Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Naging bingi ba at napipi rin si Zacarias, na ama ni Juan Bautista, gaya ng waring ipinakikita ng Lucas 1:62?
Ang iba’y naghihinuha na si Zacarias ay naging bingi rin. Mababasa natin sa Bibliya: “Siya [ang sanggol] ay tatawagin sana nila ng pangalan ng kaniyang ama, na Zacarias. Subalit sumagot ang kaniyang ina at ang sabi: ‘Hindi, huwag nga! kundi ang itatawag sa kaniya ay Juan.’ At sinabi nila sa kaniya: ‘Wala sa iyong mga kamag-anak na tinatawag sa pangalang ito.’ At sila’y humayo at hinudyatan ang kaniyang ama kung ano ang ibig niyang itawag na pangalan dito. At humingi siya ng isang susulatan at sumulat: ‘Juan ang kaniyang pangalan.’ ”—Lucas 1:59-63.
Buweno, ang paglalahad na ito ay walang tiyakang sinasabi na hindi nakarinig si Zacarias sa loob ng isang yugto ng panahon.
Una rito ang anghel na si Gabriel ay nagbalita kay Zacarias ng darating na kapanganakan ng isang anak na lalaki na tatawaging Juan. Mahirap na paniwalaan iyon ng matanda nang si Zacarias. Ang anghel ay tumugon: “Narito! mapipipi ka at hindi ka makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito, sapagkat hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na magaganap sa kanilang takdang panahon.” (Lucas 1:13, 18-20) Sinabi ng anghel na ang pagsasalita ni Zacarias ang maaapektuhan, hindi ang kaniyang pandinig.
Sinasabi pa ng ulat: “Nang lumabas siya [sa santuaryo] hindi siya makapagsalita sa [mga taong naghihintay], at naisip nila na siya’y nakakita ng isang mahiwagang pangitain sa santuaryo; at siya’y patuloy na nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng mga hudyat, ngunit nanatiling pipi.” (Lucas 1:22) Ang salitang Griego rito na isinaling “pipi” ay nagbibigay ng kaisipan na pagiging mapurol, sa pagsasalita, sa pakikinig, o kapuwa. (Lucas 7:22) Kumusta naman si Zacarias? Bueno, isaalang-alang ang naganap nang siya’y gumaling na. “Pagdaka’y nabuka ang kaniyang bibig at siya’y nagsalita, na pinupuri ang Diyos.” (Lucas 1:64) Iyan ay makatuwirang nagpapakita na ang pagsasalita lamang ni Zacarias ang naapektuhan.
Kung gayon, bakit ang iba’y nagtanong kay Zacarias “sa pamamagitan ng mga hudyat kung ano ang ibig niyang ipangalan sa [sanggol]”? May mga tagapagsalin na ang salin pa nga rito ay “sa wika na mga senyas” o “paggamit ng wikang pasenyas.”
Si Zacarias, na napipi sapol noong nagbalita ang anghel, ay kalimitang napipilitan na gumamit ng mga hudyat, isang uri ng wikang pasenyas, upang ipahayag ang kaniyang niloloob. Halimbawa, siya’y nagpatuloy ng pakikipag-usap sa mga nasa templo “sa pamamagitan ng nga hudyat.” (Lucas 1:21, 22) Nang bandang huli na siya’y humingi ng isang susulatan, tiyak na gumamit siya ng mga senyas o mga hudyat. (Lucas 1:63) Samakatuwid, posible na ang mga nakapalibot sa kaniya sa mga sandaling ito na siya’y pipi ay malamang na gumamit din ng mga senyas.
Gayunman, may mas posibleng paliwanag tungkol sa mga hudyat na binanggit sa Lucas 1:62. Kasasabi lamang ni Elizabeth kung ano ang ibig niyang ipangalan sa kaniyang anak. Samakatuwid, bagaman hindi niya sinalansang ito, marahil ay gumawa sila ng susunod at nararapat na hakbang na alamin ang pasiya ng kaniyang asawang lalaki. Magagawa nila iyan sa pamamagitan lamang ng kahit pagtango lamang o paghudyat ng senyas. Sa bagay na hindi nila isinulat ang kanilang tanong upang mabasa ni Zacarias ay maaari pa ngang isang ebidensiya na kaniyang narinig ang sinabi ng kaniyang asawang babae. Kung gayon, kahit na lamang ang pagtango o nakakatumbas na pagsenyas sa kaniya ay maaaring mangahulugan na ‘Bueno, lahat tayo (kasali ka na, Zacarias) ay nakarinig ng kaniyang rekomendasyon, subalit ano ba ang iyong ultimong pasiya tungkol sa pangalan ng bata?’
At karaka-raka pagkatapos isa pang himala ang naganap, binaligtad ang pangyayari. “Pagdaka’y nabuka ang kaniyang bibig at ang kaniyang dila ay nakalag at siya’y nagsalita.” (Lucas 1:64) Hindi kailangang banggitin ang kaniyang pandinig kung hindi siya naapektuhan.