Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 7/1 p. 31
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Kaparehong Materyal
  • Dalaga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Pumapailanlang na May mga Pakpak Tulad ng Agila
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Aklat ng Bibliya Bilang 20—Mga Kawikaan
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Ang Mata ng Agila
    Gumising!—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 7/1 p. 31

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Talagang bang nadarama ng sumulat ng Kawikaan 30:19 na “totoong nakapagtataka” kung papaanong lihim na nahihikayat ng isang lalaki ang isang dalaga?

Iyan ay maaaring isang kahulugan ng Kawikaan 30:19, na aaminin natin na hindi isang madaling talata na unawain.

Sa pag-alam sa diwa ng talatang ito, kailangang isaalang-alang natin ang konteksto. Bago pa ng talatang ito, ang kinasihang manunulat ay bumanggit ng apat na mga bagay na sa isang paraan ay walang kasiyahan. (Kawikaan 30:15, 16) Pagkatapos ay binanggit niya kung anu-ano iyon: “May tatlong bagay na totoong nakapagtataka sa akin, at apat na hindi ko nakilala: ang lipad ng agila sa himpapawid, ang usad ng ahas sa isang batuhan, ang paglutang ng barko sa gitna ng dagat at ang lakad ng isang malakas na lalaki na kasama ng isang dalaga.”​—Kawikaan 30:18, 19.

Ano kaya ang “nakapagtataka” sa apat na mga bagay na ito?

Marahil sa pagkadama na ang “nakapagtataka” ay nagpapahiwatig ng positibo o mabuti, ipinaliliwanag ng mga ilang iskolar na sa bawat isang iyon ay nakikita ang karunungan ng paglalang ng Diyos: ang nakapagtatakang bagay na kung papaanong ang isang malaking ibon ay nakalilipad, kung papaanong ang isang ahas na walang paa ay nakauusad sa isang batuhan, kung papaanong ang isang mabigat na barko ay nakapananatiling lumulutang sa isang maunos na dagat, at kung papaanong ang isang malakas na kabataan ay walang magawa kundi mapaibig at mapangasawa ng isang mayuming dalaga, at saka mag-anak ng isang kahanga-hangang sanggol. Isang propesor ang nakasumpong sa apat na bagay na iyan ng isa pang pagkakahawig, na bawat isa’y gumagalaw sa isang ruta na palaging bago​—ang lipad ng agila, ang usad ng ahas, at ang paglutang ng barko na walang landas na dinaraanan at ang bagong tumutubong pag-ibig ng mag-asawa.

Gayunman, ang apat na bagay ay hindi naman kailangang maging “nakapagtataka” sa isang diwang mabuti, na para bang ang kanilang pagkakapareho ay isang bagay na positibo. Sa Kawikaan 6:16-19 ay binabanggit “ang mga bagay na kinapopootan ni Jehova.” At gaya ng mapapansin, bago pa ng binanggit na mga talata, sa Kawikaan 30:15, 16, ay binabanggit ang mga bagay (Sheol, isang baog na bahay-bata, tigang na lupa, at isang nag-aalab na apoy) na hindi kailanman nagsasabi, “Sapat na!” Tunay na ang mga iyan ay hindi mabuti.

Ang salitang Hebreong isinaling “nakapagtataka” sa Kawikaan 30:18 ay nangangahulugan ng “paghiwalayin, makita ang kaibahan; ipakitang naiiba, pambihira, kamangha-mangha.” Ang isang bagay ay maaaring makita ang pagkakaiba, pambihira, o pagtakhan bagaman hindi iyon mabuti. Ang Daniel 8:23, 24 ay humula tungkol sa isang mabagsik na hari na gagawa ng paglipol “sa kamangha-manghang paraan” at “ang mga makapangyarihan ay kaniyang lilipulin,” kasali na ang mga banal.​—Ihambing ang Deuteronomio 17:8; 28:59; Zacarias 8:6.

Ang talata na kasunod ng Kawikaan 30:18, 19 ay maaaring magpahiwatig tungkol sa kung ano ang nasumpungan ng manunulat na mahirap unawain. Sa Kaw 30 talatang 20 binabanggit ang isang mangangalunyang babae na “kumain at pinunasan ang kaniyang bibig at . . . nagsabi: ‘Wala akong ginagawang masama.’ ” Marahil lihim at may pang-eengganyo na siya’y nagkasala, ngunit dahilan sa walang bakas ang kaniyang ginawang krimen, siya’y nakapagkukunwaring walang ginawang masama.

May pagkakahawig ang naunang mga bagay na binanggit. Ang isang agila ay pumapailanlang sa himpapawid, ang isang ahas ay tumatawid sa batuhan, ang barko ay nangingibabaw sa alon​—wala isa man dito ang nag-iiwan ng bakas, at mahirap na tuntunin ang dinaanan ng alinman sa tatlong iyan. Kung may ganitong pagkakahawig ang tatlo, kumusta naman ang ikaapat, “ang lakad ng isang malakas na lalaki na may kasamang isang dalaga”?

Ito rin naman ay maaaring mahirap matunton ang bakas. Ang isang lalaki ay maaaring gumamit ng daya, kinis, at tusong mga paraan upang makasingit sa pagmamahal ng isang walang-malay na dalaga. Palibhasa’y walang karanasan, baka hindi mahalata nito ang kaniyang mga pang-eengganyo. Kahit na pagkatapos na marahuyo ang dalaga, baka ito’y hindi maalam magpaliwanag kung papaano siya narahuyo ng lalaki; ang mga nagmamasid ay baka mahirapan ding magpaliwanag. At, maraming dalaga ang napagsamantalahan ng tusong mga mapagsamantala. Mahirap na taluntunin ang landas ng gayong magdarayang mga lalaki, gayunman ay mayroon silang tunguhin na gaya ng isang agilang lumilipad, isang umuusad na ahas, o isang barko sa dagat. Sa mga mapagsamantala, ang layunin nila ay ang magpasasà sa sekso.

Sa ganitong liwanag ang punto ng Kawikaan 30:18, 19 ay hindi tungkol sa siyentipiko o mekanikal na bagay sa paglalang. Bagkus, ang talata ay nagbibigay sa atin ng isang babala sa moral, gaya rin ng Kawikaan 7:1-27 na nagbababala tungkol sa pag-iwas sa mga panganib ng isang mapanghikayat na patutot. Ang isang paraan kung papaano dibdibang masusunod ng mga kapatid na babae ang babala ng Kawikaan 30:18, 19 ay tungkol sa mga lalaking nagsasabing interesado sa pagkatuto ng Bibliya. Kung ang isang palakaibigang lalaki, kahit na isang kasama mo sa trabaho, ay waring nagpapakita ng gayong interes, dapat siyang ipakilala ng isang sister sa isang brother sa kongregasyon. Ang gayong kapatid na lalaki ay makatutulong kung talagang interesado ang lalaking iyon at maiiwasan ang mga panganib na nakaumang sa “isang malakas na lalaki na kasama ng isang dalaga.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share