Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 4/15 p. 25-28
  • Ang Paggamit at Maling Paggamit ng mga Larawang Relihiyoso

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Paggamit at Maling Paggamit ng mga Larawang Relihiyoso
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Sinasabi ng Bibliya?
  • Bilang Palamuting mga Pantulong sa Pagtuturo
  • Papaano Ipinagmatuwid Ito ng mga Lider ng Iglesya?
  • Dapat Bang Gumamit ng mga Larawan sa Pagsamba?
    Gumising!—2005
  • Sambahin ang Diyos “sa Espiritu”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Mga Relihiyosong Imahen—Ang Sinaunang Pinagmulan ng mga Ito
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ang Pagkakilala ng mga Kristiyano sa mga Imahen
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 4/15 p. 25-28

Ang Paggamit at Maling Paggamit ng mga Larawang Relihiyoso

ANG eksena ay sa St. Petersburg, Russia. Ang petsa ay Agosto 2, 1914. Masasayang tao na nagwawagayway ng mga imahen ang nagtipon sa palasyo ng czar. Nagtayo ng isang dambana sa gitna ng isang malaking bulwagan. Isang ipinintang larawan ng isang babaing may kalong na sanggol ang nakapatong sa dambana. Ang imaheng ito ay tinatawag na ang “Vladimir na Ina ng Diyos.” Kinikilala ng karamihan doon na ito ang pinakabanal na kayamanan sa Russia.

Sa katunayan, ang imahen ay pinaniniwalaan na naghihimala. Noong 1812, nang ang mga hukbong Ruso ay sumalakay kay Napoléon, si Heneral Kutuzov ay nagdasal sa harap nito. Ngayon, pagkatapos isangkot sa digmaan ang kaniyang bansa, si Czar Nicholas II ay nakatayo sa harap nito. Samantalang nakataas ang kaniyang kanang kamay, siya’y nanunumpa: “Ako’y taimtim na nanunumpa na ako’y hindi kailanman makikipagpayapaan habang may natitirang isang kaaway na nasa lupaing Ruso.”

Makalipas ang dalawang linggo ang czar ay gumawa ng isang relihiyosong paglalakbay sa Moscow upang hilingin sa Diyos na basbasan ang kaniyang mga tropa. Sa Cathedral de Asuncion, siya’y lumuhod at nagdasal sa harap ng malaking nagagayakan ng mga alahas na dingding​—isang screen na may ipinintang mga larawan ni Jesus, Maria, mga anghel, at “mga santo.”

Ang gawaing ito ng mga relihiyoso ay walang nagawa upang mahadlangan ang kapahamakan. Sa wala pang apat na taon, ang mga hukbong Ruso ay nalagasan ng mahigit na anim na milyon at nawalan ng malaking teritoryo. Higit pa rito, ang czar, ang kaniyang emperatris, at ang kanilang limang anak ay marahas na pinatay. Kahalili ng daan-daang taon na monarkiya, ang bansa ay sinimulang pamahalaan ng isang rebolusyonaryong gobyerno na salungat sa relihiyon. Ang pagtitiwala ni Czar Nicholas sa mga imahen ay napatunayang walang kabuluhan.

Subalit, hanggang sa araw na ito sa Russia at sa iba pang lupain, milyun-milyon ang patuloy na sumasamba sa mga imahen. Ito’y nagbabangon ng mahalagang mga katanungan. Papaano ba minamalas ng Diyos ang pagsamba na ginagawa sa harap ng gayong mga larawan? At kumusta naman ang kaugalian ng pagsasabit ng mga iyon sa mga dingding ng mga tahanan?

Ano ba ang Sinasabi ng Bibliya?

Nang narito si Jesus sa lupa, kaniyang sinunod ang Kautusan ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Kasali na rito ang ikalawa sa tinatawag na Sampung Utos, na nagsasabi: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anumang anyong nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran sila o mahihikayat ka mang maglingkod sa kanila, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay isang Diyos na humihingi ng bukod-tanging debosyon.”​—Exodo 20:4, 5.

Kaya naman, si Jesus ay hindi sumamba sa Diyos sa tulong ng mga larawan o mga estatwa na gawa ng mga kamay ng tao. Bagkus, ang kaniyang pagsamba ay kasuwato ng sinabi ng kaniyang Ama: “Ako ay si Jehova. Iyan ang aking pangalan; at hindi ko ibibigay sa kaninuman ang aking sariling kaluwalhatian, ni ang aking kapurihan man sa mga larawang inanyuan.”​—Isaias 42:8.

Bukod dito, ipinaliwanag ni Jesus kung bakit ang Diyos ay dapat sambahin na wala ang tulong ng materyal na mga bagay. “Dumarating ang oras,” aniya, “na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat talaga ngang ang mga gayon ang hinahanap ng Ama na sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay isang Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay kinakailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.”​—Juan 4:23, 24.

Tulad ni Jesus, ang kaniyang tunay na mga alagad ay nagturo sa iba ng tamang paraan ng pagsamba. Halimbawa, si apostol Pablo minsan ay nagpahayag sa isang pulutong ng mga pilosopong Griego na gumagamit ng mga idolo sa pagsamba sa kanilang di-nakikitang mga diyos. Kaniyang inihayag sa kanila ang tungkol sa Maylikha ng tao at sinabi: “Hindi marapat na isipin natin na ang Banal na Diyos ay katulad ng ginto o pilak o bato, tulad ng isang bagay na nilikha ng sining at pakana ng tao.” Pagkatapos, ang apostol ding iyan ay nagpaliwanag na ang mga Kristiyano “ay nagsisilakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin” at na ang mga Kristiyano ay kailangang “tumakas buhat sa pagsamba sa mga diyus-diyosan.”​—Gawa 17:16-31; 2 Corinto 5:7; 1 Corinto 10:14.

Ang isang karanasan sa buhay ng apostol Pedro ay nagpapakita na siya’y mabilis sa pagtutuwid ng anumang kilos na maaaring humantong sa idolatriya. Nang ang puno ng hukbong Romano na si Cornelio ay nagpatirapa sa kaniyang paanan, tumutol si Pedro. Kaniyang itinindig si Cornelio, at ang sabi: “Tumindig ka; ako ay isa ring tao.”​—Gawa 10:26.

Kung tugkol kay apostol Juan, siya’y lubhang nasindak sa pagkakita niya ng kinasihang mga pangitain kung kaya siya’y nagpatirapa sa paanan ng isang anghel. “Mag-ingat ka!” ang payo ng anghel. “Huwag mong gawin iyan! Ako ay isa lamang kapuwa mo alipin at pati ng iyong mga kapatid na propeta at ng mga tumutupad ng mga salita ng balumbon na ito. Sumamba ka sa Diyos.” (Apocalipsis 22:8, 9) Ang payo na ito ay pinahalagahan ng apostol. Taglay ang pag-ibig, kaniyang isinulat ang tungkol sa pangyayaring iyan ukol sa ating kapakinabangan.

Subalit papaano ang binanggit na mga karanasan ay may kaugnayan sa paggamit ng mga larawang relihiyoso? Buweno, kung mali para kay Cornelio na magpatirapa sa isa sa mga apostol ni Kristo, kumusta naman ang pagsamba sa walang buhay na mga larawan ng “mga santo”? At kung masama para sa isa sa mga apostol ni Kristo na magpatirapa sa harap ng isang buháy na anghel, kumusta naman ang pagsamba sa walang-buhay na mga larawan ng mga anghel? Tiyak, ang gayong mga gawa ay labag sa payo ni Juan: “Mumunting mga anak, mag-ingat kayo sa mga diyus-diyosan.”​—1 Juan 5:21.

Bilang Palamuting mga Pantulong sa Pagtuturo

Ito’y hindi nangangahulugan na kahit ang pag-aari ng isang larawan ng isang tanawin sa Bibliya ay isang gawaing idolatriya. Ang magasing ito ay gumagamit ng mga larawan ng mga pangyayari sa Bibliya bilang mga pantulong sa pagtuturo. Gayundin, ang mga larawan ng mga pangyayari sa Bibliya ay magagamit na palamuti sa dingding ng mga bahay at mga gusali. Gayunman, ang isang tunay na Kristiyano ay hindi magnanais na ipakita ang isang larawan na kinikilalang pinararangalan ang iba, ni magsasabit man siya sa kaniyang dingding ng isang larawan na nagbibigay ng maling impormasyon tungkol sa Bibliya.​—Roma 14:13.

Karamihan ng mga imahen sa Sangkakristiyanuhan ay may pabilog na liwanag sa palibot ng ulo ni Jesus, ni Maria, ng mga anghel, at ng “mga santo.” Ito ay tinatawag na halo. Saan ba nagmula ang halo? “Ang pinagmulan nito ay hindi Kristiyano,” inaamin ng The Catholic Encyclopedia (edisyon ng 1987), “sapagkat ito ay ginamit ng paganong mga pintor at iskultor upang kumatawan sa simbolo ng dakilang karangalan at kapangyarihan ng iba’t ibang diyos.” Gayundin, ang aklat na The Christians, ni Bamber Gascoigne, ay may isang larawan na kinuha sa Capitoline Museum sa Roma ng isang diyos ng araw na may halo. Ang diyos na ito ay sinamba ng paganong mga Romano. Nang bandang huli, ang paliwanag ni Gascoigne, “ang halo ng araw” ay “hiniram ng Kristiyanismo.” Oo, ang halo ay may kaugnayan sa paganong pagsamba sa araw.

Ang mga larawan ba na pinaghahalo ang mga pangyayari sa Bibliya at ang mga simbolo ng makapaganong pagsamba sa idolo ay angkop na ibitin sa dingding ng isang tahanang Kristiyano? Hindi. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos at ang mga diyus-diyosan? . . . ‘ “Kaya nga, magsialis kayo sa kanila, at kayo’y magsihiwalay,” sabi ni Jehova, “at huwag nang magsihipo ng mga bagay na marurumi”; “at kayo’y aking tatanggapin.” ’ ”​—2 Corinto 6:16, 17.

Sa paglakad ng panahon, ang gayong payo ay ipinagwalang-bahala ng nag-aangking mga Kristiyano. Bumangon ang apostasya, gaya ng inihula ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. (Mateo 24:24; Gawa 20:29, 30; 2 Pedro 2:1) Maaga noong ikaapat na siglo C.E., ang apostatang pagka-Kristiyano ang ginawa ng Romanong emperador Constantino na relihiyon ng Estado. Ngayon dumagsa ang mga paganong nagsimulang magsabing sila’y “mga Kristiyano.” Ang karaniwang kinaugalian nila ay ang pagsamba sa mga imahen ng emperador. Sila’y nagsabit din ng mga larawan ng kanilang mga ninuno at iba pang tanyag na mga tao. “Naaayon sa kulto ng emperador,” ang paliwanag ni John Taylor sa kaniyang aklat na Icon Painting, “ang mga tao ay sumasamba sa kaniyang larawan na nakapinta sa lona at kahoy, at mula rito ay isang munting hakbang na lamang hanggang sa pagpaparangal sa mga imahen.” Sa gayon, ang paganong pagsamba sa mga larawan ay hinalinhan ng pagpaparangal sa mga larawan ni Jesus, Maria, mga anghel, at “mga santo.”

Papaano Ipinagmatuwid Ito ng mga Lider ng Iglesya?

Sang-ayon sa The Encyclopedia of Religion, ginamit ng mga lider ng iglesya ang parehong paulit-ulit na mga argumento gaya ng mga pilosopong pagano. Mga taong tulad ni Plutarch, Dio Chrysostom, Maxim ng Tiro, Celsus, Porphyry, at Julian ang umamin na ang mga idolo ay walang buhay. Subalit ang mga paganong ito ay nagmatuwid sa paggamit ng mga idolo sa pamamagitan ng pangangatuwiran na ang mga ito ay mga tulong sa pagsamba sa kanilang di-nakikitang mga diyos. Ang Rusong ikonograpo na si Leonid Ouspensky sa aklat na The Meaning of Icons ay umaamin: “Ang mga Ama ng Iglesya ay gumamit ng pilosopiyang Griego bilang instrumento, na ang pagkaunawa rito at ang wika ay ibinagay sa teolohiyang Kristiyano.”​—Ihambing ang Colosas 2:8.

Marami ang nahihirapang umunawa sa pagmamatuwid ng mga teologo tungkol sa pagpaparangal sa mga imahen. “Ang pagkakaiba sa pagitan ng pagsamba sa isang imahen tungkol sa kung ano ang kinakatawan nito, o pagsamba rito sa ganang sarili . . . ay napakaliit upang ang makaunawa lamang ay ang mataas ang pinag-aralan,” ang sabi ni John Taylor sa Icon Painting.

Sa isa pang punto de vista, ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga imaheng relihiyoso ay madaling unawain. Nariyan si Emilia, na naninirahan sa Johannesburg, Timog Aprika. Siya ay isang saradong Katoliko at lumuluhod at nagdarasal sa harap ng mga larawan. Nang magkagayon, isa sa mga Saksi ni Jehova ang kumatok sa kaniyang pinto. Ganiyan na lamang ang kaniyang katuwaan nang makita sa Bibliyang Portuges na ang Diyos ay may pangalan, na Jehova. (Awit 83:18, Almeida) Sa kaniyang mga pag-aaral ng Bibliya, siya’y nagtanong: “Ano ang kailangan kong gawin upang maiwasan and di-pagkalugod sa akin ni Jehova?” Itinuro ng Saksi ang mga larawang nakabitin sa kaniyang dingding at hiniling sa kaniya na basahin ang Awit 115:4-8. Nang gabing iyon nang umuwi ang asawa ni Emilia, kaniyang sinabi rito na ibig niyang alisin na ang mga larawang relihiyoso. Ito ay sumang-ayon. Kinabukasan, sinabi niya sa kaniyang dalawang anak na lalaki, sina Tony at Manuel, na pagpunit-punitin ang mga larawan at sunugin. Sa ngayon, mga 25 taon ang nakalipas, ito ba’y pinanghihinayangan ni Emilia? Hindi. Sa katunayan, kasama ng kaniyang pamilya, natulungan niya ang marami sa kaniyang mga kalapit-bahay na maging maliligayang sumasamba kay Jehova.

Nahahawig na mga karanasan ang maraming beses nang inulit-ulit. Bilang resulta ng pandaigdig na gawaing paggawa ng mga alagad ng mga Saksi ni Jehova, angaw-angaw ang natututong sumamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan.” Ikaw man ay makararanas ng mga pagpapala buhat sa mataas na uring ito ng pagsamba sapagkat, gaya ng sinabi ni Jesus, “ang mga gayon ang hinahanap ng Ama na sumamba sa kaniya.”​—Juan 4:23, 24.

[Larawan sa pahina 26]

Binabasbasan ni Czar Nicholas II ang kaniyang mga tropa sa pamamagitan ng isang imahen

[Credit Line]

Photo by C.N.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share