Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Gaano ba ang dapat ikabahala ng mga Kristiyano na may mga sangkap ng dugo, tulad halimbawa ng tuyong plasma, na baka inihalo sa mga produktong pagkain?
Kung may makatuwirang batayan na maniwalang ang dugo ng hayop [o isang sangkap nito] ay tiyakang ginagamit sa lokal na mga produktong pagkain, ang mga Kristiyano ay dapat na gumawa ng angkop na pag-iingat. Gayumpaman, hindi mabuti na labis na mabahala dahil sa pagsususpetsa lamang o mabahala na walang batayan.
Maaga sa kasaysayan ng tao, ang alituntunin na ibinigay ng ating Maylikha ay na hindi dapat kumain ng dugo ang mga tao. (Genesis 9:3, 4) Sinabi niya na ang dugo ay kumakatawan sa buhay, na isang kaloob buhat sa kaniya. Ang dugo na inalis sa isang kinapal ay maaaring gamitin lamang sa paghahain, gaya ng sa dambana. Maliban dito, ang dugong nanggaling sa isang kinapal ay kailangang ibuhos sa lupa, sa diwa na ito’y ibinabalik sa Diyos. Iiwasan ng kaniyang bayan ang pagpapalawig ng buhay sa pamamagitan ng pagkain ng dugo. Kaniyang iniutos: “Huwag kayong kakain ng dugo ng anumang uri ng laman, sapagkat ang kaluluwa ng lahat ng uri ng laman ay ang kaniyang dugo. Sinumang kumakain niyan ay ihihiwalay.” (Levitico 17:11-14) Ang pagbabawal ng Diyos sa pagkain ng dugo ay inulit para sa mga Kristiyano. (Gawa 15:28, 29) Kaya ang sinaunang mga Kristiyano ay kinailangan na umiwas sa pagkain na may dugo, tulad halimbawa ng karne ng binigting mga hayop o longganisang dugo.
Gayunman, sa praktikal na mga pananalita, papaano kikilos ang mga Kristiyanong yaon sa kanilang determinasyon na ‘lumayo sa dugo’? (Gawa 21:25) Dapat ba nilang ikapit lamang ang pananalita ni apostol Pablo: “Lahat ng ipinagbibili sa isang pamilihan ng karne ay patuloy na kainin, na hindi nagtatanong ng dahil sa iyong budhi”?
Hindi. Ang mga salitang iyon sa 1 Corinto 10:25 ay kumakapit sa karne na maaaring nanggaling sa isang hayop na inihain sa templo ng isang idolo. Nang panahong iyon, ang labis na karne buhat sa mga templo ay ipinagbibili sa mga nagtitinda, na marahil ay isasama iyon sa kanilang ipinagbibiling karne sa kanilang mga tindahan. Ang punto ni Pablo ay dahil sa ang karneng nanggaling sa templo ay hindi naman likas na masama o marumi. Waring kaugalian na patuluin ang dugo at gamitin sa paganong mga dambana ang dugo ng mga hayop na inihain doon. Kaya kung ang iba sa sobrang karne ay ipinagbili sa isang palengke, na walang nakikitang kaugnayan sa isang templo o sa mga maling paniwala ng mga pagano, maaari namang bilhin iyon ng mga Kristiyano bilang pinagbibiling karne na malinis at ang dugo ay napatulo na nang husto.
Subalit, iba naman kung alam ng mga Kristiyanong iyon na ang karneng galing sa binigting mga hayop (o longganisang dugo) ay isa sa mga talagang binibili ng lokal na mga tindahan. Sila ay kailangang pakaingat sa pagpili ng karne na bibilhin. Baka nakikilala nila ang mga produktong karne na may dugo kung ang gayon ay may napapaibang kulay (gaya ngayon na ang longganisang dugo ay karaniwan nang nakikilala sa mga bansa na doo’y palasak ito). O ang mga Kristiyano ay maaaring magtanong sa isang kilalang magkakatay o magkakarne. Kung sila’y walang dahilan na maniwala na ang karne ay may dugo, maaaring bumili sila at kanin iyon.
Sumulat din si Pablo: “Makilala nawa ang inyong pagkamakatuwiran ng lahat ng tao.” (Filipos 4:5) Iyan ay kakapit sa bagay na pagbili ng karne. Ang Kautusan sa Israel ni ang utos man ng unang-siglong lupong tagapamahalang Kristiyano ay walang sinasabi na kailangang gumugol ng malaking panahon at pagod ang bayan ng Diyos sa pag-uusisa tungkol sa karne, anupat nagiging mga taong puro gulay ang kinakain kung sakaling may kahit bahagyang duda na may dugo ang karneng nasa pamilihan.
Ang isang hayop na pinatay ng isang mangangasong Israelita ay kailangang patuluin ang dugo nito. (Ihambing ang Deuteronomio 12:15, 16.) Kung hindi makakain ng kaniyang pamilya ang lahat ng karne, maaaring ipagbili niya ang iba. Kahit na sa karneng wastong pinatulo ang dugo, maaaring may matira sa karne na kaunting dugo, subalit walang sinasabi ang Bibliya na ang isang Judiong bumibili ng karne ay humantong pa sa sukdulang alamin ang mga bagay na gaya ng kung ilang minuto ang nasa pagitan ng pagpatay at pagpapatulo, aling arterya o ugat ang pinutol upang tumagas ang dugo, at kung papaano ibinitin ang hayop at gaano katagal iyon. Isa pa, hindi isinulat ng lupong tagapamahala na ang mga Kristiyano ay kailangang gumawa ng pambihirang mga pag-iingat sa bagay na ito, na para bang sila’y nangangailangan ng labis-labis na detalyado at kapani-paniwalang mga sagot bago nila kanin ang anumang karne.
Sa maraming bansa ngayon, ang batas, kaugalian, o relihiyosong kinagawian ay nagtatakda na ang mga produkto ng karne (maliban na sa di-karaniwang mga bagay, tulad ng longganisang dugo) ay nanggagaling sa mga hayop na kailangang patuluin ang dugo pagka pinatay. Sa gayon, karaniwan nang ang mga Kristiyano sa mga lugar na iyon ay hindi dapat labis-labis mabahala kung tungkol sa paraan ng pagpatay o paghahanda. Sa isang pinalawak na diwa, sila ay maaaring basta ‘patuloy na kumain ng nabibiling karne, hindi na mag-uusisa,’ at sila’y maaaring magkaroon ng isang malinis na budhi na nagpapakitang sila’y umiiwas sa dugo.
Gayumpaman, manaka-naka ay may teknikal na mga ulat tungkol sa paggamit ng nabibiling dugo na nakabahala sa ilang Kristiyano. Ang ilang industriya sa paghahanda ng karne ay nangangatuwiran na ang maraming dugo buhat sa kinatay na mga hayop ay maaaring tipunin para sa praktikal na paggamit at pagtutubò, tulad halimbawa sa abono o pagkain ng hayop. Ang mga mananaliksik ay nangag-aral upang malaman kung ang gayong dugo (o mga sangkap) ay magagamit sa pagsasalata ng karne. Ang ilang komersiyal na pabrikante ay naging producer pa nga ng limitadong dami ng likido, ilado, o pulbos na plasma (o inalis ang kulay na pulang-selulang materyal) na maaaring magsilbing kahalili ng isang maliit na persentahe ng karne sa tulad-longganisang mga produkto o pâté. Ang ibang mga pag-aaral ay nakasentro sa paggamit ng pinagkukunan ng pinulbos na dugo bilang isang tagapagpuno o upang ang tubig at taba ay magsama sa giniling na karne, sa mga produktong gamit sa paghuhurno, o sa mga iba pang mga pagkain at inumin upang maidagdag ang protina o iron.
Subalit, kapansin-pansin na ang ganiyang pagsasaliksik ay ginaganap na sa loob ng mga dekada. Gayunman, waring ang paggamit ng gayong mga produkto ay totoong limitado, o hindi pa nga umiiral, sa karamihan ng bansa. Ilang tipikong pag-uulat ang tumutulong upang ipakita kung bakit:
“Ang dugo ay mapagkukunan ng masustansiya at mahahalagang protina. Gayunman, ang dugo ng karne ng baka ay ginagamit lamang sa limitadong dami bilang tuwirang pagkain ng tao dahilan sa matinding kulay at kakanyahang lasa nito.”—Journal of Food Science, Tomo 55, Numero 2, 1990.
“Ang plasma ng dugo ng protina ay may mapapakinabangang mga katangian tulad halimbawa ng pagiging madaling tunawin, aktibo na mag-emulsify at hydrophobicity . . . at ang gamit ng mga ito sa pagpuproseso ay nagbibigay ng maraming bentaha. Gayunman, walang epektibong sistema na maglilinis sa plasma, lalo pagkatapos ng dehydration, na naitatag sa Hapón.”—Journal of Food Science, Tomo 56, Numero 1, 1991.
Manaka-naka ay sinusuri ng ibang mga Kristiyano ang etiketa sa mga pagkaing nakabalot, yamang maraming pamahalaan ang humihiling na ang mga sangkap ay ilista. At baka gawin nila ito nang palagian sa ano mang produkto na sila’y may dahilang maniwala na marahil may dugo. Mangyari pa, tama naman na iwasan ang mga produkto na naglilista ng mga bagay na gaya ng dugo, plasma ng dugo, plasma, globin (o globulin) na protina, o hemoglobin (o globin) iron. Inamin ng impormasyon sa pagbibili buhat sa isang kompaniya sa Europa sa larangang ito: “Ang impormasyon tungkol sa paggamit ng globin bilang isang sangkap ay kailangang ilagay sa balutan ng pagkain sa paraan na ang bibili ay hindi naliligaw sa pagkaalam ng komposisyon o kahalagahan ng pagkain.”
Gayunman, kahit na sa pagsusuri ng mga etiketa o pag-uusisa sa mga kumakatay ng karne, kailangan ang pagkamakatuwiran. Hindi naman kinakailangan na para bang bawat Kristiyano sa buong daigdig ay kailangang mag-aral ng mga etiketa at sangkap sa lahat ng nakabalot na pagkain o dapat na mag-usisa sa mga empleyado sa mga restawran o mga tindahan ng pagkain. Ang isang Kristiyano ay kailangan munang magtanong sa kaniyang sarili, ‘Mayroon bang isang beripikadong ebidensiya na ang dugo at ang pinagkukunan nito ay ginamit sa normal na mga produktong pagkain sa lugar o bansang ito?’ Sa karamihan ng lugar ang sagot ay hindi. Sa gayon, maraming Kristiyano ang nanghinuha na sila’y hindi personal na gagasta ng malaking panahon at atensiyon sa pagsusuri sa malayong mga posibilidad. Ang isang taong hindi ganito ang pangmalas ay kailangang kumilos ng naaayon sa kaniyang budhi, nang hindi hinahatulan ang iba na maaaring gustong lutasin ang bagay na iyan sa ibang paraan ngunit taglay ang mabuting budhi sa harap ng Diyos.—Roma 14:2-4, 12.
Kahit na kung maaaring makagawa ng mga pagkaing may dugo, marahil ay hindi ito malaganap na ginagawa dahilan sa gastos, sa batas, o sa iba pang mga dahilan. Halimbawa, binanggit ng Food Processing (Setyembre 1991): “Para sa mga processor na may anumang mga suliranin sa kulang ng 1% (sa natapos na meat patty) ng hidrolisadong beef plasma sa paglalahok, isang alternatibong paghahalo ang hinahalinhan ito ng whey protein concentrate at maaaring mapatunayan bilang Kosher.”
Makabubuting idiin na ang batas, kaugalian, o panlasa sa maraming bansa ay nagtatakda na karaniwan nang pinatutulo ang dugo sa kinatay na mga hayop at ang gayong dugo ay hindi ginagamit sa ibang mga produktong pagkain. Kung walang sapat na batayan para sa pag-iisip na ang situwasyon ay naiiba sa isang naturang lugar o isang malaking pagbabago ang naganap kamakailan, dapat mag-ingat ang mga Kristiyano laban sa pagkagambala buhat sa isang posibilidad lamang o bali-balita. Subalit, pagka natiyak o malamang na malaganap na ginamit ang dugo—maging sa pagkain o kaya sa medikal na paggamot—dapat na maging desidido tayo na sundin ang utos ng Diyos na umiwas sa dugo.