Ano ang Nangyayari sa Awtoridad?
NAKIKITA ng palaisip na mga tao ang pangangailangan ng awtoridad. Kung walang anumang uri ng kaayusan tungkol sa awtoridad, ang lipunan ng tao ay mabilis na magiging isang masalimuot na kaguluhan. Kaya naman, isang klasikang aklat-araling Pranses tungkol sa konstitusyonal na batas ang nagsasabi: “Sa alinmang grupo ng tao, masusumpungan ang dalawang kategorya ng mga tao: yaong mga nag-uutos at yaong mga sumusunod, yaong mga nagbibigay ng alituntunin at yaong mga tumutupad, mga lider at mga miyembro, ang mga namamahala at ang pinamamahalaan. . . . Ang pag-iral ng awtoridad ay makikita sa anumang lipunan ng tao.”a
Gayunman, ang mga saloobin tungkol sa awtoridad ay nagbago sapol noong Digmaang Pandaigdig II at lalung-lalo na sapol noong mga taon ng 1960. Tungkol sa panahong iyan, ang Pranses na Encyclopædia Universalis ay bumabanggit tungkol sa “krisis na laban sa herarkiya at laban sa awtoridad.” Ang gayong krisis ay hindi ipinagtataka ng mga estudyante ng Bibliya. Inihula ni apostol Pablo: “Tandaan, ang huling panahon ng sanlibutang ito ay magiging isang panahon ng kabagabagan! Ang mga tao ay walang iibigin kundi ang sarili at salapi; sila’y magiging mga hambog, arogante, at abusado; masuwayin sa mga magulang . . . ; hindi mapahupa ang kanilang poot, . . . di-masupil at marahas, labis na mapagpahalaga sa sarili. Iibigin nila ang kanilang mga kalayawan higit kaysa kanilang Diyos.”—2 Timoteo 3:1-4, The Revised English Bible.
Krisis sa Awtoridad
Mainam na inilalarawan ng hulang ito ang ating kaarawan at panahon. Ang awtoridad ay hinahamon sa lahat ng antas—pamilya, paaralang pampubliko, pamantasan, negosyo, lokal at pambansang pamahalaan. Ang seksuwal na rebolusyon, ang hard-core na musikang rap, mga demonstrasyon ng mga estudyante, labag-sa-kontratang mga welgang udyok ng ilang manggagawa, paglaban ng mga mamamayan sa kahilingan ng pamahalaan, at ang mga gawang terorismo ay pawang mga tanda ng pagguho ng paggalang sa awtoridad.
Sa isang simposyum na inorganisa sa Paris ng French Institute of Political Science at ng peryodikong Le Monde ng Paris, si Propesor Yves Mény ay nagsabi: “Ang awtoridad ay makaiiral lamang kung ito ay naaayon sa batas.” Ang isang dahilan sa kasalukuyang krisis ng awtoridad ay sapagkat marami ang nag-aalinlangan tungkol sa pagkamarapat niyaong mga nasa kapangyarihan. Ang ibig sabihin, sila’y nag-aalinlangan sa kanilang karapatan na humawak ng awtoridad. Ang isang surbey ay nagsiwalat na noong maagang mga taon ng 1980, 9 na porsiyento ng populasyon sa Estados Unidos, 10 porsiyento sa Australia, 24 na porsiyento sa Britanya, 26 na porsiyento sa Pransya, at 41 porsiyento sa India ang nagtuturing na ang kanilang pamahalaan ay hindi naaayon sa batas.
Ang Paghahanap ng Tao ng Legal na Awtoridad
Ayon sa Bibliya, sa simula ang tao ay nasa ilalim ng tuwirang awtoridad ng Diyos. (Genesis 1:27, 28; 2:16, 17) Subalit, maaga pa nang panahong iyon, ang mga tao ay nag-angkin ng moral na pagsasarili buhat sa kanilang Maylikha. (Genesis 3:1-6) Palibhasa’y tinanggihan na nga ang teokrasya, o pamamahala ng Diyos, sila’y kailangang humanap ng ibang mga sistema ng awtoridad. (Eclesiastes 8:9) Iginiit ng ilan ang kanilang awtoridad sa pamamagitan ng lakas. Para sa kanila, ang kapangyarihan ang nagbigay sa kanila ng karapatan. Sapat nang sila’y may lakas upang ipatupad ang kanilang kalooban. Subalit, nadama ng karamihan ang pangangailangan na iayon sa batas ang kanilang karapatang mamahala.
Mula nang pinakamaaagang panahon maraming tagapamahala ang gumawa nito sa pamamagitan ng pagsasabing sila’y mga diyos o na sila’y tumanggap ng kapangyarihan buhat sa mga diyos. Ito ang makaalamat na idea ng “sagradong pagkahari,” na inaangkin ng sinaunang mga tagapamahala ng Mesopotamia at ng mga Faraon ng sinaunang Ehipto.
Si Alejandrong Dakila, ang Hellenistikong mga hari na humalili sa kaniya, at ang marami sa mga emperador na Romano ay nag-angkin din na sila’y mga diyos at nag-utos na sila’y sambahin. Ang mga pamamalakad sa ilalim ng gayong mga tagapamahala ay nakilala bilang “mga kulto ng tagapamahala,” at ang mga ito ay nilayon na patibayin ang awtoridad ng tagapamahala sa isang haluang grupo ng nabihag na mga bayan. Ang pagtangging sumamba sa tagapamahala ay hinatulan bilang isang gawang laban sa Estado. Sa The Legacy of Rome, ganito ang isinulat ni Propesor Ernest Barker: “Ang pagkilala na diyos ang [Romanong] emperador, at ang panunumpa ng katapatan na kaniyang tinatanggap dahilan sa kaniyang pagkadiyos, ay maliwanag na siyang pundasyon, o sa anumang paraan ang tagapagkaisa, sa imperyo.”
Ito’y nanatiling totoo kahit na pagkatapos na ang “Kristiyanismo” ay gawing legal ni Emperador Constantino (namahala noong 306-337 C.E.) at nang malaunan ay pinagtibay bilang relihiyon ng Estado ng Imperyong Romano sa ilalim ni Emperador Theodosius I (namahala noong 379-395 C.E.). Ang ilan sa “Kristiyanong” mga emperador ay sinamba bilang mga diyos hanggang noong ikalimang siglo C.E.
“Dalawang Kapangyarihan,” “Dalawang Tabak”
Habang ang papado ay nagiging lalong makapangyarihan, naging malala ang mga suliranin sa pagitan ng Iglesya at ng Estado. Kaya naman, nang katapusan ng ikalimang siglo C.E., itinakda ni Papa Gelasius I ang simulain ng “dalawang kapangyarihan”: ang sagradong awtoridad ng mga papa na kasabay na umiiral ng maharlikang kapangyarihan ng mga hari—na ang mga hari ay nasasakupan ng mga papa. Ang simulaing ito nang malaunan ay naging doktrina ng “dalawang tabak”: “Ang espirituwal na tabak ay hinawakan mismo ng mga papa, na ipinagkaloob ang sekular na tabak sa karaniwang mga tagapamahala, subalit itong huli ay kailangang gumamit ng sekular na tabak ayon sa mga tagubilin ng papa.” (The New Encyclopædia Britannica) Salig sa doktrinang ito, noong Edad Medya, inangkin ng Iglesya Katolika ang karapatan na magputong ng korona sa mga emperador at mga hari upang maging legal ang kanilang awtoridad, sa gayo’y pinananatili ang sinaunang alamat ng “sagradong pagkahari.”
Gayunman, ito’y hindi dapat ipagkamali sa umano’y banal na karapatan ng mga hari, na isang pangyayari nang bandang huli na nilayon upang mapalaya ang pulitikal na mga tagapamahala buhat sa pagpapasakop sa papado. Ang teoriya ng banal na karapatan ay nagtatakda na ang awtoridad ng mga hari upang mamahala ay tinanggap nang tuwiran buhat sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng papa ng Roma. Ganito ang sabi ng New Catholic Encyclopedia: “Nang panahon na ang papa ay may pansansinukob na espirituwal at maging sekular na kapangyarihan sa mga pinuno ng mga estado, ang idea ng banal na karapatan ay naglagay sa mga hari ng pambansang mga estado sa isang posisyon na ariing-matuwid ang kanilang awtoridad bilang banal na kagaya ng sa papa.”b
Ang Alamat ng Popular na Soberanya
Sa paglipas ng panahon, nagmungkahi ang mga tao ng iba pang pinagmumulan ng awtoridad. Ang isa ay ang soberanya ng mga mamamayan. Marami ang naniniwala na ang ideang ito ay nagsimula sa Gresya. Gayunman, ang sinaunang demokrasyang Griego ay sinusunod lamang sa ilang lunsod-estado, at maging sa mga ito ay mga mamamayang lalaki lamang ang bumoboto. Ang mga babae, alipin, residenteng mga dayuhan—tinatayang kalahati hanggang apat kalima ng populasyon—ay hindi kasali. Hindi nga masasabing popular na soberanya!
Sino ang pasimuno ng idea na soberanya ng mga mamamayan? Nakapagtataka man, ito ay ipinakilala noong Edad Medya ng mga teologong Romano Katoliko. Noong ika-13 siglo, naniwala si Thomas Aquinas na samantalang sa Diyos nanggagaling ang soberanya, ang karapatan dito ay ibinigay sa mga mamamayan. Ang ideang ito ay napatunayang popular. Ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang ideang ito na ang mamamayan ang pinagmumulan ng awtoridad ay suportado ng lubhang karamihan ng mga teologong Katoliko noong ika-17 siglo.”
Bakit ang mga teologo ng isang iglesya na kung saan ang mga mamamayan ay walang anumang tinig sa pagpili ng papa, obispo, o pari ay magtataguyod ng idea ng soberanya ng mga mamamayan? Sapagkat ang ilang haring Europeo ay patuloy na nababalisa sa ilalim ng awtoridad ng papa. Ang teoriya ng popular na soberanya ay nagbigay sa papa ng kapangyarihang magbagsak sa isang emperador o monarkiya kung waring kailangan iyon. Ang mga istoryador na sina Will at Ariel Durant ay sumulat: “Kabilang sa mga tagapagtanggol ng popular na soberanya ang maraming Jesuita, na nakita sa pananaw na ito ang isang paraan ng pagpapahina sa awtoridad ng hari laban sa papa. Nangatuwiran si Cardinal Bellarmine na kung ang awtoridad ng mga hari ay nagbuhat sa, at samakatuwid nasa ilalim ng kapangyarihan ng, mga mamamayan, maliwanag na iyon ay nakabababa sa awtoridad ng mga papa . . . Si Luis Molina, na isang Kastilang Jesuita, ay nanghinuha na ang mga mamamayan, bilang pinagmumulan ng sekular na awtoridad, ay may katuwiran—subalit sa pamamagitan ng maayos na paraan—na alisin ang isang di-makatarungang hari.”
Mangyari pa, ang “maayos na paraan” ay itinatakda ng papa. Sa pagpapatotoo rito, ang Pranses na Katolikong Histoire Universelle de l’Eglise Catholique ay sumisipi sa Biographie universelle, na nagsasabi: “Si Bellarmine . . . ay nagtuturo na isang karaniwang Katolikong doktrina ang pagkuha ng mga prinsipe ng kanilang kapangyarihan buhat sa pinili ng mga mamamayan, at na ang mga mamamayan ay maaaring gumamit ng karapatang ito tangi lamang sa impluwensiya ng papa.” (Amin ang italiko.) Sa gayon ang popular na soberanya ay naging isang kasangkapan na magagamit ng papa upang impluwensiyahan ang pagpili ng mga tagapamahala at, kung kinakailangan, ipaalis sila. Hindi pa gaanong natatagalan, pinahintulutan nito ang herarkiyang Katoliko na impluwensiyahan ang mga botanteng Katoliko sa tipikong mga demokrasya.
Sa modernong mga demokrasya ang pagiging legal ng pamahalaan ay salig sa tinatawag na “pagsang-ayon ng mga pinamamahalaan.” Subalit, sa totoo, ito ang “pagsang-ayon ng karamihan,” at dahilan sa kawalang-malasakit ng mga botante at ng manlilinlang na mga pulitiko, itong “karamihan” ay kalimitang sa totoo ay isang minorya lamang ng populasyon. Sa ngayon, ang “pagsang-ayon ng mga pinamamahalaan” ay kalimitan walang ibig sabihin kundi “pagpayag, o pagpapahinuhod, ng mga pinamamahalaan.”
Ang Alamat ng Pambansang Soberanya
Ang alamat ng sagradong pagkahari na itinaguyod ng sinaunang mga papa ay bumaligtad sa papado nang ito’y mauwi sa banal na karapatan ng mga hari. Ang teoriya ng popular na soberanya ay bumaligtad din sa Iglesya Katolika. Noong ika-17 at ika-18 siglo, ang sekular na mga pilosopo, tulad ng Ingles na sina Thomas Hobbes at John Locke at ang Pranses na si Jean-Jacques Rousseau, ay nagmunimuni tungkol sa idea ng popular na soberanya. Sila’y bumuo ng mga bersiyon ng teoriya ng isang “kontratang panlipunan” sa pagitan ng mga tagapamahala at ng mga pinamamahalaan. Ang mga simulain ng mga ito ay salig hindi sa teolohiya kundi sa “likas na batas,” at ang kuru-kuro ay humantong sa mga idea na lubhang nakapinsala sa Iglesya Katolika at sa papado.
Di-nagtagal pagkamatay ni Rousseau, sumiklab ang Rebolusyong Pranses. Ang Rebolusyong ito ay sumira ng ilang idea ng pagkanaaayon sa batas, subalit lumikha ito ng isang bago, ang idea ng pambansang soberanya. Ganito ang komento ng The New Encyclopædia Britannica: “Tinanggihan ng mga Pranses ang banal na karapatan ng mga hari, ang pangingibabaw ng angkang maharlika, ang mga pribilehiyo ng Iglesya Katolika Romana.” Subalit, sinasabi ng Britannica, “ang Rebolusyon ay nagdala ng bagong imbensiyon, ang bansang-estado, sa pagkamaygulang.” Kailangan ng mga rebolusyonaryo ang bagong “imbensiyon” na ito. Bakit?
Sapagkat sa ilalim ng sistemang itinaguyod ni Rousseau, lahat ng mamamayan ay magkakaroon ng pare-parehong bahagi sa pagpili ng mga tagapamahala. Ito’y magbubunga ng demokrasya na salig sa pansansinukob na karapatang bumoto—isang bagay na hindi sang-ayon ang mga lider ng rebolusyong Pranses. Ganito ang paliwanag ni Propesor Duverger: “Upang tiyakang maiwasan ang resultang ito, na itinuring na di-kanais-nais, kung kaya, mula noong 1789 hanggang 1791, ang mga nakaririwasa na bahagi ng Constituent Assembly ay nag-imbento ng teoriya ng pambansang soberanya. Ang mga mamamayan ay kanilang ipinakilalang ang ‘Bansa,’ na itinuring nilang isang tunay na bagay, naiiba sa mga bahagi nito. Ang Bansa lamang, sa pamamagitan ng mga kinatawan nito, ang may karapatang maghawak ng soberanya . . . Bagaman sa anyo’y demokratiko, ang doktrina ng pambansang soberanya ay hindi talagang demokratiko sapagkat maaari itong gamitin upang ariing-matuwid ang halos anumang anyo ng pamahalaan, ang awtokrasya lalo na.” (Kaniya ang italiko.)
Bigo ang mga Pagsisikap ng Tao
Ang pagtanggap sa Bansang-Estado bilang isang lehitimong pinagmumulan ng awtoridad ay umakay tungo sa nasyonalismo. Ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Malimit na ang nasyonalismo ay inaakalang napakatanda na; kung minsa’y may kamaliang itinuturing ito bilang isang permanenteng salik sa kalakaran ng pulitika. Sa aktuwal, maaaring ituring ang mga rebolusyong Amerikano at Pranses bilang ang unang makapangyarihang mga patotoo nito.” Magmula nang mga rebolusyong iyon, lumaganap ang nasyonalismo sa mga Amerika, Europa, Aprika, at Asia. Inaring-matuwid ang mapaminsalang mga digmaan sa ngalan ng nasyonalismo.
Sumulat ang Britanong istoryador na si Arnold Toynbee: “Ang espiritu ng Nasyonalismo ay isang kumasim na uri ng bagong alak ng Demokrasya sa mga lumang bote ng Tribulismo. . . . Ang kakatuwang kompromisong ito sa pagitan ng Demokrasya at Tribulismo ay higit na mabisa sa praktikal na pulitika ng ating modernong Kanluraning Daigdig kaysa Demokrasya mismo.” Ang nasyonalismo ay walang naibungang isang mapayapang daigdig. Sinabi ni Toynbee: “Ang mga Digmaan ng Relihiyon ay sinundan, pagkatapos ng maikling pagpapaliban, ng mga Digmaan ng Nasyonalidad; at sa ating modernong Kanlurang Daigdig ang espiritu ng relihiyosong pagkapanatiko at ang espiritu ng pambansang pagkapanatiko ay maliwanag na iisa at parehong masamang silakbo ng damdamin.”
Sa pamamagitan ng mga alamat ng “sagradong pagkahari,” “banal na karapatan ng mga hari,” “popular na soberanya,” at “pambansang soberanya,” tinangka ng mga tagapamahala na gawing legal ang kanilang awtoridad sa mga kapuwa tao. Gayunman, pagkatapos isaalang-alang ang rekord ng mga tagapamahalang tao, hindi makaiiwas ang isang Kristiyano na makibahagi sa kaisipang ipinahayag ni Solomon: “Dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9.
Sa halip na sambahin ang pulitikal na Estado, ang mga Kristiyano ay sumasamba sa Diyos at kinikilala siya na lehitimong pinagmumulan ng lahat ng awtoridad. Sila’y sumasang-ayon sa salmistang si David na nagsabi: “Iyo, Yahweh, ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karilagan, ang kahabaan ng mga araw at kaluwalhatian, lahat ng nasa langit at ng nasa lupa ay iyo. Iyo ang soberanya, Yahweh; ikaw ay dakila, kataas-taasan sa lahat.” (1 Cronica 29:11, The New Jerusalem Bible) Gayunman, bilang pagpapakundangan sa Diyos, sila’y nagpapakita ng nararapat na paggalang sa awtoridad kapuwa sa sekular at sa espirituwal na mga larangan. Susuriin sa dalawang kasunod na artikulo kung papaano at bakit nila nagagawa ito nang may kagalakan.
[Mga talababa]
a Droit constitutionnel et institutions politiques, ni Maurice Duverger.
b Sinasabi ng The Catholic Encyclopedia: “Ang ‘banal na karapatang ito ng mga hari’ (ibang-iba sa doktrina na lahat ng awtoridad, maging yaong sa hari o sa republika, ay mula sa Diyos), ay hindi kailanman pinayagan ng Iglesya Katolika. Sa Repormasyon iyon ay nasa anyong labis na salungat sa Katolisismo, na ang mga monarkiyang katulad nina Henry VIII, at James I, ng Inglatera, ay nag-angkin ng lubos na espirituwal at gayundin ng sibil na awtoridad.”
[Larawan sa pahina 15]
Inangkin ng Iglesya Katolika ang awtoridad na magputong ng korona sa mga emperador at mga hari
[Credit Line]
Pagtatalaga kay Carlomagno: Bibliothèque Nationale, Paris