Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 8/1 p. 9-14
  • Si Jehova ay Makatuwiran!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Si Jehova ay Makatuwiran!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Si Jehova​—Ang Pinakamadaling Makibagay na Persona sa Sansinukob
  • Ang Pagka-makatuwiran Isang Tanda ng Banal na Karunungan
  • “Handang Magpatawad”
  • Nagbabagong Paraan ng Pagkilos Samantalang Bumabangon ang Bagong mga Kalagayan
  • Pagka-makatuwiran sa Paggamit ng Awtoridad
  • “Marunong Siya” Ngunit Mapagpakumbaba
    Maging Malapít kay Jehova
  • Paunlarin ang Pagka-Makatuwiran
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Tularan si Jehova—Maging Makatuwiran
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
  • Pahalagahan ang Pagkabukas-Palad at Pagkamakatuwiran ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 8/1 p. 9-14

Si Jehova ay Makatuwiran!

“Ang karunungan mula sa itaas ay . . . makatuwiran.”​—SANTIAGO 3:17.

1. Papaano inilarawan ng ilan ang Diyos bilang di-makatuwiran, at ano ang iyong nadarama tungkol sa gayong pangmalas sa Diyos?

ANONG uri ng Diyos ang sinasamba mo? Naniniwala ka ba na siya’y isang Diyos na may di-nababago, istriktong katarungan, mabalasik, at matigas ang kalooban? Sa Protestanteng repormistang si John Calvin, ang Diyos ay waring ganiyan nga. May paniwala si Calvin na ang Diyos ay may isang “walang-hanggan at di-nagbabagong plano” tungkol sa bawat tao, anupat itinatakda na ang bawat isa’y mabubuhay magpakailanman sa kaligayahan o pahihirapan nang walang-hanggan sa apoy ng impiyerno. Gunigunihin: Kung ito ay totoo, wala ka nang magagawang anuman, gaano man ang iyong pagsisikap, na makapagpapabago pa sa malaon nang nakatakdang plano ng Diyos tungkol sa iyo at sa iyong hinaharap. Maakit ka kaya sa gayong di-makatuwirang Diyos?​—Ihambing ang Santiago 4:8.

2, 3. (a) Papaano natin maipaghahalimbawa ang pagiging di-makatuwiran ng mga institusyon at mga organisasyon ng tao? (b) Papaano isinisiwalat ng pangitain ni Ezekiel tungkol sa makalangit na karo ni Jehova ang Kaniyang pagiging madaling makibagay?

2 Anong laking kaginhawahan kapag ating nalaman na ang Diyos ng Bibliya ay totoong makatuwiran! Hindi ang Diyos kundi ang mga tao ang nakahilig na maging matigas at mahigpit, anupat nakagapos sa kanilang sariling di-kasakdalan. Ang mga organisasyon ng tao ay maaaring katulad ng pangkargadang mga tren na mahirap imaneho. Kapag may isang sagabal sa riles na daraanan ng isang malaking pangkargadang tren, ang pagliko ay imposible, at napakahirap din ang paghinto. Napakabilis ng takbo ng ilang tren kung kaya mahigit na isang kilometro pa ang malalakbay matapos na gamitin ang preno! Gayundin, ang isang supertanker ay maaaring mamaybay pa nang walong kilometro sa dagat matapos pahintuin ang mga makina. Kahit na ang mga ito’y ikambiyong paurong, maaaring ito’y magpatuloy pa rin nang tatlong kilometro! Subalit isaalang-alang ngayon ang isang sasakyan na lalong kagila-gilalas kaysa dalawang ito, isa na kumakatawan sa organisasyon ng Diyos.

3 Mahigit na 2,600 taon na ang lumipas, binigyan ni Jehova si propeta Ezekiel ng isang pangitain na lumarawan sa Kaniyang makalangit na organisasyon ng espiritung mga nilalang. Iyon ay isang karo na nakapanggigilalas ang laki, ang sariling “sasakyan” ni Jehova na laging nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan. Lubhang kawili-wili ang paraan ng pagkilos niyaon. Ang napakalalaking gulong ay may apat na gilid at punô ng mga mata, kung kaya ang mga iyon ay nakakakita sa lahat ng dako at agad na nakapagbabago ng direksiyon, nang hindi humihinto o lumiliko. At ang napakalaking sasakyang ito ay hindi na kailangang tumulak pa gaya ng isang supertanker o isang pangkargadang tren. Ito’y nakakakilos nang simbilis ng kidlat, anupat maaaring biglang lumiko nang pakanan o pakaliwa! (Ezekiel 1:1, 14-28) Si Jehova ay ibang-iba sa Diyos na ipinangaral ni Calvin kung papaanong ang Kaniyang karo ay ibang-iba sa gawang-taong mga makina na di-mabuti ang pagkayari. Siya ay lubusang marunong makibagay. Ang pagpapahalaga sa ganitong katangian ng personalidad ni Jehova ay dapat tumulong sa atin na manatiling madaling makibagay at maiwasan ang silo ng pagiging di-makatuwiran.

Si Jehova​—Ang Pinakamadaling Makibagay na Persona sa Sansinukob

4. (a) Sa anong paraan ang mismong pangalan ni Jehova ay nagsisiwalat sa kaniya bilang isang Diyos na madaling makibagay? (b) Ano ang ilan sa mga titulong ikinakapit sa Diyos na Jehova, at bakit angkop ang mga ito?

4 Ang mismong pangalan ni Jehova ay nagpapahiwatig ng kaniyang pagiging madaling makibagay. Ang “Jehova” ay literal na nangangahulugang “Kaniyang Pinapangyayaring Matupad.” Ito’y maliwanag na nangangahulugang pinapangyayari ni Jehova ang kaniyang sarili na maging ang Tagatupad ng lahat ng kaniyang pangako. Nang itanong ni Moises sa Diyos ang kaniyang pangalan, pinalawak pa ni Jehova ang kahulugan niyaon sa ganitong paraan: “Patutunayan ko kung ano ang patutunayan ko.” (Exodo 3:14) Tuwiran ang pagkasalin doon ni Rotherham: “Magiging Gayon Ako anuman ang kalugdan ko.” Pinatutunayan ni Jehova kung ano siya, o minabuti niyang maging gayon siya, anuman ang kinakailangan upang matupad ang kaniyang matuwid na mga layunin at mga pangako. Kaya naman, taglay niya ang isang kahanga-hangang pagtatanghal ng mga titulo, tulad halimbawa ng Maylikha, Ama, Soberanong Panginoon, Pastol, Jehova ng mga hukbo, Dumirinig ng panalangin, Hukom, Dakilang Instruktor, Manunubos. Pinapangyayari niyang ang kaniyang sarili’y maging lahat ng ito at higit pa upang maisagawa ang kaniyang maibiging mga layunin.​—Isaias 8:13; 30:20; 40:28; 41:14; Awit 23:1; 65:2; 73:28; 89:26; Hukom 11:27; tingnan din ang Apendise 1J ng Bagong Sanlibutang Salin.

5. Bakit hindi tayo dapat manghinuha na ang pagiging madaling makibagay ni Jehova ay nagpapahiwatig na nagbabago ang kaniyang kalikasan o mga pamantayan?

5 Kung gayon, nangangahulugan ba ito na ang kalikasan o mga pamantayan ng Diyos ay nagbabago? Hindi; gaya ng pagkasabi ng Santiago 1:17, “sa kaniya ay walang pagbabagu-bago sa pagbaling ng anino.” May pagkakasalungatan ba rito? Wala. Halimbawa, sinong maibiging magulang ang hindi nagpapalit ng ginagampanang papel sa kapakinabangan ng mga anak? Sa isang araw, ang isang magulang ay maaaring maging isang tagapayo, tagapagluto, tagapangalaga ng bahay, guro, tagadisiplina, kaibigan, mekaniko, nars​—mahaba pa ang talaan. Hindi nagbabago ng personalidad ang magulang kapag ginagampanan niya ang mga papel na ito; nakikibagay lamang siya sa kasalukuyang mga pangangailangan. Ganiyan din kung tungkol kay Jehova ngunit sa isang lalong malawak na paraan. Walang hangganan ang maaari niyang gawin sa kapakinabangan ng kaniyang mga nilalang. Tunay na kahanga-hanga ang lalim ng kaniyang karunungan!​—Roma 11:33.

Ang Pagka-makatuwiran Isang Tanda ng Banal na Karunungan

6. Ano ang literal na kahulugan at ipinahihiwatig ng salitang Griego na ginamit ni Santiago sa paglalarawan sa banal na karunungan?

6 Gumamit ang alagad na si Santiago ng isang kawili-wiling salita upang ilarawan ang karunungan ng Diyos na ito na lubhang madaling makibagay. Siya ay sumulat: “Ang karunungan mula sa itaas ay . . . makatuwiran.” (Santiago 3:17) Ang salitang Griego na ginamit niya rito (e·pi·ei·kesʹ) ay mahirap isalin. Ginamit ng mga tagapagsalin ang mga salitang gaya ng “malumanay,” “di-mahigpit,” “matiisin,” at “makonsiderasyon.” Isinalin ito ng Bagong Sanlibutang Salin bilang “makatuwiran,” may kasamang talababa na nagpapakitang ang literal na kahulugan ay “mapagbigay.”a Ang salita ay nagpapahiwatig din ng diwa na hindi iginigiit ang bawat maliit na detalye ng batas, hindi labis-labis na istrikto o mahigpit. Ganito ang komento ng iskolar na si William Barclay sa New Testament Words: “Ang saligan at mahalagang bagay tungkol sa epieikeia ay na ito’y nagmumula sa Diyos. Kung iginiit ng Diyos ang kaniyang mga karapatan, kung ang ikinapit sa atin ng Diyos ay tanging ang mahihigpit na pamantayan ng batas, nasaan kaya tayo? Ang Diyos ang pinakamatayog na halimbawa ng isa na epieikēs at isa na nakikitungo sa iba taglay ang epieikeia.”

7. Papaano nagpakita si Jehova ng pagka-makatuwiran sa halamanan ng Eden?

7 Isaalang-alang ang panahon nang ang sangkatauhan ay maghimagsik laban sa soberanya ni Jehova. Anong dali nga para sa Diyos na lipulin yaong tatlong walang utang-na-loob na mga rebelde​—sina Adan, Eva, at Satanas! Anong laking dalamhati ang sa ganoo’y naiwasan sana niya para sa kaniyang sarili! At sino ang makapangangatuwiran na siya’y walang karapatan na ikapit ang gayong mahigpit na katarungan? Gayunman, hindi kailanman pinangyari ni Jehova na ang kaniyang makalangit na tulad-karong organisasyon ay manghawakan sa isang mahigpit, di-naibabagay na pamantayan ng katarungan. Kaya hindi nangyari na walang-awang magulungan ng karong iyon ang pamilya ng tao at lahat ng pag-asa ng sangkatauhan para sa maligayang kinabukasan. Sa kabaligtaran, minaneobra ni Jehova ang kaniyang karo taglay ang tulad-kidlat na bilis. Karaka-raka pagkatapos ng paghihimagsik, bumalangkas ang Diyos na Jehova ng isang pangmatagalang layunin na naghandog ng awa at pag-asa para sa lahat ng inapo ni Adan.​—Genesis 3:15.

8. (a) Papaano ang maling pangmalas ng Sangkakristiyanuhan sa pagka-makatuwiran ay naiiba sa tunay na pagka-makatuwiran ni Jehova? (b) Bakit masasabi natin na ang pagka-makatuwiran ni Jehova ay hindi nagpapahiwatig na maaaring ikompromiso niya ang banal na mga simulain?

8 Gayunman, ang pagka-makatuwiran ni Jehova ay hindi nagpapahiwatig na kaniyang ikokompromiso ang banal na mga simulain. Maaaring isipin ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon na sila ay makatuwiran kapag ipinagkikibit-balikat nila ang imoralidad upang makakuha ng pabor mula sa kanilang masuwaying mga kawan. (Ihambing ang 2 Timoteo 4:3.) Hindi kailanman nilalabag ni Jehova ang kaniyang sariling mga batas, ni ikinokompromiso man niya ang kaniyang mga simulain. Sa halip, siya ay handang magparaya, upang umangkop sa mga kalagayan, upang ang mga simulaing iyon ay maikapit sa makatarungan at maawaing paraan. Laging nasa isip niya ang balanseng paggamit ng katarungan at kapangyarihan kaugnay ng kaniyang pag-ibig at makatuwirang karunungan. Isaalang-alang natin ang tatlong paraan kung papaano ipinakikita ni Jehova ang pagka-makatuwiran.

“Handang Magpatawad”

9, 10. (a) Ano ang kaugnayan ng pagiging “handang magpatawad” sa pagka-makatuwiran? (b) Papaano nakinabang si David buhat sa pagiging handang magpatawad ni Jehova, at bakit?

9 Sumulat si David: “Sapagkat ikaw, Oh Jehova, ay mabuti at handang magpatawad; at ang maibiging-kabaitan sa lahat ng tumatawag sa iyo ay sagana.” (Awit 86:5) Nang ang Kasulatang Hebreo ay isinasalin sa Griego, ang salita para sa “handang magpatawad” ay isinalin bilang e·pi·ei·kesʹ, o “makatuwiran.” Oo, ang pagiging handang magpatawad at magpakita ng awa ay marahil ang mahalagang paraan upang maipakita ang pagka-makatuwiran.

10 Alam na alam ni David kung gaano ang pagka-makatuwiran ni Jehova hinggil dito. Nang si David ay makiapid kay Bath-sheba at isaayos na mapatay ang kaniyang asawa, kapuwa siya at si Bath-sheba ay maaaring hatulan ng parusang kamatayan. (Deuteronomio 22:22; 2 Samuel 11:2-27) Kung mahihigpit na mga taong hukom ang humawak sa kaso, baka sila kapuwa ay nawalan ng kanilang buhay. Subalit nagpakita si Jehova ng pagka-makatuwiran (e·pi·ei·kesʹ), na, gaya ng pagkasaad sa Vine’s Expository Dictionary of Biblical Words, “nagpapahayag ng pagka-makonsiderasyon na tumitingin nang ‘makatao at makatuwiran sa mga bagay tungkol sa isang kaso.’ ” Malamang na kasali sa mga bagay na nakaimpluwensiya sa maawaing desisyon ni Jehova ay ang taimtim na pagsisisi ng mga nagkasala at ang awa na dati’y ipinakita ni David alang-alang sa iba. (1 Samuel 24:4-6; 25:32-35; 26:7-11; Mateo 5:7; Santiago 2:13) Gayunman, kasuwato ng paglalarawan ni Jehova sa kaniyang sarili sa Exodo 34:4-7, makatuwiran na itutuwid ni Jehova si David. Isinugo niya si propeta Nathan kay David taglay ang isang matinding mensahe, na nagkikintal kay David ng katotohanan na hinamak niya ang salita ni Jehova. Si David ay nagsisi kung kaya siya’y hindi namatay dahil sa kaniyang pagkakasala.​—2 Samuel 12:1-14.

11. Papaano nagpakita si Jehova ng pagiging handang magpatawad kung tungkol sa kaso ni Manases?

11 Ang halimbawa ni Haring Manases ng Juda ay lalong kapuna-puna kung tungkol sa bagay na ito, yamang si Manases, di-gaya ni David, ay lubusang naging balakyot nang matagal na panahon. Itinaguyod ni Manases ang kasuklam-suklam na mga gawaing relihiyoso sa lupain, kasali na ang paghahain ng tao. Maaaring may pananagutan din siya sa ‘pagkalagari’ sa tapat na propetang si Isaias. (Hebreo 11:37) Upang parusahan si Manases, pinayagan ni Jehova na siya’y madalang bihag sa Babilonya. Gayunman, si Manases ay nagsisi at nagmakaawa nang nasa bilangguan. Bilang pagtugon sa taimtim na pagsisising ito, si Jehova ay “handang magpatawad”​—kahit na sa sukdulang kasong ito.​—2 Cronica 33:9-13.

Nagbabagong Paraan ng Pagkilos Samantalang Bumabangon ang Bagong mga Kalagayan

12, 13. (a) Sa kaso ng Nineve, anong pagbabago ng kalagayan ang nag-udyok kay Jehova na magbago ng paraan ng pagkilos? (b) Papaano napatunayang si Jonas ay di-gaanong makatuwiran kaysa sa Diyos na Jehova?

12 Ang pagka-makatuwiran ni Jehova ay nakikita rin sa kaniyang pagiging handang baguhin ang isang binabalak na paraan ng pagkilos samantalang bumabangon ang bagong mga kalagayan. Halimbawa, nang si propeta Jonas ay magparoo’t parito sa mga lansangan ng sinaunang Nineve, ang kaniyang kinasihang mensahe ay totoong simple: Ang matibay na lunsod ay pupuksain sa loob ng 40 araw. Subalit, nagbago ang mga kalagayan​—nang biglang-bigla! Nagsisi ang mga taga-Nineve.​—Jonas, kabanata 3.

13 Kapaki-pakinabang na paghambingin kung papaano naapektuhan si Jehova at si Jonas sa pagbabagong ito ng mga pangyayari. Sa wari’y binago ni Jehova ang direksiyon ng kaniyang makalangit na karo. Sa pagkakataong ito siya ay nakibagay, na pinapangyari ang kaniyang sarili na maging isang tagapagpatawad ng mga kasalanan sa halip na isang “dakilang personang mandirigma.” (Exodo 15:3) Sa kabilang dako, si Jonas ay hindi nakibagay. Sa halip na makialinsabay sa takbo ng karo ni Jehova, kumilos siya na gaya ng pangkargadang tren o ng supertanker na binanggit sa pasimula. Ang ibinalita niya ay kapahamakan, kaya dapat mangyari ang kapahamakan! Marahil nadama niya na ang anumang pagbabago ng landasin ay magiging isang malaking kahihiyan para sa kaniya sa paningin ng mga taga-Nineve. Subalit, matiyagang tinuruan ni Jehova ang kaniyang matigas-ang-ulong propeta ng isang di-malilimutang aral sa pagka-makatuwiran at awa.​—Jonas, kabanata 4.

14. Bakit binago ni Jehova ang kaniyang paraan ng pagkilos kung tungkol sa kaniyang propetang si Ezekiel?

14 Si Jehova ay nagbago ng paraan ng pagkilos sa iba pang mga okasyon​—kahit na kung tungkol sa maliliit na bagay. Halimbawa, minsan nang kaniyang isugo ang propetang si Ezekiel upang magtanghal ng isang makahulang drama, kasali sa mga tagubilin ni Jehova ang isang utos na lutuin ni Ezekiel ang kaniyang pagkain sa isang apoy na pinagdingas ng dumi ng tao. Ito ay kalabisan na para sa propeta, na bumulalas, “Sa aba ko, Oh Soberanong Panginoong Jehova!” at nakiusap na huwag naman siyang pagawin ng isang bagay na kasuklam-suklam sa kaniya. Hindi ipinagwalang-bahala ni Jehova ang damdamin ng propeta bilang di-makatuwiran; sa halip, pinayagan Niya si Ezekiel na gumamit ng dumi ng baka, na siyang karaniwang ginagamit na panggatong sa maraming bansa magpahanggang sa ngayon.​—Ezekiel 4:12-15.

15. (a) Anu-anong halimbawa ang nagpapakita na si Jehova ay handang makinig at tumugon sa mga tao? (b) Anong aral ang maaaring ituro nito sa atin?

15 Hindi ba nakagagalak ng puso na pag-isipan ang pagpapakumbaba ng ating Diyos na si Jehova? (Awit 18:35) Siya ay totoong mas mataas kaysa sa atin; subalit siya’y matiyagang nakikinig sa di-sakdal na mga tao at binabago pa man din ang kaniyang pagkilos sa pana-panahon. Pinayagan niya si Abraham na mangatuwiran sa kaniya nang matagal tungkol sa pagpuksa sa Sodoma at Gomorra. (Genesis 18:23-33) At Kaniyang pinayagang magbangon si Moises ng mga pagtutol sa Kaniyang mungkahi na lipulin ang mapaghimagsik na mga Israelita at sa halip ay gumawa ng isang makapangyarihang bansa na magmumula kay Moises. (Exodo 32:7-14; Deuteronomio 9:14, 19; ihambing ang Amos 7:1-6.) Sa gayon ay nagbigay siya ng isang sakdal na halimbawa para sa kaniyang mga lingkod na tao, na kailangang magpakita ng gayunding pagiging handang makinig sa iba kapag makatuwiran at posibleng gawin iyon.​—Ihambing ang Santiago 1:19.

Pagka-makatuwiran sa Paggamit ng Awtoridad

16. Papaano naiiba si Jehova sa maraming tao sa paraan ng paggamit niya ng kaniyang awtoridad?

16 Napansin mo ba na habang ang mga tao ay nagkakaroon ng higit pang awtoridad, marami ang waring nagiging di-gaanong makatuwiran? Sa kabaligtaran, si Jehova ang may pinakamataas na posisyon ng awtoridad sa uniberso, subalit siya ang pinakamagaling na halimbawa ng pagka-makatuwiran. Ginagamit niya ang kaniyang awtoridad sa isang di-nagbabagong makatuwirang paraan. Di-tulad ng maraming tao, si Jehova ay hindi nababahala tungkol sa kaniyang awtoridad, kaya hindi niya nadaramang kailangang bantayan iyon nang buong paninibugho​—na para bang ang pagkakaloob ng kaunting awtoridad sa iba ay maaaring magsapanganib ng taglay niyang awtoridad. Sa katunayan, nang iisa lamang bukod sa kaniya ang may buhay sa sansinukob, si Jehova ay nagkaloob ng malawak na awtoridad sa isang iyon. Ginawa niya ang Logos na kaniyang “dalubhasang manggagawa,” na mula noon lahat ng bagay ay pinairal sa pamamagitan ng sinisintang Anak na ito. (Kawikaan 8:22, 29-31; Juan 1:1-3, 14; Colosas 1:15-17) Nang malaunan, kaniyang pinagkalooban siya ng “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa.”​—Mateo 28:18; Juan 5:22.

17, 18. (a) Bakit nagsugo si Jehova ng mga anghel sa Sodoma at Gomorra? (b) Bakit humingi si Jehova sa mga anghel ng mga mungkahi kung papaano paglalalangan si Ahab?

17 Gayundin, pinagkatiwalaan ni Jehova ang marami sa kaniyang mga nilalang ng mga gawain na magagampanan niya mismo nang lalong mahusay. Halimbawa, nang sabihin niya ang ganito kay Abraham, “Ako’y talagang determinadong bumaba [sa Sodoma at Gomorra] upang makita ko kung sila’y kumikilos nang lubusan ayon sa daing na dumarating sa akin,” hindi ibig sabihin na siya’y personal na pupunta roon. Sa halip, pinili ni Jehova na magkaloob ng awtoridad, anupat humirang ng mga anghel upang magtipon ng gayong impormasyon para sa kaniya. Binigyan niya sila ng awtoridad na manguna sa atas na ito ng pagkuha ng ebidensiya at magreport sa kaniya.​—Genesis 18:1-3, 20-22.

18 Sa isa pang pagkakataon, nang ipasiya ni Jehova na isagawa ang sintensiya sa balakyot na si Haring Ahab, inanyayahan Niya ang mga anghel sa isang makalangit na asamblea upang magbigay ng mga mungkahi kung papaano “paglalalangan” ang apostatang haring iyon upang sumali sa labanan na tatapos ng kaniyang buhay. Tiyak, si Jehova, ang Bukal ng lahat ng karunungan, ay hindi nangangailangan ng tulong upang maiharap ang pinakamagaling na paraan ng pagkilos! Gayunman, kaniyang binigyang-dangal ang mga anghel sa pribilehiyong magmungkahi ng mga solusyon at binigyan ng awtoridad na kumilos ang isa na kaniyang napili.​—1 Hari 22:19-22.

19. (a) Bakit nililimitahan ni Jehova ang bilang ng mga batas na kaniyang ginagawa? (b) Papaano ipinakikita ni Jehova na siya’y makatuwiran tungkol sa inaasahan niya mula sa atin?

19 Hindi ginagamit ni Jehova ang kaniyang awtoridad upang magkaroon ng di-nararapat na panunupil sa iba. Dito ay nagpapakita rin siya ng walang-katulad na pagka-makatuwiran. Maingat na nililimitahan niya ang bilang ng mga batas na ginagawa niya at pinagbabawalan ang kaniyang mga lingkod na ‘lumampas sa mga bagay na nasusulat’ sa pamamagitan ng pagdaragdag ng nakapagpapabigat na mga batas na ginawa nila. (1 Corinto 4:6; Gawa 15:28; ihambing sa Mateo 23:4.) Hindi siya kailanman humihingi ng walang-katuwirang pagsunod mula sa kaniyang mga nilalang, subalit karaniwan nang siya’y nagbibigay ng sapat na impormasyon upang umakay sa kanila at naglalagay sa harap nila ng pagpipilian, na ipinaaalam sa kanila ang mga kapakinabangan ng pagsunod at ang kahihinatnan ng pagsuway. (Deuteronomio 30:19, 20) Sa halip na pilitin ang mga tao sa pamamagitan ng pagkadama ng kasalanan, kahihiyan, o takot, sinisikap niyang maabot ang mga puso; ibig niyang ang mga tao ay maglingkod sa kaniya dahil sa tunay na pag-ibig imbes na dahil sa pamimilit. (2 Corinto 9:7) Lahat ng gayong buong-kaluluwang paglilingkuran ay nagpapagalak sa puso ng Diyos, kaya siya ay hindi naman walang-katuwirang “mahirap paluguran.”​—1 Pedro 2:18; Kawikaan 27:11; ihambing ang Mikas 6:8.

20. Papaano ka naaapektuhan ng pagka-makatuwiran ni Jehova?

20 Hindi ba kapansin-pansin na ang Diyos na Jehova, na may higit na kapangyarihan kaysa kaninumang nilalang, ay hindi kailanman gumagamit ng kapangyarihang iyon nang walang katuwiran, hindi gumagamit niyaon upang puwersahin ang iba? Subalit, ang mga tao, na walang kabuluhan kung ihahambing, ay may kasaysayan ng pagiging dominante sa isa’t isa. (Eclesiastes 8:9) Maliwanag, ang pagka-makatuwiran ay isang mahalagang katangian, na nagpapakilos sa atin upang lalo pang ibigin si Jehova. Iyan naman ay maaaring gumanyak sa atin mismo na linangin ang katangiang ito. Papaano natin magagawa ang gayon? Ang sumusunod na artikulo ang tatalakay sa bagay na ito.

[Talababa]

a Noong 1769, binigyan ng katuturan ng leksikograpong si John Parkhurst ang salita bilang “mapagparaya, may mapagparayang kalooban, malumanay, maamo, matiyaga.” Iminungkahi rin ng ibang iskolar ang “mapagparaya” bilang isang katuturan.

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Papaano idiniriin ng pangalan ni Jehova at ng pangitain tungkol sa kaniyang makalangit na karo ang kaniyang pagiging madaling makibagay?

◻ Ano ba ang pagka-makatuwiran, at bakit ito ay isang tanda ng banal na karunungan?

◻ Sa anu-anong paraan ipinakita ni Jehova na siya ay “handang magpatawad”?

◻ Bakit pinili ni Jehova na baguhin ang isang binabalak na paraan ng pagkilos sa ilang pagkakataon?

◻ Papaano ipinakita ni Jehova ang pagka-makatuwiran sa paraan ng paggamit niya ng awtoridad?

[Larawan sa pahina 10]

Bakit pinatawad ni Jehova ang balakyot na si Haring Manases?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share