Ang Ating Dakilang Manlalalang at ang Kaniyang mga Gawa
ANONG PAGKADAKILA! Ang dumadagundong na mga talon ng Iguacú o Niagara, ang matatarik na libis ng Arizona o Hawaii, ang kahanga-hangang mga fjords (sanga ng dagat) sa Norway o New Zealand—anong laki ng paghanga sa likas na mga kababalaghang ito! Subalit ito ba’y nagkataon lamang na mga gawa ng tinatawag na Inang Kalikasan? Hindi, ang mga ito ay higit pa sa riyan! Sila ang makabagbag-damdaming mga gawa ng isang Dakilang Manlalalang, isang mapagmahal na Ama sa langit na tungkol sa kaniya’y sumulat ang pantas na si Haring Solomon: “Bawat bagay ay ginawa niyang maganda sa kapanahunan niyaon. Maging ang panahong walang takda ay kaniyang inilagay sa kanilang puso, anupat maaaring hindi matalos ng tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.” (Eclesiastes 3:11) Oo, mangangailangan ng panahong walang-hanggan upang masaliksik ng mga tao ang lahat ng maluwalhating mga gawa na isinangkap sa buong sansinukob ng ating Manlalalang.
Kahanga-hanga ang ating Dakilang Manlalalang! At anong tuwa natin na ang Diyos na ito na pinakamakapangyarihan “sa katapusan ng mga araw na ito ay nagsalita sa atin sa pamamagitan ng isang Anak, na kaniyang hinirang na tagapagmana ng lahat ng bagay, at sa pamamagitan niya ginawa ang sistema ng mga bagay.” (Hebreo 1:2) Ang Anak na ito, si Jesu-Kristo, ay nagpahalaga sa magagandang bagay na nilalang ng kaniyang Ama. Malimit na kaniyang binabanggit ang mga ito sa paghahalimbawa ng mga layunin ng kaniyang Ama at sa pagsasalita ng mga pampatibay sa kaniyang mga tagapakinig. (Mateo 6:28-30; Juan 4:35, 36) “Sa pamamagitan ng pananampalataya” marami ang nakaunawa na ang mga kababalaghan ng paglalang ay “naisaayos sa pamamagitan ng salita ng Diyos.” (Hebreo 11:3) Ang ating pang-araw-araw na pamumuhay ay dapat magbadya ng ganiyang pananampalataya.—Santiago 2:14, 26.
Dakila nga ang mga paglalang ng ating Diyos. Ang mga iyan ay kahanga-hangang nagbabadya ng kaniyang karunungan, ng kaniyang kapangyarihan, ng kaniyang kabanalan, at ng kaniyang pag-ibig. Halimbawa, ang lupa nating ito ay nakatagilid at umiikot sa araw upang ang kaniyang lalalangin, ang tao, ay masiyahan sa kahanga-hangang paghahali-halili ng mga panahon. Sinabi ng Diyos: “Samantalang ang lupa ay lumalagi, hindi maglilikat ang paghahasik at pag-aani, at ang lamig at ang init, at ang tag-araw at taglamig, at ang araw at gabi.” (Genesis 8:22) Gayundin, saganang sinangkapan ng Diyos ang lupa natin ng mahahalagang mineral. Lalung-lalo na, siya’y naglaan ng saganang tubig, na sa kalaunan ay magiging isang mahalagang sangkap at suporta ng lahat ng buhay sa lupa.
Sa isang maayos na pagkakasunud-sunod ng anim na ‘mga araw ng paglalang,’ na bawat isa’y libu-libong taon ang haba, “ang aktibong puwersa ng Diyos” ay nagpatuloy ng paghahanda sa lupa para maging tahanan ng tao. Ang liwanag na sa pamamagitan nito ay nakakakita tayo, ang hangin na ating nilalanghap, ang tuyong lupa na kinatitirhan natin, ang mga pananim, ang pagkakasunud-sunod ng araw at gabi, ang mga isda, mga ibon, mga hayop—lahat ay nilalang na may kaayusan ng ating Dakilang Manlalalang para maglingkod at magdulot ng kasiyahan sa tao. (Genesis 1:2-25) Tunay, tayo’y maaaring makiisa sa salmista sa pagbulalas: “Anong pagkasari-sari ng iyong mga gawa, Oh Jehova! Ginawa mo itong lahat sa iyong karunungan. Ang lupa ay punô ng iyong mga gawa.”—Awit 104:24.
Ang Obra Maestra ng Diyos sa Paglalang
Samantalang patapos na ang ikaanim na “araw” ng paglalang, ginawa ng Diyos ang lalaki at pagkatapos ay ang kaniyang katulong, ang babae. Anong dakilang sukdulan ng makalupang paglalang, higit na kahanga-hanga kaysa lahat ng pisikal na mga paglalang na naganap bago pa noon! Ang Awit 115:16 ay nagbibigay-alam sa atin: “Kung tungkol sa mga langit, kay Jehova ang mga langit, ngunit ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.” Kaya naman, dinisenyo tayo ni Jehova na mga kaluluwang tao upang tayo’y kapuwa malugod sa kaniyang unang mga nilalang sa lupa at magamit ang mga ito. Dapat nga tayong pasalamat dahil sa ating mga mata—lalong masalimuot kaysa sa pinakamainam na kamera—na nakakakuha ng larawan ng makulay na daigdig sa ating paligid! Tayo’y may mga tainga—mas magaling kaysa anumang gawang-taong sistema ng tunog—upang tulungan tayo na magkaroon ng kasiyahan sa pakikipag-usap, sa musika, at sa malambing na awit ng mga ibon. Tayo’y may sangkap na mekanismo sa pagsasalita, kasali na ang dila na nagagamit sa maraming bagay. Ang panlasa ng dila, lakip ang ating pangamoy, ay nagbibigay rin ng kaluguran sa paglasap ng walang katapusang sari-saring mga pagkain. At anong laki ng ating pagpapahalaga sa pagdampi sa atin ng isang kamay na nagmamahal! Tiyak na mapasasalamatan natin ang ating Manlalalang, gaya ng salmista na nagsabi: “Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa, gaya ng nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.”—Awit 139:14.
Ang Kagandahang-Loob ng Ating Manlalalang
Ang salmista ay sumulat: “Magpasalamat kayo kay Jehova, Oh kayong mga tao, sapagkat siya ay mabuti . . . ; sa Manggagawang mag-isa ng mga dakilang kababalaghan: sapagkat ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailanman.” (Awit 136:1-4) Ang kagandahang-loob na iyan ay nagpapakilos sa kaniya ngayon na gumawa ng mga kababalaghan na higit na dakila kaysa lahat ng mga paglalang na kalalarawan lamang natin. Oo, kahit na samantalang siya’y namamahinga sa paglalang ng materyal na mga bagay, siya’y lumalalang ng espirituwal na mga bagay. Ito’y kaniyang ginagawa bilang sagot sa isang balakyot na paghamon sa kaniya. Papaano nga nagkagayon?
Ang unang lalaki at babae ay inilagay sa isang maningning na paraiso, ang Eden. Gayunman, isang nagtaksil na anghel, si Satanas, ang nagtindig sa kaniyang sarili bilang isang diyos at inakay ang mag-asawang iyan upang maghimagsik kay Jehova. Makatuwiran, sila’y sinintensiyahan ng Diyos ng kamatayan, taglay ang resulta na ang kanilang mga anak, ang buong lahi ng tao, ay isinilang na makasalanan, namamatay. (Awit 51:5) Ang ulat ng Bibliya tungkol kay Job ay nagpapakita na hinamon ni Satanas ang Diyos, kaniyang ipinamarali na walang taong makapananatiling tapat sa Kaniya sa ilalim ng pagsubok. Subalit pinatunayan ni Job na si Satanas ay isang malaking sinungaling, gaya ng pinatunayan ng maraming iba pang tapat na mga lingkod ng Diyos noong unang panahon sa Bibliya at hanggang sa ating kaarawan. (Job 1:7-12; 2:2-5; 9:10; 27:5) Bilang isang sakdal na tao, si Jesus ay isang halimbawa ng walang katulad na katapatan.—1 Pedro 2:21-23.
Sa gayon, masasabi ni Jesus, “Ang tagapamahala ng sanlibutan [si Satanas] ay walang anuman sa akin.” (Juan 14:30) Gayunman, hanggang sa araw na ito “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng isang balakyot.” (1 Juan 5:19) Pagkatapos na makipagtalo tungkol sa pagkamatuwid ng soberanya ni Jehova, si Satanas ay binigyan ng mga 6,000 taon upang ipakita kung ang kaniyang sariling pamamahala sa sangkatauhan ay magtatagumpay. Pagkalaki-laking kabiguan iyon, gaya ng patuloy na pinatutunayan ng pasama nang pasamang kalagayan ng sanlibutan! Ang ating mapagmahal na Diyos, si Jehova, ay malapit nang kumilos upang alisin ang likong lipunang ito ng sanlibutan, upang ipahayag ang kaniyang matuwid na soberanya sa buong lupa. Anong ligayang kaginhawahan ang idudulot niyaon sa mga taong nasasabik sa mapayapa, matuwid na pamamahala!—Awit 37:9-11; 83:17, 18.
Gayunman, hindi pa iyan ang lahat! Ang kagandahang-loob ng Diyos ay patuloy na ipakikita salig sa mga sinalita ni Jesus sa Juan 3:16: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Ang ganitong pagsasauli sa sangkatauhan ng pag-asang mabuhay nang walang-hanggan sa lupa ay nangangailangan ng paglalang ng mga bagong bagay. Ano ba ang mga ito? Papaano ito pakikinabangan ng dumaraing na sangkatauhan? Ang ating susunod na artikulo ang magsasaysay.