Kung Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay Nananatiling Mapagbantay
“Manatili kayong mapagbantay . . . dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.”—MATEO 24:42.
1. Kanino kumakapit ang payo na “manatili kayong mapagbantay”?
SA BAWAT lingkod ng Diyos—maging bata man o matanda, maging bagong nag-alay o matagal na sa paglilingkod—ay kumakapit ang payo ng Bibliya na: “Manatili kayong mapagbantay”! (Mateo 24:42) Bakit mahalaga ito?
2, 3. (a) Anong tanda ang malinaw na inilarawan ni Jesus, at ano ang ipinakita ng katuparan ng hula? (b) Anong kalagayan na binanggit sa Mateo 24:42 ang sumusubok sa pagiging tunay ng ating pananampalataya, at papaano?
2 Sa bandang katapusan ng kaniyang ministeryo sa lupa, humula si Jesus tungkol sa tanda ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto sa kapangyarihan ng Kaharian. (Mateo, kabanata 24 at 25) Malinaw na inilarawan niya ang panahong iyon ng kaniyang maharlikang pagkanaririto—at ang mga pangyayari na katuparan ng hula ay nagpapakita na siya’y iniluklok bilang Hari sa langit noong 1914. Siya’y bumanggit din ng isang kalagayan na sa panahong iyon ay susubok sa pagiging tunay ng ating pananampalataya. Ito’y tungkol sa panahon na siya’y kikilos na bilang Tagapuksa upang puksain ang kasalukuyang balakyot na sistema sa panahon ng malaking kapighatian na tungkol doon ay sinabi ni Jesus: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” Iyan ang nasa isip niya kung kaya kaniyang sinabi: “Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.”—Mateo 24:36, 42.
3 Yamang hindi natin alam ang araw at ang oras ng pagsisimula ng malaking kapighatian, kailangan na kung tayo’y nag-aangking mga Kristiyano, tayo’y dapat mamuhay na gaya ng tunay na mga Kristiyano sa araw-araw. Ang paraan ba ng paggamit mo sa iyong buhay ay magbubunga ng pagsang-ayon ng Panginoon pagsapit ng malaking kapighatian? O kung mauna ang kamatayan, aalalahanin ka ba niya bilang isang tapat na lingkod hanggang sa wakas ng iyong kasalukuyang buhay?—Mateo 24:13; Apocalipsis 2:10.
Ang Sinaunang mga Alagad ay Nagsikap na Maging Mapagbantay
4. Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa halimbawa ni Jesus ng espirituwal na pagbabantay?
4 Si Jesu-Kristo mismo ang nagpakita ng pinakamainam na halimbawa ng espirituwal na pagbabantay. Siya’y nanalangin nang malimit at buong ningas sa kaniyang Ama. (Lucas 6:12; 22:42-44) Nang siya’y mapaharap sa mga pagsubok, siya’y umasang lubusan sa patnubay na nasa Kasulatan. (Mateo 4:3-10; 26:52-54) Hindi niya pinahintulutang ang kaniyang sarili ay maabala buhat sa gawain na iniatas sa kaniya ni Jehova. (Lucas 4:40-44; Juan 6:15) Yaon bang mga minamalas ang kanilang sarili bilang mga tagasunod ni Jesus ay dapat ding maging mapagbantay na gaya niya?
5. (a) Bakit may mga suliranin ang mga apostol ni Jesus tungkol sa pananatiling timbang sa espirituwal? (b) Anong tulong ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga apostol pagkatapos na siya’y buhaying-muli?
5 Kung minsan, maging ang mga apostol ni Jesus ay nag-atubili. Dahil sa labis na kasabikan at maling mga idea, sila’y napaharap sa mga kabiguan. (Lucas 19:11; Gawa 1:6) Bago sila natutong umasang lubusan kay Jehova, ang biglaang mga pagsubok ay nakalito sa kanila. Kaya nang arestuhin si Jesus, nagsitakas ang mga apostol. Nang malaunan sa gabi ring iyon, dahil sa takot ay paulit-ulit na ikinaila ni Pedro na nakikilala niya si Kristo. Hindi pa napapatanim sa puso ng mga apostol ang payo ni Jesus: “Manatili kayong mapagbantay at manalangin nang patuluyan.” (Mateo 26:41, 55, 56, 69-75) Matapos na siya’y buhaying-muli ginamit ni Jesus ang Kasulatan upang patibayin ang kanilang pananampalataya. (Lucas 24:44-48) At nang lumitaw na baka ang ministeryo na ipinagkatiwala sa ilan sa kanila ay ilagay sa pangalawang dako, pinalakas ni Jesus ang kanilang motibo upang sila’y magtutok ng pansin sa higit na mahalagang gawain.—Juan 21:15-17.
6. Laban sa anong dalawang silo maaga pa ay pinaalalahanan na ni Jesus ang kaniyang mga alagad?
6 Maaga pa, pinaalalahanan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na sila’y hindi bahagi ng sanlibutan. (Juan 15:19) Pinayuhan din niya sila na huwag umastang panginoon sa isa’t isa kundi maglingkod na sama-sama bilang magkakapatid. (Mateo 20:25-27; 23:8-12) Sinunod ba nila ang kaniyang payo? Kanila bang inuna ang gawain na kaniyang ibinigay sa kanila?
7, 8. (a) Papaano ipinakikita ng kasaysayan ng unang-siglong mga Kristiyano na kanilang isinapuso ang payo ni Jesus? (b) Bakit mahalaga na magpatuloy sa espirituwal na pagbabantay?
7 Habang buháy pa ang mga apostol, naingatan nila ang kongregasyon. Ang kasaysayan ay nagpapatotoo na ang sinaunang mga Kristiyano ay hindi napasangkot sa makapulitikang pamamalakad ng Imperyong Romano at sila’y walang mataas-na-uring klero. Sa kabilang panig, sila ay masugid na mga tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Sa katapusan ng unang siglo, sila’y nakapagpatotoo sa buong Imperyong Romano, sa paggawa ng mga alagad sa Asia, Europa, at Hilagang Aprika.—Colosas 1:23.
8 Gayunman, ang gayong mga nagawa sa pangangaral ay hindi nangangahulugan na hindi na kailangang manatiling mapagbantay sa espirituwal. Ang inihulang pagparito ni Jesus ay lubhang malayo pa. At samantalang ang kongregasyon ay pumapasok sa ikalawang siglo C.E., may bumangong mga kalagayan na nagsapanganib sa espirituwalidad ng mga Kristiyano. Papaano nagkagayon?
Yaong mga Huminto ng Pagbabantay
9, 10. (a) Pagkamatay ng mga apostol, anong mga pangyayari ang nagpakita na maraming nag-aangking mga Kristiyano ang hindi nanatiling mapagbantay? (b) Anong mga kasulatan na binanggit sa parapong ito ang nakatulong sana sa nag-aangking mga Kristiyano upang manatiling malakas sa espirituwal?
9 Ang ilan na napaugnay sa kongregasyon ay nagsimulang magpahayag ng kanilang mga paniniwala ayon sa mga termino ng pilosopiyang Griego, upang ang kanilang ipinangangaral ay maging higit na kaaya-aya sa mga tao ng sanlibutan. Unti-unti, ang paganong mga doktrina, tulad ng Trinidad at ng likas na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, ay naging bahagi ng isang narungisang anyo ng Kristiyanismo. Ito’y humantong sa pagwawaksi sa pag-asa sa milenyo. Bakit? Yaong mga tumanggap ng paniniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ay nanghinuha na ang mga pagpapala ng paghahari ni Kristo ay pawang makakamit sa dako ng mga espiritu ng isang kaluluwa na makaliligtas nang buháy buhat sa katawan ng tao. Kaya para sa kanila ay hindi na kailangang maging mapagbantay sa pagkanaririto ni Kristo sa kapangyarihan ng Kaharian.—Ihambing ang Galacia 5:7-9; Colosas 2:8; 1 Tesalonica 5:21.
10 Ang situwasyong ito ay lalong pinatindi ng ibang mga pangyayari. Sinimulang gamitin ng ilan na nag-angking mga tagapangasiwang Kristiyano ang kanilang mga kongregasyon bilang isang paraan upang mapatanyag ang sarili. May katusuhang itinuring nila na ang kanilang sariling mga opinyon at mga turo ay katumbas ng Kasulatan o mas magaling pa sa mga ito. Nang magkaroon ng pagkakataon, ang apostatang iglesyang ito ay napagamit pa upang maitaguyod ang mga kapakanan ng makapulitikang estado.—Gawa 20:30; 2 Pedro 2:1, 3.
Resulta ng Higit Pang Pagbabantay
11, 12. Bakit ang Protestanteng Repormasyon ay hindi nagtakda ng pagbabalik sa tunay na pagsamba?
11 Pagkaraan ng daan-daang taon ng mga pang-aabuso ng Iglesya Katolika Romana, nagsalita na ang ilang Repormista noong ika-16 na siglo. Subalit ito’y hindi nagtakda ng panunumbalik sa tunay na pagsamba. Bakit hindi?
12 Bagaman sari-saring grupong Protestante ang kumalas sa kapangyarihan ng Roma, taglay nila ang marami sa saligang mga turo at mga gawain ng apostasya—ang idea ng klero-lego, gayundin ang paniniwala sa Trinidad, sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, at walang-hanggang pagpapahirap pagkamatay. At, tulad ng Iglesya Katolika Romana, sila’y patuloy na naging bahagi ng sanlibutan, may matalik na kaugnayan sa mga elementong makapulitika. Kaya tinanggihan nila ang anumang inaasahang pagbabalik ni Kristo bilang Hari.
13. (a) Ano ang nagpapakita na talagang pinahalagahan ng ilang lalaki ang Salita ng Diyos? (b) Noong ika-19 na siglo, anong pangyayari ang lubhang nakapukaw ng interes ng ilang nag-aangking Kristiyano? (c) Bakit marami ang nakaranas ng kabiguan?
13 Gayunman, inihula ni Jesus na pagkamatay ng mga apostol, ang tunay na mga tagapagmana ng Kaharian (na kaniyang inihalintulad sa trigo) ay magpapatuloy na lumago kasabay ng imitasyong mga Kristiyano (o, panirang-damo) hanggang sa panahon ng pag-aani. (Mateo 13:29, 30) Hindi natin magagawa sa ngayon na itala nang may katiyakan ang lahat ng mga kinilala ng Panginoon bilang trigo. Subalit kapansin-pansin na noong ika-14, ika-15, at ika-16 na mga siglo, may mga lalaki na nagsapanganib ng kanilang sariling buhay at kalayaan upang maisalin ang Bibliya sa wika ng karaniwang tao. Hindi lamang tinanggap ng iba ang Bibliya bilang Salita ng Diyos kundi kanilang tinanggihan pa rin ang Trinidad bilang labag sa Kasulatan. Ang ilan ay tumangging maniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa at sa pagpapahirap sa apoy ng impiyerno bilang hindi kasuwato ng Salita ng Diyos. Gayundin, noong ika-19 na siglo, bilang resulta ng higit pang pag-aaral ng Bibliya, may mga grupo sa Estados Unidos, Alemanya, Inglatera, at Russia na nagsimulang magpahayag ng paninindigan na ang panahon para sa pagbabalik ni Kristo ay napipinto na. Subalit karamihan ng kanilang mga inaasahan ay humantong sa kabiguan. Bakit? Sa kalakhang bahagi, iyon ay dahilan sa lubhang umasa sila sa mga tao at hindi gaano sa Kasulatan.
Papaano Napatunayang Mapagbantay ang mga Ito
14. Ipaliwanag ang paraan ng pag-aaral sa Bibliya na ginamit ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasamahan.
14 Pagkatapos, noong 1870, si Charles Taze Russell at ang ilan sa kaniyang mga kasamahan ay bumuo ng isang grupo para sa pag-aaral ng Bibliya sa Allegheny, Pennsylvania. Hindi sila ang unang nakakilala sa marami sa mga katotohanan ng Bibliya na kanilang pinaniwalaan, subalit pagka nag-aaral, inugali na nila na maingat na suriin ang lahat ng kasulatan tungkol sa isang iniharap na tanong.a Ang layunin nila ay, hindi upang humanap ng mga tekstong patotoo para sa isang idea na binuo nang patiuna, kundi upang matiyak na sila’y bumubuo ng mga konklusyon na kasuwato ng lahat ng sinabi ng Bibliya tungkol sa bagay na iyon.
15. (a) Ano ang natanto ng iba pa bukod kay Brother Russell? (b) Ano ang tanda na nagpapakilalang naiiba sa mga ito ang mga Estudyante ng Bibliya?
15 Natanto ng ilang nauna sa kanila na si Kristo ay babalik nang di-nakikita bilang isang espiritu. Nakita ng ilan na ang layunin ng pagbabalik ni Kristo ay hindi upang sunugin ang lupa at lipulin ang lahat ng buhay ng tao, kundi, sa halip, pagpalain ang lahat ng angkan sa lupa. May ilan pa nga na nakatanto na ang taóng 1914 ang magiging palatandaan ng katapusan ng mga Panahong Gentil. Subalit sa mga Estudyante ng Bibliya na kasamahan ni Brother Russell, ang mga ito ay higit pa sa mga punto para talakayin ng mga teologo. Itinatag nila ang kanilang buhay sa palibot ng mga katotohanang ito at pinag-ukulan ang mga ito ng internasyonal na pamamahayag sa lawak na hindi pa napapantayan sa panahong iyan.
16. Noong taóng 1914, bakit sumulat si Brother Russell: “Tayo’y nasa panahon ng pagsubok”?
16 Gayunman, sila’y kinailangang manatiling mapagbantay. Bakit? Bilang isang halimbawa, bagaman alam nila na ang 1914 ay itinakda ng hula sa Bibliya, hindi nila natitiyak kung ano nga ang mangyayari sa taóng iyan. Ito’y nagharap sa kanila ng isang pagsubok. Sa The Watch Tower ng Nobyembre 1, 1914, sumulat si Brother Russell: “Alalahanin natin na tayo’y nasa panahon ng pagsubok. . . . Kung may anumang dahilan na aakay sa isa upang bumitaw sa Panginoon at sa Kaniyang Katotohanan at huminto ng pagsasakripisyo para sa Layunin ng Panginoon, kung gayon hindi lamang pag-ibig sa Diyos na nasa puso ang nag-udyok upang maging interesado sa Panginoon, kundi mayroon pa; marahil ang pag-asang maikli na ang panahon; at ang pagtatalaga niya ay sa isang limitadong panahon lamang.”
17. Papaano nakapanatiling timbang sa espirituwal si A. H. Macmillan at ang ibang gaya niya?
17 Pinabayaan ng ilan ang paglilingkuran noon kay Jehova. Subalit si A. H. Macmillan ay hindi. Makalipas ang mga taon, tahasang inamin niya: “Kung minsan ang mga inaasahan natin sa isang partikular na petsa ay higit kaysa nararapat ayon sa mga Kasulatan.” Ano ang tumulong sa kaniya upang makapanatiling timbang sa espirituwal? Natanto niya, gaya ng kaniyang sinabi, na “kung hindi man natupad ang mga inaasahang ito, iyan ay hindi nagpabago sa mga layunin ng Diyos.” Sinabi pa niya: “Natutuhan kong dapat nating aminin ang ating mga pagkakamali at patuloy na magsiyasat sa Salita ng Diyos upang magkaroon ng higit na kaliwanagan.”b May kapakumbabaan, hinayaan ng mga unang Estudyanteng iyon ng Bibliya na ang Salita ng Diyos ang magtuwid ng kanilang pangmalas.—2 Timoteo 3:16, 17.
18. Papaano nagbunga ng pasulong na mga kapakinabangan ang pagkamapagbantay ng mga Kristiyano kung tungkol sa hindi pagiging bahagi ng sanlibutan?
18 Sa sumunod na mga taon, hindi nabawasan ang kanilang pangangailangang manatiling mapagbantay. Mangyari pa, alam nila na ang mga Kristiyano ay hindi dapat maging bahagi ng sanlibutan. (Juan 17:14; Santiago 4:4) Kasuwato niyan, hindi sila nakisali sa Sangkakristiyanuhan sa pagtataguyod sa Liga ng mga Bansa bilang isang makapulitikang kapahayagan ng Kaharian ng Diyos. Subalit noong 1939 lamang nang kanilang maunawaan ang isyu tungkol sa pagkawalang-pinapanigan ng Kristiyano.—Tingnan ang The Watchtower, Nobyembre 1, 1939.
19. Anong mga kapakinabangan sa pangangasiwa ng kongregasyon ang naging resulta dahil ang organisasyon ay nanatiling mapagbantay?
19 Kailanman ay hindi sila nagkaroon ng uring klero, bagaman ang ilang halal na matatanda ay may paniwala na ang pangangaral sa kongregasyon ang tanging inaasahan sa kanila. Gayunman, taglay ang matinding pagnanasang umayon sa Kasulatan, nirepaso ng organisasyon ang bahagi ng matatanda sa liwanag ng Kasulatan, anupat ginawa iyon nang paulit-ulit sa pamamagitan ng mga tudling ng Ang Bantayan. Gumawa ng mga pagbabago sa organisasyon kasuwato ng ipinakikita ng Kasulatan.
20-22. Papaano pasulong na gumagawa nang mabilisan ang buong organisasyon upang matapos ang inihulang gawain ng pangglobong paghahayag ng Kaharian?
20 Ang buong organisasyon ay gumagawa ng pinabilis na paghahanda upang lubusang matapos ang gawain na binalangkas ng Salita ng Diyos para sa ating kaarawan. (Isaias 61:1, 2) Sa anong lawak kailangang ihayag ang mabuting balita sa ating kaarawan? Sinabi ni Jesus: “Sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.” (Marcos 13:10) Buhat sa punto de vista ng tao, ang gawaing iyan ay kalimitang waring imposible.
21 Subalit, taglay ang pagtitiwala kay Kristo bilang Ulo ng kongregasyon, ang uring tapat at maingat na alipin ay patuloy na kumikilos. (Mateo 24:45) Buong katapatan at katatagan na kanilang itinuro sa bayan ni Jehova ang gawaing dapat gampanan. Mula noong 1919 patuloy, higit pang pagdiriin ang ibinigay sa ministeryo sa larangan. Para sa marami, hindi madali ang magbahay-bahay at makipag-usap sa mga taong di-kilala. (Gawa 20:20) Subalit ang mga araling artikulo gaya ng “Pinagpapala ang mga Walang-Takot” (noong 1919) at “Lakasan ang Inyong Loob” (noong 1921) ay tumulong sa ilan upang makapagpasimula sa gawain, na nagtitiwala kay Jehova.
22 Ang panawagan, noong 1922, na “ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian” ay nagbigay ng kinakailangang pampasigla upang magkaroon ang gawaing ito ng nararapat na katanyagan. Mula noong 1927 patuloy, inalis ang mga matatanda na hindi tumanggap ng maka-Kasulatang pananagutang iyan. Halos nang panahon ding iyon, ang naglalakbay na mga kinatawan ng Samahan, ang mga pilgrim, ay naatasan na maging mga regional service director, na nagbibigay ng personal na instruksiyon sa mga mamamahayag sa paglilingkod sa larangan. Hindi lahat ay makapagpapayunir, subalit kung mga dulo ng sanlinggo marami ang nag-uukol ng buong mga araw sa paglilingkuran, nagsisimulang maaga, humihinto sandali upang kumain ng isang sandwich, at pagkatapos ay nagpapatuloy sa paglilingkuran hanggang sa pagtatakip-silim sa hapon. Mahalagang mga panahon iyon ng teokratikong pag-unlad, at tayo ay makikinabang nang malaki sa pagbabalik-tanaw sa paraan ng pag-akay ni Jehova sa kaniyang bayan. Siya’y nagpapatuloy na gawin ang gayon. Taglay ang kaniyang pagpapala, ang gawaing pangangaral ng mabuting balita ng natatag nang Kaharian ay matagumpay na magwawakas.
Nananatili Ka bang Mapagbantay?
23. Kung tungkol sa pag-ibig Kristiyano at pagiging hiwalay sa sanlibutan, papaano maipakikita ng bawat isa sa atin na tayo ay nananatiling mapagbantay?
23 Sa pagtugon sa pag-akay ni Jehova, ang kaniyang organisasyon ay nagbibigay-babala sa atin tungkol sa mga gawain at mga saloobin na magpapakilala sa atin bilang bahagi ng sanlibutan, samakatuwid ay nanganganib lumipas na kasama nito. (1 Juan 2:17) Sa kabilang dako, bawat isa sa atin ay kailangang maging mapagbantay sa pamamagitan ng pagtugon sa patnubay ni Jehova. Tayo’y binibigyan din ni Jehova ng tagubilin tungkol sa pamumuhay at paggawa nang sama-sama. Tinulungan tayo ng kaniyang organisasyon upang sumulong sa pagpapahalaga sa tunay na kahulugan ng pag-ibig Kristiyano. (1 Pedro 4:7, 8) Ang ating pananatiling nagbabantay ay nangangailangan na puspusang sikapin nating ikapit ang payong ito, sa kabila ng mga di-kasakdalan ng tao.
24, 25. Sa anong mahahalagang paraan dapat manatili tayong mapagbantay, taglay ang anong pag-asa?
24 Muli’t muli, pinaaalalahanan tayo ng tapat at maingat na alipin: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.” (Kawikaan 3:5) “Manalangin kayo nang walang-lubay.” (1 Tesalonica 5:17) Tayo’y pinayuhan na matutong isalig ang ating mga pasiya sa Salita ng Diyos, hayaang ang salitang ito ang maging ‘isang ilawan sa ating paa, at liwanag sa ating landas.’ (Awit 119:105) Buong pagmamahal, tayo ay pinatibay-loob na patuloy na unahin sa ating buhay ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ang gawain na inihula ni Jesus para sa ating kaarawan.—Mateo 24:14.
25 Oo, ang tapat at maingat na alipin ay tiyak na nagbabantay. Bawat isa sa atin ay kailangan ding manatiling mapagbantay. Bilang resulta ng paggawa ng gayon, harinawang tayo ay masumpungang kabilang sa mga nakatayong sinang-ayunan sa harap ng Anak ng tao pagdating niya upang isakatuparan ang hatol.—Mateo 24:30; Lucas 21:34-36.
[Mga talababa]
a Faith on the March, ni A. H. Macmillan, Prentice-Hall, Inc., 1957, pahina 19-22.
b Tingnan ang The Watchtower, Agosto 15, 1966, pahina 504-10.
Pagrerepaso
◻ Gaya ng ipinakita sa Mateo 24:42, bakit tayo kailangang manatiling mapagbantay?
◻ Papaano nanatili sa espirituwal na pagbabantay si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod noong unang siglo?
◻ Buhat noong 1870, ano ang mga pagsulong dahil sa ang mga lingkod ni Jehova ay nanatiling mapagbantay?
◻ Ano ang magpapatotoo na tayo bilang mga indibiduwal ay nananatiling mapagbantay?
[Mga larawan sa pahina 23]
Si Jesus ay nanatiling abala sa gawaing iniatas ng kaniyang Ama. Siya rin ay nanalangin nang buong ningas
[Larawan sa pahina 24]
Si Charles Taze Russell noong huling mga taon niya
[Larawan sa pahina 25]
Mahigit na 4,700,000 tagapaghayag ng Kaharian ang aktibo sa buong lupa