Ang Inihasik ng Sangkakristiyanuhan sa Aprika
NOONG 1867, si Charles Lavigerie, isang Katolikong Pranses, ay dumating sa Aprika bilang ang bagong kahihirang na arsobispo ng Algiers. “Pinili ng Diyos ang Pransiya,” aniya, “upang ang Algeria ang gawing pagmumulan ng isang dakila at Kristiyanong bansa.”
Hindi lamang sa Algeria nangarap ng gayon si Lavigerie. Sa katunayan, siya’y nagsugo ng mga misyonero hanggang sa kabilang ibayo ng disyerto upang “pagkaisahin ang Sentral at Hilagang Aprika upang isunod sa pangkalahatang buhay ng Sangkakristiyanuhan.”
Samantala, sa kanluran, timugan, at silangang mga bahagi ng kontinente, ang mga misyonerong Protestante ay kumikilos na. Sila’y sumugod sa maraming kahirapan, tulad halimbawa ng paulit-ulit na sakit na malaria, na ang mga sintomas ay pangangatog, pagpapawis, at pagdidiliryo. Palibhasa’y pinanghina ng mga sakit sa tropiko, marami ang namatay hindi nagtagal pagdating nila roon. Subalit ang iba ay patuloy pa rin na dumarating. “Sinuman na maglalakbay sa Aprika,” ang sabi ni Adlai Stevenson, “ay laging magugunita ang kabayanihan ng mga misyonero. . . . Kanilang bináka ang yellow fever, disinterya, mga parasito at . . . nakita ko . . . ang kanilang mga lapida—sa buong Aprika.”
Ang Bunga ng mga Misyonero
Habang ang mga misyonero’y naglalagos sa Aprika, kanilang natagpuan na karamihan ng mga tribo ay hindi marunong bumasa’t sumulat. “Sa humigit-kumulang walong daang [Aprikanong] wika,” ang paliwanag ni Ram Desai sa kaniyang aklat na Christianity in Africa as Seen by Africans, “aapat-apat ang naisulat bago dumating ang mga misyonero.” Kaya ang mga misyonero ay umimbento ng isang paraan ng pagsulat sa mga wikang ito na hindi naisusulat. Pagkatapos ay gumawa sila ng mga aklat-aralin at humayo upang turuan ang mga tao ng pagbasa. Sa layuning iyan sila’y nagtayo ng mga paaralan sa buong Aprika.
Ang mga misyonero ay nagtayo rin ng mga ospital. “Wala nang ibang ahensiya na makakatulad ng kanilang rekord ng pagkakawanggawa,” inamin ni Ram Desai. Bukod sa medikal na pangangalaga, humanap ang mga Aprikano ng materyal na mga kalakal ng Europa. Ang ibang mga misyonero ay nagtayo ng mga puwesto sa pangangalakal, dahil sa sila’y naniniwala na ito’y makakaakit ng mga makukumberte. Halimbawa, ang Basel Mission buhat sa Switzerland ay nagtayo ng isang kompanya sa pangangalakal sa Ghana. Kanilang natuklasan na ang mga punong cacao ay maganda ang tubo roon, at sa ngayon ang Ghana ang ikatlong-pinakamalaking pinanggagalingan ng cocoa.
Ang isang mahalagang nagawa ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay ang kanilang pagsasalin ng Bibliya. Gayunman sa pagpapalaganap ng mensahe ng Bibliya ay kasali ang isa pang mabigat na pananagutan. Ito’y ipinakita ng Kristiyanong apostol na si Pablo sa pamamagitan ng pagtatanong: “Ikaw, . . . na nagtuturo sa iba, tinuturuan mo ba ang iyong sarili? Ikaw, na nangangaral na ‘huwag magnakaw,’ nagnanakaw ka ba?” Ang Bibliya ay nagbababala na yaong mga nagtuturo ng pagka-Kristiyano ay kailangang mamuhay ayon sa mabubuting simulain sa Salita ng Diyos.—Roma 2:21, 24.
Kumusta naman ang misyon ng Sangkakristiyanuhan sa Aprika? Pinarangalan ba niyaon ang Diyos ng Bibliya, o maling kumatawan ito sa mga turong Kristiyano?