Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 6/1 p. 3-4
  • Gaano Katotoo ang Kasaysayan sa Bibliya?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gaano Katotoo ang Kasaysayan sa Bibliya?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Katunayan ng Pagiging Totoo
  • Ang Paglalakbay ni Lucas Sakay ng Barko
  • Iconio
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Listra
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • “Lakas-Loob na Nagsalita Dahil sa Awtoridad na Ibinigay ni Jehova”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
  • Derbe
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 6/1 p. 3-4

Gaano Katotoo ang Kasaysayan sa Bibliya?

AKO’Y nagsasabi ng katotohanan, ako’y hindi nagsisinungaling,” sabi ng isang manunulat ng Bibliya sa kaniyang kabataang kaibigan. (1 Timoteo 2:7) Ang mga pananalitang katulad niyan sa mga liham ni Pablo ay naghaharap ng isang hamon sa mga kritiko ng Bibliya.a Mahigit na 1,900 taon na ang lumipas magbuhat nang isulat ang mga liham ni Pablo. Pagkalipas ng lahat ng panahong iyan, walang isa man na nagharap at matagumpay na nagpatunay ng kahit isang di-totoo sa kaniyang mga liham.

Ang manunulat ng Bibliya na si Lucas ay nagpahayag din ng pagkabahala sa pagkatotoo nito. Siya ay sumulat ng salaysay ng buhay at ministeryo ni Jesus na sinundan ng kaniyang pagsasalaysay na pinanganlang Mga Gawa ng mga Apostol. “Siniyasat ko nang may katotohanan ang lahat ng bagay sapol sa pasimula,” isinulat ni Lucas.​—Lucas 1:3.

Mga Katunayan ng Pagiging Totoo

Ang mga kritiko ng Bibliya nang may pasimula ng ika-19 na siglo ang humamon kay Lucas sa pagiging totoo ng kaniyang isinalaysay. Isa pa, kanilang sinabi na ang kasaysayan sa Mga Gawa ay inimbento noong kalagitnaan ng ikalawang siglo C.E. Ang Britanong arkeologo na si Sir William Mitchell Ramsay ay isa sa naniwala rito. Subalit pagkatapos siyasatin ang mga pangalan at mga lugar na binanggit ni Lucas, siya’y nagtapat: “Ako’y unti-unting nahikayat na sa iba’t ibang detalye ang pagsasalaysay ay makikitaan ng kahanga-hangang katotohanan.”

Nang isulat ni Ramsay ang binanggit sa itaas, isang isyu tungkol sa pagiging totoo ng isinalaysay ni Lucas ay hindi pa rin nalulutas. Iyon ay may kinalaman sa magkakaugnay na mga lunsod ng Iconio, Listra, at Derbe. Ipinahiwatig ni Lucas na ang Iconio ay iba sa Listra at sa Derbe, binanggit itong huli na “mga lunsod ng Licaonia.” (Gawa 14:6) Subalit, gaya ng ipinakikita ng kasamang mapa, ang Listra ay mas malapit sa Iconio kaysa Derbe. Ang ilang sinaunang mananalaysay ay tumukoy sa Iconio bilang bahagi ng Licaonia; kaya, hinamon ng mga kritiko si Lucas sa hindi paggawa rin ng gayon.

Pagkatapos, noong 1910, si Ramsay ay nakatuklas ng isang monumento sa mga kaguhuan ng Iconio na nagpapakitang ang wika ng lunsod na iyon ay Phrygian at hindi Lycaonian. “Marami sa iba pang mga sulat na galing sa Iconio at sa kapaligiran nito ang nagpapatunay na kung sa lahi ang lunsod ay matatawag na Phrygian,” sabi ni Dr. Merrill Unger sa kaniyang aklat na Archaeology and the New Testament. Oo, ang Iconio noong kaarawan ni Pablo ay Phrygian sa kultura at iba sa “mga lunsod ng Licaonia,” na kung saan ang mga tao ay gumagamit ng “wikang Lycaonian.”​—Gawa 14:6, 11.

Ang mga kritiko ng Bibliya ay nag-uusisa rin tungkol sa paggamit ni Lucas ng salitang “politarchs” para sa mga pinuno ng lunsod ng Tesalonica. (Gawa 17:6, talababa) Ang salitang ito ay hindi kilala sa literaturang Griego. Nang magkagayo’y isang arko ang natagpuan sa sinaunang lunsod na may mga pangalan ng mga pinuno ng lunsod na tinutukoy na mga “politarchs”​—ang eksaktong salitang ginamit ni Lucas. “Ang pagiging totoo ng salaysay ni Lucas ay naipagbangong-puri sa pamamagitan ng paggamit sa termino,” ang paliwanag ni W. E. Vine sa kaniyang Expository Dictionary of Old and New Testament Words.

Ang Paglalakbay ni Lucas Sakay ng Barko

Sinuri ng mga eksperto sa dagat ang mga detalye ng paglubog ng barko na isinalaysay sa Mga Gawa kabanata 27. Sang-ayon kay Lucas, ang malaking barko na sinakyan nila ni Pablo ay inabutan ng isang bagyong galing sa hilagang silangan malapit sa munting isla ng Cauda, at ang mga magdaragat ay nangangamba na sila’y ipadpad sa mapanganib na mga bunton ng buhangin sa hilagang baybayin ng Aprika. (Gawa 27:14, 17, talababa) Bilang dalubhasang mga magdaragat, kanilang nailayo ang barko sa Aprika tungo sa gawing kanluran. Ang unos ay nagpatuloy na walang paghupa, at sa wakas ang barko ay napadpad sa isla ng Malta, pagkatapos maglakbay ng layong 870 kilometro. Tinataya ng mga eksperto sa dagat na ang isang malaking barkong naglalayag sa gitna ng isang malakas na unos ay gugugol ng mahigit na 13 araw upang makapaglayag ng ganiyang kalayo. Ang kanilang kalkulasyon ay kasuwato naman ng salaysay ni Lucas, na nagsasabing ang paglubog ng barko ay nangyari noong ika-14 na araw. (Gawa 27:27, 33, 39, 41) Pagkatapos suriin ang lahat ng detalye ng paglalakbay ni Lucas sa dagat, ang may-ari ng yate na si James Smith ay nagsabi: “Ito ay isang salaysay ng tunay ng mga pangyayari, isinulat ng isang personal na nakasaksi . . . Walang taong hindi isang magdaragat ang makasusulat ng isang kasaysayan ng isang paglalakbay sa dagat na tugmang-tugma ang lahat ng bahagi nito, kung hindi niya nasaksihan.”

Dahilan sa ganiyang mga natuklasan, ang ilang teologo ay handang ipagtanggol ang Kasulatang Griegong Kristiyano bilang tunay na kasaysayan. Subalit kumusta naman ang mas maagang kasaysayan na nasa Kasulatang Hebreo? Maraming klerigo ang napadadala sa modernong pilosopiya at nagsasabing iyon ay naglalaman ng mga alamat. Gayunman, maraming detalye ng sinaunang kasaysayan sa Bibliya ang napatunayan din, sa pagkapahiya ng mga kritiko. Halimbawa, isaalang-alang ang pagkatuklas sa minsan ay nakalimutan nang Kaharian ng Asiria.

[Talababa]

a Tingnan din ang Roma 9:1; 2 Corinto 11:31; Galacia 1:20.

[Mapa sa pahina 3]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PHRYGIA

LYCAONIA

Iconium

Lystra

Derbe

MEDITERRANEAN SEA

CYPRUS

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share