Pakikinggan Mo ba ang Babala ng Diyos?
ANG mga tao ay malimit na nagwawalang-bahala sa nagliligtas-buhay na mga babala. Karamihan ng mga naninirahan sa Pompeii ay nagpasiya na ipagwalang-bahala ang nagngangalit na mga dagundong ng Bulkang Vesuvius. Gayundin sa ngayon, karamihan ng tao ay nagwawalang-bahala sa mga babala ng isang darating na pangglobong sakuna. Subalit sa mga taong handang harapin ang katotohanan, ang babala ay mistulang humahagibis na kidlat at apoy na nanggaling sa Bulkang Vesuvius noong unang siglo. Dalawang digmaang pandaigdig, daan-daang maliliit na digmaan, taggutom, malalakas na lindol, salot, sunud-sunod na daluyong ng krimen at karahasan, at isang pandaigdig na kampanya ng pangangaral ay sama-samang bumubuo ng isang madulang babala na sa lipunan ng sanlibutan ay mabilis na dumarating ang isang kapaha-pahamak na krisis.
Ganito ang nakababahalang ulat ng Bibliya: “Magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.” (Mateo 24:21) Tulad din ng nangyaring kapahamakan sa Pompeii, magkakaroon ng mga makaliligtas—“isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinuman, mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika,” ang makaliligtas, samakatuwid nga, “buhat sa malaking kapighatian.”—Apocalipsis 7:9, 14.
Ang tanong ay, Kailan darating ang pagkapuksang ito? May mahigpit na dahilang maniwala na napipinto na ang kapighatian. Maliwanag na upang malaman kung kailan magaganap ang mga pangyayaring ito, ang mga alagad ni Jesus ay nagtanong: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Pansinin ang isinagot ni Jesu-Kristo.
Digmaan—Isang Litaw na Bahagi ng Kabuuang Tanda
Hindi inihula ni Jesus ang isa lamang mahalagang pangyayari. Bagkus, siya’y tumukoy ng sunud-sunod na mga pangyayari na, bilang isang kabuuan, magsisilbing isang kinasihang babala—isang kabuuang tanda ng katapusan ng sistema ng mga bagay. Ang unang pangyayaring inihula ay inilalahad sa Mateo 24:7: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” Sa isang nahahawig na hula sa Apocalipsis 6:4, binanggit ng Bibliya na ‘aalisin sa lupa ang kapayapaan.’ Ito’y nangangahulugan ng digmaan na wala pang kaparis kung tungkol sa laki.
Sinasabi sa atin ng kasaysayan na ang hulang ito tungkol sa pandaigdig na digmaan ay natupad sapol ng di-malilimot na taon ng 1914. Ang aklat na American Adventures ay nagsasabi tungkol sa mga taon bago sumapit ang 1914: “Maraming Amerikano ang pumasok sa bagong siglo na puspos ng bagong pag-asa. Ang mga ito ang ‘kaaya-ayang mga taon’ at tumagal hanggang sa ikalawang dekada ng siglong iyon. . . . Pagkatapos, noong Hulyo 28, 1914, ang katayuang ito ay nayanig ng isang salita: digmaan.” Ganoon nagsimula ang Digmaang Pandaigdig I, na naganap mula 1914 hanggang 1918 at tinagurian ng ilan bilang ang “digmaan na tatapos sa lahat ng digmaan.” Dalawampu’t-walong bansa ang tuwirang napasangkot doon. At kung isasali mo ang mga lupaing nagsilbing kanilang mga nasasakupan, ang nagdidigmaang mga bansa ay kumakatawan sa halos 90 porsiyento ng populasyon ng daigdig noon.
Sa Digmaang Pandaigdig I ay nasaksihan ang paggamit ng bago at lubhang kakila-kilabot na mga kagamitan sa digmaan, tulad halimbawa ng machine gun, lasong gas, flamethrower, tangke, eroplano, at submarino. Halos sampung milyong sundalo ang nangasawi—mahigit pa sa lahat ng mga kawal sa lahat ng malalaking digmaan noong naunang 100 taon! Mga 21 milyon ang nasugatan. Oo, iyon ay isang pangglobong digmaan, palatandaan na ang 1914 ang pasimula ng “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Gayunman, ang digmaan ay isa lamang bahagi ng tanda na ibinigay ni Jesus.
Ang Iba Pang Bahagi ng Tanda
Isinusog ni Jesus: “Magkakaroon ng kakapusan sa pagkain at mga lindol sa sunud-sunod na mga lugar. Lahat ng mga bagay na ito ay pasimula ng bugso ng kahirapan.” (Mateo 24:7, 8) Sa talaang iyan ay isinususog ng Lucas 21:11 ang “mga salot.” Bago natapos ang Digmaang Pandaigdig I, ang salot na trangkaso Española ay nagsimulang lumaganap nang buong bilis sa lupa. Sa wakas, iyon ay pumatay ng mahigit na 20 milyong katao, higit kaysa lahat ng nasawi sa digmaan.
Sa panahon ng digmaan at pagkatapos, milyun-milyong iba pa ang namatay sa gutom. Napakarami rin ang nangasawi sa mga lindol. Noong 1915 mahigit na 30,000 ang namatay sa Italya; noong 1920 mga 200,000 ang nasawi sa Tsina; noong 1923 halos 143,000 ang namatay sa Hapón. Gayunman, gaya ng binanggit ni Jesus, lahat ng ito ay pasimula lamang ng mga bugso ng kahirapan. Ang katuturang ibinibigay ng isang diksiyunaryo sa “bugso” ay isang “sandaliang tumutusok na silakbo ng kahirapan.” Ang sanlibutang ito ay pasuray-suray sa pagitan ng sunud-sunod na bugso ng kahirapan na patuloy na tumitindi at dumadalas buhat noong 1914. Halimbawa, 21 taon lamang pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I ay dumating ang ikalawang digmaang pandaigdig, na pumatay ng 50 milyon at nagsimula sa sangkatauhan ang panahong nuklear.
Sa nakalipas na mga taon marami na ang nabanggit tungkol sa isa pang sanhi ng kahirapan: ang pagwasak ng tao sa kapaligiran. Bagaman hindi espesipikong binanggit ito ni Jesus sa kaniyang hula, ipinakikita ng Apocalipsis 11:18 na bago dumating ang kapuksaan, “ang lupa ay ipapahamak” ng tao. Napakarami ang ebidensiya na ang pagpapahamak na ito ay nagaganap. Sinipi sa aklat na State of the World 1988, ang kasangguni sa kapaligiran na si Norman Myers ay nagbibigay ng ganitong nakakakilabot na mensahe: “Walang salinlahi noong nakalipas ang nakaharap sa posibilidad ng lansakang pagkalipol sa panahon na nabubuhay pa ang lahing iyon. Walang salinlahi sa hinaharap ang mapapaharap sa isang nakakatulad na hamon: kung sakaling ang suliranin ay hindi magawang malutas ng kasalukuyang salinlahing ito, ang pinsala ay nagawa na at hindi na magkakaroon ng ‘ikalawang pagkakataon.’ ”
Pag-isipan ang ulat sa labas ng magasing Newsweek ng Pebrero 17, 1992, tungkol sa pagkaubos ng ozone sa atmospera. Sa Greenpeace, ang espesyalista sa ozone, na si Alexandra Allen, ay sinipi sa kaniyang pagbababala na ang pagkawala ng ozone “ngayon ay nagbabanta ng panganib sa kinabukasan ng lahat ng buhay sa lupa.”—Tingnan ang kahon sa pahinang ito para sa higit pang patotoo ng pagpapahamak sa kapaligiran ng lupa.
Hindi ipinahihintulot ng espasyo ang detalyadong pagtalakay sa lahat ng pitak ng hula ni Jesus. (Tingnan ang tsart sa pahina 5 para sa sumaryo ng iba pang makahulang mga tanda.) Ang isang tanda na hindi maaaring kaligtaan, gayumpaman, ay inilalahad sa Mateo 24:14: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Hindi mapag-aalinlanganan kung sino ang tumutupad ng pambuong-globong pangangaral na ito. Ang mga Saksi ni Jehova sa 229 bansa ay gumugol ng mahigit na isang bilyong oras sa gawaing ito sa taóng 1992 lamang. Ang kanilang gawain kung gayon ang isa sa pinakakapuna-punang patotoo na tayo’y nabubuhay sa mga huling araw.
Huwag Padaya!
Gayunman, ang ilan ay mangangatuwiran na lahat ng usap-usapang ito tungkol sa “mga huling araw” ay negatibong kaisipan lamang. ‘Ano ang masasabi sa kamakailang pagbagsak ng Komunismo sa Silangang Europa?’ ang tanong nila, ‘o ang mga pagsisikap ng mga superpower na makapagtatag ng kapayapaan? Hindi ba ito ebidensiya na ang mga bagay ay bumubuti?’ Hindi. Pansinin na hindi sinabi ni Jesus na ang buong sanlibutan ay patuloy na makararanas ng digmaan, lindol, at taggutom sa mga huling araw. Upang ang mabuting balita ay maipangaral sa buong daigdig, kailangan na may ilang panahon ng kaunting kapayapaan.
Alalahanin din na ang mga huling araw ay inihambing ni Jesus sa mga araw noong bago maganap ang Baha nang kaarawan ni Noe. Noon ang mga tao ay abalang-abala sa pagkain, pag-inom, at pag-aasawa—ang normal na mga gawain ng buhay. (Mateo 24:37-39) Ito’y magpapakita na samantalang ang mga kalagayan sa mga huling araw ay magiging napakahirap, ang mga bagay ay hindi naman mauuwi sa punto na kung saan ang normal na takbo ng pamumuhay ay hindi na maaaring magpatuloy. Tulad noong kaarawan ni Noe, ang karamihan ng mga tao ay totoong abala sa araw-araw na pamumuhay kung kaya hindi nila pinapansin ang kaselangan ng panahon.
Samakatuwid, mapanganib na magwalang-bahala dahilan sa waring bumubuti naman ang makapulitikang mga kalagayan. (Ihambing ang 1 Tesalonica 5:3.) Labis-labis ang patotoo na ang hula ni Jesus ay natutupad ngayon—isang babala na malapit na ang pagkapuksa!
Ang Maluwalhating Panahon Pagkatapos
Ang pagkawasak ng Pompeii ay nagdulot ng kamatayan at sukdulang kahirapan. Gayunman, ang wakas ng kasalukuyang sistemang ito ay magbibigay-daan para sa buhay na walang hanggan sa isang magandang lupang paraiso. (Apocalipsis 21:3, 4) Ang lupa ay hindi na sasalantain ng mga digmaan na likha ng baha-bahaging mga pamahalaan ng tao. Hindi na mangingilabot ang mga tao sa banta ng isang nuklear na pagkatupok. Wala na ang mga pagawaan na nagbubuga ng nakalalasong mga kemikal sa kapaligiran.—Daniel 2:44.
Sa panahong iyan bawat taong nabubuhay ay magiging mangingibig ng katuwiran at isang tunay na kaibigan, lubos na masunurin sa pamamahala ng Kaharian. (Awit 37:10, 11) Ang mga ospital, mga punerarya, at sementeryo ay wala na. Ang diborsiyo, paghihiwalay, panlulumo, at pang-aabuso sa mga bata ay mawawala na rin.—Isaias 25:8; 65:17.
Nais mo bang makatawid sa mga huling araw at mabuhay upang makita ang maluwalhating bagong sanlibutan ng Diyos? Kung gayon ay “manatiling gising, sapagkat hindi mo nalalaman kung kailan ang itinakdang panahon.” (Marcos 13:33) Gayunman, ipinakikita ng mga pangyayari sa daigdig na ang itinakdang panahon ay malapit na—malapit na para sa marami. Walang panahon na dapat aksayahin. Kaya gumawa ng nagliligtas-buhay na pagkilos, at hanapin ang mga nagbibigay-pansin sa pambuong-globong tanda ng mga huling araw. Ang mga ito ay madaling makilala, sapagkat sila lamang ang sumusunod sa utos ni Jesus na ipangaral sa buong daigdig ang mabuting balita ng Kaharian. Kasama nila, sana ay kumuha ka ng mga hakbang upang mapasa-panig ka ng Hari, si Kristo Jesus, na siyang tinutukoy nang sabihin: “Sa kaniyang pangalan aasa ang mga bansa.”—Mateo 12:18, 21.
[Kahon sa pahina 5]
Dalawampu’t-Apat na Bahagi ng Tanda
1. Wala pang nakakatulad na digmaan—Mateo 24:6,7;Apocalipsis 6:4
2. Lindol—Mateo 24:7; Marcos 13:8
3. Kakapusan sa pagkain—Mateo 24:7; Marcos 13:8
4. Salot—Lucas 21:11; Apocalipsis 6:8
5. Lumalalang katampalasanan—Mateo 24:12
6. Pagpapahamak sa lupa—Apocalipsis 11:18
7. Lumalamig ang pag-ibig—Mateo 24:12
8. Kakila-kilabot na mga tanda—Lucas 21:11
9. Labis na pag-ibig sa salapi—2 Timoteo 3:2
10. Masuwayin sa mga magulang—2 Timoteo 3:2
11. Maibigin sa kalayawan kaysa sa Diyos—2 Timoteo 3:4
12. Pag-ibig sa sarili ang nangingibabaw—2 Timoteo 3:2
13. Marami ang walang likas na pagmamahal—2 Timoteo 3:3
14. Ang mga tao ay hindi tapat sa anumang pinagkasunduan—2 Timoteo 3:3
15. Walang pagpipigil sa sarili sa lahat ng antas ng lipunan—2 Timoteo 3:3
16. Malaganap na kawalang pag-ibig sa kabutihan—2 Timoteo 3:3
17. Marami ang paimbabaw na nag-aangking Kristiyano—2 Timoteo 3:5
18. Marami ang nagmamalabis sa pagkain at pag-inom—Lucas 21:34
19. Ang tanda ay tinatanggihan ng mga manlilibak—2 Pedro 3:3, 4
20. Aktibo ang maraming bulaang propeta—Mateo 24:5,11; Marcos 13:6
21. Pangangaral ng mabuting balita ng natatag nang
Kaharian—Mateo 24:14; Marcos 13:10
22. Pag-uusig sa mga tunay na Kristiyano—Mateo 24:9; Lucas 21:12
23. Ang pagsigaw ng kapayapaan at katiwasayan ang sukdulan
ng mga huling araw—1 Tesalonica 5:3
24. Hindi pinapansin ng mga tao ang panganib—Mateo 24:39
[Kahon sa pahina 6]
Mga Suliranin sa Kapaligiran—Isang Tanda ng Panahon
◻ Ang sumasanggang ozone na nagsisilbing proteksiyon sa mataong mga bahagi ng Hilagang Hemispiro ay numinipis na doble ang bilis ayon sa inakala ng mga siyentipiko makalipas lamang ang ilang taon.
◻ Sa pinakamaliit ay 140 uri ng halaman at hayop ang nalilipol bawat araw.
◻ Ang konsentrasyon sa atmospera ng kumukulong-sa-init na carbon dioxide ay 26 porsiyento ang higit na kataasan ngayon kaysa konsentrasyon nito noong hindi pa malaganap ang pag-unlad ng industriya, at patuloy na tumataas iyon.
◻ Ang ibabaw ng lupa ay mas mainit noong 1990 kaysa anumang taon na iniulat sapol nang magsimula ang pag-uulat noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo; anim sa pitong pinakamaiinit na taon ang napaulat sapol noong 1980.
◻ Ang mga gubat ay naglalaho sa bilis na 17 milyong ektarya bawat taon, mga kalahati ng laki ng Pinlandiya.
◻ Ang populasyon ng daigdig ay nararagdagan ng 92 milyong katao taun-taon—humigit kumulang katumbas ng pagkaragdag ng isa pang dami ng mga tao na sindami ng populasyon ng Mexico taun-taon; sa kabuuang ito, 88 milyon ang napaparagdag sa umuunlad na mga bansa.
◻ Mga 1.2 bilyong katao ang walang tubig na ligtas inumin.
Sang-ayon sa aklat na State of the World 1992, ng Worldwatch Institute, pahina 3, 4, W. W. Norton & Company, New York, London.
[Larawan sa pahina 7]
Pagkatapos ng pagkapuksa ay darating ang maluwalhating bagong sanlibutan ng Diyos