Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 12/15 p. 5-7
  • Papaano Mo Pakikinabangan ang Ebanghelyo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Papaano Mo Pakikinabangan ang Ebanghelyo?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Taong Tinulungan ng Ebanghelyo
  • Ano ang Kahulugan ng Mabuting Balita sa Ngayon?
  • Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo sa Ngayon
  • Mga Pagpapalang Napipinto Na
  • “Nagdadala ng Mabuting Balita Tungkol sa Bagay na Mas Mabuti”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Mabuting Balita
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ano Bang Talaga ang Ebanghelyo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Mabuting Balita!
    Umawit Nang Masaya kay Jehova
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 12/15 p. 5-7

Papaano Mo Pakikinabangan ang Ebanghelyo?

ANG Bibliya ay lubhang pinahahalagahan dahilan sa kahusayan ng panitik nito​—maging ng ilang mga ateista. Datapuwat, sa totoo’y kakaunti ang bumabasa nito upang ikapit ang sinasabi nito. Isa pa, yamang ang mabuting balita na taglay nito ay naisulat halos dalawang libong taon na ngayon ang lumipas, maraming tao ang waring naniniwala na ito’y dapat gawing moderno, iayon sa lakad ng panahon. Ang Ebanghelyo ba ay lipas na o hindi na para sa panahong ito? Hindi.

May mga lalaki at mga babae, bata at matanda, umaabot ang bilang sa milyun-milyon, na nakaaalam na ang Bibliya ay isang walang-kasinghalagang makukunan ng tulong. Ito’y gaya ng mababasa sa paunang-salita ng Today’s English Version: “Ang Bibliya ay hindi lamang isang dakilang panitik na hahangaan at pakukundanganan; ito ay Mabuting Balita para sa lahat ng tao saanman​—isang mensahe na kailangang kapuwa maintindihan at maikapit sa araw-araw na pamumuhay.”

Ano ba ang kabuluhan sa iyo ng Ebanghelyo? Ginagamit mo ba ito na isang patnubay sa iyong araw-araw na pamumuhay? Isaalang-alang kung papaano nakinabang sa mabuting balita ang ilan na nakinig dito noong unang siglo at kung papaano ang ilan ay nakinabang sa panahon natin.

Mga Taong Tinulungan ng Ebanghelyo

Noong kaarawan ni Jesus masisipag na mga mamamalakaya at mga ginang ng tahanan ang naakit sa mabuting balita at natuto ng katotohanan tungkol sa layunin ng Diyos para sa tao. Ang mabuting balita ay gumawa ng malaking pagbabago sa kanilang buhay at kadalasan nagdulot sa kanila ng malaking kaginhawahan. Halimbawa, si Maria Magdalena ay napagaling buhat sa pagsupil ng mga demonyo. Si Zakeo, dating punong maniningil ng buwis, ay umalis sa kaniyang sakim na paraan ng pamumuhay. (Lucas 8:2; 19:1-10) Ang mga bulag at ang mga ketongin ay natulungan nang sila’y lumapit kay Jesus, na siyang nangangaral ng mabuting balita. (Lucas 17:11-19; Juan 9:1-7) Tama namang masasabi ni Jesus: “Ang mga bulag ay muling nakakakita, at ang mga pilay ay nakalalakad na, ang mga ketongin ay nangalinis na at ang mga bingi ay nakaririnig na, at ang mga patay ay binubuhay na muli, at sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabuting balita.”​—Mateo 11:5.

Gayunman, mas mahalaga kaysa kanilang paggaling ay kung papaano binago ng mabuting balita ang marami sa mga may kapansanang iyon bilang mga tao. Ang mga tapat-puso ay napuspos ng pag-asa para sa hinaharap. Ang kanilang pagtitiwala ay inilagak nila sa Kaharian ng Diyos​—na mas magaling kaysa anumang panlipunang ebanghelyo. (Mateo 4:23) Ang kanilang pag-asa ay hindi nabigo sa pagkamatay ni Jesus. Upang ilarawan ang mga bagay kahit na pagkatapos ng pangyayaring iyan, sa Gawa 5:42 ay sinasabi tungkol sa kaniyang mga alagad: “Araw-araw sa templo at sa bahay-bahay sila’y nagpatuloy na walang-lubay sa pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” Noong unang siglo, mga tao sa maraming bansa ang tumanggap ng espirituwal na tulong dahil sa sila’y tumugon sa gayong pangangaral.

Ang Kaharian ang pinakamagaling na balita noon. Ang mensahe ba ng Kaharian ay mabuting balita pa rin?

Ano ang Kahulugan ng Mabuting Balita sa Ngayon?

Kung nananabik ka sa isang mapayapa, matiwasay na sanlibutan, ang balita ng Kaharian ay tiyak na mabuti. Sa katunayan, sa isang sanlibutan na may daan-daang milyon na taong kapos sa pagkain at nagugutom, may kakila-kilabot na mga sakit na nagbabanta sa lahat, nakababahalang paglago ng krimen, at lumalaganap na kawalang katatagan ng mga pamahalaan, ito ang tangi at tunay na mamamalaging mabuting balita. Ito’y kumakatawan sa tanging pag-asa sa tunay na kaunlaran.

Iyan ang dahilan kung bakit humula si Jesus tungkol sa ating kaarawan: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ang mga salitang ito ay natutupad sa kapansin-pansing paraan samantalang nangangaral ang mga Saksi ni Jehova sa mahigit na 200 bansa. Isang publikasyong Katoliko, ang Nova Evangelização 2000, ay nagbibigay sa mga Saksi ng komendasyon para rito, na nagsasabi: “Saan natin masusumpungan ang mga Saksi ni Jehova? Sa pinto ng mga tahanan. At upang maging isang Saksi ni Jehova, bukod sa siya’y pag-aari ni Jehova, ang isa ay kailangang maging isang saksi. Sa gayon, ating masusumpungan sila na gumagawa, nagbabalita, naghaharap, ng mga bagay na kanilang naranasan.”

Gayunman, walang sinumang kusang nakikinabang sa mabuting balita. Ito’y tutulong lamang sa mga nakikinig at tumatalima. Upang itanghal ang puntong ito, inilahad ni Jesus ang talinghaga tungkol sa isang taong humayo upang maghasik ng binhi. Ang iba’t ibang uri ng lupa na kinahulugan ng binhi ay halimbawa ng iba’t ibang uri ng kalagayan ng puso na ipinakikita ng tagapakinig sa mabuting balita. Sinabi ni Jesus: “Ang mga nakikinig ng salita ng kaharian ngunit hindi nakauunawa nito, dumarating ang isang balakyot at inaagaw ang naihasik sa kaniyang puso . . . At ang napahasik sa mabuting lupa, ito ang dumirinig ng salita at nakauunawa nito, na siyang talagang nagbubunga, may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, may tigtatatlumpu.”​—Mateo 13:18-23.

Tulad noong unang siglo, karamihan ng tao sa ngayon ay walang gaanong pagsisikap upang maunawaan ang mabuting balita. Hindi nila nauunawaan ang kahulugan nito, at sa gayo’y hindi sila nakikinabang. Ang iba naman ay nagpapakita ng pagpapahalaga sa mabuting balita at natututo kung papaano makakasuwato ng kalooban ng Diyos ang kanilang mga buhay. Sa ganitong paraan sila’y pinagpapala. Sa alin bang grupo ka kabilang?

Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo sa Ngayon

Ang mga karanasan ay nagpapatotoo na ang pagkaunawa sa mabuting balita ay tumutulong sa mga taong “walang pag-asa at walang Diyos.” (Efeso 2:12; 4:22-24) Si Roberto na taga-Rio de Janeiro ay nangailangan ng tulong. Sapol sa kaniyang pagkabata, siya’y nakaranas na ng masamang uri ng pamumuhay, napasangkot sa bawal na mga gamot, sa imoralidad, at pagnanakaw. Sa wakas, siya’y nabilanggo. Samantalang naroroon, si Roberto ay nakipag-aral ng Bibliya sa isang dumadalaw na Saksi. Ganiyan na lamang ang kaniyang pagsulong sa espirituwal anupat nabawasan nang malaki ang kaniyang sentensiya sa bilangguan.

Pagkatapos na makalaya, nakilala ni Roberto ang isang dalagita na noon ay kaniyang dinahas at pinagbantaan na babarilin. Ito ay nakikipag-aral din ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ano ang nangyari? Ang sumusunod ay bahagi ng isang liham na naglalahad sa pangyayari: “Kami ay nagkita sa Kingdom Hall sa kauna-unahang pagkakataon pagkatapos ng pandarahas. Makabagbag-damdamin ang pagkikitang iyon. Kapuwa kami napaluha sa tindi ng aming damdamin at nagyakapan bilang espirituwal na magkapatid. Ngayon kapuwa ang dating magnanakaw at ang kaniyang biktima ay pumupuri kay Jehova.”

Ang isa pa, si Isabel, ay nangangailangan din ng tulong, sapagkat siya’y kilala sa kainitan ng ulo. Siya’y lubhang napasangkot sa espiritismo at pangkukulam at niligalig ng mga demonyo. Habang siya ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, kaniyang nasumpungan na ang mabuting balita ay nakatulong. Makalipas ang ilang panahon, siya’y kumalag sa kapangyarihan ng mga demonyo at binago ang kaniyang pagkatao​—sa wakas ay natutuhan niyang supilin ang kaniyang pagkamainitin ang ulo. Ngayon siya ay isang tapat na Kristiyano, na kilala bilang isang taong may kabaitan sa pakikitungo sa iba.

Oo, ang mabuting balita ay hindi lamang sa salita. Ito’y may tunay na kapangyarihan na bumago ng mga buhay. (1 Corinto 6:9-11) Higit pa kaysa riyan ang nagagawa nito. Ito’y nakatutok din sa hinaharap na mga pagpapala.

Mga Pagpapalang Napipinto Na

Sang-ayon sa Salita ng Diyos, ang hinaharap ay may kahanga-hangang pag-asang ibinibigay. Ating makikita ang katuparan ng panalangin ni Jesus na harinawang dumating na ang Kaharian ng Diyos at maganap na ang Kaniyang kalooban sa lupa gaya ng sa langit. (Mateo 6:10) Hindi na magtatagal, ang kasalukuyang sistema ng mga bagay taglay ang nakapanlulumong kabulukan at karahasan nito ay aalisin, at ang makalangit na pamahalaan ng Diyos, ang kaniyang Kaharian, ay magpupunò sa nakahilig sa katuwirang mga tao na handang makinig at tumalima sa mabuting balita​—Daniel 2:44.

Malalaking pagbabago ang kasunod samantalang ang sumasampalatayang mga tao ay inatasan na isauli ang lupa sa pagkaparaiso na tatahanan ng maaamo magpakailanman. (Awit 37:11, 29) Tunay, ito’y mabuting balita na ang krimen, sakit, taggutom, polusyon, at mga digmaan ay mawawala na magpakailanman! Iyo bang naguguniguni ang iyong sarili at ang iyong pamilya na namumuhay sa bagong sanlibutan sa kapayapaan at sakdal na kalusugan na walang pangambang magkakasakit o mamamatay?​—Apocalipsis 21:4.

Totoo, marami ang naniniwalang simpleng-simple o guniguni na walang batayan ang gayong mabuting balita. Subalit sila’y nagkakamali. Ang mabuting balita ay nakasalig sa pinakamatatag na ebidensiya, at binago na nito ang buhay ng milyun-milyon. Samakatuwid, huwag padala sa takot kung ang iba ay hindi naniniwala.

Gunigunihin ang isang matalinong tao na bumili ng lupa sa isang lugar na umuunlad, sa pag-asang makikinabang sa kaniyang pamumuhunan. Mayroon bang makasisisi sa kaniya sa pamumuhunan ng kaniyang salapi sa ganitong paraan? Wala. Malamang pa nga, sasabihin ng mga tao na siya’y kumikilos nang may katalinuhan. Kung gayon, bakit hindi magkaroon ng patiunang pananaw kung tungkol sa Kaharian at mamuhunan, wika nga, sa mabuting balita? Yamang ang pagtanggap sa mabuting balita ay nangangahulugan ng kaligtasan, wala nang iba pang mapaglalagyan ng puhunan ang magdudulot ng lalong malaking kapakinabangan.​—Roma 1:16.

Papaano ka makapamumuhunan sa mabuting balita? Una, pumayag kang maturuan ng Diyos. Pagkatapos ay kumilos ka na kasuwato ng iyong natutuhan. Sundin ang pangunahing mga kahilingan, ayon sa pagkasulat ng propetang Hebreo: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang gumawa na may katarungan at ibigin ang kaawaan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng Diyos?” (Mikas 6:8) Ang pagkatuto ng paglakad na kasama ng Diyos ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap. Gayumpaman, ang mga Saksi ni Jehova, na tumulong kina Roberto at Isabel, ay malulugod na tulungan ka sa bagay na ito​—yamang kanilang natulungan na ang milyun-milyong iba pa sa nakalipas na mga taon.

Samantalang naghihintay sa katuparan ng mga pangako ng Diyos, alagaan ang iyong pinaglagakan ng puhunan sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mabuting balita, na nagtatamasa ng kapayapaan ng isip at nagtatayo ng isang lalong matalik na kaugnayan sa Diyos. Ang iyong pinaglagyan ng puhunan ay magiging ligtas​—walang nagbabanta rito na pangkabuhayang krisis o kaguluhan sa pulitika. At sa wakas, magdadala ito sa iyo ng isang kahanga-hangang pakinabang. Ano ang pakinabang na iyon? Si apostol Juan ay sumulat: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pita nito, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:17

[Larawan sa pahina 7]

Ang mga binhi ng mabuting balita ay nahuhulog sa iba’t ibang uri ng lupa

[Credit Line]

Garo Nalbandian

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share