Hindi ba Maiiwasan ang mga Digmaan?
ANG digmaan ay isang nakapanlulumong bahagi ng mga balita. Yaong mga ulat ng kalupitan ay tiyak na nakabalisa sa iyo. Subalit marahil dahil sa mga ito ay nagtataka ka kung bakit ang mga di-pagkakasundo ay kailangang lunasan sa pamamagitan ng paggamit ng mga armas. Ang mga tao ba ay hindi na matututong mamuhay sa kapayapaan?
Ang isang lunas para sa salot ng digmaan ay waring higit na mahirap hanapin kaysa isang panlunas para sa AIDS. Noong ika-20 siglo, buong mga bansa ang kinalap para sa digmaan, angaw-angaw na lalaki ang ipinadala sa labanan, at daan-daang lunsod ang nangawasak. Waring wala nang katapusan ang pagpapatayan. Ang isang maunlad na kalakalan ng mga armas ay nagbibigay ng katiyakan na ang mga hukbo ng daigdig—at mga gerilya—ay magpapatuloy na maging nakalalagim at mabisa.
Samantalang nagiging lalong kakila-kilabot ang mga armas ng digmaan, lubhang tumataas ang bilang ng mga nasasawi. Mahigit sa kalahati ng 65 milyong sundalo na lumaban sa Digmaang Pandaigdig I ang nangasawi o nangasugatan. Makalipas ang mga 30 taon, dalawa lamang bomba atomika ang pumatay sa mahigit na 150,000 sibilyang Hapones. Buhat noong Digmaang Pandaigdig II, ang mga labanan ay nagaganap sa maliliit na lugar. Gayunpaman, ang mga iyan ay lubhang nakamamatay, lalo na para sa mga sibilyan, na ngayon ay bumubuo ng 80 porsiyento ng mga nasasawi.
Balintuna, ang lansakang pagpapatayang ito ay naganap sa panahon na may walang katulad na pagsisikap na ipagbawal ang digmaan bilang isang paraan ng paglutas sa mga di-pagkakaunawaan ng mga bansa. Sa pagwawakas kamakailan ng Malamig na Digmaan, marami ang umaasa na magkakaroon na ng isang bago, mapayapang sanlibutang kaayusan. Gayunman, nananatili pa ring mahirap makamtan ang pangglobong kapayapaan. Bakit?
Isang Biyolohikong Pangangailangan?
Sinasabi ng ilang historyador at mga antropologo na ang mga digmaan ay hindi maiiwasan—kinakailangan pa nga—dahil lamang sa ang mga iyan ay bahagi ng isang pasulong na pagpupunyagi upang mabuhay. Palibhasa’y naimpluwensiyahan ng ganiyang kaisipan, ang analista ng hukbo na si Friedrich von Bernhardi ay nangatuwiran noong 1914 na ang digmaan ay ipinaglalaban “sa kapakanan ng biyolohiko, panlipunan at moral na kaunlaran.” Ang teoriya ay na isang paraan daw ang digmaan ng pag-aalis ng mahihinang indibiduwal o mga bansa, samantalang itinitira ang pinakamatibay.
Ang gayong pangangatuwiran ay mahirap na magbigay ng kaaliwan sa angaw-angaw na biyuda at mga ulila ng digmaan. Bukod sa pagiging kasuklam-suklam sa moral, kinaliligtaan ng kaisipang ito ang mararahas na katunayan ng modernong digmaan. Ang machine gun ay hindi gumagalang sa matitibay, at nililipol ng bomba ang malalakas kasama ang mahihina.
Palibhasa’y ipinagwawalang-bahala ang mahalagang mga aral buhat sa unang digmaang pandaigdig, pinangarap ni Adolf Hitler ang pagbuo ng isang dakilang lahi sa pamamagitan ng pananakop ng hukbo. Sa kaniyang aklat na Mein Kampf, siya’y sumulat: “Ang sangkatauhan ay naging dakila sa walang-hanggang pagpupunyagi, at tanging sa walang-hanggang kapayapaan iyon mapaparam. . . . Ang mas malalakas ang kailangang mangibabaw at hindi makasama ng mas mahihina.” Sa halip na paunlarin ang sangkatauhan, isinakripisyo ni Hitler ang angaw-angaw na buhay at winasak ang isang buong kontinente.
Gayunman, kung ang digmaan ay hindi isang biyolohikong pangangailangan, ano ang nagbubunsod sa sangkatauhan tungo sa sariling pagpapatiwakal? Anong mga puwersa ang nagtutulak sa mga bansa sa ganitong “kalakalan ng mga barbaro”?a Kasunod nito ang listahan ng ilang dahilan na humahadlang sa pinakamagagaling na pagsisikap ng mga tagapagtatag ng kapayapaan.
Mga Sanhi ng Digmaan
Nasyonalismo. Malimit na ipinananawagan ng mga pulitiko at ng mga heneral, ang nasyonalismo ay isa sa pinakamakapangyarihang mga puwersa sa pagtataguyod ng digmaan. Maraming digmaan ang inilunsad upang maipagsanggalang ang “pambansang mga kapakanan” o maipagtanggol ang “karangalan ng bansa.” Pagka umiiral ang kaisipan na ang aking bansa tama man o mali, kahit na ang tahasang pagsalakay ay aariing matuwid bilang isang kilos na hahadlang sa mga armas ng iyong kaaway bago nila magamit iyon laban sa iyo.
Pagkakapootan ng mga lahi. Maraming digmaan ang nagsisimula sa isang rehiyon at pagkatapos ay ginatungan ng malaon nang pagkakapootan sa pagitan ng mga lahi o mga tribo. Ang kalunus-lunos na mga giyera sibil sa dating Yugoslavia, sa Liberia, at sa Somalia ay mga halimbawa kamakailan.
Pagiging magkakaribal sa ekonomiya at sa hukbo. Nang panahon na waring may kapayapaan bago sumiklab ang Pandaigdig na Digmaang I, ang mga bansang makapangyarihan sa Europa ay nagtatag ng napakalaking mga hukbo. Ang Alemanya at Gran Britanya ay napalulong sa isang paligsahan ng paggawa ng mga barkong pandigma. Yamang bawat pangunahing bansa na napasangkot sa patayan ay naniniwalang sa pamamagitan ng isang digmaan ay lalawak pa ang kapangyarihan nito at magdudulot ng isang di-inaasahang pakinabang sa ekonomiya, ang mga kalagayan ay handa na para sa pagbabaka.
Mga alitang relihiyoso. Lalo na pagka pinatibay ng pagkakabaha-bahagi ng lahi, ang relihiyosong mga pagkakaiba ay maaaring lumikha ng isang mapanganib na kombinasyon. Ang mga alitan sa Lebanon at Northern Ireland, gayundin ang mga digmaan sa pagitan ng India at Pakistan, ay nag-uugat sa relihiyosong pagkakapootan.
Isang di-nakikitang tagapag-udyok ng digmaan. Isinisiwalat ng Bibliya na ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” si Satanas na Diyablo, ay higit na aktibo ngayon kaysa kailanman. (2 Corinto 4:4) Lipos ng malaking galit at palibhasa’y mayroon na lamang “isang maikling yugto ng panahon,” siya’y lumilikha ng mga kalagayan, kasali na ang mga digmaan, na nagpapalubha sa abang kalagayan ng lupa.—Apocalipsis 12:12.
Ang saligang mga sanhing ito ng digmaan ay hindi madaling pawiin. Mahigit na 2,000 taon na ngayon ang nakalipas, sinabi ni Plato na “ang mga patay lamang ang nakakita ng wakas ng digmaan.” Ang kaniya bang malungkot na pahayag ay isang mapait na katotohanang kailangang matutuhan nating tanggapin? O may dahilan ba tayong umasa na balang araw ay magkakaroon ng isang sanlibutan na walang digmaan?
[Talababa]
a Si Napoléon ang tumukoy sa digmaan bilang isang “kalakalan ng mga barbaro.” Palibhasa’y ginugol niya ang malaking bahagi ng kaniyang buhay-adulto sa hukbo at ang halos 20 taon bilang kataastaasang komandante ng hukbo, tuwiran niyang naranasan ang kalupitan ng labanan.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Cover: John Singer Sargent’s painting Gassed (detail), Imperial War Museum, London
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Instituto Municipal de Historia, Barcelona