Bautismong “Nasa Pangalan Ng”
ANG pag-aaral sa libu-libong sinaunang sekular na mga dokumentong papiro na natagpuan sa buhanginan ng Ehipto noong pasimula ng siglong ito ay kalimitang nagbibigay ng kawili-wiling paliwanag tungkol sa Kasulatang Griego Kristiyano. Papaano? Sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng paraan ng paggamit sa ilang salita, tayo ay inaakay sa isang lalong tiyakang pagkaunawa sa mga salita ring iyon ayon sa kanilang konteksto sa Kasulatan.
Ang isang halimbawa ay ang paggamit ni Jesus ng “sa pangalan ng” nang kaniyang iutos sa kaniyang mga alagad bago siya umakyat sa langit: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao sa lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus?—Mateo 28:19.
Natuklasan ng mga iskolar na sa sekular na mga kasulatan ang pananalita na “sa pangalan ng,” o “nasa pangalan ng” (Kingdom Interlinear), ay ginagamit may kaugnayan sa mga pagbabayad “sa kargo ng sinuman.” Ang propesor ng teolohiya na si Dr. G. Adolf Deissmann ay naniniwala na sa liwanag ng ebidensiya buhat sa papiro, “ang idea na nasa likod ng . . . pananalitang bautismuhan sa pangalan ng Panginoon, o sumampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos, ay na bautismo o pananampalataya ang bumubuo ng pagmamay-ari ng Diyos o ng Anak ng Diyos.”—Italiko ni Deissmann.
Kawili-wili naman, isang nahahawig na pananalita ang ginamit ng mga Judio noong kaarawan ni Jesus, gaya ng paliwanag sa Theological Dictionary of the New Testament: “Ang pagtutuli sa isang proselita ay ginagawa . . . ‘sa pangalan ng proselita,’ upang tanggapin siya sa Judaismo. Ang pagtutuling ito ay ginaganap . . . ‘sa pangalan ng tipan,’ upang tanggapin siya sa tipan.” Isang ugnayan ang sa pamamagitan nito ay itinatatag at ang di-Judio ay nagiging isang proselita sa ilalim ng autoridad ng tipan.
Kaya para sa Kristiyano, ang bautismo kasunod ng pag-aalay ay nagtatatag ng matalik na kaugnayan sa Diyos na Jehova, sa kaniyang Anak na si Jesu-Kristo, at sa banal na espiritu. Kinikilala ng kinumberte ang kani-kanilang autoridad sa kaniyang bagong paraan ng pamumuhay. Isaalang-alang kung papaano ito kumakapit para sa bawat isa sa tatlong binanggit.
Sa pagkilala sa autoridad ng Diyos, tayo’y lumalapit sa kaniya at pumapasok sa isang kaugnayan sa kaniya. (Hebreo 12:9; Santiago 4:7, 8) Tayo’y nagiging pag-aari ng Diyos bilang kaniyang mga alipin, na binili sa halaga ng haing pantubos ni Jesu-Kristo. (1 Corinto 3:23; 6:20) Sinabi rin ni apostol Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano na sila’y pag-aari ni Jesu-Kristo, hindi ng sinumang mga tao na siyang nagdala sa kanila ng katotohanan. (1 Corinto 1:12, 13; 7:23; ihambing ang Mateo 16:24.) Ang bautismo sa pangalan ng Anak ay nagpapahiwatig ng pagkilala sa bagay na ito, na tinatanggap si Jesus bilang “ang daan at ang katotohanan at ang buhay.”—Juan 14:6.
Ang banal na espiritu ay kailangan din sa ating tamang kaugnayan sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Ang bautismo sa pangalan ng banal na espiritu ay nagpapakita na ating kinikilala ang papel na ginagampanan ng espiritu sa pakikitungo ng Diyos sa atin. Layunin natin na sundin ang patnubay nito, hindi ipagwalang-bahala o kumilos nang salungat dito, anupat hinahadlangan ang paggawa nito sa pamamagitan natin. (Efeso 4:30; 1 Tesalonica 5:19) Yamang hindi isang persona ang espiritu, walang suliranin kung tungkol sa paggamit o kahulugan nito, kagaya rin sa pagkagamit ng “sa pangalan ng tipan” na may kaugnayan sa Judaismo.
Samakatuwid, sa oras ng pag-aalay at bautismo, kailangang bulay-bulayin natin na may kasamang panalangin kung ano nga ba ang kasangkot sa ating bagong kaugnayan. Ito’y nangangailangan ng pagpapasakop sa kalooban ng Diyos, na ipinakita sa halimbawa at sa pantubos na inilaan ni Jesu-Kristo, na gaganapin sa pamamagitan ng banal na espiritu samantalang inaakay nito ang lahat ng lingkod ng Diyos na nag-iibigan at nagkakaisa sa buong daigdig.