablo ay buong katapangang nagpahayag sa mga pilosopo na Epicureo at Estoiko tungkol sa tunay na Diyos at sa binuhay-muling si Jesu-Kristo.—Gawa 17:18-34.
Si Justin mismo ay may kaunting kaalaman tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay sa panahon ng Milenyo. At anong pampatibay-pananampalataya ang tunay na pag-asang binibigay ng Bibliya tungkol sa tunay na pagkabuhay-muli! Ito’y umalalay sa mga Kristiyano sa gitna ng pag-uusig at pinangyari sila na magtiis ng dakilang mga pagsubok, hanggang sa kamatayan.—Juan 5:28, 29; 1 Corinto 15:16-19; Apocalipsis 2:10; 20:4, 12, 13; 21:2-4.
Kung gayon, si Justin ay naghanap ng katotohanan at tumanggi sa pilosopyang Griego. Bilang isang apologist, kaniyang ipinagtanggol ang mga turo at mga gawain ng nag-aaking mga Kristiyano. At dahilan sa kaniyang pag-aangkin na siya’y Kristiyano, siya’y dumanas ng pagkamartir. Ang lalong higit na kapuna-puna ay ang pagpapahalaga ni Justin sa katotohanan at ang kaniyang lakas-loob na pagpapatotoo sa harap ng pag-uusig, sapagkat ang mga katangiang ito ay masusumpungan sa buhay ng tunay na mga tagasunod ni Jesus ngayon.—Kawikaan 2:4-6; Juan 10:1-4; Gawa 4:29; 3 Juan 4.