Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 5/15 p. 21-23
  • Makapagtitiis Ka Ba?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makapagtitiis Ka Ba?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Ating Di-matiising Modernong Daigdig
  • Mapatitibay ni Jehova ang Iyong Pagtitiis
  • Isang Wastong Pagkakilala sa Sarili at sa Iba
  • Ang Pagtitiis ay Nagdudulot ng Mayayamang Gantimpala
  • Maging Matiisin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
  • Matuto Mula sa Pagkamatiisin ni Jehova at ni Jesus
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Tularan ang Pagkamatiisin ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Mahabang Pagtitiis—Pagbabata na May Layunin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 5/15 p. 21-23

Makapagtitiis Ka Ba?

SINABI ni Jehova kay Abram: “Umalis ka sa iyong lupain . . . at pumaroon sa lupaing ituturo ko sa iyo; at gagawin kitang isang malaking bansa at ikaw ay aking pagpapalain at padadakilain ko ang iyong pangalan.” (Genesis 12:1, 2) Si Abram noon ay 75 taóng gulang. Siya’y sumunod at buong karunungang nagtiis sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay, na naghihintay kay Jehova.

Sa wakas, ganito ang pangako ng Diyos sa matiising si Abraham (Abram): “Tiyak na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin kita.” Isinusog ni apostol Pablo: “At sa gayon pagkatapos na si Abraham ay makapagpakita ng pagtitiis, siya ay nagtamo ng pangakong ito.”​—Hebreo 6:13-15.

Ano ba ang pagtitiis? Ang katuturan nito sa mga diksiyunaryo ay ang kakayahan na “mahinahong hintayin ang isang bagay” o magpakita ng “tiyaga sa harap ng pagpapagalit o kaigtingan.” Samakatuwid nalalagay sa pagsubok ang iyong pagtitiis kung kailangan kang maghintay sa kaninuman o sa isang bagay, o pagka ikaw ay ginalit o napasailalim ng kaigtingan. Sa gayong mga situwasyon nananatiling mahinahon ang taong matiisin; ang di-matiisin naman ay nagiging padalus-dalos at magagalitín.

Ang Ating Di-matiising Modernong Daigdig

Lalo na sa maraming lugar sa lunsod, ang idiniriin ay hindi ang pagtitiis kundi ang bilis. Para sa angaw-angaw na taong namumuhay sa siksikang mga lunsod, bawat araw ay nagsisimula pagka tumunog na ang alarma ng relo sa umaga. Diyan nagsisimula ang apurahang pagkilos​—upang makarating sa isang lugar, upang makipagtagpo sa isang tao, upang makagawa ng isang bagay. Pagtatakhan ba kung bakit marami ang maiigting at di-matiisin?

Nayayamot ka ba pagka napaharap sa mga pagkukulang ng iba? “Ayaw ko ng nahuhuli,” sabi ni Albert. Karamihan ay sasang-ayon na ang paghihintay sa kaninuman na hindi dumarating sa takdang oras ay nagdudulot ng kaigtingan, lalo na kung mayroong huling oras na dapat abutin. Nasabi ang ganito tungkol sa Duke ng Newcastle, isang pulitikong Britano noong ika-18 siglo: ‘Naiwawala niya ang kalahati ng isang oras sa umaga, na kaniyang hinahabol sa natitirang bahagi ng maghapon at hindi niya maabut-abutan iyon.’ Kung aasa ka sa gayong tao araw-araw, mananatili ka bang matiisin?

Sa pagmamaneho ng isang awto, ikaw ba ay madaling mayamot, ayaw maghintay, o natutuksong magmaneho nang napakabilis? Sa gayong mga kalagayan, ang kawalan ng pagtitiis ay kadalasan humahantong sa kapahamakan. Noong 1989, sa dating Kanlurang Alemanya, mahigit na 400,000 aksidente sa haywey ang nagbunga ng pinsala o kamatayan. Sa mga ito, 1 sa 3 ay dahilan sa pagmamaneho nang napakabilis o napakalapit sa sasakyang nasa unahan. Humigit-kumulang, kung gayon, ang pagiging di-matiisin ang sanhi ng kapinsalaan o kamatayan ng mahigit na 137,000 katao. Anong laking halagang kabayaran para sa kawalang-pagtitiis!

“Nahihirapan akong magtiis pagka may umaabala sa akin sa tuwina,” ang reklamo ni Ann, “o pagka ang isa ay napakahambog.” Inaamin naman ni Karl-Hermann na ang kaniyang pagkamatiisin ay napapaharap sa hamon dahil sa “mga kabataan na hindi gumagalang sa matatanda.”

Ang mga ito at iba pang mga situwasyon ay maaaring maging sanhi ng iyong kawalan ng pagtitiis. Kung gayon, papaano mo lilinangin ang katangian na pagtitiis?

Mapatitibay ni Jehova ang Iyong Pagtitiis

Maraming tao ang nag-aakala na ang pagtitiis ay nagpapakita ng kawalan ng tiyak na pagpapasiya o kahinaan. Subalit, kay Jehova, ito’y nangangahulugan ng lakas. Siya mismo “ay matiisin . . . sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Samakatuwid, upang patibayin ang iyong pagkamatiisin, mangunyapit ka kay Jehova at umasa sa kaniya nang iyong buong puso. Ang pagpapatibay sa iyong kaugnayan sa Diyos ang kaisa-isang pinakamahalagang hakbang tungo sa pagpapaunlad ng isang saloobing matiisin.

Bukod dito, mahalaga na malaman ang mga layunin ni Jehova ukol sa lupa at sa sangkatauhan. “Hinihintay [ni Abraham] ang lunsod na may tunay na mga pundasyon [ang Kaharian ng Diyos], na ang tagapagtayo at maygawa ng lunsod na ito ay ang Diyos.” (Hebreo 11:10) Gayundin, magiging kapaki-pakinabang na panatilihin ang malinaw na pananaw tungkol sa banal na mga pangako at maging kontento na maghintay kay Jehova. Kung magkagayon ay matatalos mo na ang pagtitiis, na malayong magpahiwatig ng pag-aatubili, ay aktuwal na umaakit sa mga tao tungo sa tunay na pagsamba. Kung gayon, “ituring ninyo ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan.”​—2 Pedro 3:15.

Ano kung sa iyong sariling kalagayan ay labis na nasusubok ang iyong pagtitiis? Ang mga di-sumasampalataya ba ay nagdudulot sa iyo ng nakapanlulumong kaigtingan? Ikaw ba ay maysakit sa loob ng waring walang-katapusang haba ng panahon? Kung gayon, alalahanin ang isinulat ng alagad na si Santiago. Pagkatapos tukuyin ang halimbawa na ipinakita ng mga propeta sa pagiging matiisin, kaniyang isiniwalat ang lihim ng pananatiling mahinahon sa ilalim ng mahigpit na kaigtingan. Sinabi ni Santiago: “Mayroon bang sinumang nagtitiis ng kasamaan sa inyo? Magpatuloy siya sa pananalangin.”​—Santiago 5:10, 13.

Taimtim na manalangin sa Diyos na patibayin ang iyong pagtitiis at tulungan ka na masupil ang iyong espiritu sa ilalim ng pagsubok. Paulit-ulit na manalangin kay Jehova, at tutulungan ka niya na makilala ang mga kalagayan o ang mga ugali ng iba na nagsisilbing isang banta sa iyong kahinahunan. Ang pananalangin nang patiuna sa mga kalagayang maaaring humantong sa mga pagsubok ay makatutulong sa iyo na manatiling mahinahon.

Isang Wastong Pagkakilala sa Sarili at sa Iba

Upang manatiling may kahinahunan ng isip, kailangang malasin mo ang iyong sarili at ang iba sa isang wastong paraan. Ito ay posible sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, sapagkat ipinakikita nito na bawat isa ay nagmana ng di-kasakdalan at samakatuwid ay may mga kahinaan. Isa pa, ang kaalaman sa Bibliya ay tutulong din sa iyo upang lumago sa pag-ibig. Ang katangiang ito ay kailangan upang maging matiisin sa iba.​—Juan 13:34, 35; Roma 5:12; Filipos 1:9.

Ang pag-ibig at ang pagiging handang magpatawad ay makapagpapahinahon sa iyo pagka ikaw ay nagalit. Kung ang sinuman ay may mga ugaling nakayayamot sa iyo, ang pag-ibig ay magpapaalaala sa iyo na ang mga ugali ang hindi mo gusto, hindi ang tao. Pag-isipan kung gaano kalimit na ang iyong sariling mga kahinaan ay sumusubok sa pagtitiis ng Diyos at kinayayamutan ng iba.

Ang tamang pangmalas sa iyong sarili ay tutulong din sa iyo na maghintay nang may pagtitiis. Halimbawa, ikaw ba ay nagpupunyaging magkapribilehiyo sa paglilingkuran kay Jehova, upang mabigo lamang? Nadarama mo bang ang iyong pagtitiis ay nauubos na gaya ng huling mga butil ng buhangin sa isang talaorasan? Kung gayon, tandaan na ang malaking kawalan ng pagtitiis ay dahil sa pagmamataas. “Mas mabuti ang isa na matiisin kaysa isa na mapagmataas sa espiritu,” ang sabi ni Solomon. (Eclesiastes 7:8) Oo, ang pagmamataas ay isang malaking balakid sa pagpapasulong ng pagtitiis. Hindi ba totoo na nasusumpungan ng isang taong mapagpakumbaba na mas madaling maghintay nang may kahinahunan? Kung gayon, pasulungin ang pagpapakumbaba, at ang pagkaantala ay mas madali mong matatanggap taglay ang kapayapaan ng isip.​—Kawikaan 15:33.

Ang Pagtitiis ay Nagdudulot ng Mayayamang Gantimpala

Pangunahin nang kilala si Abraham dahil sa kaniyang pananampalataya. (Roma 4:11) Gayunman, pinatibay ng pagtitiis ang kaniyang pananampalataya. Ano ba ang kaniyang gantimpala sa paghihintay kay Jehova?

Pinagkalooban ni Jehova si Abraham ng lumalaking pagtitiwala. Sa gayon ay naging dakila ang pangalan ni Abraham at ang kaniyang mga inapo ay naging isang makapangyarihang bansa. Lahat ng bansa sa lupa ay magpapala ng kanilang sarili sa pamamagitan ng kaniyang binhi. Si Abraham ay nagsilbing tagapasalita para sa Diyos at pati na sa pagiging isang tipo ng Maylikha. Mayroon pa bang lalong dakilang gantimpala sa pananampalataya at pagtitiis ni Abraham?

“Si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal” sa mga Kristiyano na nagbabatá ng mga pagsubok. (Santiago 5:10, 11) Ang gayong mga tao ay nagtatamasa ng malinis na budhi dahilan sa pagsasagawa ng kaniyang kalooban. Kung gayon, sa iyong kalagayan, kung hihintayin mo si Jehova at matiyagang magbabata ng mga pagsubok, ang iyong pagtitiis ay magbubunga ng pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova.

Ang pagtitiis ay may mabuting nagagawa sa bayan ng Diyos sa bawat pitak ng buhay. Natuklasan ito ng dalawa sa mga lingkod ni Jehova, sina Christian at Agnes, nang sila’y magpasiyang maging magkatipan. Kanilang pinatagal ang tipanan dahil sa paggalang sa mga magulang ni Christian, na nangailangan ng panahon upang makilala si Agnes. Ano ang naging epekto ng ginawa nilang ito?

“Noon lamang bandang huli namin nabatid ang kahulugan ng aming pagtitiis para sa aking mga magulang,” paliwanag ni Christian. “Ang aming matiyagang paghihintay ay hindi sumira ng ugnayan naming mag-asawa. Subalit iyon ang unang pampatibay sa aming kaugnayan sa aking mga magulang.” Oo, ang pagtitiis ay nagdudulot ng mayayamang pagpapala.

Ang pagtitiis ay nagtataguyod din ng kapayapaan. Pahahalagahan ng pamilya at mga kaibigan na hindi mo ginagawang isang isyu ang bawat pagkukulang nila. Naiiwasan ang nakahihiyang mga pangyayari dahil sa iyong kahinahunan at kaunawaan pagka nagkamali ang iba. Isang kawikaang Intsik ang nagsasabi: “Ang pagtitiis sa sandali ng pagkagalit ay tutulong sa iyo upang maiwasan ang isang daang araw ng pagdurusa.”

Ang pagtitiis ay nagpapaganda ng iyong personalidad, anupat tinutulungan ka upang mapanatili ang iyong ibang mabubuting katangian. Pinatitibay nito ang iyong pananampalataya, pinamamalagi ang iyong kapayapaan, at pinatatatag ang iyong pag-ibig. Ang pagtitiis ay tutulong sa iyo upang magalak samantalang nagpapakita ng kabaitan, kabutihan, at kaamuan. Ang pagiging matiisin ay nagpapatibay ng lakas na kailangan sa pagpapaunlad ng mahabang-pagtitiis at pagpipigil-sa-sarili.

Kung gayon, hintayin nang may pagtitiis ang katuparan ng mga pangako ni Jehova, at ikaw ay tiyak na magkakaroon ng isang kahanga-hangang kinabukasan. Tulad ni Abraham, ‘sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay manahin mo sana ang mga pangako.’​—Hebreo 6:12.

[Larawan sa pahina 23]

Ang isang matalik na kaugnayan kay Jehova ay tutulong sa iyo na magpakita ng pagtitiis, gaya ng ginawa ni Abraham

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share