Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
Ano ang pananagutan ng mga Kristiyano sa pagpapabagal ng polusyon ng ating kapaligiran—lupa, dagat, hangin?
Bilang mga Saksi ni Jehova, tayo ay lubhang nababahala sa maraming suliranin ng kapaligiran na ngayon ay nakaaapekto sa ating lupang tinatahanan. Higit sa kaninumang mga tao, ating nauunawaan na ang lupa ay nilalang upang maging isang malinis, malusog na tahanan para sa isang sakdal na sangkatauhan. (Genesis 1:31; 2:15-17; Isaias 45:18) Mayroon ding kasiguruhan na ibinigay ang Diyos na kaniyang “ipahahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Samakatuwid ay tama lamang na gumawa ng timbang, makatuwiran na mga pagsisikap upang maiwasan ang hindi kailangang pagdaragdag sa patuloy na pagsira ng tao sa ating globo. Gayunman, pansinin ang salitang “makatuwiran.” Naaayon din sa Kasulatan na huwag tayong labis-labis na mabahala sa mga isyu at mga gawain tungkol sa kapaligiran.
Kahit na sa normal na pamumuhay ng tao ay may nalilikha na mga sukal. Halimbawa, ang pagtatanim, paghahanda, at pagkain ng mga produktong pagkain ay malimit na sanhi ng sukal, bagaman karamihan nito ay nabubulok hanggang sa maubos. (Awit 1:4; Lucas 3:17) Ang inihaw na isdang inihanda para sa kaniyang mga alagad ng binuhay-muling si Jesus ay malamang na ang resulta ay kaunting usok, abo, at sukal na mga tinik na isda. (Juan 21:9-13) Subalit ang may buhay at walang buhay na mga sistema o siklo ng lupa ay idinisenyo na tunawin ito.
Hindi dapat kaligtaan ng bayan ng Diyos ang mga bagay na may kinalaman sa kapaligiran. Hiniling ni Jehova sa kaniyang sinaunang bayan na gumawa ng mga hakbang upang mapaligpit ang mga sukal, mga hakbang na may kinalaman sa kapaligiran at sa kalinisan. (Deuteronomio 23:9-14) Alam natin ang kaniyang pananaw tungkol sa mga nagpapahamak sa lupa, tunay na hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang mga bagay na magagawa natin upang panatilihing malinis ang kapaligiran. Ating maipakikita ito sa wastong pagliligpit sa basura o sa mga sukal, lalo na ang mga sustansiyang nakalalason. Maingat na nakikipagtulungan tayo sa ginagawang paraan ng pagre-recycle, at may karagdagang dahilan na gawin iyon kung ang mga ito ay ipinag-uutos ni Cesar. (Roma 13:1, 5) At may mga tao na natutong gumawa ng karagdagang mga hakbang, tulad ng paggamit ng mga produktong nabubulok hanggang sa maubos imbes na ang gamitin ay yaong magpapataas pa ng bunduk-bundok na mga basura sa lupa at sa ilalim ng dagat.
Gayunman, kung hanggang saan magagawa ito ng mga Kristiyano ay isang personal na bagay maliban sa kung ito’y kahilingan ng batas. Maliwanag buhat sa media ng pamamahayag na ang di-sakdal na mga tao ay madaling mahulog sa patibong ng pagiging mapagmalabis. Tungkol dito ang payo ni Jesus ay: “Huwag kayong magsihatol upang huwag kayong hatulan . . . Bakit mo nga tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata?” (Mateo 7:1, 3) Ang laging pagsasaisip nito ay makatutulong sa atin na huwag kaligtaan ang iba pang mahalagang mga salik.
Ang propetang si Jeremias ay sumulat: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad na magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Dahil sa hindi pagsunod sa simulaing ito ang sangkatauhan ay napapaharap sa “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan,” gaya ng binabanggit sa 2 Timoteo 3:1-5. At ang ipinasulat ng Diyos sa Apocalipsis 11:18 ay nagpapatunay na ang pagsisikap ng tao na malunasan sa lupa ang pangunahing mga suliranin sa kapaligiran, kasali na ang polusyon, ay hindi lubusang magtatagumpay. Maaaring may kaunting progreso doon at dito, subalit ang tanging mamamalaging solusyon ay nangangailangan ng pakikialam ng Diyos.
Kaya naman tayo ay nagtututok ng ating pagsisikap at mga tinatangkilik sa solusyon na gagawin ng Diyos, imbes na pagsikapang gamutin ang mga sintomas na hindi siyang talagang pinagmumulan ng mga suliranin. Dito ay tinutularan natin ang halimbawa ni Jesus, na gumugol ng malaking bahagi ng kaniyang ministeryo sa ‘pagpapatotoo sa katotohanan.’ (Juan 18:37) Sa halip na pakanin ang sanlibutan o lunasan ang malaganap na karamdaman ng lipunan—kasali na ang polusyon—si Jesus ay nagtutok ng pansin sa ganap na solusyon sa mga suliranin na pumipighati sa sangkatauhan.—Juan 6:10-15; 18:36.
Bagaman ang pag-ibig sa mga kapuwa tao ay nagpapakilos sa atin na iwasan kung maaari ang pagpaparumi sa lupa, atmospera, o mga bukal ng tubig, tayo’y patuloy na nagpapatotoo sa katotohanan. Kasali na rito ang pagtuturo sa mga tao ng pagkakapit ng katotohanan ng Bibliya at sa gayon ay pag-iwas sa pagpapahamak sa kanilang mga katawan sa pamamagitan ng paninigarilyo, labis na pag-inom ng alak, o paggamit ng nakapipinsalang mga bawal na gamot. Samantalang milyun-milyong baguhan ang naging mga alagad, sila’y natuto ng mga kaugalian ng kalinisan at pagpapakita ng konsiderasyon sa iba. Samakatuwid ang gawaing pangangaral ay may literal na bahagi sa pagbabawas sa pangkalahatang suliranin ng polusyon sa ngayon. Subalit lalong mahalaga, ang mga alagad na Kristiyano ay nagsusumikap na baguhin ang kanilang pagkatao at mga kaugalian upang sila’y mapabagay sa malinis na lupang Paraiso na malapit nang ipagkaloob ng Diyos sa kaniyang tunay na mga mananamba.