Si Pablo Laban kay Plato Tungkol sa Pagkabuhay-Muli
SI APOSTOL Pablo ay sumulat tungkol sa pagkabuhay-muli sa 1 Corinto 15:35-58 at 2 Corinto 5:1-10. Nang gawin ito, sinunod ba niya si Plato at ang mga pilosopong Griego tungkol sa kanilang mga paniwala na walang kamatayan ang kaluluwa, o siya ba’y kasuwato ng turo ni Jesus at ng natitirang bahagi ng Kasulatan?
Ang pulyetong Immortality of the Soul or Resurrection of the Individual: St. Paul’s View with Special Reference to Plato, isinulat noong 1974 at tinangkilik ng arsobispo ng Greek Orthodox Church of North and South America, ay nagbibigay ng isang kasagutan na may isinisiwalat. Pagkatapos talakayin ang kaurian ng pagkabuhay-muli sa binanggit na mga kasulatan at ang Helenistikong mga impluwensiya noong panahong iyon, ganito ang konklusyon ng autor:
“Itinuturo ni Plato na ang kaluluwa ay nagpapatuloy sa walang-katapusan at walang-hanggang pag-iral, hiwalay sa katawan. Ang kaluluwa para kay Plato ay likas at katutubo ang pagkawalang-kamatayan . . . Si San Pablo ay hindi nagtuturo ng ganiyang paniwala ni nag-aangkin man na gumagawa ng gayon . . .
“Ang Apostol Pablo ay hindi interesado sa pagkawalang-kamatayan ng psyche o espiritu bilang bukod at naiibang mga bahagi kundi sa pagkabuhay-muli ng kabuuang kaluluwa-espiritung katawan ng tao bilang resulta ng pagkabuhay-muli ni Kristo. Ang idea ni Pablo ng binuhay-muling katawan ay walang kinalaman sa muling pagbabalik ng hininga sa mga bangkay buhat sa libingan.
“Ang kaniyang idea ng katawang muling-binuhay ay maaaring lalong maipaliwanag bilang ang pagbabago ng porma, muling-pagkalalang, at pagsasauli sa dati, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ng pagkakaisa ng buong tao, ng tao ring iyon, ng personalidad, ng sayko-somatikong organismo, ng tunay na indibiduwal na may mga katangian ng isip at katawan. Ang ating pagkabuhay-muli sa hinaharap ay magaganap hindi bilang ating sariling likas na tinataglay, kundi bilang ang maharlikang regalo ng Diyos.”
Oo, ang pagkawalang-kamatayan ay hindi isang katutubong inaari na ng sinumang tao. Bagkus, ito ay isang minamahalaga at kaaya-ayang kaloob buhat kay Jehova sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo sa mga bubuo ng pinahirang kongregasyong Kristiyano.—1 Corinto 15:20, 57; Filipos 3:14.
[Larawan sa pahina 9]
Ang Griegong pilosopong si Plato
[Credit Line]
Vatican Museum photograph