Mga Kulto—Ano ba ang mga Iyan?
PEBRERO 28, 1993—mahigit na isang daang alagad ng batas ang lumusob sa isang compound ng mga gusaling kinaroroonan ng maraming lalaki, babae, at mga bata. Ang layunin ay upang humanap ng ilegal na mga armas at arestuhin ang isang pinaghihinalaang kriminal. Gayunman, ang mga espiya ay nagulat nang sila’y paulanan ng bala buhat sa loob ng mga gusali. Sila’y gumanti sa pamamagitan ng pamamaril din.
Sa sagupaang ito ay sampu ang namatay at marami ang nasugatan. Nang sumunod na 50 araw, daan-daang alagad ng batas ang lumusob sa compound taglay ang sapat na dami ng armas upang makapagsagawa ng isang maliit na digmaan. Ang di-pagkakasundong iyon ay natapos sa isang pagsusukatang-lakas na nag-iwan ng 86 na bangkay, kasali na ang di-kukulangin sa 17 bata.
Ngunit sino ba ang kaaway? Isa bang hukbo ng masasamang-loob na nangangalakal ng bawal na gamot? Isang pangkat ng mga gerilya? Hindi. Gaya marahil ng alam ninyo, ang “kaaway” ay isang grupo ng mga debotong relihiyoso, mga miyembro ng isang kulto. Ang kanilang trahedya ay nagpangyari na isang di-kapansin-pansing komunidad sa mga kapatagan ng gitnang Texas, E.U.A., ang pagtutukan ng pansin ng daigdig. Ang media ay nagsahimpapawid at pinunô ang mga pahayagan ng sunud-sunod na mga pag-uulat, pagsusuri, at mga komento tungkol sa mga panganib ng panatikong mga kulto.
Ipinaalaala sa publiko ang nakaraang mga pangyayari na kung saan ang mga miyembro ng mga kulto ay ipinahamak ng kanilang mga lider: ang mga pamamaslang na ginawa ni Manson sa California noong 1969; ang lansakang pagpapatiwakal noong 1978 ng mga miyembro ng kulto sa Jonestown, Guyana; ang kasunduang pamamaslang at pagpapatiwakal na pakana noong 1987 ng lider ng kulto na si Park Soon-ja ng Korea, na naging sanhi ng pagkamatay ng 32 miyembro. Kapansin-pansin, karamihan sa mga taong ito’y nagpapanggap na mga Kristiyano at nag-aangking naniniwala sa Bibliya.
Natural lamang na maraming gumagalang sa Bibliya bilang ang Salita ng Diyos ay nangingilabot sa walang-kahihiyang maling paggamit sa Kasulatan ng mga kultong ito. Bilang resulta, sa lumipas na mga taon daan-daang organisasyon ang itinatag ukol sa layuning masubaybayan ang mga kulto at maibunyag ang kanilang mapanganib na mga gawain. Humuhula ang mga may kabatiran sa paggawi ng kulto na ang pagsapit ng isang bagong milenyo pagkalipas ng ilang taon ay magbubunsod ng biglang pagdami ng mga kulto. Isang magasin ng balita ang nag-ulat na ayon sa mga grupong laban sa mga kulto, may libu-libong kulto na “naroroon at handang agawin ang iyong katawan, supilin ang iyong isip, pasamaín ang iyong kaluluwa. . . . Ang ilan ay armado ngunit karamihan ay itinuturing na mapanganib. Kanilang aakitin ka at dadayain ka, ikakasal at ililibing ka.”
Ano ba ang Isang Kulto?
Ang terminong “kulto” ay malayang ginagamit ng marami na hindi lubusang nakababatid ng kahulugan nito. Upang maiwasan ang pagkalito, aktuwal na iniiwasan ng ilang teologo ang paggamit ng termino.
Nagpapaliwanag ang The World Book Encyclopedia na “ayon sa tradisyon, ang terminong kulto ay tumutukoy sa anumang anyo ng pagsamba o pagganap ng ritwal.” Sa pamamagitan ng ganiyang pangangahulugan, lahat ng organisasyong relihiyoso ay maituturing na kulto. Subalit, sa karaniwang paggamit ngayon, ang salitang “kulto” ay may naiibang kahulugan. Ang ensayklopediya ring iyan ang nag-uulat na “magbuhat noong kalagitnaang mga taon ng 1900, ang publisidad tungkol sa mga kulto ang bumago sa kahulugan ng termino. Sa ngayon, ang termino ay ikinakapit sa mga grupo na sumusunod sa isang buháy na lider na nagtataguyod ng bago at di-pangkaraniwang mga doktrina at mga gawain.”
Sa pagsang-ayon sa popular na gamit ng termino, ipinaliliwanag ng magasing Newsweek na ang mga kulto “ay pangkaraniwan nang maliliit, panatikong mga grupo na ang mga miyembro ay kumukuha ng pagkakakilanlan sa kanila at layunin buhat sa isang karismatikong tao.” Gayundin, ang magasing Asiaweek ay nag-uulat na “ang termino [kulto] mismo ay malabo, ngunit karaniwan nang tumutukoy ito sa isang bagong relihiyosong paniniwala na nakasalig sa iisang karismatikong lider, na malimit na ipinahahayag ang kaniyang sarili bilang ang katauhan ng Diyos.”
Ang pangungusap na ginamit sa isang magkakasanib na resolusyon ng ika-100 Kongreso ng Estado ng Maryland, E.U.A., ay nagbibigay rin ng nakasisirang kahulugan ng terminong kulto. Sinasabi ng resolusyon na ang “isang kulto ay isang grupo o kilusan na nagpapakita ng labis na debosyon sa isang tao o idea at gumagamit ng walang etikang pag-impluwensiya sa pamamagitan ng pamamaraan ng panghihikayat at panunupil upang maipagtagumpay ang mga tunguhin ng mga lider nito.”
Maliwanag, ang mga kulto ay karaniwan nang kinikilalang mga grupong relihiyoso na may radikal na mga pananaw at gawain na salungat sa tinatanggap ngayon bilang normal na mga paggawi sa lipunan. Pangkaraniwan na ang kanilang relihiyosong mga gawain ay ginaganap nila nang lihim. Marami sa mga grupong ito ng kulto ay aktuwal na nagbubukod ng kanilang sarili sa mga commune. Ang kanilang debosyon sa isang naiproklama-ang-sariling lider ay malamang na walang pasubali at namumukod-tangi. Kadalasan ang mga lider na ito ay nangangalandakan na sila’y pinili ng Diyos o may banal na kalikasan.
Manaka-naka, ang mga organisasyong laban sa mga kulto at ang media ay tumutukoy sa mga Saksi ni Jehova bilang isang kulto. Ang mga Saksi ay isinali kamakailan ng maraming artikulo sa mga pahayagan sa mga grupong relihiyoso na kilala sa kanilang kahina-hinalang mga gawain. Ngunit tumpak bang tukuyin ang mga Saksi ni Jehova bilang isang maliit na panatikong grupong relihiyoso? Ang mga miyembro ng kulto ay kalimitang nagbubukod ng kanilang sarili buhat sa mga kaibigan, pamilya, at maging sa lipunan sa pangkalahatan. Ganiyan ba ang mga Saksi ni Jehova? Ang mga Saksi ba ay gumagamit ng mapandaya at walang etikang mga pamamaraan upang mangalap ng mga miyembro?
Ang mga lider ng kulto ay kilalá sa paggamit ng mapanlinlang na mga paraan upang masupil ang isip ng kanilang mga tagasunod. Mayroon bang anumang ebidensiya na ginagawa ito ng mga Saksi ni Jehova? Ang kanila bang pagsamba ay sa lihim? Sila ba ay sumusunod at dumadakila ng isang lider na tao? Ang mahalaga, isa bang kulto ang mga Saksi ni Jehova?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Jerry Hoefer/Fort Worth Star Telegram/Sipa Press