Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Nagbunga ang Paggawa sa Nabubukod na Teritoryo sa Paraguay
ANG sangay sa Paraguay ng Watch Tower Society ay lubusang nakadarama ng pangangailangan na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa buong teritoryo niyaon. (Gawa 1:8) Ito ang panahon upang ang lahat ay matuto tungkol sa Kaharian at maglingkod kay Jehova bago niya tapusin ang balakyot na sistema sa dumarating na “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21, 22) Ang sumusunod na mga karanasan ay nagpapakita kung ano ang ginagawa upang tulungan ang mga tao sa mga teritoryong di-naiaatas. Ganito ang pag-uulat ng sangay:
Gumawa ng kaayusan upang gawin ang lahat ng di-naiaatas na teritoryo sa pamamagitan ng pansamantalang mga special pioneer. Sa mga buwan ng Nobyembre hanggang Enero ng 1990 taon ng paglilingkod, 39 na mga kapatid na lalaki at babae ang gumawa ng kabuuang isang daang siyudad at maliliit na bayan na wala pang mamamahayag ng Kaharian. Sila’y nakapamahagi ng 6,119 aklat, 4,262 pulyeto, at 5,144 na mga magasin. Ang naging resulta ng ganitong gawain ay ang pagkatatag ng mga bagong grupo ng mga mamamahayag.
◻ Isang babae ang tumanggap buhat sa isang sister na payunir sa di-naiaatas na teritoryo ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Ang payunir ay nag-alok na aaralan siya ng Bibliya, at kaniyang malugod na tinanggap naman. Nang bumalik ang payunir, ang naghihintay sa kaniya ay hindi lamang yaong ginang kundi pati ang kaniyang asawang lalaki at ang kanilang sampung anak. Nang sumunod na pagdalaw, ang pamilya at gayundin ang kani-kanilang mga kaibigan at mga kapitbahay ay handa sa pag-aaral ng Bibliya! Sila’y inanyayahan ng babae, anupa’t sinabi niyang napakainam ng pag-aaral at ang pag-asa at mga pagpapalang ibinibigay ni Jehova ay kahanga-hanga. Ito’y hindi kailanman nasasabi pa ng sinuman sa kaniya, kaya inakala niyang ang kaniyang mga kapitbahay at mga kaibigan ay dapat ding makarinig ng mabuting balitang ito.
Tuwing idaraos ng payunir ang pag-aaral, napakarami ang dumadalo na anupa’t para bang iyon ay isang maliit na kongregasyon. Ang interesadong mga taong ito ay nagharap ng maraming mga katanungan at nakibahagi sa pag-aaral. Nang ipaliwanag ng payunir na minsang magawa na ang teritoryo, siya at ang kaniyang mga kasama ay lilipat na sa isang bagong lugar, may pagkabahalang itinanong ng babae kung ano kaya ang mangyayari sa kanila. Isinaayos na mga kapatid buhat sa pinakamalapit na kongregasyon ang magpatuloy ng pagdaraos ng pag-aaral. Ngayon mga special pioneer ang inatasan na tumulong sa interesado, tulad-tupang mga taong ito.
◻ Samantalang nagbabahay-bahay sa isa pang di-naiaatas na teritoryo, isang sister na payunir ang nakasumpong ng isang taong noong nakalipas na mga sampung taon ay nakakuha ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Buhat noon ay naputol na ang kaniyang pakikipagtalastasan sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, alam niya na si Jehova, na kaniyang tinatawag na Jehova ng mga hukbo, ang tanging tunay na Diyos at na Siya lamang dapat sambahin. Siya’y kusang nakikipag-usap sa kaniyang mga kakilala ng tungkol kay Jehova. Ang totoo, bawat isang linggo ay lumalakad siya ng 3 kilometro upang dalawin ang isang interesadong mag-asawa upang makipag-usap sa kanila tungkol sa Diyos sapagkat, gaya ng pagkasabi niya, ‘Kung hihinto ako ng pagdalaw sa kanila, kanilang malilimutan ang tungkol kay Jehova.’ Bukod sa mag-asawang ito, may mga sampung iba pa na ibig ng isang pag-aaral sa Bibliya—dahil lamang sa ang taong interesadong ito ay nangaral sa kanila.
Kapuna-puna, mga ilang araw lamang bago dumalaw sa kaniya ang payunir, ang mismong taong ito ay hindi pumayag na isang paring tagaroon at ang kaniyang pinangungunahang prusisyon ay pumasok sa bahay niya na taglay ang isang imahen ng birhen, anupa’t ipinaliwanag niya na hindi siya naniniwala sa mga imahen. Galit na galit ang pari. Nang gabing iyon ang taong iyon ay nanalangin kay Jehova at humingi ng tulong. Kaya gunigunihin kung gaanong kalaki ang kaniyang kagalakan at katuwaan nang dumalaw ang payunir! Agad na gumawa ng mga kaayusan para sa pagdaraos ng isang sistematikong pag-aaral ng Bibliya, at ang taong iyon ay patuloy na sumulong kaalinsabay ng organisasyong teokratiko.
Tunay, pinagpapala ni Jehova ang gawaing pagtitipon sa mga taga-Paraguay samantalang ang mga kapatid ay nagsisikap ng magbigay ng isang lubusang pagpapatotoo sa di-naiaatas na mga teritoryong ito.—Mateo 24:14.