Ang Kagalakang Naidulot sa Akin ng Paglilingkod kay Jehova
INILAHAD NI GEORGE BRUMLEY
Katatapos ko lamang magturo sa isang klase sa radyo sa kabataang mga kadeteng pulis ng Emperador Haile Selassie nang lihim na sabihin sa akin ng isa sa mga ito na alam niyang ako ay isang misyonero ng mga Saksi ni Jehova. “Puwede bang aralan mo ako ng Bibliya?” ang may pananabik na pagtatanong niya.
YAMANG ang aming gawain ay ibinawal noon sa Ethiopia, ako sana’y pinaalis din sa bansa, gaya ng ginawa sa mga ibang Saksi, kung napag-alaman ng mga awtoridad kung sino ako. Ibig kong maalaman kung ang estudyante ay taimtim o kung siya ay isang ahente ng gobyerno na pinapunta roon upang magsilbing patibong sa akin. Bilang ulo ng pamilya na may tatlong maliliit na anak na pinalalaki, nangamba ako na maalis sa trabaho at pilit na paalisin sa bansa at iwanan ang mga kaibigan na natutuhan ko nang mahalin.
‘Ngunit,’ marahil ay itatanong mo, ‘papaano magugustuhan ng isang Amerikano na may pamilyang tinutustusan na mamuhay sa hilagang-silangang Aprika, malayo sa sariling tahanan at mga kamag-anak?’ Payagan ninyo akong magpaliwanag.
Lumaki sa Estados Unidos
Noong dekada ng 1920, nang ako’y nasa paaralang elementarya, ang aking itay ay sumuskribe sa magasing Bantayan at bumili ng isang set ng Studies in the Scriptures. Si itay ay mahilig magbasa, at buong kasabikang binasa niya ang mga aklat. Siya’y mapagbiro at may kapilyuhan, anupat naisip niya na lansihin ang mga bisita kung mga araw ng Linggo. Siya’y may magandang aklat na may nakalimbag na “Holy Bible” sa harap at sa tagiliran. Siya’y mag-uumpisa sa pagsasabing, “Buweno, Linggo ngayon. Puwede bang basahin mo para sa amin ang ilang mga talata?”
Lagi namang pumapayag ang bisita, subalit pagka kaniyang binuklat ang aklat, ang mga pahina ay blangko! Mangyari pa, ang taong iyon ay nagtaka. Pagkatapos ay sasabihin ni itay na ‘ang mga predikador ay walang nalalamang anuman tungkol sa Bibliya,’ at pagkatapos ay kukuha siya ng isang Bibliya at babasahin ang Genesis 2:7. Doon, sa paglalahad tungkol sa paglalang sa unang tao, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang tao ay naging isang kaluluwang buhay.”—Genesis 2:7, King James Version.
Ipaliliwanag ni itay na ang isang tao ay walang kaluluwa kundi siya ay kaluluwa, na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, at pagka namatay ang isang tao, siya’y talagang patay, walang anumang kamalayan. (Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4; Roma 6:23) Kahit na hindi pa ako gaanong nakababasa, naisaulo ko na ang Genesis 2:7. Ito ang mga unang alaala ko tungkol sa tunay na kagalakan sa pagkaalam ng mga katotohanan sa Bibliya at pamamahagi nito sa iba.
Yamang noon ay tumatanggap kami ng Ang Bantayan sa aming tahanan, ang buong pamilya ay nagsimulang tamasahin ang kagalakang dulot ng espirituwal na pagkaing ito. Ang aking lola sa ina ay kasama namin sa bahay, at siya ang naging unang mamamahayag ng mabuting balita sa aming pamilya. Wala pang kongregasyon sa Carbondale, Illinois, na aming tinitirhan noon, ngunit nagkaroon ng impormal na mga pagtitipon. Kaming limang mga anak ay dinadala ni inay sa kabilang panig ng bayan na doon ay inaaralan kami sa Bantayan ng mga babaing may mga edad na. Kami ay nagsimula na ring makibahagi sa ministeryo sa larangan.
Buhat sa Pagkukumpuni ng Radyo Hanggang sa Pagkabilanggo
Ako’y nag-asawa noong 1937 nang ako’y 17 anyos lamang. Sinikap kong kumita sa pagkukumpuni ng mga radyo at itinuro rin ito sa iba. Pagkasilang ng dalawang anak namin, si Peggy at si Hank, kami ay naghiwalay na mag-asawa. Ito ay kasalanan ko; hindi ako namumuhay noon na isang Kristiyano. Palibhasa hindi ako ang nagpalaki sa aking dalawang nakatatandang anak, nagdulot ito sa akin ng dalamhati habambuhay.
Sumapit ang Digmaang Pandaigdig II at pinapag-isip ako tungkol sa maraming bagay. Mga grupong militar ang naghandog sa akin ng pagkakataon na maging tenyente at magturo ng radyo sa mga nagsusundalo, subalit ang aking pagkabahala sa kung ano ang kaisipan ni Jehova tungkol sa digmaan ang nag-udyok sa akin na manalangin araw-araw. Ang aking suskrisyon sa Ang Bantayan ay natapos na, at si Lucille Haworth ang tumanggap ng abiso ng pagtatapos niyaon at dinalaw ako. Si Perry Haworth, na ama ni Lucille, at karamihan ng miyembro ng kaniyang pamilya ay mga Saksi na buhat pa noong mga taon ng 1930. Kami ni Lucille ay nagkagustuhan, at kami ay nagpakasal noong Disyembre 1943.
Noong 1944, ako’y nabautismuhan at sumama na ako sa aking maybahay sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir. Hindi naman nagtagal at ako’y tinawag sa pagsusundalo ngunit tinanggihan ko ang pagtatalaga sa akin sa militar. Kaya naman, ako’y sinentensiyahan ng tatlong taon sa pederal na repormatoryo sa El Reno, Oklahoma. Isang kagalakan ang magdusa alang-alang kay Jehova. Tuwing umaga pagka gising ko at matanto ko kung nasaan ako at kung bakit, malaking kasiyahan ang nadarama ko at pinasasalamatan ko si Jehova. Pagkatapos ng digmaan ang iba sa amin na mahigit na 25 taon ang edad ay pinasimulang bigyan ng kondisyunal na paglaya. Ako’y pinalaya noong Pebrero 1946.
Ang Buong-Panahong Ministeryo
Nang muli kaming magsama ni Lucille, siya’y nagpapayunir sa munting bayan ng Wagoner, Oklahoma. Kami’y walang kotse, kaya naglalakad kami saanman, ginagawa ang buong bayan. Nang malaunan kami ay lumipat sa Wewoka, Oklahoma. Hindi nagtagal at nakakuha ako ng trabaho sa isang karatig na istasyon ng radyo at nagsimulang magtrabaho sa brodkasting. Ang pagtatrabaho ng anim na oras maghapon at pagpapayunir din ay hindi madali, ngunit ikinagalak namin ang pribilehiyo na kami’y naglilingkod kay Jehova. Nagawa naming bumili ng isang lumang kotse na tamang-tama naman na magagamit para sa kombensiyon sa Los Angeles noong 1947. Doon ay nagsimula kaming mag-isip tungkol sa pag-aaplay sa Watchtower Bible School of Gilead para sa pagsasanay misyonero.
Natanto namin na ito’y isang malaking hakbang, at hindi namin gustong magpadalus-dalos sa pagpapasiya na umalis sa Estados Unidos. Ako noon ay nagdadalamhati pa dahil sa pagkahiwalay ng aking mga anak, kaya sinikap namin minsan pa na sila’y mapasa-amin. Dahilan sa aking dating istilo ng pamumuhay at rekord ng pagkabilanggo, hindi nangyari iyon. Kaya ipinasiya namin na subuking maging mga misyonero. Kami’y inanyayahan na mapabilang sa ika-12 klase ng Gilead.
Kami’y nagtapos sa paaralan noong 1949, ngunit sa una kami ay naatasan na dumalaw sa mga kongregasyon sa Tennessee. Pagkaraan ng tatlong taon bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa Estados Unidos, kami’y tumanggap ng liham buhat sa tanggapan ng pangulo ng Watch Tower Society na nagtatanong kung handa ba kaming magturo sa paaralan sa Ethiopia bukod sa gawaing pangangaral. Isa sa mga kahilingan ng pamahalaang iyan ay ang magturo ang mga misyonero. Kami’y pumayag, at noong tag-araw ng 1952, kami’y lumisan patungong Ethiopia.
Pagdating sa Ethiopia, kami’y nagturo ng mga klase sa elementarya sa umaga at nagdaos ng libreng mga klase sa Bibliya sa hapon. Hindi nagtagal at napakarami ang pumaroon para sa mga pag-aaral sa Bibliya anupat malimit na nagtuturo kami ng Bibliya tatlo o apat na oras araw-araw. Ang ilan sa mga estudyante ay mga pulis; ang iba ay mga guro o mga diakono sa mga paaralang misyonero at sa Ethiopeng mga paaralang Ortodokso. Kung minsan ay may 20 o higit pa sa bawat klase sa Bibliya! Marami sa mga estudyante ang umalis sa huwad na relihiyon at nagsimulang maglingkod kay Jehova. Ganiyan na lamang ang aming kagalakan. Muli na naman, pagkagising ko tuwing umaga, ako’y napasalamat kay Jehova.
Ang Pagiging Magulang at ang Pangangaral sa Kabila ng Pagbabawal
Noong 1954 aming napag-alaman na kami’y magiging mga magulang, kaya kinailangang magpasiya kami kung kami ay babalik sa Estados Unidos o mamamalagi sa Ethiopia. Mangyari pa, ang pananatili namin doon ay depende kung ako’y may makukuhang sekular na trabaho. Nakakuha naman ako ng trabaho bilang isang inhinyero sa brodkasting, na namamahala ng isang istasyon ng radyo para kay Emperador Haile Selassie. Kaya kami’y hindi na umalis.
Noong Setyembre 8, 1954, isinilang ang aming anak na si Judith. Ang akala ko’y mayroon akong matatag na hanapbuhay dahilan sa ako’y nagtatrabaho para sa emperador, subalit pagkalipas ng dalawang taon pinaalis ako sa trabahong iyon. Wala pang isang buwan, ako’y inarkila ng Kagawaran ng Pulisya—sa mas mataas na sahod—upang magturo ng isang klase ng kabataang mga lalaki para magkumpuni ng mga radyong naghahatid at tumatanggap ng mga mensahe. Hindi natapos ang tatlong taon, isinilang ang aming mga anak na sina Philip at Leslie.
Samantala ang aming kalayaan na mangaral ay nagbabago. Nahimok ng Ethiopeng Iglesya Ortodokso ang pamahalaan na paalisin ang lahat ng mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova. Sa payo ng Samahan, ipinabago ko ang aking visa mula sa trabahong misyonero tungo sa trabahong sekular. Ang aming gawaing misyonero ay ipinagbawal, at kami’y kinailangan na magpakaingat at magpakatalino. Lahat ng mga pulong ng kongregasyon ay nagpatuloy, ngunit kami ay nagtitipon sa maliliit lamang na mga grupo sa pag-aaral.
Hinalughog ng pulisya ang iba’t ibang tahanan ng pinaghihinalaang mga Saksi. Subalit, lingid sa kanilang kaalaman, isang tenyente ng pulisya na sumasamba kay Jehova ang laging nagpapatalastas sa amin kung kailan nakaiskedyul ang mga pagsalakay. Kaya naman, walang literatura ang nakumpiska sa loob ng mga taóng iyon. Aming idinaraos ang aming mga Pag-aaral sa Bantayan kung Linggo sa pamamagitan ng pagtungo sa mga restawran sa may hangganan ng bayan na kung saan may mga piknikang mga mesa para sa pagkain sa labas.
Sa panahon ngang ito, samantalang nagtuturo ako ng radyo sa mga kadeteng pulis, na ang estudyanteng binanggit ko sa may pasimula ay humiling sa akin na aralan ko siya sa Bibliya. Inakala kong siya’y taimtim naman, kaya kami ay nagpasimula. Makalipas lamang ang dalawang pag-aaral, pangalawang estudyante ang sumama sa kaniya, pagkatapos ay ang pangatlo. Aking sinabihan sila na huwag sasabihin kaninuman na sila’y nakikipag-aral sa akin, at hindi nga nila sinabi iyon kaninuman.
Noong 1958, ang Banal na Kaloobang Internasyonal na Asamblea ay ginanap sa New York sa Yankee Stadium at Polo Grounds. Samantala si Peggy at si Hank, pati na rin ang iba pang miyembro ng aking pamilya, ay naging aktibong mga Saksi. Anong laki ng aking katuwaan na ako’y nakadalo! Ako’y nasiyahan sa pakikisama sa aking dalawang nakatatandang anak at sa iba pang mga miyembro ng pamilya at galak na galak din ako sa pagkakita sa napakalaking pulutong na iyon ng mahigit na sangkapat ng isang milyong katao na natipon noong huling araw ng kombensiyon!
Nang sumunod na taon ang pangulo ng Samahan, si Nathan H. Knorr, ay dumalaw sa amin sa Ethiopia. Siya’y may mainam na mga mungkahi upang maipagpatuloy ang gawain kahit na ipinagbabawal at siya’y interesado rin sa aming pamilya at sa kalagayan ng aming espirituwalidad. Ipinaliwanag ko na ang mga bata ay aming tinuturuan na manalangin. Tinanong ko kung nais niyang marinig si Judith na manalangin. Siya’y pumayag, at pagkatapos ay sinabi niya sa bata: “Napakahusay niyan, Judith.” At nang kami’y nasa hapag-kainan na ay hiniling ko kay Brother Knorr na siya na ang manguna sa panalangin, at nang siya’y matapos, sinabi naman ni Judith: “Napakahusay niyan, Brother Knorr!”
Pagpapalaki sa Aming mga Anak sa Estados Unidos
Ang kontrata ko sa Kagawaran ng Pulisya ay natapos noong 1959. Nais naming manatili, subalit ayaw ng pamahalaan na aprubahan ang anumang bagong kontrata para sa amin. Kaya saan kami pupunta? Sinubukan kong pumasok sa ibang mga bansa na kung saan may malaking pangangailangan ng mga kapatid na lalaki ngunit hindi ako nagtagumpay. Bagaman nalulungkot, kami’y nagbalik sa Estados Unidos. Sa pagdating namin, nagkaroon kami ng isang masayang pagsasama-samang muli ng pamilya; ang limang anak ko ay nagkakila-kilala at karaka-raka ay nakadama ng pagmamahal sa isa’t isa. Magbuhat noon ay naging malapít sila sa isa’t isa.
Kami ay nanirahan sa Wichita, Kansas, na kung saan nakasumpong ako ng trabaho bilang isang inhinyero ng radyo at isang disc jockey. Si Lucille naman ay nagpatuloy sa pag-aasikaso ng tahanan, at ang mga bata ay nag-aral sa paaralang malapit sa aming tahanan. Ako’y nangunguna sa isang pampamilyang pag-aaral ng Bantayan tuwing Lunes ng gabi, laging sinisikap ko na iyon ay gawing masigla at interesante. Sa araw-araw ay inaalam namin kung may bumabangong mga suliranin sa paaralan.
Samantalang bawat isa sa mga bata ay kasali sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, ang pagsasanay na ito ay tumulong sa kanila sa kanilang pag-aaral. Sinanay namin sila mula sa pagkasanggol sa paglilingkod sa larangan. Sila’y natutong mag-alok ng mga literatura sa Bibliya sa bahay-bahay, at sila’y kasa-kasama namin sa pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya.
Sinikap din naming turuan ang mga bata sa pangunahing kaalaman sa buhay, ipinaliliwanag na bawat isa sa kanila ay hindi maaaring laging magkaroon ng mayroon ang iba. Ang ganoon ding regalo ay hindi laging makakamit ng lahat. “Kung sakaling ang iyong kapatid ay niregaluhan ng laruan,” ang pangangatuwiran namin sa kaniya, “at ikaw ay hindi niregaluhan, tama ba na ikaw ay magreklamo?” Kung minsan ang ibang mga bata ay binibigyan din, kaya walang nakakaligtaan. Sa tuwina ay mahal namin silang lahat, na hindi itinatangi ang isa kaysa iba.
Ang ibang mga bata ay kung minsan pinapayagang gumawa ng mga bagay-bagay na ipinagkakait sa aming mga anak. Kamakailan ay narinig ko, “Nagagawa iyon ni Ganoon-at-ganito, bakit ibinabawal sa amin?” Sinikap kong ipaliwanag, ngunit kung minsan ang sagot ay kailangan lamang na, “Wala ka sa pamilyang iyon; ikaw ay isang Brumley. Tayo’y may ibang sinusunod na mga alituntunin.”
Paglilingkod sa Peru
Sapol nang kami’y bumalik sa Ethiopia, kami ni Lucille ay nagnasa na muling makibahagi sa gawaing misyonero. Sa wakas, noong 1972, dumating sa amin ang pagkakataon na pumaroon sa Peru, Timog Amerika. Ito ang pinakamagaling na lugar na aming napili upang kalakhan ng aming mga anak sa panahon ng kanilang pagkatin-edyer. Ang pakikisalamuha nila sa mga misyonero, special pioneer, at iba na nagpunta sa Peru upang maglingkod ay tumulong sa kanila na makita nang tuwiran ang kagalakan niyaong ang mga tunay na inuuna ay ang mga kapakanang pang-Kaharian. Ang tawag dito ni Philip ay positibong panggigipit ng mga kasamahan.
Makalipas ang ilang panahon may ilang dating mga kaibigan na taga-Kansas ang nakabalita sa malaking tagumpay namin sa ministeryo sa Kaharian, at sila’y nakisama sa amin sa Peru. Aking inorganisa ang aming tahanan na mistulang isang tahanang misyonero. Bawat isa ay inatasan ng mga tungkulin upang lahat ay magkaroon ng panahon na tamasahin ang pribilehiyo na maglingkod sa larangan. Nagkaroon kami ng pagtalakay sa isang teksto sa Bibliya sa hapag-kainan tuwing umaga. Iyon ay isang maligayang panahon para sa aming lahat. Muli na naman, pagkagising ko tuwing umaga at natalos ko kung nasaan ako at kung bakit ako naroroon, tahimik na puspusang pinasasalamatan ko si Jehova.
Nang maglaon ay nag-asawa si Judith at bumalik sa Estados Unidos, kung saan nagpatuloy siya sa pambuong-panahong ministeryo. Pagkaraan ng tatlong taon bilang special pioneer, si Philip ay nag-aplay at tinanggap sa paglilingkuran sa Bethel sa Brooklyn, New York. Si Leslie ay bumalik din sa Estados Unidos. Sila ay lumisan taglay ang magkahalong lungkot at saya at madalas na sinasabi na ang pagdadala namin sa kanila sa Peru ang pinakamagaling na nagawa namin para sa kanila.
Habang sumasamâ ang ekonomiya ng Peru, natanto namin na kami man ay kailangan ding lumisan. Sa pagbalik namin sa Wichita noong 1978, nasumpungan namin ang isang grupo ng mga Saksing Kastila ang wika. Kanilang hiniling na kami’y dumoon na at tulungan sila, at may kagalakang tumulong kami. Isang kongregasyon ang natatag, at madali namang napamahal iyon sa amin gaya niyaong mga pinaglingkuran na namin.
Kumakaway ang Ecuador
Bagaman ako’y inatake anupat naging paralisado ang kalahati ng katawan, may pag-asa pa rin ako na kami ni Lucille ay muling makapaglilingkod sa ibang bansa. Noong 1984 isang naglalakbay na tagapangasiwa ang nagbalita sa amin tungkol sa pagsulong sa Ecuador at ang pangangailangan doon ng Kristiyanong matatanda. Sinabi ko na wala akong gaanong magagawa sa ministeryo sa larangan dahilan sa aking pagkalumpo, ngunit kaniyang tiniyak sa akin na kahit ang isang 65-taóng-gulang, na paralisado ang kalahati ng katawan na elder ay makatutulong.
Pagkaalis niya ay hindi kami nakatulog magdamag, nag-uusap kami tungkol sa kung posible nga kaya kaming pumaroon sa Ecuador. Taglay ni Lucille ang pagnanasang pumaroon na gaya ko rin. Kaya matapos ipaanunsiyo ang aming munting negosyo na pagkontrol ng mga peste ay ipinagbili namin iyon hindi natapos ang dalawang linggo. Aming naibenta ang aming bahay sa loob lamang ng sampung araw. Sa gayon, sa aming mga taon ng pagkakaedad, kami’y bumalik sa aming pinakamalaking kagalakan, ang paglilingkurang misyonero sa ibang bansa.
Doon kami nanirahan sa Quito, at nakagagalak ang maglingkod sa larangan, na bawat araw ay may isang bagong karanasan o pakikipagsapalaran. Subalit nangyari, noong 1987, natuklasan na ako ay may kanser sa malaking bituka; na nangangailangan ng operasyon agad-agad. Kami’y bumalik sa Wichita para sa operasyon, na nagtagumpay naman. Dadalawang taon pa lamang kaming nakababalik sa Quito nang muling matuklasan ang kanser, at kami’y kinailangang bumalik nang permanente sa Estados Unidos. Kami’y nanirahan sa North Carolina, at naroon pa rin kami hanggang sa kasalakuyan.
Isang Buhay na Sagana, Kapaki-pakinabang
Walang kasiguruhan ang aking pisikal na kinabukasan. Noong 1989 ay kinailangan ko ang operasyon para magkaroon ng artipisyal na butas na lalabasan ng dumi. Magkagayon man, ako’y nakapaglilingkod pa rin bilang isang matanda at nakapagdaraos ng ilang pag-aaral sa Bibliya sa mga nagpupunta sa aking tahanan. Sa nakalipas na mga taon, natulungan namin ang literal na daan-daan katao sa pamamagitan ng pagtatanim, pagdidilig, o paglilinang sa mga binhi ng katotohanan. Iyan ay isang kagalakan na hindi kailanman napapawi, gaano mang kadalas inuulit-ulit iyan.
Isa pa, nagagalak ako na makitang ang lahat ng aking mga anak ay naglilingkod kay Jehova. Si Peggy ay may 30 taon nang kasa-kasama ng kaniyang asawa, si Paul Moske, sa naglalakbay na paggawa sa Estados Unidos. Si Philip at ang kaniyang asawa, si Elizabeth, kasama si Judith, ay nagpatuloy sa pantanging buong-panahong paglilingkuran sa Brooklyn Bethel, New York. Si Hank at si Leslie at ang kani-kanilang asawa ay aktibong mga Saksi, at ang aking apat na kapatid na mga lalaki at babae at ang kani-kanilang pamilya, kasali na ang mahigit na 80 malalapit na kamag-anak ay pawang naglilingkod kay Jehova. At si Lucille ay naging isang ulirang asawang Kristiyano sa loob ng mga 50 taóng pagsasama naming mag-asawa. Noong nakalipas na mga taon walang reklamong ginanap niya ang maraming mahihirap na trabaho sa pag-aalaga sa aking katawang patuloy na humihina.
Oo, ang buhay ko ay naging masaya. Ito’y naging mas masaya kaysa maipahahayag ng mga salita. Ang paglilingkod kay Jehova ay totoong nakagagalak kung kaya ang aking taos-pusong hangarin ay sambahin siya magpakailanman sa ibabaw ng lupang ito. Lagi nang nasa aking alaala ang Awit 59:16, na nagsasabi: “Sa ganang akin, aking aawitin ang iyong kalakasan, at sa umaga ay aking sasabihing may kagalakan ang tungkol sa iyong kagandahang-loob. Sapagkat ikaw ay nagpatunay na aking matayog na moog at kanlungan sa kaarawan ng aking kagipitan.”
[Larawan sa pahina 23]
Si George Brumley kasama ang Emperador ng Ethiopia na si Haile Selassie
[Larawan sa pahina 25]
Si George Brumley at ang kaniyang maybahay, si Lucille.