Dinaraig ng Pag-asa ang Pagkasira ng Loob!
SA Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary, ang “despair” [pagkasira ng loob] ay may kahulugan na ang “lubusang pagkawala ng pag-asa.” Kung gayon, maliwanag na upang madaig ang pagkasira ng loob, ang kailangan natin ay pag-asa!
Ang isang kaawaawang tao na napilitang manirahan sa bangketa ay hindi lubusang masisiraan ng loob kung siya’y may pag-asa. Para sa mga dumaranas ng panlulumo, dahil sa pag-asa ay nagkakaroon sila ng tibay ng loob at ng lakas na magtiis. Subalit ang pag-asa ay kailangang mapananaligan! Ano ba ang ibig sabihin nito?
Ang Saligan ng Pag-asa
Isaalang-alang ang nangyari kay Sara, na asawa ng patriyarkang si Abraham. Nang malapit nang mag-90 taóng gulang, siya’y baog pa rin at matagal nang nawalan ng pag-asang magkakaanak. Subalit, nang 99 na taóng gulang na ang kaniyang asawa, inulit ni Jehova ang ipinangako sa kaniya maraming taon na ang nakalipas—si Abraham ay tunay na magkakaroon ng “binhi,” o tagapagmana. Batid ni Abraham na ito’y isang pangakong mapananaligan. Gunigunihin ang tuwa ni Sara nang, sa makahimalang paraan, natupad ang maligayang pangyayaring iyon, at kaniyang isinilang si Isaac! (Genesis 12:2, 3; 17:1-4, 19; 21:2) Si Abraham ay hindi nagkamali ng pagtitiwala sa Diyos, gaya ng ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Dahilan sa pangako ng Diyos [si Abraham] ay hindi nanghina sa pananampalataya, kundi lumakas sa kaniyang pananampalataya, na niluluwalhati ang Diyos.”—Roma 4:20.
Sa kaniyang sulat sa mga Judio na naging mga Kristiyano noong kaniyang kaarawan, si Pablo ay nangatuwiran na sila ay makaaasa sa pangako ng Diyos ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesus dahil sa dalawang matibay na mga kadahilanan. Sa pagbanggit sa pangako ng Diyos kay Abraham at sa Kaniyang kalakip na kinasihang sumpa, ang apostol ay nangatuwiran: “Ang mga tao ay sumusumpa sa isang nakatataas, ngunit ang kanilang sumpa ang katapusan ng lahat ng pagtatalo, sapagkat ito’y isang legal na garantiya sa kanila. Sa ganitong paraan ang Diyos, nang nilayon niyang ipakita nang lalong sagana sa mga tagapagmana ng mga pangako ang kawalang-pagbabago ng kaniyang pasiya, ay namagitan na may sumpa, nang sa gayon, sa pamamagitan ng dalawang di-mababagong bagay na doo’y hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayong nagsitakas tungo sa kanlungan ay magkaroon ng matibay na pampalakas-loob na manghawakan sa pag-asang iniharap sa atin.” (Hebreo 6:16-18) Oo, ang mga pangako ng Diyos ay tapat at maaasahan. Si Jehova ay makapangyarihan-sa-lahat at kagila-gilalas ang kapangyarihang gumarantiya sa katuparan ng kaniyang sariling salita.
Ang Pag-asa—“Kapuwa Tiyak at Matatag”
Si Pablo ay sumulat na ang pag-asang Kristiyano ay “kapuwa tiyak at matatag.” (Hebreo 6:19) Batid ni Pablo kung saan nag-uugat ang kaniyang pag-asa. Kaniyang ipinaliwanag: “Ito [ang pag-asa] ay pumapasok sa nasa loob ng tabing.” Ano ba ang ibig sabihin nito? Maliwanag na tinutukoy ni Pablo ang sinaunang templo sa Jerusalem. Dito ay may isang Kabanal-banalang silid, na nakahiwalay sa natitirang bahagi ng templo sa pamamagitan ng isang tabing. (Exodo 26:31, 33; Mateo 27:51) Mangyari pa, ang literal na templo sa Jerusalem ay malaon nang napuksa. Kung gayon, sa ngayon, ano ba ang katumbas ng Kabanal-banalang ito?
Ang langit mismo, na doon nakaluklok sa trono ang Diyos mismo! Ipinaliwanag ito ni Pablo nang kaniyang sabihin na pagkatapos umakyat sa langit, si Jesus ay “pumasok, hindi sa isang dakong banal na ginawa ng mga kamay [sa templo sa Jerusalem], na isang larawan ng tunay, kundi sa langit mismo, ngayon upang humarap sa persona ng Diyos alang-alang sa atin.” (Hebreo 9:24) Samakatuwid ang pag-asang Kristiyano, na tumutulong sa atin na labanan ang pagkasira ng loob, ay depende hindi sa mga taong pulitiko kundi sa isang makalangit na kaayusan. Ito ay depende sa Isa na hinirang ng Diyos, si Jesu-Kristo, na nagbigay ng kaniyang buhay bilang isang pantubos sa ating mga kasalanan at ngayon ay nasa harap ng Diyos alang-alang sa atin. (1 Juan 2:1, 2) At, gaya ng madalas ipakita sa mga tudling ng magasing ito, ang Jesus ding ito ang hinirang ng Diyos na magpunò bilang Hari ng makalangit na Kaharian at ginaganap na niya iyan mula pa noong 1914. Ang makalangit na Kahariang ito ang kikilos di na magtatagal upang alisin ang mga bagay na sumisira ng loob ng napakarami.
Ang Pag-asa—“Sinipete ng Kaluluwa”
Upang makumbinsi ang kaniyang mga mambabasa na ang kanilang pag-asa sa kaligtasan sa pamamagitan ni Jesus ay matatag, si Pablo ay gumamit ng isang paghahambing. “Ang pag-asang ito,” aniya, “ay taglay natin na tulad sa sinipete ng kaluluwa.”—Hebreo 6:19.
Ang mga sinipete ay kilalang-kilala ng mga manlalakbay na gaya ni Pablo. Ang sinaunang mga sinipete ay may malaking pagkakahawig sa modernong mga sinipete, kadalasan ay bakal na may dalawang tulad ngiping mga dulo upang kumapit sa ilalim ng dagat. Nang patungo sa Roma noong humigit-kumulang taóng 58 C.E., ang barkong sinasakyan ni Pablo ay nanganib na lumubog. Subalit samantalang ang barko ay palapít na sa mababaw, ang ginawa ng mga marino ay “naghulog ng apat na sinipete buhat sa hulihan ng barko.” Salamat na lamang sa mga sinipeteng iyon, ang barko ay nakaligtas sa bagyo.—Gawa 27:29, 39, 40, 44.
Kung gayon, ano ang kailangan mong gawin upang ang iyong pag-asa ay maging kasintatag ng isang sinipete upang makapanaig ka sa kahirapan ng kabuhayan, sa pisikal o emosyonal na sakit, o anumang iba pang mga “bagyo” na maaaring humalang sa iyong daan? Una, tiyakin mo na ang mga pangako ng Bibliya ay kapani-paniwala. “Tiyakin ang lahat ng bagay.” (1 Tesalonica 5:21) Halimbawa, sa susunod na makausap mo ang mga Saksi ni Jehova, makinig ka sa kanilang mga sasabihin. Kung bihira silang dumalaw sa inyong pook, hanapin mo sila sa pinakamalapit na Kingdom Hall. Hindi ka naman pipilitin na umanib sa kanila, ngunit ikaw ay aalukin ng isang walang bayad na pag-aaral sa Bibliya, na isasaayos kung saan at kung kailan maginhawa iyon para sa iyo.
Ang gayong pag-aaral ay magbibigay sa iyo ng kasiguruhan na ang Diyos ay “tagapagbigay-gantimpala sa mga masikap na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Iyong malalaman na hindi na magtatagal at ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ng Hari, si Kristo Jesus, ang mag-aalis ng mga kalikuan at mga pang-aapi na siyang sumisira ng loob ng napakarami sa ngayon. Sa ilalim ng Kahariang iyan, ang lupang ito ay isasauli sa pagka-paraiso, at bibigyan ng Diyos ng buhay na walang-hanggan ang mga taong umiibig sa kaniya. (Awit 37:29; Apocalipsis 21:4) Anong ningning na pag-asa!
Maingat na basahin mo ang Bibliya upang mapatunayan na totoo ang pag-asang ito. Pagkatapos ay magsikap ka upang mapaunlad ang matalik na personal na kaugnayan sa Diyos, na nagiging kaniyang kaibigan gaya ni Abraham. (Santiago 2:23) Yamang si Jehova ang “Dumirinig ng panalangin,” sabihin mo sa kaniya ang iyong mga niloloob. Kung taimtim ang iyong paglapit, ang iyong panalangin ay tutulong sa iyo na magaangan sa iyong mga pasanin at madaig ang pagkasira ng loob. Ang espiritu ng Diyos ay maaaring magbukas pa nga ng daan upang baguhin ang kalagayan na nagpapahirap sa iyo.—Awit 55:22; 65:2; 1 Juan 5:14, 15.
“Manghawakang Mahigpit”!
Pagkatapos irekomenda na “tiyakin ang lahat ng mga bagay” sa kaniyang mga kapuwa alagad, isinusog ni Pablo: “Manghawakang mahigpit sa mabuti.” (1 Tesalonica 5:21) Ang isang paraan upang magawa ito ay makisama sa mga tao na nanghahawakan ding mahigpit sa pag-asang Kristiyano. Ang pantas na haring si Solomon ay nagbabala: “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Huwag hayaang ang pagtatangi o ang pagkahiya ang makahadlang sa iyo sa pakikipag-ugnayan sa mabubuting kasama. Halimbawa, sa mga Saksi ni Jehova ay may mga taong noong nakaraan ay walang pag-asa. Subalit ang kanilang pag-aaral ng Bibliya, at ang masayang pakikisama sa mga kapananampalataya, ay nagpatibay ng kanilang kaugnayan kay Jehova at nagbigay sa kanila ng isang maaasahan, tulad-sinipeteng pag-asa. Talaga bang ito’y dumaraig sa pagkasira ng loob? Talaga nga.
Halimbawa, nariyan si Annmarie, na nasiraan ng loob dahilan sa malupit na trato sa kaniya ng kaniyang asawa. “Ipinasiya kong magpatiwakal,” ang sabi niya, “pero naisip kong manalangin muna sa Diyos. Natatandaan ko pa ang sabi ko, ‘Bakit ba naman hindi mo ako matulungan? Napakatagal ko nang umaasa sa iyo, pero walang nangyari.’ Tinapos ko ang aking pagdarasal sa pag-aakalang walang layunin ang buhay, kaya mabuti pang ako’y magpakamatay na. Sa sandaling iyon ay may tumuktok sa pintuan. Hindi ko pinansin iyon, sa pag-asang sinuman iyon ay aalis din sa bandang huli.
“Nagpatuloy ang pagtuktok, at ako’y nabahala. Pinunasan ko ang aking luha at tiningnan kung sino ang nasa pintuan, sa pag-asang dagling makaalpas ako upang magawa ko na ang aking binabalak. Pero,” sabi ni Annmarie, “salamat kay Jehova, hindi ganoon ang nangyari, sapagkat nang buksan ko ang pinto, may dalawang babae na nakatayo roon. Totoo, litung-lito ako, at hindi ko talaga maintindihan kung ano ang kanilang sinasabi. Subalit inalok nila ako ng isang aklat na magpapaliwanag na ang buhay ay may layunin. Iyon ang kailangan ko upang muling magningas ang interes ko sa buhay.” Ang kaniyang mga panauhin ay nagsaayos ng isang palagiang pakikipag-aral sa kaniya ng Bibliya. Natuto si Annmarie na maging isang kaibigan ng Diyos. Ito, sa kabilang banda, ang nagbigay sa kaniya ng isang layunin sa buhay. Ngayon kaniyang tinutulungan ang iba na magkaroon ng pagtitiwala sa Diyos.
Marahil ikaw ay umaasang matatapos ang pagkasira ng loob nang hindi nalalaman ang lahat ng kaugnay nito. Subalit kung ikaw ay nananalangin ng: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang kalooban mo, kung papaano sa langit, gayundin sa lupa,” ipinananalangin mo na dumating na sana ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo, na siyang tatapos sa lahat ng mga bagay na sumisira ng loob ng matuwid-pusong mga tao. (Mateo 6:10) Ang iyong sarilinang pag-aaral ng Bibliya at ang regular na pakikisama sa iba na mayroon din ng ganiyang pagtitiwala ay magpapahigpit ng iyong kapit sa pag-asa na dumating na sana ang Kaharian ni Jehova at dalhin ang Paraiso sa lupa natin. (1 Timoteo 6:12, 19) Ito ang maningning na pag-asa na ibinabalita ng magasing ito sa bawat labas. Buong-pusong yakapin ang pag-asa upang labanan ang pagkasira ng loob. Oo, ang pag-asa ay “hindi humahantong sa pagkabigo.”—Roma 5:5.
[Larawan sa pahina 7]
Ang pag-aaral ng Bibliya ay nagbibigay sa atin ng pag-asa na nagsisilbing isang “sinipete ng kaluluwa”