Pagbubukas ng mga Mata sa Mabuting Balita
“HINDI nababawasan ang pagka-asul ng langit dahil lamang sa hindi nakikita iyon ng taong bulag,” ang sabi ng isang kawikaang Daneso. Subalit sa ating magawaing pamumuhay sa araw-araw, nakikita ba natin na ang langit ay asul, wika nga? Minamalas ba natin ang hinaharap taglay ang pagtitiwala? Talaga bang naniniwala tayo sa mabuting balita na inihaharap ng Salita ng Diyos, ang Bibliya?
Sa naunang artikulo, ating isinaalang-alang ang mga anyo ng literal na pagkabulag. Suriin natin ngayon ang isang uri ng paningin na lalong mahalaga. Nasasangkot dito ang ating walang-hanggang kaligayahan pati na rin yaong sa ating mga mahal sa buhay.
Tiyak, tayo’y nakaharap sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ano ba ang nangyayari habang nakikipagpunyagi ang mga tao upang kumita ng ikabubuhay, tinitiis ang mga suliranin sa kalusugan at sa pamilya, at napapaharap sa pagkaapi sa lipunan at kawalan ng pag-ibig? Nakalulungkot, marami ang nakasusumpong na naglalaho ang kanilang pagtitiwala sa kapuwa-tao, sa relihiyon, at sa pamahalaan. Palibhasa’y nadarama na walang lunas, nanghihinuha ang ilan na ang kanilang mga suliranin ay hindi kailanman malulutas sa isang karaniwang paraan. Sa pahayagan sa Brazil na Jornal da Tarde, ganito ang puna ni Jacob Pinheiro Goldberg: “Sa harap ng malupit na katotohanan, ang mga tao ay nayayamot sa mga pagkakamali anupat sila’y hindi na nangangatuwiran ayon sa lohika, at sila’y umaasa sa nakasisiphayong mistisismo.” Gayunman, kahit na kung mapasamâ ang mga bagay-bagay, nais nating gamitin ang matinong kaisipan, hindi ba?
Gunigunihin sandali na nangangailangan ka ng isang tahanan para sa iyong pamilya, at hindi suliranin ang salapi. Baka ikaw ay nagmamasid sa palibot at dinadalaw mo ang mga bahay sa iba’t ibang pamayanan. Bagaman sinisikap ng mga ahente ng bahay at lupa na isaalang-alang ang iyong mga naisin, hindi mo matagpuan ang tahanan na ibig mo. Gayunman, yamang nasasangkot ang kasiyahan at ikabubuti ng iyong pamilya, hindi ka umuurong, di ba? Gunigunihin mo ngayon ang kaligayahan nang sa wakas ay masumpungan mo ang bahay na iyong pinapangarap.
Kung papaanong gugugol ka ng panahon sa paghahanap ng isang bagong tahanan, bakit hindi suriin ang Bibliya upang makita ang lunas sa iyong mga suliranin? Kung papaanong kailangan nating pagtimbang-timbangin ang mga bagay-bagay kapag nagpapasiya tungkol sa isang tahanan, ganoon kailangang mangatuwiran tayo sa matinong paraan tungkol sa nababasa natin sa Salita ng Diyos. At ang lalo pang kapaki-pakinabang kaysa sa pagkasumpong ng isang tahanan ay ang ating pagkasumpong at pagtanggap sa katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Subalit kung napakahalaga ng mensahe ng Bibliya, bakit marami ang bulag pa rin sa mabuting balita nito? Una, at ito ay maaaring ipagtaka ng marami, “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Kaya naman, “binulag [ni Satanas na Diyablo] ang isipan ng mga di-mananampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay huwag makatagos.” (2 Corinto 4:4) Bagaman nakakakita tayo sa pamamagitan ng ating mga mata, ang utak ang sumusuri sa liwanag na pumapasok sa mata. Kung gayon, ang pagiging bulag ay binibigyang-kahulugan din bilang pagiging “walang kaya o ayaw na umunawa o humatol.” Ito’y nagpapaalaala sa atin ng isang popular na kasabihan: “Walang matindi ang pagkabulag na gaya niyaong mga ayaw makakita.”
Hindi makita ng isang taong bulag kung ano ang nasa harap niya, kaya baka siya ay masaktan. Ang literal na pagkabulag ng marami ay hindi na ngayon maaari pang malunasan, subalit walang sinuman ang obligado na manatiling bulag sa espirituwal.
Pagtatagumpay sa Espirituwal na Pagkabulag
Kung papaanong maaaring makapagpahina ng paningin ang maruming mga kalagayan, ang isang masamang kapaligiran ay maaaring humantong sa pagkabulag sa moral. Bukod dito, nagbabala si Jesu-Kristo laban sa gawang-taong mga doktrina at mga tradisyon. Nilinaw niya na ang relihiyosong mga lider noon ay nagliligaw sa kanilang kawan: “Sila ay mga bulag na tagaakay. Kaya nga, kung isang taong bulag ang umaakay sa isang taong bulag, kapuwa sila mahuhulog sa hukay.”—Mateo 15:14.
Sa halip na madaya ng bulag na mga lider, anong ligaya niyaong mga nagbubukas ng kanilang mga mata sa mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos! Sinabi ni Jesus: “Para sa hatol na ito ako ay dumating sa sanlibutan: upang yaong mga hindi nakakakita ay makakita.” (Juan 9:39) Kung gayon, papaano makakakita ang mga bulag sa espirituwal? Buweno, ituloy natin ang ating pagsasaalang-alang sa literal na pagkabulag.
Iba’t ibang paglalaan ang ngayon ay magagamit ng mga may depekto sa paningin. Dati ay hindi palaging ganiyan. Wala talagang seryosong mga pagtatangka na ginawa upang tulungan ang mga bulag bago itinatag ni Valentin Haüy ang isang pantanging paaralan para sa mga bulag noong 1784. Nang malaunan, si Louis Braille ay nag-imbento ng sistema na nagtataglay ng kaniyang pangalan; ginawa niya iyon upang tulungang makabasa ang mga may depekto sa paningin.
Kumusta naman ang bulag sa espirituwal? Noong nakalipas na mga taon ay gumawa ng seryosong mga pagsisikap upang maihayag ang mabuting balita kahit na sa pinakamalalayong bahagi ng lupa. (Mateo 24:14) Nalulugod ang mga Saksi ni Jehova na magdala ng pag-asa kapuwa sa makasagisag at pisikal na bulag.
Ganito ang isinulat ng isang babaing taga-Brazil: “Ibig kong sabihin na sa kabila ng aking kapansanan, ako’y nakakakita—sa espirituwal na paraan. Anong kahanga-hangang Diyos! Naliligayahan kaming malaman na ‘bubuksan ni Jehova ang kaniyang kamay at sasapatan ang nasa ng bawat bagay na nabubuhay.’” (Awit 145:16) At ganito ang nagunita ni Jorge, na bulag sa pisikal: “Ang buhay ko ay maaaring hatiin sa dalawang bahagi: bago at pagkatapos ng mga Saksi. . . . Sa pamamagitan nila, sinimulan kong makita nang malinaw at maliwanag sa aking isip ang daigdig. Nagtatamasa ako ng napakainam na kaugnayan sa bawat isa sa kongregasyon.” Bagaman kasiya-siya iyan, tinitiyak sa atin ng Bibliya na malapit nang walang sinuman sa lupa ang magiging bulag—sa literal o sa espirituwal na paraan. Papaano kaya mangyayari iyan? Papaano magkakatotoo na sa buong lupa ay “binubuksan ni Jehova ang mga mata ng mga bulag”?—Awit 146:8.
Ang Tanging Permanenteng Lunas—Ang Kaharian ng Diyos
Sa kabila ng pagsulong ng kaalaman sa medisina, maraming sakit ang patuloy na nagiging sanhi ng pagkabulag, pagdurusa, at kamatayan. Kung gayon, ano ang kailangan upang maalis ang malnutrisyon, ang maruruming kalagayan, at ang kahirapan na nag-aalis kapuwa ng paningin at ng kagalakan sa buhay? Ang pagpapagaling ni Jesus sa mga bulag at iba pa ay isang munting larawan ng hinaharap. Nakatutuwa naman, ang kaniyang pagtuturo at pagpapagaling ay anino ng mga pagpapalang pararatingin sa lupa sa ilalim ng pamahalaan ng Kaharian ng Diyos.
Ang pagpapagaling na saklaw ang buong daigdig ay malapit na.a Ang programang ito ng Diyos sa pagpapagaling ay buong kagandahang inilalarawan ni apostol Juan: “Ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, malinaw na gaya ng kristal, na umaagos mula sa trono ng Diyos at ng Kordero sa gitna ng malapad na daan nito. At sa panig na ito ng ilog at sa panig na iyon ay may mga punungkahoy ng buhay na nagluluwal ng labindalawang ani ng bunga, nagbibigay ng kanilang mga bunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng mga punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.”—Apocalipsis 22:1, 2.
Ang mga pananalitang gaya ng “tubig ng buhay” at “mga punungkahoy ng buhay” ay naglalarawan na pagkatapos magwakas ang kasalukuyang balakyot na sistema, ang nagpapagaling na mga paglalaan ng Kaharian ng Diyos ay unti-unting mag-aangat sa sangkatauhan tungo sa kasakdalan. Sa katunayan, ang kapakinabangan sa haing pantubos ni Jesus (kasali na ang lubusang kapatawaran ng mga kasalanan), lakip ang kaalaman kay Jesu-Kristo at sa kaniyang Ama, ay magdudulot ng sakdal na kalusugan at walang-hanggang buhay.—Juan 3:16.
Kaligayahan sa Bagong Sanlibutan ng Diyos
Gunigunihin, kung gayon, ang lupa na wala nang krimen, polusyon, o kahirapan. Gunigunihin ang iyong pamilya na nabubuhay nang payapa sa naisauli nang Paraiso. (Isaias 32:17, 18) Anong ligayang pagmasdan ang sari-saring kulay taglay ang sakdal na isip at mga pandamdam!
“Ang likas na kalagayan para sa tao ay ang mamuhay sa isang patuloy na nagbabagong kapaligiran—ng liwanag, kulay, mga anyo. Walang nakababagot na kapaligiran sa kalikasan,” ang sabi ni Faber Birren. “Ang kulay ay isa sa likas na nagbibigay-lugod sa daigdig na ito. Ito ang likas na katangian ng kalikasan, hindi ang kataliwasan, at ang isang totoong nakasisiyang buhay ay nakadepende rito.”
Anong halaga nga ang regalong paningin! Anong laking kagalakan kapag ang mga mata na dating bulag—sa literal o sa espirituwal—ay makakita na!
Oo, sa darating na isinauling Paraiso, ang pagkabulag at iba pang kapansanan ay hindi na magiging sanhi ng kalungkutan! Wala nang maliligaw pa. Yamang tunay na pag-ibig ang iiral, lahat ay maliliwanagan sa espirituwal. Iyan, at higit pa, ay mangyayari sa hinaharap, subalit ngayon mismo ang panahon upang sang-ayunan ng Isa na tutupad ng kaniyang makahulang pangako: “Sa panahong iyon mabubuksan ang mga mata ng bulag”!—Isaias 35:5.
[Talababa]
a Pakisuyong suriin ang patotoong iniharap sa aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, kabanata 18, inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 7]
Sa panahong iyon mabubuksan ang mga mata ng bulag!