Pagpapahalaga sa Mamahaling Regalo na Buhay
BUHAY—anong mamahaling ari-arian! Kung wala ito ay wala tayong magagawang anuman. Minsang mawala ito, hindi na maisasauli ng sinumang tao. Kung ang ating buhay ay nanganganib, gagawin natin ang lahat ng posibleng gawin upang mailigtas ito. Oo, ang iba ay nanghihingi pa nga ng tulong sa sinumang nakatataas sa tao pagka siya ay nasa matinding kagipitan!
Naaalaala tuloy natin ang pag-uulat ng Bibliya tungkol sa isang barko na inabutan ng malakas na bagyo sa dagat. Nang halos mawawasak na lamang iyon, “ang mga marino ay nangatakot at nanawagan para humingi ng tulong, sa kani-kaniyang diyos.” Nang malaunan, silang lahat ay sabay-sabay na nanawagan sa tunay na Diyos: “Ipinamamanhik namin ngayon sa iyo, Oh Jehova, huwag sana kaming mapahamak.” Ang ulat ng Bibliya ay nagsasabi rin: “Sila’y patuloy na nagtapon sa dagat ng mga kargada ng barko upang magaangan doon.”—Jonas 1:4-6, 14; ihambing ang Gawa 27:18, 19.
Ang mga magdaragat na iyon ay handa pa man ding isakripisyo ang pinakakaingat-ingatang mga ari-arian upang mailigtas ang kanilang buhay. Maaari nating palitan ang mga materyal na ari-arian—ngunit hindi ang buhay. At yamang likas na pinakakaingatan natin ang ating buhay, tayo’y umiiwas sa panganib. Ating pinakakain, pinararamtan, at inaalagaan ang ating mga katawan. Tayo’y nagpapagamot sa mga manggagamot pagka tayo’y may sakit.
Gayunman, ang Tagapagbigay ng buhay ay humihingi sa atin ng higit pa kaysa basta pagsunod lamang sa ating mga katutubong gawi na maingatan ang ating sarili. Sa kabila ng lahat, ang buhay ay isang di-mapepresyuhan na regalo, at ito’y nanggaling sa pinakamahalagang Persona sa buong sansinukob. Dahil sa taimtim na pagpapahalaga kapuwa sa Tagapagbigay at sa regalo, hindi ba dapat lamang nating pakamahalin ang buhay? At hindi baga kasali riyan ang pagpapakundangan sa buhay ng iba?
Kung gayon, hindi natin dapat pagtakhan na ang Kautusan na ibinigay ng Diyos na Jehova sa bansang Israel ay may mga utos na nilayong maging proteksiyon sa buhay at kalusugan ng iba. (Exodo 21:29; Deuteronomio 22:8) Ang mga Kristiyano sa ngayon ay dapat ding palaisip tungkol sa kaligtasan ng kanilang pisikal na katawan. Halimbawa, kung kayo ay may mga bata sa inyong tahanan, kayo ba’y pabayang nag-iiwan ng anumang maaabot nila na tulad ng mga kuwintas, mga karayom, aspili at iba pa, o matatalas na mga bagay na maaaring maging sanhi ng pagkasugat ng isang batang walang-malay na naglalaro o lumulunok niyaon? Ang mapanganib na mga kemikal at mga gamot ba ay nakatago sa hindi maaabot ng mga bata? Kung sakaling maligwak ang tubig sa sahig, dagling nililinis mo ba iyon upang maiwasan ang isang aksidente? Agad bang sinisikap mong makumpuni kaagad ang mga kagamitang sira? Ang iyo bang sasakyan ay regular na minamantine? Ikaw ba ay isang maingat na tsuper? Kung talagang pinahahalagahan mo ang kamahalan ng buhay, ikaw ay mahihilang gumawa ng makatuwirang mga pag-iingat dito at sa iba pang nakakatulad nito .
Gayunman, nakalulungkot sabihin na may iba na ang kanila mismong buhay ay ipinagwawalang-bahala. Halimbawa, sino sa ngayon ang hindi nakaaalam na ang paninigarilyo ay nakapipinsala sa kalusugan? Gayumpaman, milyun-milyon ang napaáalipin sa kaugaliang iyan, samantalang napipinsala ang kanilang kalusugan tuwing sila ay lalanghap ng nakalalasong usok. Ang iba ay nag-aabuso sa mga droga, at ang iba pa ay sa alkohol, anupat sila rin ang napipinsala. Ang AIDS ay isang nakamamatay na sakit na walang kilalang lunas. Subalit marami ang sana’y nakaiwas sa pagdapo sa kanila ng sakit na iyan kung kanilang itinakwil ang seksuwal na imoralidad, ang ilang uri ng pag-aabuso sa droga, at pagpapasalin ng dugo. Anong laking kapahamakan dahilan sa hindi pagpapahalaga sa buhay!—Roma 1:26, 27; 2 Corinto 7:1.
Posible ang Pagbabago!
Yaong mga nagpapahalaga sa kanilang Dakilang Maylikha, si Jehova, ay may matinding dahilan na pahalagahan ang buhay. Ang buhay ay kaniyang banal na kaloob. Sila ay handang gumawa ng anumang pagbabago upang ituring ito na isang banal na regalo. Isaalang-alang ang karanasan ni Kwaku, isang guro sa Ghana. Palibhasa isang walang patumanggang alkoholiko, kaniyang inaaksaya ang kaniyang buhay.
Nagunita pa ni Kwaku: “Pinagsikapan kong puwersahin ang aking maybahay na igalang ako na malimit ay humahantong sa mainitang mga pagtatalo at mga pag-aaway, lalo na pagka ako’y lasing. Dahilan sa labis na pag-inom ng alak malimit na ako’y walang pera, at malimit na ako’y nagkukulang sa pagtustos ng salapi sa pamilya. Natural, ito’y lubhang nakagalit sa aking maybahay. Kailanma’t ako’y kakapusin ng salapi (at ito’y malimit nangyayari), ginagawa ko ang lahat ng magagawa upang matustusan ang aking bisyo. Minsan ay lumabis ako hanggang sa personal na gamitin ko ang salaping nakolekta ko sa aking mga tinuturuan para sa layunin na maiparehistro sila para sa isang eksaming publiko. Ako’y nagpatuloy sa pakikipaglasingan at bumili rin ng alak para sa aking kasamang mga manginginom. Hindi nagtagal at sumapit ang araw ng pakikipagtuos. Kundi dahil sa napapanahong pamamagitan ng prinsipal ng paaralan, di sana’y pinaalis ako sa aking trabaho.
“Gulo ang kinalabasan ng aking buhay. Ako’y napahiya, subalit hindi naman nagluwat at naalis ko ang gayong damdamin. Pagkatapos ay nakaisip akong magpatiwakal sapagkat inakala kong isa akong kabiguan sa buhay. Gayumpaman, hindi ako makaalpas sa pagkasugapa sa alak. Ngunit isang araw sa isang bar ako’y napasangkot sa isang away sa isang lasingan at nasaksak, nagising ako sa masaklap na katotohanan na ang aking pag-ibig sa alak ay balang araw baka magpahamak sa aking buhay.
“Noon, ang mga Saksi ni Jehova ay dumadalaw pana-panahon sa aming bahay, sinisikap na pukawin ang aming interes sa Bibliya. Kami ng aking maybahay ay laging umiiwas sapagkat inaakala namin na sila’y mang-aabala. Ngunit minsan, ipinasiya kong makinig sa kanila dahil sa pagkaawa. Di-nagtagal isang pag-aaral sa Bibliya ang nagbukas ng aking mga mata sa kahanga-hangang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa bagong sistema ng Diyos. Mientras nag-aaral ako ng Bibliya sa tulong ng mga Saksi ni Jehova lalo namang tumitindi ang aking pagpapahalaga kay Jehova bilang ating Tagapagbigay-Buhay at sa kaniyang kaloob na buhay, at lalo akong humanga sa pagiging praktikal ng payo ng Bibliya. Ito’y higit na nagpatibay-loob sa akin na linisin ang aking buhay. Hindi ito madali, samantalang patuloy na kailangang tanggihan ko ang alak pati na rin ang aking dating mga kasamahan. Si Jehova, ang Nakikinig sa panalangin, ang nakakita sa determinasyon ng aking puso at pinakinggan niya ako.a
“Ang aking maybahay, bagaman hindi isa sa mga Saksi ni Jehova, ay may pagpapahalaga sa akin at sa aking relihiyon dahil sa malaking pagbabago na kaniyang napansin sa aking buhay at sa aming pagsasamahang mag-asawa. Ang aming mga kapit-bahay ay hindi na kailangan pang mamagitan sa pag-aaway naming mag-asawa. Pinakamamahal ko ang kapayapaan ng isip na tinatamasa ko ngayon. Tunay, ang pagpapahalaga sa Diyos na Jehova bilang ating Tagapagbigay-Buhay, na taglay ang kaniyang pagkilala sa kamahalan ng buhay, at pagsunod sa kaniyang mga tagubilin kung papaano mamumuhay ang tanging karapat-dapat na paraan ng pamumuhay.”
Ang Alok ng Diyos na Buhay na Walang-Hanggan
Libu-libo, katulad ni Kwaku, ang natulungan ng mga Saksi ni Jehova na “magbihis ng bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.” (Efeso 4:24) Kanilang pinahahalagahan hindi lamang ang kanilang kasalukuyang buhay kundi pati na rin ang pag-asang buhay na walang-hanggan sa isang makalupang paraiso. Ang Bibliya ay nangangako na sa Paraisong iyan na gawa ng Diyos, walang tao sa lupa ang muling makararanas ng patuloy na kagutuman, sapagkat “si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng bayan . . . ng kapistahan ng matatabang bagay.”—Isaias 25:6
Sa kasalukuyan, ang buhay, bagaman isang kamangha-manghang regalo ay pansamantala lamang. Lahat ay nakaharap sa kamatayan, at anong saklap na dagok ang kamatayan! Ang pagmamasid sa isang iniibig mo habang napaparam sa gitna ng mga nabubuhay tungo sa katamihikan ng libingan ay napakasaklap, ang tahasang masasabi. Subalit sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, sa ilalim ni Kristo, matutupad ang ipinangako ni Jehova: “Hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng pananambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 21:4.
Sa panahong iyon ang regalong buhay ay ipagkakaloob sa kagila-gilalas na paraan. Ang mga makaliligtas sa pangkatapusang kapighatian sa lupang ito ay magkakaroon ng pagkakataon na magtamasa ng kalubusan ng buhay. At pagkatapos, sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, ang pagsasauli sa buhay, ibabalik ng Diyos na Jehova ang kaniyang walang katumbas na regalo sa mga taong natutulog sa kamatayan. (Juan 5:24, 28, 29) Ito’y mangangahulugan ng pagbabalik ng namatay na mga minamahal sa buhay at ng may takot sa Diyos na mga tao noong sinauna!
Lahat ba ng ito ay napakabuti upang magkatotoo? Hindi, sapagkat “walang sinalita ang Diyos na hindi niya magagawa.”—Lucas 1:37; ihambing ang Job 42:2.
Isa pa, ang Diyos na Jehova mismo ang nagbigay sa sangkatauhan ng isang garantiya na lahat ng ito ay mangyayari. Sa papaano? Sa pamamagitan ng paghahandog ng isa sa pinakamalapit sa kaniyang puso, ang kaniyang sinisintang Anak, si Jesu-Kristo, upang tubusin tayo buhat sa kasalanan at kamatayan. Tinitiyak sa atin ng Roma 8:32: “Siya [si Jehovang Diyos] na hindi nagkait sa atin ng kaniyang sariling Anak kundi ibinigay alang-alang sa ating lahat, bakit hindi naman niya ibibigay sa atin nang may kagandahang-loob ang lahat ng iba pang mga bagay?” Sinasabi sa atin ng Bibliya na kasali na rito ang paglilinis sa sangkatauhan buhat sa kasamaang-asal at sa pag-aalis ng lahat ng anyo ng pang-aapi, krimen, at karahasan. (Isaias 11:9) Kailanman ay hindi na ituturing na walang kabuluhan ang buhay.
Kahit na ngayon, sa ilalim ng di-sakdal na mga kalagayan, maaari ring tamasahin natin ang napakaligayang buhay. Sino ba ang hindi nasisiyahan sa katakam-takam na amoy ng pagkain, sa dampi ng marahang simoy ng hangin sa katanghaliang-tapat, sa tanawin ng isang nakaaakit na kabundukan, sa nakabibighaning paglubog ng araw, sa tahimik na umaagos na sapa, sa magagandang bulaklak, sa tunog ng malambing na musika, o sa awit ng mga ibon? Huminto ka sandali. Mag-isip, ano kaya ang makakatulad nito kung tatamasahin nang walang-hanggan ang ganiyang mga bagay?
Kung gayon, makabuluhan ba na ang mamahaling pribilehiyo na mabuhay magpakailanman ay ipagpalit sa anumang pansamantalang kalayawan na iniaalok ng isang walang kabuluhan, mapagpalayaw na pamumuhay? (Ihambing ang Hebreo 11:25.) May katalinuhan, tayo’y pinapayuhan ng Bibliya na ‘sa nalalabing bahagi ng ating buhay, mamuhay hindi na ayon sa hangarin ng mga tao kundi ayon sa kalooban ng Diyos.’ (1 Pedro 4:2) Buong puso kayong pinatitibay-loob namin, oo, hinihimok namin kayo na gawin iyan sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, at pagkakapit ng mga bagay na inyong natututuhan. (Juan 13:17) Sa gayon ay magkakaroon kayo ng isang mabuting kaugnayan kay Jehova, ang Diyos na saganang-sagana sa kabutihan at kaawaan, na makapagbibigay sa inyo ng gantimpalang buhay na walang-hanggan!
[Talababa]
a Ang pagpapagaling buhat sa alkoholismo ay isang trabahong mahirap daigin, kadalasang nangangailangan ng tulong ng isang bihasa rito. Tingnan ang aming kasamahang magasing Gumising! ng Mayo 22, 1992, para sa impormasyon na tutulong sa inyo sa paksang ito.
[Larawan sa pahina 5]
Sa istilo ba ng iyong pamumuhay ay nahahayag ang pagpapahalaga sa buhay?
[Larawan sa pahina 7]
Sa bagong sanlibutan ng Diyos ay maaaring tamasahin natin ang mga kaligayahan sa buhay magpakailanman!