Ang Hapunan ng Panginoon—Gaano Kadalas Dapat Itong Ganapin?
PASKO, Pasko ng Pagkabuhay, araw ng mga “santo.” Maraming okasyon at mga kapistahan ang ipinagdiriwang ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Subalit alam mo ba kung ilang selebrasyon ang iniutos ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad na ipagdiwang? Ang sagot ay, Iisa lamang! Wala sa iba pang kapistahan ang ipinahintulot ng Tagapagtatag ng Kristiyanismo.
Maliwanag, kung iisang selebrasyon lamang ang itinatag ni Jesus, iyon ay napakahalaga. Dapat itong ipagdiwang ng mga Kristiyano na katulad na katulad ng ipinag-utos ni Jesus. Ano ang bukud-tanging pagdiriwang na ito?
Ang Iisang Selebrasyon
Ang pagdiriwang na ito ay pinasinayaan ni Jesus nang araw na siya’y mamatay. Ginunita niya ang Paskuwa na siyang kapistahan ng mga Judio kasama ng kaniyang mga apostol. Pagkatapos ay iniabot niya sa kanila ang ilang walang-lebadurang tinapay ng Paskuwa, na sinasabi: “Ito ay nangangahulugan ng aking katawan na siyang ibibigay alang-alang sa inyo.” Sumunod, iniabot ni Jesus ang isang kopa ng alak, na sinasabi: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na siyang ibubuhos alang-alang sa inyo.” Sinabi rin niya: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19, 20; 1 Corinto 11:24-26) Ang pagdiriwang na ito ay tinatawag na ang Hapunan ng Panginoon, o ang Memoryal. Ito lamang ang selebrasyon na iniutos ni Jesus na ganapin ng kaniyang mga tagasunod.
Maraming simbahan ang nag-aangkin na ipinagdiriwang nila ito kasabay ng lahat ng iba pa nilang kapistahan, subalit halos lahat ay nagdiriwang nito nang naiiba sa paraan na iniutos ni Jesus. Marahil ang pinakalitaw na kaibahan ay ang pagiging madalas ng selebrasyon. Ang ilang simbahan ay nagdiriwang nito buwan-buwan, linggu-linggo, araw-araw pa nga. Ito kaya ang intensiyon ni Jesus nang sabihin niya sa kaniyang mga tagasunod: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin”? Sinasabi ng The New English Bible: “Gawin ninyo ito bilang memoryal sa akin.” (1 Corinto 11:24, 25) Gaano kadalas ipinagdiriwang ang isang memoryal o isang anibersaryo? Karaniwan na, isang beses lamang sa isang taon.
Alalahanin din, na pinasinayaan ni Jesus ang pagdiriwang na ito at saka namatay noong petsa ng Nisan 14 sa kalendaryong Judio.a Iyon ang araw ng Paskuwa, isang kapistahan na nagpapaalaala sa mga Judio ng dakilang pagkaligtas na naranasan nila sa Ehipto noong ika-16 na siglo B.C.E. Noong panahong iyon, nagbunga ng kaligtasan ng mga panganay na Judio ang paghahain ng isang kordero, samantalang pinuksa naman ng anghel ni Jehova ang lahat ng panganay ng Ehipto.—Exodo 12:21, 24-27.
Papaano ito tumutulong sa ating pang-unawa? Buweno, sumulat ang Kristiyanong apostol na si Pablo: “Si Kristo nga na ating paskuwa ay naihain na.” (1 Corinto 5:7) Ang kamatayan ni Jesus ay isang mas mahalagang hain ng Paskuwa, na nagbibigay sa sangkatauhan ng pagkakataon para sa isang mas dakilang kaligtasan. Samakatuwid, kung para sa mga Kristiyano, ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay pumalit sa Paskuwa ng mga Judio.—Juan 3:16.
Ang Paskuwa ay isang taunang selebrasyon. Kung gayon, makatuwiran lamang na gayundin ang Memoryal. Ang Paskuwa—ang araw nang mamatay si Jesus—ay palaging pumapatak sa ika-14 na araw ng buwan ng mga Judio na Nisan. Dahil dito, ang kamatayan ni Kristo ay dapat gunitain minsan isang taon sa araw ng kalendaryo na katapat ng Nisan 14. Sa 1994 ang araw na iyon ay Sabado, Marso 26, paglubog ng araw. Bakit, kung gayon, hindi ito ginagawang isang pantanging araw ng pagdiriwang ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan? Ang isang maigsing paggunita sa kasaysayan ay sasagot sa tanong na iyan.
Nanganganib ang Apostolikong Kaugalian
Walang alinlangan na noong unang siglo C.E., yaong inaakay ng mga apostol ni Jesus ay nagdiwang ng Hapunan ng Panginoon sa paraang kagaya ng iniutos niya. Gayunman, noong ikalawang siglo, binago ng ilan ang panahon ng paggunita nito. Ginagawa nila ang Memoryal sa unang araw ng sanlinggo (ngayo’y tinatawag na Linggo), hindi sa araw na katapat ng Nisan 14. Bakit ginawa ito?
Para sa mga Judio, ang araw ay nagsisimula nang mga alas seis ng gabi at nagpapatuloy hanggang sa oras ding iyon ng sumunod na araw. Si Jesus ay namatay noong Nisan 14, 33 C.E., na nagpatuloy mula Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng gabi. Siya’y binuhay-muli ng ikatlong araw, umagang-umaga ng Linggo. Ibig ng ilan na ipagdiwang ang paggunita ng kamatayan ni Jesus sa isang takdang araw ng sanlinggo taun-taon, sa halip na sa araw kung saan papatak ang Nisan 14. Minalas din nila ang araw ng pagkabuhay-muli ni Jesus na mas mahalaga kaysa sa kaniyang kamatayan. Kaya naman, pinili nila ang Linggo.
Iniutos ni Jesus na gunitain ang kaniyang kamatayan, hindi ang kaniyang pagkabuhay-muli. At yamang ang Paskuwa ng mga Judio ay pumapatak sa iba’t ibang araw bawat taon ayon sa kalendaryong Gregorian na ating ginagamit ngayon, natural lamang na magkagayon din kung tungkol sa Memoryal. Marami sa gayon ang nanatili sa orihinal na kaayusan at nagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon tuwing Nisan 14 taun-taon. Dumating ang panahon na sila’y tinawag na mga Quartodeciman, nangangahulugang mga “Panglabing-apatan.”
Ang ilang iskolar ay naniniwala na ang mga “Panglabing-apatan” na ito ay sumusunod sa orihinal na apostolikong huwaran. Sabi ng isang historyador: “Kung tungkol sa araw ng pagdiriwang ng Pascha [ang Hapunan ng Panginoon], ang paggamit ng mga iglesya ng Asia na Quartodeciman ay nagpatuloy kasabay ng simbahan ng Jerusalem. Noong ika-2 siglo ang mga simbahang ito sa kanilang Pascha ay gumunita ng pagkatubos bunga ng kamatayan ni Kristo noong ika-14 ng Nisan.”—Studia Patristica, Tomo V, 1962, pahina 8.
Lumaki ang Pagtatalo
Bagaman marami sa Asia Minor ang sumunod sa apostolikong kaugalian, ang Linggo ay inilaan para sa pagdiriwang sa Roma. Noong mga taóng 155 C.E., si Polycarp ng Smirna, kinatawan ng mga kongregasyon sa Asia, ay dumalaw sa Roma upang ipakipag-usap ito at ang iba pang suliranin. Nakalulungkot, walang napagkaisahan sa bagay na ito.
Ganito ang isinulat ni Irenaeus ng Lyons sa isang liham: “Maging si Anicetus [ng Roma] ay hindi nakahimok kay Polycarp na huwag nang ipagdiwang ang dati na niyang ipinagdiriwang kasama ni Juan na alagad ng ating Panginoon at ng iba pang apostol na sinasamahan niya; ni hindi rin naman nahimok ni Polycarp si Anicetus na ipagdiwang ito, sapagkat sinabi niya na dapat siyang manghawakan sa kaugalian ng matatanda na nauna sa kaniya.” (Eusebius, Aklat 5, kabanata 24) Pansinin na iniulat na ibinatay ni Polycarp ang kaniyang paninindigan sa awtoridad ng mga apostol, samantalang si Anicetus naman ay sa kaugalian ng dating matatanda sa Roma.
Ang pagtatalong ito ay lalong tumindi sa pagtatapos ng ikalawang siglo C.E. Noong mga 190 C.E., isang nagngangalang Victor ang piniling obispo ng Roma. Naniniwala siya na ang Hapunan ng Panginoon ay dapat ipagdiwang ng Linggo, at kinuha niya ang suporta ng pinakamaraming iba pang lider hangga’t maaari. Ginipit ni Victor ang mga kongregasyon sa Asia upang gawing Linggo ang kaayusan.
Bilang sagot sa kapakanan ng mga nasa Asia Minor, hindi nagpatalo si Polycrates ng Efeso sa panggigipit na ito. Sabi niya: “Ipinagdiriwang namin ang araw nang hindi ito pinakikialaman, anupat hindi ito dinaragdagan, ni binabawasan.” Pagkatapos ay itinala niya ang maraming awtoridad, kasali na si apostol Juan. “Lahat sila,” paninindigan niya, “ay nagdiriwang sa ikalabing-apat na araw para sa Pascha ayon sa Ebanghelyo, na hindi binabago mula pa noon.” Dagdag pa ni Polycrates: “Kung para sa akin, mga kapatid, . . . hindi ako nasisindak sa mga pananakot. Sapagkat yaong mas nakahihigit sa akin ay nagsabi, Dapat naming sundin ang Diyos sa halip na mga tao.”—Eusebius, Aklat 5, kabanata 24.
Hindi nagustuhan ni Victor ang sagot na ito. Isang akda ng kasaysayan ang nagsabi na “itiniwalag [niya] ang lahat ng Simbahan sa Asia, at ipinadala ang kaniyang palibot-liham sa lahat ng Simbahan na umaayon sa kaniyang opinyon, na hindi sila dapat magkomunyon sa kanila.” Gayunman, “ang ganitong padalus-dalos at pangahas na pagkilos niya ay hindi tinanggap ng lahat ng matatalino at taimtim na mga lalaki sa kaniyang sariling pangkat, anupat ang ilan ay nagbabala sa kaniya sa liham, na pinapayuhan siyang . . . panatilihin ang pag-ibig, pagkakaisa, at kapayapaan.”—Antiquities of the Christian Church ni Bingham, Aklat 20, kabanata 5.
Ipinasok ang Apostasya
Sa kabila ng gayong mga pagtutol, ang mga Kristiyano sa Asia Minor ay naging totoong nabubukod sa isyu ng kung kailan ipagdiriwang ang Hapunan ng Panginoon. Unti-unting nagkaroon ng mga pagbabago sa iba’t ibang dako. Ang ilan ay nagdiwang nang tuluy-tuloy mula Nisan 14 hanggang sumunod na Linggo. Ang iba naman ay nagdiriwang ng okasyon nang mas madalas—nang lingguhan kung araw ng Linggo.
Noong 314 C.E. sinubukang ipilit ng Konseho ng Arles (Pransya) ang kaayusang Romano at pinigil ang anumang mapagpipilian. Ang natitirang mga Quartodeciman ay hindi sumang-ayon. Upang malutas ito at ang iba pang bagay na naghahati sa nag-aangking mga Kristiyano sa kaniyang imperyo, noong 325 C.E. ang paganong emperador na si Constantino ay tumawag ng isang ekumenikal na kapulungan, ang Konseho ng Nicaea. Naglabas ito ng batas na nag-uutos sa lahat sa Asia Minor na umalinsunod sa Romanong kaugalian.
Kapansin-pansin ang isa sa pangunahing argumentong ibinigay upang talikuran na ang pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo ayon sa petsa sa kalendaryong Judio. Ang A History of the Christian Councils, ni K. J. Hefele, ay nagsasabi: “Ipinahayag na lalo nang di-karapat-dapat para rito, ang pinakabanal sa lahat ng kapistahan, na sumunod sa ugali (sa kalkulasyon) ng mga Judio, na pinarumi ang kanilang mga kamay sa kalagim-lagim na mga krimen, at binulag ang kanilang pag-iisip.” (Tomo I, pahina 322) Ang pagiging nasa posisyong ito ay itinuturing na isang “‘nakahihiyang pagpapasakop’ sa Sinagoga na yumayamot sa Simbahan,” sabi ni J. Juster, sinipi sa Studia Patristica, Tomo IV, 1961, pahina 412.
Anti-Semitismo! Yaong nagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus sa araw na iyon ng kaniyang kamatayan ay itinuturing na mga Judaizer. Nalimutan nang si Jesus mismo ay isang Judio at na binigyan niya ng kahulugan ang araw na iyon sa pamamagitan ng paghahandog niya noon ng kaniyang buhay alang-alang sa sangkatauhan. Mula noon, ang mga Quartodeciman ay pinaratangan bilang mga erehe at nagpapangkat-pangkat at sa gayo’y pinag-usig. Ang Konseho ng Antioquia noong 341 C.E. ay nag-utos na sila’y dapat itiwalag. Gayunman, marami pa rin sila noong 400 C.E., at sila’y nagtiyaga sa kaunting bilang matagal din naman mula noon.
Mula ng mga araw na iyon, nabigo ang Sangkakristiyanuhan na makabalik sa orihinal na kaayusan ni Jesus. Inamin ni Propesor William Bright: “Kapag ang isang pantanging araw, ang Biyernes Santo, ay idineboto sa paggunita ng Pasyon, huli na para itakda pa rito ang mga pag-uugnay ng ‘paschal’ na ayon kay San Pablo ay kaugnay ng kamatayan bilang hain: ang mga ito’y malayang ikinapit sa kapistahan ng Pagkabuhay-muli mismo, at nagkaroon ng kalituhan ng mga idea na bumangon sa tradisyunal na Sangkakristiyanuhan na may ritwal na wikang Griego at Latin.”—The Age of the Fathers, Tomo 1, pahina 102.
Kumusta Naman Ngayon?
‘Pagkaraan ng maraming taon,’ marahil ay itatanong mo, ‘mahalaga nga bang talaga kung kailan dapat ipagdiwang ang Memoryal?’ Oo, mahalaga. Gumawa ng mga pagbabago ang determinadong mga tao na nagsusumikap mapasakapangyarihan. Sinunod ng mga tao ang kanilang sariling mga idea sa halip na kay Jesu-Kristo. Maliwanag na natupad ang babala ni apostol Pablo: “Alam ko na pagkatapos ng aking pag-alis ay papasok ang mapaniil na mga lobo sa gitna ninyo [na mga Kristiyano] at hindi pakikitunguhan ang kawan nang magiliw, at mula sa inyo mismo ay babangon ang mga tao at magsasalita ng pilipit na mga bagay upang ilayo ang mga alagad kasunod nila.”—Gawa 20:29, 30.
Ang isyu ay ang pagiging masunurin. Nagtatag si Jesus ng iisang selebrasyon na dapat ipagdiwang ng mga Kristiyano. Malinaw na ipinaliliwanag ng Bibliya kung kailan at kung papaano ito ipagdiriwang. Sino, kung gayon, ang may karapatang baguhin iyan? Ang sinaunang mga Quartodeciman ay dumanas ng pag-uusig at pagkatiwalag sa halip na makipagkompromiso sa bagay na ito.
Marahil ay magiging interesado kang malaman na may mga Kristiyano pa rin sa lupa na gumagalang sa kagustuhan ni Jesus at nagdiriwang ng Memoryal ng kaniyang kamatayan sa petsa na itinatag niya. Sa taóng ito, ang mga Saksi ni Jehova ay sama-samang magtitipon sa kanilang mga Kingdom Hall sa buong lupa pagkalipas ng alas 6:00 n.g. sa Sabado, Marso 26—kapag nagsimula na ang ika-14 na araw ng Nisan. Gagawin nila sa gayon ang eksaktong sinabi ni Jesus na dapat gawin sa pinakamakahulugang pagkakataong ito. Bakit hindi makisama sa kanila sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon? Sa pagiging naroroon, ikaw man ay makapagpapakita ng iyong paggalang sa mga kagustuhan ni Jesu-Kristo.
[Talababa]
a Ang Nisan, na unang buwan ng taon ng mga Judio, ay nagsimula sa unang paglitaw ng bagong buwan. Sa gayon ang Nisan 14 ay palaging pumapatak sa kabilugan ng buwan.
[Kahon sa pahina 6]
“ANG MAHALAGANG PANTUBOS NA IYON”
Ang haing pantubos ni Jesu-Kristo ay higit pa sa pagiging doktrina lamang. Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang sarili: “Sapagkat ang Anak ng tao mismo ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Marcos 10:45) Ipinaliwanag rin niya: “Sapagkat inibig ng Diyos ang sanlibutan [ng sangkatauhan] nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Para sa mga namatay, ang pantubos ay nagbukas ng daan para sa pagkabuhay-muli at sa pag-asang mabuhay magpakailanman.—Juan 5:28, 29.
Ang napakahalagang kamatayan ni Jesu-Kristo ang siyang ginugunita sa mga pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon. Napakalaki ang nagawa ng kaniyang paghahain! Isang babae na sinanay ng maka-Diyos na mga magulang at lumakad sa katotohanan ng Diyos nang kung ilang dekada ay nagpahayag ng kaniyang pasasalamat sa mga salitang ito:
“Pinananabikan namin ang Memoryal. Ito’y nagiging mas mahalaga bawat taon. Nagugunita ko nang ako’y nakatayo sa punerarya 20 taon na ang nakalipas, habang nakatingin sa bangkay ng aking mahal na itay at unti-unting nakadarama ng taos-pusong pasasalamat sa pantubos. Noon ay basta nasa isip ko lamang iyon. Aba, alam kong lahat ang kasulatan at kung papaano ipaliliwanag ang mga iyon! Ngunit nang madama ko ang mapait na katotohanan ng kamatayan, noon lamang lumundag ang aking puso sa labis na katuwaan sa nagagawa para sa atin ng mahalagang pantubos na iyon.”