“Hayaang ang Pag-aasawa ay Maging Marangal sa Lahat”
“Hayaang ang pag-aasawa ay maging marangal sa lahat, at huwag nawang madungisan ang higaan ng mag-asawa.”—HEBREO 13:4.
1. Ano ang natutuhan ng maraming tao tungkol sa matagumpay na pag-aasawa?
MILYUN-MILYONG tao, kahit na sa panahong ito na madali ang pagdidiborsiyo, ay nagtatamasa ng nananatiling pag-aasawa. Sila’y nakasumpong ng isang paraan na matagumpay, sa kabila ng mga pagkakaiba ng personalidad at katayuan. Ang ganiyang mga pag-aasawa ay masusumpungan sa mga Saksi ni Jehova. Sa karamihan ng kaso aaminin ng mga mag-asawang ito na sila’y nakaranas ng panahong mabuti at panahong masama, pati ilang sanhi ng pagrereklamo laban sa isa’t isa. Gayunman, sila’y natutong magtiis ng maliliit na suliranin sa pagsasamahan ng mag-asawa at napanuto ang kanilang tinatahak na landas sa pag-aasawa. Ano ba ang ilan sa mga salik na nagbigay sa kanila ng lakas na magpatuloy?—Colosas 3:13.
2. (a) Ano ang ilan sa positibong mga salik na umaalalay sa pag-aasawa? (b) Ano ang ilan sa mga salik na makasisira sa pag-aasawa? (Tingnan ang kahon sa pahina 14.)
2 Ang mga komento ng ilan na ang Kristiyanong pag-aasawa ay maligaya at nananatili ay may malaking isinisiwalat. Isang lalaking may 16 na taon nang may asawa ang nagsabi: “Kailanma’t may lumitaw na isang suliranin, talagang aming sinisikap na makinig sa punto de vista ng bawat isa.” Itinatampok nito ang isa sa mga bagay na nagpapatibay sa maraming pag-aasawa—malaya, tahasang pag-uusap. Isang babae, may 31 taon nang may-asawa, ang nagsabi: “Ang paghahawakan ng kamay at paggawa ng katawa-tawang mga bagay upang mapanatili ang aming romansa ang laging inuuna namin.” At iyan ay isang karagdagang bahagi ng pag-uusap. Isa pang mag-asawa, may 40 taon nang kasal, ang nagdiin sa kahalagahan ng pagpapatawa, na nagagawa nilang pagtawanan ang kanilang sarili at ang isa’t isa. Sinabi rin nila na iyon ay nakatulong upang makita ang pinakamagaling at ang pinakapangit na ugali sa isa’t isa at gayumpaman ay makapagpakita pa rin ng tapat na pag-ibig. Binanggit ng asawang lalaki ang pagiging handang kumilala sa mga pagkakamali at saka paghingi ng paumanhin. Pagka may pagbibigayan, ang mag-asawa ay makikibagay sa isa’t isa imbes na magkasira.—Filipos 2:1-4; 4:5, Kingdom Interlinear.
Isang Nagbabagong Kalagayan
3, 4. Ano ang mga pagbabago ng saloobin kung tungkol sa katapatan sa pag-aasawa? Makapagbibigay ka ba ng mga halimbawa?
3 Noong nakalipas na ilang dekada, sa buong daigdig, nagbago ang mga paniniwala tungkol sa katapatan sa pag-aasawa. May mga may asawa na naniniwala na walang anumang masama sa pakikipagrelasyon, isang modernong tawag sa pangangalunya, lalo na kung alam at tinatanggap ng kabilang panig ang relasyong iyon.
4 Isang tagapangasiwang Kristiyano ang nagkomento tungkol sa kalagayan: “Halos tinalikdan na ng daigdig ang anumang taimtim na pagtatangkang mamuhay ayon sa isang pamantayan ng moral. Ang isang malinis na asal ay itinuring na isang matandang-uso.” Prominenteng mga tao sa pulitika, isports, at libangan ang hayagang lumalabag sa mga pamantayan ng Bibliya sa moralidad, at ang gayong mga tao ay patuloy na pinakikitunguhan na gaya ng mga taong tanyag. Halos walang kaugnay na pagkasuklam ang anumang uri ng imoralidad o gawang masama. Ang kalinisang-asal at katapatan ay bihirang pinahahalagahan sa tinatawag na mataas na lipunan. At, batay sa prinsipyong ‘kung ano ang kumakapit sa isa ay kumakapit din sa iba,’ ang karamihan ng tao ay sumusunod sa halimbawang iyon at inaaring mabuti ang minamasamâ ng Diyos. Iyon ay gaya ng ipinahayag ni Pablo: “Yamang wala silang bahagya mang wagas na asal, sila’y napahikayat sa mahalay na paggawi upang gumawa ng lahat ng uri ng karumihan pati ng kasakiman.”—Efeso 4:19; Kawikaan 17:15; Roma 1:24-28; 1 Corinto 5:11.
5. (a) Ano ang paninindigan ng Diyos tungkol sa pangangalunya? (b) Ano ang saklaw sa paggamit ng Bibliya ng salitang “pakikiapid”?
5 Ang mga pamantayan ng Diyos ay hindi nagbago. Ang kaniyang paninindigan ay pakikiapid ang pagsasama nang hindi kasal. Ang hindi pagtatapat sa pag-aasawa ay pangangalunya pa rin.a Malinaw na sinabi ni apostol Pablo: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong liko ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya. Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapwa lalaki . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. At dati ay ganiyan ang iba sa inyo. Ngunit kayo’y nahugasan nang malinis, ngunit kayo’y binanal na, ngunit kayo’y inaring-matuwid na sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at taglay ang espiritu ng ating Diyos.”—1 Corinto 6:9-11.
6. Anong pampatibay-loob ang makikita natin sa mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 6:9-11?
6 Isang pampatibay na punto sa tekstong iyan ay ang sinabi ni Pablo, “At dati ay ganiyan ang iba sa inyo. Ngunit kayo’y nahugasan nang malinis.” Oo, marami na noong nakaraan ay tumakbo sa sanlibutan sa may kaluwagang “takbuhin sa pusali ng pagpapakasamâ” ay nangatauhan, tinanggap si Kristo at ang kaniyang hain, at nangahugasan nang malinis. Kanilang minabuti na palugdan ang Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kalinisang-asal at sila’y mas maliligaya ngayon.—1 Pedro 4:3, 4.
7. Ano ang pagkakasalungatang umiiral sa pagkaunawa sa “imoralidad,” at ano ang punto de vista ng Bibliya?
7 Sa kabilang panig, ang pakahulugan ng modernong sanlibutan sa imoralidad ay totoong mahina na anupat hindi kabagay ng pagkakilala ng Diyos. Isang diksiyunaryo ang nagpapakahulugan sa “imoral” bilang “labag sa tatag na moralidad.” Sa ngayon, ang “tatag na moralidad,” na sumasang-ayon sa pakikipagtalik bago pakasal at sa pakikipagtalik sa hindi asawa pati na rin sa homoseksuwalidad, ang siyang hinahatulan ng Bibliya na imoralidad. Oo, buhat sa punto de vista ng Bibliya, ang imoralidad ay isang napakaliwanag na paglabag sa moral na pamantayan ng Diyos.—Exodo 20:14, 17; 1 Corinto 6:18.
Apektado ang Kongregasyong Kristiyano
8. Papaano maaapektuhan ng imoralidad yaong mga nasa kongregasyong Kristiyano?
8 Ang imoralidad sa ngayon ay totoong palasak kung kaya maaaring maapektuhan nito pati yaong mga nasa kongregasyong Kristiyano. Maaaring makaimpluwensiya ito sa kanila sa pamamagitan ng malaganap, nakasasamang mga programa sa TV, mga video, at pornograpikong mga babasahín. Bagaman isang maliit lamang na bahagi ng mga Kristiyano ang apektado, dapat tanggapin na ang karamihan ng mga kaso ng pagtitiwalag buhat sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova dahil sa paggawi na hindi karapat-dapat sa isang Kristiyano at hindi pagsisisi ay may kaugnayan sa ilang anyo ng seksuwal na imoralidad. Sa panig na positibo, isang malaking bahagi niyaong mga itiniwalag ang sa wakas nakilala ang kanilang mga pagkakamali, nanumbalik sa isang malinis na pamumuhay, at pagdating ng panahon ay muling tinanggap sa kongregasyon.—Ihambing ang Lucas 15:11-32.
9. Papaano naiimpluwensiyahan ni Satanas ang mga walang-malay?
9 Walang alinlangan na si Satanas ay pagala-gala na mistulang leong umuungal, handang sirain ang walang-malay. Ang kaniyang pamamaraan, o “mga gawang katusuhan,” ang sumisilo sa walang kamalay-malay na mga Kristiyano taun-taon. Ang malaganap na espiritu ng kaniyang sanlibutan ay mapag-imbot, maibigin sa kalayawan, at masakim. Ito’y mapagbigay-lugod sa mga pita ng laman. Tinatanggihan nito ang pagpipigil-sa-sarili.—Efeso 2:1, 2; 6:11, 12, talababa; 1 Pedro 5:8.
10. Sino ang natutukso, at bakit?
10 Sino sa kongregasyon ang maaaring mapahantad sa mga tukso ng imoralidad? Karamihan ng mga Kristiyano, sila man ay matatanda sa isang lokal na kongregasyon, naglalakbay na mga tagapangasiwa, mga Bethelite, mga payunir na nangangaral ng maraming oras bawat buwan, magawaing mga magulang na nag-aasikaso ng isang pamilya, o mga kabataan na nakaharap sa panggigipit ng mga kasama. Ang tukso sa laman ay karaniwan sa lahat. Ang seksuwal na pagkaakit sa isa’t isa ay maaaring biglang dumating sa sandaling hindi inaasahan. Kaya naman si Pablo ay sumulat: “Ang may akalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka mabuwal. Hindi dumarating sa inyo ang anumang tukso kundi yaong karaniwan sa mga lalaki [at mga babae].” Ito ay nakalulungkot, subalit ang ilang Kristiyano na nasa mga tungkulin ng pananagutan ay napadala sa tuksong ito ng imoralidad.—1 Corinto 10:12, 13.
Nahila at Nahikayat
11-13. Ano ang ilan sa mga kalagayan na umakay tungo sa imoralidad?
11 Ano ba ang mga tukso at mga kalagayan na umakay tungo sa kamangmangang gawaing pangangalunya at pakikiapid? Ang mga ito ay marami at masalimuot at maaaring nagkakaiba-iba sa mga bansa o sa mga kultura. Gayunman, may pangunahing mga kalagayan na lumilitaw sa maraming bansa. Halimbawa, iniulat na may mga nag-organisa ng mga salu-salo na kung saan libreng makahingi ng alak. Ang iba ay naakit ng makasanlibutang masagwang musika at nakapupukaw na pagsasayaw. Sa ilang lugar sa Aprika, may mga lalaking mayaman—mga di-sumasampalataya—na may kinakasamang mga babae; may mga babaing natuksong humanap ng kapanatagan sa pamumuhay sa gayong kalagayan kahit na may kasangkot na imoralidad. Sa ibang mga lugar nilisan ng Kristiyanong mga asawang lalaki ang kani-kanilang pamilya upang maghanapbuhay sa mga minahan o saanman. Nang magkagayon ang kanilang katapatan at pagtingin sa asawa ay nasusubok sa papaano man o sa mga paraan na di-mararanasan kung sila’y nasa sariling tahanan.
12 Sa maunlad na mga bansa ang ilan ay nahulog sa patibong ni Satanas samantalang malimit na kasama ng isang hindi niya kasekso at walang nakakakitang iba pa—tulad halimbawa kung palaging silang dalawa lamang sa isang kotse habang nag-aaral ng pagmamaneho.b Ang matatanda na dumadalaw bilang pastol sa mga kapatid ay nangangailangan din na pakaingat na hindi kasamang mag-isa ng isang kapatid na babae pagka pinapayuhan niya ito. Ang mga pag-uusap ay maaaring labis na makapukaw ng damdamin at humantong sa nakahihiyang kalagayan para sa kanilang dalawa.—Ihambing ang Marcos 6:7; Gawa 15:40.
13 Ang binanggit na mga kalagayan ay umakay sa ilang Kristiyano na makaligtaan ang pag-iingat at makagawa ng imoralidad. Gaya ng nangyari noong unang siglo, kanilang pinayagang sila ay ‘mahila at mahikayat ng kanilang sariling makalamang pita,’ na umakay tungo sa kasalanan.—Santiago 1:14, 15; 1 Corinto 5:1; Galacia 5:19-21.
14. Bakit ang pag-iimbot ay isang saligang dahilan sa mga kaso ng pangangalunya?
14 Ang maingat na pagsasaalang-alang ng mga pagtitiwalag ay nagpapakita na ang imoralidad ay may pare-parehong saligang dahilan. Sa gayong mga kaso ay may ilang anyo ng kaimbutan. Bakit natin sinasabi iyan? Sapagkat sa mga kaso ng pangangalunya, may tao o mga taong walang kasalanan na masasaktan. Maaaring yaon ay ang legal na asawa. Tiyak na iyon ay ang mga anak, kung mayroon man, sapagkat kung ang resulta ng pangangalunya ay paghihiwalay, ang mga anak, na nagnanasa ng katiwasayan ng isang nagkakaisang pamilya, ang maaaring lubhang magdusa. Ang mangangalunya ay walang unang iniisip kundi ang kaniyang sariling kaluguran at bentaha. Iyan ay pag-iimbot.—Filipos 2:1-4.
15. Ano ang maaaring ilan sa mga dahilan na umaakay tungo sa pangangalunya?
15 Karaniwan nang ang pangangalunya ay hindi isang biglaang gawang likha ng kahinaan. Nagkaroon ng unti-unti, maaaring di-nahahalata, na panghihina sa mismong pagsasama ng mag-asawa. Baka ang pag-uusap ay naging rutina na lamang o pinagkagawian. Maaaring walang gaanong pagpapatibayan sa isa’t isa. Baka sila’y hindi nagpapahayag ng pagpapahalaga sa isa’t isa. Ang mag-asawa ay baka hindi nakararanas ng kasiyahan sa pakikipagtalik sa isa’t isa sa loob ng ilang panahon. Tunay na pagka may nagaganap na pangangalunya, humihina rin ang kaugnayan sa Diyos. Hindi na malinaw ang pagkakilala kay Jehova bilang isang buháy na Diyos na may kabatiran sa lahat ng ating kaisipan at gawa. Baka sa isip ng mangangalunya, ang “Diyos” ay nagiging isang salita na lamang, may malabong pag-iral na hindi bahagi ng araw-araw na pamumuhay. Pagkatapos ay nagiging mas madali nang magkasala laban sa Diyos.—Awit 51:3, 4; 1 Corinto 7:3-5; Hebreo 4:13; 11:27.
Ang Susi na Panlaban
16. Papaano malalabanan ng isang Kristiyano ang tukso na magtaksil?
16 Kung sakaling matanto ng isang Kristiyano na siya ay tinutukso upang magtaksil, anong mga salik ang dapat na isaalang-alang? Una sa lahat, dapat pag-isipan ang kahulugan ng pag-ibig Kristiyano na matatag na nakasalig sa mga simulain ng Bibliya. Huwag payagan na ang pisikal o erotikong pag-ibig ay makasupil ng damdamin ng isang tao at magbigay-daan sa pagkahulog sa pag-iimbot, na nagdadala ng pagdurusa sa iba. Bagkus, ang kalagayan ay dapat pag-isipan buhat sa punto de vista ni Jehova. Ito’y dapat malasin sa lalong malawak na konteksto kaugnay ng kongregasyon at ng kasiraang-puri na idudulot dito at sa pangalan ni Jehova. (Awit 101:3) Ang kapahamakan ay maiiwasan kung kukunin ang kaisipan ni Kristo sa bagay na iyan at pagkatapos ay kikilos nang naaayon doon. Tandaan, ang walang-imbot na tulad Kristong pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.—Kawikaan 6:32, 33; Mateo 22:37-40; 1 Corinto 13:5, 8.
17. Anong nakapagpapatibay na mga halimbawa ng katapatan mayroon tayo?
17 Ang isang susi na panlaban ay ang patibayin ang pananampalataya ng isa at ang pangitain tungkol sa pag-asa sa hinaharap. Ito’y nangangahulugan ng patuloy na pag-iingat sa puso ng litaw na mga halimbawa ng integridad na iniwan ng tapat na mga lalaki at babae noong una, at ni Jesus mismo. Sumulat si Pablo: “Kaya nga, yamang isang napakakapal na ulap ng mga saksi ang nakapalibot sa atin, iwaksi rin natin ang bawat pabigat at ang kasalanang madaling pumigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhang inilagay sa harapan natin, habang masidhing minamasdan natin ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya siya’y nagtiis sa pahirapang tulos, hinamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos. Oo, pag-isipan ninyong maingat yaong nagtiis ng gayong pag-alipusta ng mga makasalanan laban sa kanilang sariling kapakanan, upang huwag kayong manghimagod at manlupaypay sa inyong mga kaluluwa.” (Hebreo 12:1-3) Imbes na kusang palubugin ang barko ng pag-aasawa, ang taong pantas ay mag-iisip ng mga paraan ng pagkukumpuni sa anumang sira niyaon upang maisauli iyon sa dati, sa gayo’y iniiwasan ang silo ng pagtataksil at panlilinlang.—Job 24:15.
18. (a) Bakit ang pagtataksil ay hindi isang totoong matinding salita kung ang tinutukoy ay pangangalunya? (b) Ano ang pangmalas ng Diyos tungkol sa mga panata?
18 Ang pagtataksil ba, na paglililo, ay isang totoong matinding salita kung tungkol sa imoralidad? Ang paglililo ay pagkakanulo ng isang pagtitiwala o isang kompiyansa. Tunay na ang panata ng pag-aasawa ay may kahalong pagtitiwala at isang pangako na ibigin at mahalin, sa hirap man at sa ginhawa, sa ligaya at sa lumbay. Kasangkot dito ang isang bagay na itinuturing ng marami na lipas na sa panahong ating kinabubuhayan—isang palabra de honor na ipinapahayag sa panata ng pag-aasawa. Ang pagtataksil sa pagtitiwalang iyan ay pagkakasala ng isang anyo ng paglililo laban sa asawa ng isa. Ang pangmalas ng Diyos sa mga panata ay malinaw na sinasabi sa Bibliya: “Pagka ikaw ay namanata ng panata sa Diyos, huwag kang magpaliban nang pagtupad, sapagkat walang kaluguran sa mga mangmang. Tuparin mo ang iyong ipinanata.”—Eclesiastes 5:4.
19. Anong kagalakan ang kabaligtaran ng kagalakan ni Satanas pagka ang isang Saksi ay hindi nagpatuloy sa katapatan?
19 Huwag pag-alinlanganan iyan. Kung papaano may malaking kagalakan sa langit sa pagkaligtas ng isang makasalanan, gayundin na may malaking kagalakan sa lupa sa gitna ng mga alipores ni Satanas, nakikita at di-nakikita, pagka isa sa mga Saksi ni Jehova ay hindi nagpatuloy sa kaniyang katapatan.—Lucas 15:7; Apocalipsis 12:12.
Mga Tuksong Karaniwan sa Lahat
20. Papaano natin madaraig ang tukso? (2 Pedro 2:9, 10)
20 Ang imoralidad ba ay hindi maiiwasan sa ilang kaso? Ang laman ba at si Satanas ay napakalakas na anupat hindi madaraig ng mga Kristiyano at makapananatili sa kanilang katapatan? Si Pablo ay nagbigay ng pampatibay-loob sa mga salitang ito: “Tapat ang Diyos, at hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya, kundi kalakip ng tukso ay gagawin din naman niya ang paraan ng pag-ilag upang ito’y inyong matiis.” Sa kasalukuyang daigdig baka hindi natin lubusang maiwasan ang tukso, ngunit sa pamamagitan ng pagbaling sa Diyos sa panalangin, tunay na ating matitiis at mapaglalabanan ang anumang tukso.—1 Corinto 10:13.
21. Anong mga tanong ang sasagutin sa ating susunod na pag-aaral?
21 Ano ba ang iniaalok ng Diyos upang matulungan tayo na matiis ang mga tukso at pagtagumpayan iyon? Ano ba ang kailangan natin bilang mga indibiduwal upang maingatan ang ating pag-aasawa, ang ating pamilya, at gayundin ang mabuting pangalan ni Jehova at ng kongregasyon? Ang ating susunod na artikulo ang tatalakay sa mga tanong na iyan.
[Mga talababa]
a “‘Ang ‘pakikiapid’ sa malawak na diwa, at gaya ng pagkagamit sa Mateo 5:32 at 19:9, ay maliwanag na tumutukoy sa isang malawakang labag sa kautusan o bawal na pakikipagtalik sa hindi asawa. Ang porneia [na salitang Griegong ginamit sa mga tekstong iyon] ay tumutukoy sa lubhang mahalay na paggamit sa seksuwal na (mga) sangkap ng isa man lamang tao (sa likas man o di-likas na paraan); at, kailangang may isa pang panig sa pagsasagawa ng imoralidad—isang tao anuman ang kaniyang sekso, o isang hayop.” (Ang Bantayan, Setyembre 15, 1983, pahina 23) Pangangalunya: “Kusang seksuwal na pakikipagtalik sa pagitan ng isang taong may-asawa at isang kapareha na hindi kaniyang legal na asawa.”—The American Heritage Dictionary of the English Language.
b Maliwanag, may angkop na mga okasyon na ang isang kapatid na lalaki ay magmamagandang-loob na isakay ang isang sister, at ang gayong mga situwasyon ay hindi dapat bigyan ng maling pakahulugan.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ba ang ilan sa mga salik na tumutulong upang patibayin ang pag-aasawa?
◻ Bakit dapat nating tanggihan ang pangmalas ng sanlibutan sa moralidad?
◻ Ano ang ilang tukso at mga kalagayan na maaaring umakay tungo sa imoralidad?
◻ Ano ang pangunahing susi sa paglaban sa kasalanan?
◻ Papaano tayo tinutulungan ng Diyos sa mga oras ng tukso?
[Kahon sa pahina 14]
KARANIWANG MGA SALIK SA NANANATILING PAG-AASAWA
◻ Mahigpit na pagkapit sa mga simulain ng Bibliya
◻ Ang kapwa mag-asawa ay may matibay na kaugnayan kay Jehova
◻ Iginagalang ng lalaki ang kaniyang asawa, ang damdamin at opinyon nito
◻ Mabuting pakikipagtalastasan sa araw-araw
◻ Pagsikapang makalugod sa isa’t isa
◻ Marunong magpatawa; nagagawang pagtawanan ang sarili
◻ Malayang inaamin ang mga pagkukulang; malayang nagpapatawad
◻ Panatilihing matimyas ang pagmamahalan
◻ Magkaisa sa pagpapalaki at pagdidisiplina sa mga anak
◻ Regular na magsama-sama sa pananalangin kay Jehova
NEGATIBONG MGA SALIK NA SUMISIRA SA PAG-AASAWA
◻ Pag-iimbot at katigasan ng ulo
◻ Hindi magkasama sa paggawa ng mga bagay-bagay
◻ Hindi mabuting pakikipagtalastasan
◻ Kulang ng sapat na pagsasanggunian ang mga mag-asawa
◻ Hindi mahusay na pamamanihala ng pera
◻ Nagkakaibang mga pamantayan sa pakikitungo sa mga anak at/o mga anak ng pangalawang asawa
◻ Ang asawang lalaki ay nagtatrabaho hanggang sa lampas na sa oras o napapabayaan ang kaniyang pamilya dahil sa ibang mga gawain
◻ Hindi pag-aasikaso sa espirituwal na pangangailangan ng pamilya
[Larawan sa pahina 15]
Nagdudulot ng walang-hanggang kaligayahan ang pagsisikap na mapanatiling marangal ang pag-aasawa