Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 8/1 p. 21-26
  • Paglilingkod Kasama ng Pinakamaunlad na Organisasyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paglilingkod Kasama ng Pinakamaunlad na Organisasyon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Unang Araw
  • Isang Bagong Buhay sa Bethel
  • Pakikisalamuha kay Brother Rutherford
  • Mahihirap na Panahon Tungkol sa Pananalapi
  • Pagtatrabaho Kaugnay ng Radyo
  • Ang Ponograpo
  • Nakagagalak na Gawain sa Larangan
  • Banal na Patnubay
  • Ang Buhay Ko sa Inaakay-ng-Espiritung Organisasyon ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Isang Mayamang Buhay sa Paglilingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Paraan ng Pangangaral—Paggamit ng Iba’t Ibang Paraan Para Maabot ang mga Tao
    Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
  • Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian! (1919-1941)
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 8/1 p. 21-26

Paglilingkod Kasama ng Pinakamaunlad na Organisasyon

AYON SA PAGKALAHAD NI ROBERT HATZFELD

Sa ngayon napakaraming tao ang nagbubukas ng telebisyon sa pamamagitan ng remote control upang panoorin ang panggabing balita na may buháy na buháy na kulay, anupat hindi itinuturing na iyon ay isang pambihirang bagay. Gayunman, waring kahapon lamang ako ay isang 12-taóng-gulang na batang dilát na dilát ang mata habang pinanonood sa puting-tabing ang larawan ng isang lalaki na mas malaki pa sa tunay na buhay, at siya’y nagsasalita!

HINDI naman talagang isang malaking balita, ang marahil ay iisipin mo. Subalit talagang iyon ay waring isang modernong-panahong himala para sa akin noong 1915, ang mga unang araw ng black-and-white na mga pelikulang walang salita. Isang maginoong lalaking may balbas ang lumitaw sa puting-tabing at nagsabi: “Ang Photo-Drama of Creation ay itinatanghal ng I.B.S.A., ang International Bible Students Association.” Sa sumunod na dalawang oras, nabuksan sa aming mga mata ang kasaysayan ng Bibliya. Malinaw at nakagiginhawa ang taglay nitong maka-Kasulatang mensahe. Gayunman, ang talagang nakatawag ng aking pansin ay ang pelikula, na sinalitan ng may kulay na mga slide, at sinabayan ng salita.

Hindi ko pa natatalos noon, subalit ang aking kabataang kasiglahan para sa mahalagang teknolohiyang iyon ang siyang pasimula ng isang habangbuhay na karera kasama ng pinakamaunlad na organisasyon sa lupa.

Mga Unang Araw

Noong 1891 ang aking ama na galing sa Dillenburg, Alemanya, ay dumating sa pamayanang Aleman sa Allegheny, Pennsylvania, E.U.A. Nang malaunan ay nakilala niya ang isang dalaga sa isang pamilyang Aleman doon, at sila’y napakasal. Ako’y isinilang noong Hulyo 7, 1903, at pinalaki na nagsasalita kapuwa ng Aleman at Ingles. Bago pa magsimula ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914, isang epidemya ng tuberkulosis ang naging sanhi ng pagkamatay ng aking mga magulang at ako’y naiwang isang ulila. Halos kasabay niyaon ay namatay naman ang aking lolo dahil sa isang atake.

May kabaitang inampon ako ng aking tiya, si Minna Boemer. “Mayroon akong limang anak,” aniya. “Mabuting madagdagan pa ng isa.” Bagaman nangulila ako sa aking mga magulang, binigyan ako ni Tiya Minna ng isang mabuting tahanan.

Ang aking tiya ay matagal nang miyembro ng Allegheny Congregation ng mga Estudyante ng Bibliya (gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noong mga araw na iyon). Bago pa noong 1909, si Brother C. T. Russell, presidente noon ng Samahang Watch Tower, ay dumadalo rin sa kongregasyong iyon. Isinasama ako ni Tiya Minna sa mga pulong. Bagaman ang aming pamilya ay hindi gumagawa noon ng sama-samang pagsisikap na mag-aral o mangaral, anuman ang aming marinig sa mga pulong ay ibinabahagi namin sa impormal na paraan sa mga taong kilala namin.

Sa panahong ito ako napuspos ng panggigilalas dahil sa “Photo Drama.” Yamang ako’y mahilig sa mga makina, naakit ako sa bagong pamamaraan ng potograpiya at ng pagsasabay ng tunog at larawan, gayundin ang time-lapse photography. Totoong nakatutuwang panoorin ang pamumukadkad ng mga bulaklak!

Noong 1916 kami’y nalungkot sa pagkamatay ni Brother Russell. Yamang kami’y naninirahan doon mismo sa Allegheny, dumalo kami sa kaniyang libing sa Carnegie Hall. Sa bulwagang ito nakipagdebate si Brother Russell kay E. L. Eaton noong 1903. Narinig ko ang mga kuwento tungkol sa Methodistang Episcopalianong ministrong ito na humamon kay C. T. Russell sa isang anim-na-araw na debate, sa pag-asang siraan ang pagiging iskolar sa Bibliya ni Brother Russell. Sa halip, nasabi na, ‘binombahan [ni Russell] ng tubig ang impiyerno.’ Ang mga Russell ay personal na kilala ni Sara Kaelin, isang kilalang colporteur sa Pittsburgh. Sa libing ay nakita niyang naglagay si Maria Russell ng ilang bulaklak sa kabaong kasama ang sulat na, “Sa Aking Minamahal na Asawa.” Bagaman siya’y nakipaghiwalay na sa kaniya mga ilang taon ang nakalipas, kinikilala pa rin siya ni Maria bilang kaniyang asawa.

Sa paglakad ng mga taon, nagkaroon ako ng maraming pagkakataon na matuto ng teknikal na mga kakayahan na magagamit sa aking panghinaharap na karera. Ang aking tiyo na siyang tagapag-alaga sa akin ay isang kontratista sa pagtatayo. Tuwing bakasyon sa paaralan, hinahayaan niya akong magtrabaho kasama ng kaniyang mga electrician, nagkakabit ng mga ilaw na de koryente sa lumang mga mansiyon. Noong 1918 ang mga estudyante sa aming paaralan ay gumawa ng amatyur na kasangkapang radio-telegraph. Kami’y nagtitipon kung gabi upang mag-aral at mag-eksperimento sa elektrisidad at magnetismo. Noong 1926 ako at ang isang kaibigan ay nagpasiyang magtaguyod ng isang pangarap mula sa pagkabata​—ang magtrabaho sa mga barko at maglakbay sa daigdig. Kami’y nagpatala sa paaralan ng Radio Corporation of America para sa mga operator ng radio-telegraph.

Isang Bagong Buhay sa Bethel

Ang paaralan ng radyo na aming pinasukan ay nasa New York City, kaya ako ay tumatawid sa ilog patungo sa Brooklyn para sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya, na ginaganap sa inupahang awditoryum ng lumang Masonic Temple. Noon, iisa lamang ang kongregasyon para sa buong New York. Nang mabalitaan ng mga kapatid mula sa Bethel (ang tahanan ng pamilya sa punong-tanggapan ng mga Estudyante ng Bibliya) na ako’y nag-aaral para makakuha ng lisensiya para sa komersiyal na radyo, ganito ang sabi nila: “Bakit ka pa pupunta sa ibayong dagat? Mayroon kaming istasyon ng radyo dito mismo at nangangailangan ng isang operator.” Inanyayahan nila ako na pumaroon sa upisina para sa isang panayam. Wala akong anumang nalalaman tungkol sa Bethel maliban sa iyon ang punong-tanggapan ng mga Estudyante ng Bibliya.

Ako ay kinapanayam ng mga kapatid at inirekomenda na tapusin ko muna ang aking pag-aaral, kumuha ng lisensiya, at pagkatapos ay pumunta sa Bethel. Makalipas ang aking pagtatapos, sa halip na sumakay sa isang barkong patungo sa malayong karagatan, inimpake ko na ang aking ilang damit at sumakay sa subway patungo sa Bethel. Bagaman ako ay nag-alay kay Jehova at nakibahagi sa pangangaral sa loob ng maraming taon, hindi pa ako nababautismuhan hanggang noong Disyembre 1926, dalawang linggo pagkatapos dumating sa Bethel. Iyon ay pangkaraniwan noong panahong iyon.

Sa 150 miyembro, masikip ang Bethel noong mga araw na iyon. Apat kaming lalaki sa bawat kuwarto. Di-nagtagal at nakilala ko ang karamihan sa kanila, yamang lahat kami ay kumakain, nagtatrabaho, at natutulog sa isang magkakaugnay na mga gusali, at mangyari pa, lahat kami ay dumadalo sa kaisa-isang kongregasyon sa New York City. Ang bagong Tahanang Bethel ay natapos sa 124 Columbia Heights noong 1927, at doon ay dalawa kami sa isang kuwarto.

Gayundin noong 1927 ang bagong pabrika sa 117 Adams Street ay binuksan. Tumulong ako sa paglipat ng mga kagamitan buhat sa lumang pabrika sa 55 Concord Street. Bukod sa mga kagamitan sa radyo, sa pabrika ay mayroong mga elebeytor, mga palimbagan, kagamitan sa laundry, at mga oil burner​—kung iyon ay may kawad, iyon ang aking ginagawa.

Gayunman, ang Bethel ay hindi lamang isang pabrika. Sa likod ng bawat aklat, bawat tract, bawat magasin, ay may isang pulutong ng mapagpakumbaba, masisipag na mga lingkod. Sila’y walang pakay na hangaan ng sanlibutan. Sa halip, ibig lamang nilang matupad ang gawain ng Panginoon​—at napakaraming dapat gawin!

Pakikisalamuha kay Brother Rutherford

Ako’y nakinabang nang malaki sa pribilehiyong maging kasama sa trabaho si Joseph F. Rutherford, ang pangalawang presidente ng Samahan. Siya’y isang malaking lalaki, mahigit na anim na talampakan ang taas, hindi naman mataba, ngunit matipuno ang pangangatawan. Marami sa nakababatang mga kapatid sa Bethel ang sa papaano man ay natatakot sa kaniya hanggang sa kanilang makilala siya. Siya ay palaging nag-aaral, naghahanda ng nasusulat na materyal.

Si Brother Rutherford ay mapagpatawa. May dalawang matandang sister sa pamilyang Bethel na naroroon na mula pa ng panahon ni Brother Russell. Sila’y kapuwa may seryosong mukha at naniniwala na hindi angkop ang tumawa nang malakas kahit na may isang bagay na nakakatawa. Kung minsan sa hapag-kainan si Brother Rutherford ay nagkukuwento ng isang pangyayari na magpapatawa sa lahat, na siya namang ikinaiinis ng dalawang sister na ito. Gayunman, malimit na siya’y nangunguna sa seryosong mga talakayan tungkol sa Bibliya kung oras ng pagkain.

Si Brother Rutheford ay isang mahusay na kusinero at nasisiyahang maghanda ng pagkain para sa mga kaibigan. Minsan ang mga kusinero sa Bethel ay nakadurog ng ilang buto ng manok habang hinihiwa ang mga manok. Siya’y dali-daling pumaroon sa kusina at ipinakita sa kanila ang tamang paraan ng paghiwa ng manok. Hindi niya ibig kumain ng manok na may nadurog na mga buto!

Malimit na ako’y nakakasama ni Brother Rutherford sa impormal na mga kapaligiran, tulad halimbawa sa aming istasyon ng radyo, ang WBBR, o sa kaniyang silid-aralan sa Staten Island. Siya’y isang mabait na tao at ikinakapit niya ang kaniyang ipinangangaral. Hindi siya umaasa ng anuman mula sa iba na hindi niya mismo ginagawa. Di-tulad ng responsableng mga tao sa maraming ibang organisasyong relihiyoso, walang maipipintas sa espirituwal at moral na katangian ni Brother Rutherford. Maliwanag na siya’y namuhay ukol sa Kaharian ni Jehova.

Mahihirap na Panahon Tungkol sa Pananalapi

Mga ilang taon pagkatapos na ako’y dumating sa Bethel, naranasan ng daigdig ang Great Depression. Ang pinansiyal na mga pamilihan ay gumuho, gayundin ang presyo ng mga kalakal. Kakaunti ang mga trabaho, at limitado ang mga pondo. Ang Bethel ay pinaaandar ng abuloy na mga pondo, at laging tinitiyak ni Jehova na may sapat upang magamit sa gawain. Hindi kami kailanman nawalan ng pagkain, bagaman hindi iyon ang nais kainin ng bawat isa. Kami’y namuhay nang matipid hangga’t maaari, at ang mga kapatid sa labas ng Bethel ang tumulong sa amin hangga’t makakaya nila.

Noong 1932, namatay si Brother Robert Martin, ang tapat na tagapangasiwa ng aming pabrika. Ang beinte-siyete-anyos na si Nathan Knorr ang hinirang na humalili sa kaniya. Siya ay isang may kakayahang kabataan. Wala akong natatandaang sinuman na nahirapang tumanggap sa kaniya bilang tagapangasiwa ng pabrika. Ang ibang tapat na mga kapatid, kabilang na sa kanila sina John Kurzen, George Kelly, Doug Galbraith, Ralph Leffler, at Ed Becker​—lahat ay aking mahal na kamanggagawa​—​ay kusang naghandog ng kanilang pagkadalubhasa at kahusayan ukol sa paglilingkuran sa Kaharian.​—Ihambing ang Exodo 35:34, 35.

Pagtatrabaho Kaugnay ng Radyo

Hanggang sa pinakasentro nito, ang aming organisasyon ay naaalay sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa pamamagitan ng anumang paraang magagamit. Kailangang malaman ng buong daigdig ang tungkol sa Kaharian, ngunit kami ay iilang libo lamang. Ang teknolohiya ng radyo ay nagsisimula pa lamang pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I. Gayunman, nadama ng may pang-unawang mga kapatid na ang paraang ito ng komunikasyon ang siyang inilaan ni Jehova noong panahong iyon. Kaya noong 1923 ay sinimulan nila ang pagtatayo ng istasyon ng radyo na WBBR sa Staten Island, isa sa limang distrito ng New York City.

Kung minsan ako lamang ang operator ng aming istasyon. Doon ako naninirahan sa Staten Island ngunit naglalakbay ako nang tatlong oras sakay ng ferry boat at ng tren patungo sa pabrika sa Brooklyn upang gumawa ng trabahong elektrikal o mekanikal. Upang ang aming istasyon ng radyo ay maging kumpleto, naglagay kami roon ng isang genereytor na pinaaandar ng krudo. Sa Staten Island ay mayroon din kaming sariling mga balon ng tubig at isang taniman na nagtustos ng pagkain para sa ilang manggagawa roon, gayundin para sa pamilyang Bethel sa Brooklyn.

Hangga’t hindi dumarating ang higit pang tulong nang bandang huli, limitado ang aking panahon sa pagdalo sa mga pulong at sa paglabas sa larangan dahilan sa mga pananagutan kaugnay ng gawain sa radyo. Wala nang panahon para sa sosyal na mga pagtitipon o mga paglilibang kung dulo ng sanlinggo maliban sa aming taunang bakasyon. Minsan ay may nagtanong sa akin: “Sa ganiyang mahigpit na iskedyul, hindi ba sumagi sa iyong isip ang pag-alis sa Bethel?” Sa totoo lamang, kailangan kong sabihin: “Hindi.” Isang pribilehiyo at kagalakan na mamuhay at gumawang kasama ng napakaraming tapat na mga kapatid. At sa tuwina’y may gawain na kailangang tapusin, may ilang bagong proyekto rin na kailangang gawin.

Kami’y gumawa at nagsahimpapawid ng nakapupukaw na mga drama sa radyo. Palibhasa’y walang makuhang mga plaka ng mga special effect, kami’y kailangang bumuo ng aming sariling pamamaraan. Gumawa kami ng isang makina na maaaring lumikha ng tunog ng isang marahang hihip ng hangin o isang malakas na bagyo. Ang kalampag ng kala-kalahating mga bao ng niyog na tumatama sa nakausling mga tabla ay nagsilbing yabag ng mga kabayong dumaraan sa mga kalyeng batuhan. Bawat drama ay isang pambihirang proyekto. At ang mga tao ay nakinig. Noong mga araw na iyon na kakaunti ang mga pang-abala, maraming tao ang umuupo at nagbibigay-pansin.

Noong mga taon ng 1920 at pasimula ng dekada ng 1930, ang Samahan ay gumawa ng isang bagay na di-malilimutan sa kasaysayan ng radyo, na paulit-ulit na pinagkawing-kawing ang pinakamaraming istasyon para sa iisang programa. Sa gayon ang balita ng Kaharian ay umabot sa angaw-angaw sa buong daigdig.

Ang Ponograpo

Noong kalagitnaang mga taon ng dekada ng 1930 at sa may pasimula ng dekada ng 1940, kami’y nagdisenyo at gumawa ng mga transcription machine, mga ponograpo, at iba pang kagamitan sa paghahatid ng tunog. Sa tulong ng isang pantanging torno, kami’y tumatabas ng mga master record buhat sa singkinis ng salamin na mga disc ng pagkit. Pagkatapos ay buong-ingat na sinusuri namin ang bawat master record sa ilalim ng isang mikroskopyo upang matiyak na iyon ay walang depekto. Kung sakaling may anumang depekto, ang sesyon sa pagrerekord ay kailangang ulitin at tumabas ng isa pa buhat sa torno. Pagkatapos ay ipinadadala ang orihinal na pagkit sa isang kompanya ng plaka, na gumagawa ng ponograpo at mga transcription record.

Ang isang kapana-panabik na pangyayaring tandang-tanda ko pa ay ang pahayag ni Brother Rutherford noong 1933 na pinamagatang “Epekto ng Banal na Taon sa Kapayapaan at Kaunlaran.” Ipinahayag ng papa ang taóng iyon bilang isang “banal na taon,” at sa pamamagitan ng pagsasahimpapawid sa radyo at ng ponograpo, ibinunyag namin iyon at ipinakita na walang anumang banal na mangyayari sa taóng iyon. Gaya ng nangyari, si Hitler ay humawak ng kapangyarihan nang taóng iyon sa pagtataguyod ng Iglesya Katolika, kaya naparam ang anumang pag-asa para sa kapayapaan.

Sa Estados Unidos, ang organisasyong Catholic Action ay itinatag upang isagawa ang ibig ng simbahan. Inilagay nila ang kanilang sariling mga tauhan sa mga lupong patnugutan ng pangunahing mga pahayagan, magasin, at mga tagapaglathala ng aklat. Sila’y nakialam sa pulitika at nagbantang boykoteohin ang anumang istasyon na nagsasahimpapawid ng ating mga pahayag sa Bibliya. Maraming Saksi ang inumog ng mga grupong Catholic Action, lalo na sa karatig na New Jersey. Iyon ay kapana-panabik na mga araw!

Nakagagalak na Gawain sa Larangan

Nang kalagitnaan ng mga taon ng 1950, ang umuunlad na mga ranggo ng mga mamamahayag ng Kaharian ay nakararating sa higit pang maraming tao doon mismo sa mga pintuan ng kanilang mga tahanan. Ito’y napatunayang lalong mabisa kaysa radyo sa pagtulong sa mga tao upang makaunawa ng katotohanan ng Bibliya. Kaya noong 1957 ipinasiya na ipagbili ang WBBR at gamitin ang ating mga tinatangkilik sa lumalawak na gawaing pagmimisyonero sa ibang mga lupain.

Noong 1955, ako’y inatasang umugnay sa Bedford Congregation sa Brooklyn, na kung saan ako’y regular na nangangasiwa sa Pag-aaral ng Bantayan. Ipinadadala rin ako ng Samahan bilang isang naglalakbay na tagapagsalita sa hilagaang New York, Pennsylvania, Connecticut, at sa New Jersey. Nang maatasan sa Bedford Congregation, nasabi ko sa aking sarili, ‘Ako’y mahigit nang 50 taóng gulang. Mabuti pa’y makibahagi ako hangga’t magagawa ko sa paglilingkod sa larangan ngayon din. Sa bandang huli ay baka magkarayuma ako at hindi na masiyahan sa paggawa niyaon.’

Pagkatapos ng pagtatrabaho sa lahat ng taóng iyon sa bahaging teknikal ng pagsasahimpapawid ng binhi ng Kaharian sa pamamagitan ng radyo, nasumpungan kong isang tunay na kasiyahan na tuwirang magtanim at magdilig ng mga binhi ng katotohanan ng Bibliya sa mga tao. Talagang nasiyahan ako sa paggawang kasama ng kongregasyon. Iba’t iba ang kumandili sa akin, anupat ipinadama sa akin na ako’y parang nasa sariling tahanan. Ang ilan sa mga mumunting batang iyon, na malalaki na ngayon, ay lolo pa rin ang tawag sa akin. Sa loob ng 30 taon kami’y nagkaroon ng maiinam na panahon nang magkakasama sa ministeryo, hanggang sa ang mga suliranin sa aking mga binti at mga paa ang nakapigil sa akin upang makaakyat sa mga hagdan o makapagbiyahe sa mga subway. Noong 1985, ako’y lumipat sa Brooklyn Heights Congregation, na dito mismo sa Bethel nagpupulong.

Samantalang nagtatamasa ng malaking pagsulong ang organisasyon ni Jehova, ako’y personal na nagkapribilehiyo na makita ang kaniyang pagpapala sa mga larangang banyaga sa pagdalo ko sa malalaking kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa malalayong lupain. Nalakbay ko rin ang daigdig! Pasimula noong mga taon ng 1950, ang ilan sa aming mga Bethelite ay nakakita ng mga tanawin sa London, Paris, Roma, Nuremberg, at Copenhagen. Kami’y naglakbay sakay ng dating mga eroplanong pambomba na ginawang pampasahero, barko, at tren. Sabihin pa, sa paglalakbay ay maraming magagandang tanawin, subalit ang kapana-panabik na mga tanawin sa lahat ay ang pulutong ng ating mga kapatid na mainit sa kanilang pagtanggap sa amin. Nang huling mga dekada ay nagkaroon ng mga paglalakbay sa Silangan, muli sa Kanlurang Europa, at kamakailan lamang sa Silangang Europa. Ang kahanga-hangang mga kombensiyon sa Polandya, Alemanya, at Czechoslovakia ay lubhang nakagagalak. Totoong malaki na ang isinulong ng ating teokratikong pamilya sapol nang ako’y unang maging bahagi nito!

Banal na Patnubay

Ang waring maliliit na hakbang ng organisasyon ay nang bandang huli naging pagkalalaking hakbang. Nang kami ay gumagawa sa mga bagong proyekto, na mga kagamitan lamang na tutulong sa amin sa gawaing pagpapatotoo, sino ba ang makaguguniguni ng napakalaking pagsulong? Kami’y kumilos nang pasulong sa pananampalataya, na tumutugon sa pangunguna ni Jehova.

Hindi natakot ang maunlad na organisasyong ito na gamitin ang pinakabagong teknolohiyang magagamit o lumikha ng sarili nito upang makatulong sa pag-aasikaso ng pambuong-daigdig na larangan. Kabilang sa mga paraang ginamit sa pagpapasulong ng paghahayag ng Kaharian ay ang pangangaral sa bahay-bahay, ang paggamit ng mga radio network, pagpapatotoo sa pamamagitan ng ponograpo, at isang programa ng pagdaraos ng mga pag-aaral ng Bibliya sa tahanan ng mga tao. Hindi isang maliit na tagumpay ang pagtatatag ng ating sariling palimbagan noong mga unang araw at ngayon ay ang paggamit ng computerized phototypesetting at offset printing sa maraming wika. Ang Watchtower Bible School of Gilead, ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at ang regular na mga kombensiyon ay pawang may ginagampanang bahagi sa pagdadala ng kaluwalhatian sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak. Naging pribilehiyo ko na personal na makita at makibahagi sa lahat ng pangyayaring ito.

Maliwanag sa akin na ang inaakay-ng-espiritung organisasyon ni Jehova sa lupa ay tumatanggap ng patnubay tungkol sa kung ano ang gagawin at kung papaano. Ang kaniyang buong pansansinukob na organisasyon, nakikita at di-nakikita, ay gumagawang magkakasama.

Hindi ko kailanman pinagsisisihan ang pagtalikod sa aking mga plano bilang isang kabataan na maglayag sa mga karagatan. Aba, ang lubhang kapana-panabik, makahulugang mga pangyayari sa daigdig ay nagaganap dito mismo sa organisasyon ni Jehova! Kaya ang aking paglalakbay sa daan patungo sa “paitaas na pagtawag” ay may taglay na maraming-maraming kagalakan at pagpapala at walang kasamang pagsisisi.​—Filipos 3:13, 14.

Sa tuwina’y sinasabi ko sa mga kabataan na alalahanin ang 1914​—alalaong baga, ang Awit 19:14, na nagsasabi: “Maging kalugud-lugod nawa sa iyo ang mga salita ng aking bibig at ang pagbubulay-bulay ng aking puso, Oh Jehova na aking Bato at aking Manunubos.” Ibig nating palugdan si Jehova sa lahat ng bagay at manalangin na gaya ng panalangin ni David: “Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, sapagkat ikaw ay Diyos ng aking kaligtasan. Sa iyo naghihintay ako buong araw.” (Awit 25:4, 5) Maraming kahulugan ang mga salitang iyon. Kung tatandaan natin ang mga ito ay matutulungan tayo na manatili sa tamang landas, patungo sa tamang direksiyon, kaalinsabay ng maunlad na organisasyon ni Jehova.

[Larawan sa pahina 23]

Si Brother Rutherford ay nasisiyahang maghanda ng pagkain para sa mga kaibigan

[Larawan sa pahina 25]

Si Robert Hatzfeld samantalang nangangasiwa sa istasyon ng radyo na WBBR

[Larawan sa pahina 26]

Isang kamakailang larawan ni Brother Hatzfeld

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share