Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 9/1 p. 24-25
  • Kumain Ka—Kumain Ka ng Tinapay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kumain Ka—Kumain Ka ng Tinapay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Kaparehong Materyal
  • Trigo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Tinapay
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Natikman Mo Na ba ang Tinapay ng Buhay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Ang Ilustrasyon Tungkol sa Trigo at Panirang-Damo
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2018
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 9/1 p. 24-25

Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako

Kumain Ka​—Kumain Ka ng Tinapay

MINSAN nang si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nasa isang bahay, “sila’y hindi man lamang makakain” dahilan sa karamihan ng tao. (Marcos 3:20) Sa isa pang pagkakataon si Jesus ay pumasok sa bahay ng isang Fariseo “upang kumain.” (Lucas 14:1) Anong uri ng pagkain ang sumasaisip mo?

Ang sinaunang mga Israelita marahil ay mag-iisip ng tinapay sapagkat ang pananalitang Hebreo at Griego para sa “kumain” ay literal na nangangahulugang “kumain ng tinapay.” Ito’y mauunawaan naman, yamang ang tinapay na ginawa sa trigo o sebada ay isang pangunahing bahagi ng kanilang pagkain.

Iniisip ng maraming tao sa ngayon na ang mga patriyarkang Hebreo ay mga pastol at ang mga alagad ni Jesus ay mga mamamalakaya. At ang ilan ay ganiyan nga ang hanapbuhay subalit hindi lahat. Ang trigo ay pangunahin sa buhay ng marami. Maliwanag na ganiyan nga kung tungkol kay Isaac at kay Jacob kung minsan, gaya ng mahihiwatigan natin buhat sa Genesis 26:12; 27:37; at 37:7. At yamang ang pagsasaka ay isang pangunahing trabaho sa Galilea noong panahon ni Jesus, maaari kaya na ang ilan sa naging mga apostol ay mga magsasaka ng trigo?

Posible iyan, sapagkat ang pagtatanim ng trigo ay laganap sa Lupang Pangako, at sa Bibliya ay maraming binabanggit tungkol diyan. (Deuteronomio 8:7-9; 1 Samuel 6:13) Ano ba ang nasasangkot?

Pagkatapos ng maagang pag-uulanan sa Oktubre at Nobyembre na nagpalambot sa lupa, ang magsasaka ng trigo ay mag-aararo at pagkatapos ay maghahasik ng kaniyang binhi. Ang huling pag-uulanan ay tutulong sa paglaki ng kaniyang tanim at pagkatapos, sa Abril at Mayo, mahihinog hanggang sa maging kulay gintong kayumanggi bago uminit sa tag-araw. Ang pag-aani ng trigo ay kilalang-kilala kung kaya mababasa mo ang tungkol doon bilang isang pagkakakilanlan sa pana-panahon. (Genesis 30:14; Hukom 15:1) Masasabi mo ba kung kailan sa isang taon kinunan ang larawang nasa kaliwa?a At anong panahon iyon nang ang mga alagad ni Jesus ay manguha ng ilang uhay ng trigo?​—Mateo 12:1

Ang pag-aani ng trigo ay nangangailangan ng maraming trabaho para sa mga magsasaka. Pinuputol ng mga mang-aani ang mga uhay sa pamamagitan ng karit at itinutungkos, gaya ng makikita mo sa ibaba. Mangyari pa, may mga uhay na marahil makakaligtaan o maaaring mahuhulog sa lupa, kaya naman si Ruth ay nakapamulot nang marami. (Ruth 2:2, 7, 23; Marcos 4:28, 29) Ang mga tungkos ng trigo ay dinadala ngayon sa giikan, tulad ng kay Araunah. Ano ang nangyayari roon? Binabanggit ng Bibliya “ang kagamitan sa giikan at ang mga pamatok ng mga baka.” (2 Samuel 24:18-22; 1 Cronica 21:23) Ang mga tungkos ng trigo ay ikinakalat sa isang patag na bato o lupang pinikpik. Isang baka o ibang hayop ang magpapaikut-ikot, niyayapakan ang trigo. Ang hayop ay maaaring humihila ng isang kahoy na giikan na tutulong upang malugas ang uhay at makuha ang binutil.​—Isaias 41:15.

Ngayon iyon ay handa na para itahip, na iniitsa iyon sa itaas sa tulong ng isang pala o tinidor, gaya ng makikita sa itaas. (Mateo 3:12) Ang magsasaka ay maaaring magtahip sa gabi na may hangin na mag-aalis sa ipa (mga balat ng butil) at dadalhin sa tabi ang dayami. Pagka ang butil ay natipon na at nasala upang alisin ang maliliit na bato, iyon ay handa nang ikamalig​—o gawin na ngayong pagkain na napakahalaga, ang tinapay.​—Mateo 6:11.

Kung ikaw ay isang ina ng tahanan na may ganiyang gawain, sa araw-araw ay gagamit ka ng isang bayuhan at pambayo upang madurog ang butil para maging harina, marahil medyo magaspang na harina ng trigo. O maaari kang gumiling ng “pinong harina,” gaya ng kinaugalian ni Sara na gumawa ng “bilog na mga bibingka” para sa nag-anyong taong mga anghel o yaong ginagamit ng mga Israelita na mga handog na butil kay Jehova. (Genesis 18:6; Exodo 29:2; Levitico 2:1-5; Bilang 28:12) Ang harina ng trigo ay medyo binasâ ni Sara ng tubig at minasa.

Sa ibaba, makikita mo ang mga binilog na masa at yaong lapad, manipis na tinapay na nakalatag at handa nang lutuin. Ang gayong malalaki, pabilog na mga tinapay ay maaaring lutuin sa ibabaw ng mga bato o mga kawaling bakal, gaya ng ginagawa ng babae. Ito ba’y tutulong sa iyo upang gunigunihin ang susunod na ginawa ni Sara para sa mga panauhing anghel at kung ano ang ginawa ng pamilya ni Lot pagkatapos? Ating mababasa: “[Ang mga anghel] ay nagsiliko at nagsipasok sa kaniyang bahay. Pagkatapos siya ay gumawa ng isang piging ukol sa kanila, at kaniyang ipinagluto ng mga tinapay na walang lebadura, at sila’y nagsikain.”​—Genesis 19:3.

[Talababa]

a Ihambing ang 1992 Calendar of Jehovah’s Witnesses.

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Garo Nalbandian

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share