Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 8/15 p. 8-10
  • Bakit ang mga Saksi ay Patuloy na Dumadalaw?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit ang mga Saksi ay Patuloy na Dumadalaw?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pananagutan sa Harap ng Diyos
  • Ano ba ang Nag-uudyok sa mga Saksi?
  • Binabayaran ba ang mga Saksi?
  • Ang Epekto ng Kanilang Pagpapatotoo
  • Mga Saksi ni Jehova
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Isang Panunumbalik sa Tunay na Diyos
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Bahagi 4—Mga Saksi Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Pagpapatotoo sa “Lahat ng mga Bansa”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 8/15 p. 8-10

Bakit ang mga Saksi ay Patuloy na Dumadalaw?

‘NARIRIYAN na naman sila! Ngunit sila’y narito mga ilang linggo lamang ang nakalipas!’ Iyan ba ang naiisip mo kapag ang isa sa mga Saksi ni Jehova ay dumadalaw sa iyo? Angaw-angaw sa ngayon ang palagiang dinadalaw ng mga Saksi ni Jehova. Marahil ay itatanong mo, Bakit sila nagtitiyaga gayong alam naman nila na karamihan ng mga tao ay may kani-kanilang relihiyon o kaya’y hindi interesado? Ang tanong na iyan ay nararapat sagutin.

Pananagutan sa Harap ng Diyos

Nalalaman ng mga Saksi ni Jehova buhat sa Kasulatan na sapol noong 1914, ang taon nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig I, ang mga pangyayari sa daigdig ay katuparan ng mga hula sa Bibliya tungkol sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng sanlibutan at sa dumarating na pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa lupang ito. Halos isang siglo ng karahasan, pagdanak ng dugo, at pagkakapootan ang higit kailanman ay waring naglayo sa sangkatauhan buhat sa isang pulitikal na kalutasan ng kanilang mga suliranin. Ang mga digmaan at terorismo na nagpapahirap pa rin sa sangkatauhan ay patotoo na ang pamamahala ng tao ay nabigo na baguhin ang puso, isip, at saloobin ng mga tao. Ang matinding paghihinanakit dahil sa mga pangyayari sa kasaysayan ay sumisira pa rin sa mga kaugnayan sa pagitan ng mga grupong etniko, panlahi, at relihiyoso. Iyan ay totoo sa mga lugar na lubhang magkakalayo gaya ng Afghanistan, ang Gitnang Silangan, Hilagaang Irlandya, India, Timog Aprika, at ng dating Yugoslavia. Ano, kung gayon, ang tanging mananatiling lunas?

Ano ba ang Nag-uudyok sa mga Saksi?

Kinikilala ng mga Saksi ni Jehova na ang lunas na ibinibigay ng Diyos​—ang kaniyang ipinangakong pamamahala ng Kaharian sa pamamagitan ni Kristo Jesus​—ang tanging praktikal na sagot. Inilakip pa ni Jesus ang isang kahilingan ukol sa pamamahala ng Kahariang iyan sa kaniyang tanyag na modelong panalangin: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’” Naniniwala ang mga Saksi na talagang hinihiling ng panalanging ito na mamagitan ang Diyos sa pamamalakad ng sangkatauhan.​—Mateo 6:9, 10.

Kaya bakit nadarama ng mga Saksi ni Jehova ang pangangailangan na palaging magtungo sa bahay-bahay upang sikaping maihatid ang mensaheng iyan? Dahilan sa dalawang utos na itinampok ni Jesus: “ ‘Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.’ Ito ang pinakadakila at unang kautusan. Ang ikalawa, na tulad nito, ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ ”​—Mateo 22:37-39.

Nais ng mga Saksi ang pagpapala ng Diyos para sa kanilang sarili, at dahilan sa iniibig nila ang kanilang kapuwa, nais din nila ang gayunding pagpapala para sa mga ito. Sa gayon, sa pagsunod sa halimbawa ni Jesus, inuudyukan sila ng walang pag-iimbot na pag-ibig upang dalawin ang kanilang mga kapuwa tao. Ibig nila na maalukan man lamang sila ng pagkakataong malaman kung ano ang ipinangako ng “maligayang Diyos” para sa masunuring sangkatauhan sa isang nilinis na lupa.​—1 Timoteo 1:11; 2 Pedro 3:13.

Naniwala ang misyonerong Kristiyano na si Pablo sa mga pangako ng Diyos at sa gayo’y naaring sumulat: “Si Pablo, isang alipin ng Diyos at isang apostol ni Jesu-Kristo alinsunod sa pananampalataya ng mga pinili ng Diyos at sa tumpak na kaalaman sa katotohanan na alinsunod sa maka-Diyos na debosyon salig sa pag-asa sa buhay na walang-hanggan na ipinangako ng Diyos, na hindi makapagsisinungaling, bago pa ang lubhang mahabang mga panahon.” Oo, “ipinangako” ng Diyos, “na hindi makapagsisinungaling,” ang buhay na walang-hanggan sa mga mapagpakumbabang nagsisikap na makakilala at maglingkod sa kaniya.​—Tito 1:1, 2; Zefanias 2:3.

Binabayaran ba ang mga Saksi?

Manakanaka ay nagsasabi ang ilan na ang mga Saksi ay binabayaran sa kanilang ministeryo. Ito’y walang katotohanan! Kanilang dinidibdib ang mga salita ni Pablo sa kongregasyon sa Corinto: “Hindi tayo mga tagapaglako ng salita ng Diyos na gaya ng maraming tao, kundi dahil sa kataimtiman, oo, gaya ng isinugo mula sa Diyos, sa ilalim ng pananaw ng Diyos, kasama ni Kristo, tayo ay nagsasalita.”​—2 Corinto 2:17.

Ang ilang lider ng relihiyon ay nangangaral dahil sa salapi, maging iyon man ay kabayaran sa mga serbisyong relihiyoso o sa pagtataguyod ng komersiyal na hanapbuhay sa kanilang ministeryo sa TV. Karamihan ng relihiyon ay may bayaráng klero.

Sa kabaligtaran, ang mga Saksi ay walang bayaráng klero, at malimit na ang kanilang literatura sa Bibliya ay iniaalok nang walang takdang halaga sa taimtim na humahanap ng katotohanan, bagaman marami sa mga ito ang napakikilos na kusang mag-abuloy. Ang mga ito ang ginagamit upang takpan ang mga gastos sa pambuong-daigdig na pangangaral na ito. Kasuwato ng payo ni Jesus: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad,” malayang ginagamit ng mga Saksi ang kanilang mga tinatangkilik, kasali na ang panahon at lakas, sa paggugol ng angaw-angaw na mga oras bawat taon sa paglilingkuran sa Diyos. Sa gayon, tinuturuan nila ang mga taong interesado sa bahay-bahay at sa pamamagitan ng pantahanang mga pag-aaral ng Bibliya.​—Mateo 10:8; 28:19, 20; Gawa 20:19, 20.

May mga patotoo na walang motibong makalikom ng salapi para sa mga Saksi ni Jehova bilang mga indibiduwal, para sa kanilang lokal na mga kongregasyon, o para sa Samahang Watch Tower. Walang sinumang tumatanggap ng anumang bayad para sa pagbabahay-bahay. Kung gayon ay papaano tinutustusan ang gawain? Sa pamamagitan ng kusang-loob na mga abuloy buhat sa mga taong may pagpapahalaga sa buong daigdig. Walang koleksiyon ng salapi kailanman.

Ang Epekto ng Kanilang Pagpapatotoo

Napapansin ba ng madla ang bahay-bahay na ministeryo at impormal na pangangaral ng mga Saksi? Ang patotoo ng media ay isang buong lakas na oo sa tanong na iyan. Ang mga Saksi ni Jehova ay nababanggit sa mga programa sa TV at sa mga pelikula kung ang isa ay ipinakikitang kumakatok sa pintuan. Nababanggit ang mga Saksi sa mga cartoon. Ang kanilang sigasig sa gawain ay kilalang-kilala anupat ang mga gumuguhit ng mga cartoon sa buong daigdig ay gumagawa ng mga pagtukoy sa mga Saksi ni Jehova. Ang mga ito ay waring mga panunuya, subalit karaniwan nang batay ang mga ito sa isang positibong saligang katotohanan​—na ang mga Saksi ay kilala sa kanilang matiyagang pangangaral sa bahay-bahay.​—Gawa 20:20.

Sa isang kamakailang cartoon ay ipinakita ang isang taong umaakyat sa isang bundok upang kumunsulta sa isang “guru.” Sinabi niya: “Sabihin mo sa akin ang kamangha-manghang mga bagay na mangyayari!” Papaano sumagot ang “guru”? “Tingnan natin . . . Magkakaroon ng mga taggutom, salot, at mga lindol. Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay dugo.” Ang nagtatanong ay nag-usisa: “Ano ang mabuting balita?” Ito ay tinugon ng “guru” nang ganito: “Papahirin ng Diyos ang bawat luha . . . at hindi na magkakaroon ng kamatayan ni ng pagdadalamhati ni ng kirot man!” Nagtanong ang bisita: “Papaano mo nalaman ang ganiyang mga bagay?” Ang sagot? “Walang sinuman ang nakakaligtaan ng mga Saksi ni Jehova!” At iyan ay maaaring totoo rin kung tungkol sa gumuguhit mismo ng cartoon!

Ang mahalaga tungkol dito at sa mga ibang katulad nito ay ang bagay na isinisiwalat nito hindi lamang ang patuloy na pagdalaw ng mga Saksi kundi pati ang kawalang pagbabago ng kanilang mensahe. Sa ilang salita lamang, naibigay ng gumuhit ang isang pangunahing bahagi ng kanilang pagpapatotoo sa bahay-bahay at siya’y sumipi ng mga kasulatan.​—Ihambing ang Mateo 24:7, 29; Apocalipsis 21:3, 4.

Kahit na tinatanggihan ng karamihan ng tao ang kanilang mensahe ay hindi nasisiraan ng loob ang mga Saksi ni nababawasan man ang kanilang sigasig. Nagbabala si apostol Pedro: “Sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad alinsunod sa kanilang sariling mga nasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ay nagpapatuloy nang gayung-gayon ang lahat ng mga bagay mula noong pasimula ng paglalang.’ ” Sa kabila nito, palibhasa’y nauudyukan ng pag-ibig, patuloy na dinadalaw ng mga Saksi ang kanilang kapuwa at gagawin nila iyan hanggang sa wakasan ng Diyos ang kasalukuyang masamang sistema.​—2 Pedro 3:3, 4.

Sinabi ni Jesus na sa mga huling araw, ang mabuting balita ay kailangang maipangaral muna. Para sa higit pang pagsusuri kung bakit at papaano, tingnan ang dalawang sumusunod na artikulo.​—Marcos 13:10.

[Mga larawan sa pahina 9]

Ang mga Saksi ni Jehova ay walang uring klero na sinusuwelduhan​—lahat ay boluntaryong mga ministro

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share