Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
“Ang Pangalan ni Jehova ay Isang Matibay na Moog”
NABUBUHAY tayo sa mga panahong walang katatagan. Ang ating waring matatag na buhay ay maaaring magbago sa magdamag, at nang walang anumang babala nasumpungan ng iba ang kanilang sarili na nasa malaking panganib bago pa man nila namalayan iyon. Ang panganib ay maaaring sanhi ng kaguluhan dahil sa pulitika, isang marahas na kriminal, isang likas na kapahamakan, o isang malubhang sakit. Anuman diyan ang totoo, saan dapat bumaling ang isang Kristiyano pagka nasa panganib ang kaniyang buhay?
Si David, isang misyonero na naninirahan sa isa sa mga sangay ng Samahang Watch Tower, ay natuto ng kasagutan sa katanungang iyan buhat sa isang nakatatakot na karanasan. Sa kaniyang atas bilang isang tsuper, maaga niyang nilisan ang sangay isang umaga upang sunduin ang ilang commuter Bethelite (mga boluntaryong nakatira sa labas ng sangay). Madilim pa noon. Kaniyang naisakay na si Rosalía at dumaraan sila sa isang istasyon ng pulisya nang marinig niya ang unang putok ng baril.
Pagkatapos ay mabilis ang mga pangyayari. Nakarinig siya ng ingay na gaya ng pagputok ng isang malaking labintador at natanto niya na ang sagitsit ng hangin ay nanggagaling sa isa sa mga gulong. Biglang nakakita siya ng isang sundalo na nakatayo sa gitna ng daan may hawak ng isang riple na tuwirang nakapuntirya sa kaniya. Tatlong bagay ang naganap nang halos sabay-sabay: Sunud-sunod na pinaputukan ang tagiliran ng Jeep, anupat nasira ang mga bintana; sina David at Rosalía ay yumuko upang umilag; pinaputukan ng sundalo ang salamin sa harap sa kasintaas ng nakikita ng mata.
Samantalang paulit-ulit na pinatatamaan ng bala ang Jeep, si David ay nagpreno sa pinakamagaling na paraang magagawa niya samantalang nakayuko pa rin. Inakala nina David at Rosalía na sila’y mamamatay. Sila’y nanalangin nang malakas kay Jehova, na hinihiling na ingatan sila. Nang malaunan ay sinabi ni Rosalía na nang mga sandaling iyon iniisip-isip niya kung ano ang magiging reaksiyon ng kaniyang pamilya pagka nabalitaan nila ang kaniyang pagkamatay!
Buháy Pa Rin!
Sa wakas ay huminto na ang putukan at pagkabasag ng salamin, at sinulyapan ni David si Rosalía. Nang makita niya ang isang maliit, pabilog na mantsa ng dugo sa kaniyang likod, halos huminto ang pagtibok ng kaniyang puso. Subalit isang maliit na piraso ng tumilapong salamin, hindi isang bala, ang napabaon doon. Nagdurugo ang kaniyang mga tuhod likha ng tumatamang mga bubog, ngunit maliban doon siya ay waring nasa ayos naman.
Nagsilapit sa Jeep ang mga lalaking nakauniporme ng militar na may mga puting tela na nakatali sa kanilang braso at inutusan silang bumaba samantalang nakataas ang kanilang mga kamay. Ang isa, na waring may mataas na ranggo, ay bumaling sa isang sundalo at nagsabi: “Sinabihan ka na huwag mamamaril ng mga sibilyan.” Sinikap ng sundalo na ipangatuwiran ang kaniyang ginawa, na sinasabing nakarinig siya ng mga putok ng baril at inakalang ang mga iyon ay mula sa Jeep.
Nang ipakilala ni David na sila ni Rosalía ay mga Saksi ni Jehova, mabuti naman ang tugon. Ipinaliwanag niya kung ano ang kaniyang ginagawa, subalit gusto pa rin ng mga sundalo na sila’y pigilin. Ang waring nangyari ay, umagang-umaga, isang pangkat militar ang nagsagawa ng pang-aagaw ng kapangyarihan, at ang mga sundalong ito ay nasa akto ng pag-agaw sa isang istasyon ng pulisya nang sina David at Rosalía ay dumaraan sakay ng Jeep.
Balisang-balisa si Rosalía, ngunit lakasloob na nanatiling mahinahon samantalang nakikiusap si David na sila’y palayain. Sa wakas sila’y pinayagang makauwi—na hindi dala ang Jeep. Sila’y kinailangang maglakad patungo sa isang kalapit na kalye upang makasakay sa isang bus na patungo sa sangay, na kung saan si Rosalía ay ginamot sa infirmary.
Ang Bisa ng Panalangin
May natutuhan si David sa karanasang iyon—kailanman ay huwag hahamakin ang bisa ng taimtim na panalangin, at huwag kalilimutan na ang lakasloob na pagpapakilala ng sarili bilang isa sa mga Saksi ni Jehova ay kalimitan isang proteksiyon. Sa literal na paraan ay totoo na “ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog. Doon tumatakbo ang matuwid at binibigyan ng kaligtasan.”—Kawikaan 15:29; 18:10; Filipos 4:6.
[Picture Credit Line sa pahina 19]
Fotografia de Publicaciones Capriles, Caracas, Venezuela