Ang Bibliya—Isang Aklat na Sadyang Nilayon na Maunawaan
NANINIWALA ang ilang tao na ang Bibliya ang malinaw na Salita ng Diyos na dapat sundin sa literal na paraan. Para sa iba naman, “ang mensahe ng Bibliya ay may iba’t ibang kahulugan.” Ganiyan ang sabi ng 12-miyembrong komite ng pananampalataya at teolohiya para sa pinakamalaking denominasyong Protestante sa Canada. Nadarama ng klerigong si Clifford Elliott, ng United Church, na para sa ilan “ang Bibliya ay nagiging malabo, di-tiyak at di-mahalaga.”
Ang gayong mga paniniwala ay nagbabangon ng kaugnay na mga tanong na nararapat sagutin. Mahalaga sa mga ito ay, Bakit isinulat ang Bibliya? Ito ba ay totoong nakalilito at masalimuot upang maunawaan? Mauunawaan kaya ito ng karaniwang tao? Anong tulong ang kinakailangan upang maunawaan ng isa ang kahulugan ng Kasulatan? At bakit mahalaga sa maligalig na panahong ito ang tumpak na kaalaman sa Bibliya?
Bakit Isinulat ang Bibliya?
Ang pag-aaral ng Salita ng Diyos ay sa tuwina isang kahilingan para sa mga nais magtamo ng pabor at pagsang-ayon ng Kataas-taasang Diyos, si Jehova. Ang mga hari, saserdote, mga magulang, lalaki, babae, at mga anak—mayaman at mahirap—ay pawang tinagubilinan na maglaan ng panahon buhat sa araw-araw na pamumuhay para sa seryoso at may pananalanging pagsasaalang-alang ng nasusulat na Salita ng Diyos.—Deuteronomio 6:6, 7; 17:18-20; 31:9-12; Nehemias 8:8; Awit 1:1, 2; 119:7-11, 72, 98-100, 104, 142; Kawikaan 3:13-18.
Halimbawa, ganito ang tagubilin kay Josue: “Tiyakin na ang aklat ng Batas ay laging binabasa sa inyong pagsamba. Pag-aralan ito araw at gabi, at tiyakin na sinusunod ninyo ang lahat ng nakasulat dito. Kung magkagayon kayo ay magiging maunlad at matagumpay.” (Josue 1:8, Today’s English Version) Ang gayong maingat na pag-aaral at pagkakapit ng Batas ng Diyos ay magbubunga ng tagumpay at kaligayahan. Nilayon ni Jehova na “lahat ng uri ng mga tao” ay hindi lamang makaunawa ng kaniyang Salita, ang Bibliya, kundi ito rin ay sundin, taglay ang pag-asang tumanggap ng kaloob na buhay.—1 Timoteo 2:3, 4; Juan 17:3.
Totoong Masalimuot ba Upang Maunawaan?
Bago umakyat si Jesus sa langit, niliwanag niya na ibig niyang isang malaking programa sa pagtuturo ng Bibliya ang magpatuloy sa buong lupa. (Gawa 1:8) Batid niya na ang Bibliya ay sadyang nilayon upang maunawaan. Pagkatapos ipaliwanag na ipinagkaloob na sa kaniya ni Jehova ang lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa, siya’y nagbigay ng tuwirang utos: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad [o, mga tuturuan] sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
Bago pabautismo, ang bagong mga alagad ay kinailangang turuan tungkol kay Jehova, sa kaniyang Anak, at sa pagkilos ng banal na espiritu. Isa pa, sila’y kinailangang turuan sa batas ng Kristiyanong sistema ng mga bagay. (1 Corinto 9:21; Galacia 6:2) Upang makamtan ang ganitong resulta, ang mga karapat-dapat ay kinailangang maniwala muna na ang Bibliya ay galing kay Jehova at pangalawa na ito ay sadyang nilayong maunawaan.—Mateo 10:11-13.
Ano ba ang kailangan upang maunawaan mo ang Bibliya? Gumawa ng pantanging pagsisikap ang Anak ng Diyos upang ipaliwanag ang Kasulatan. Batid niya na ang Banal na mga Kasulatan ay totoo at taglay ng mga ito ang ipinahayag na kalooban ni Jehova. (Juan 17:17) Tungkol sa iniatas na gawain sa kaniya, si Jesu-Kristo ay nagsabi: “Ako’y ipinanganak at naparito sa sanlibutan ukol sa isang layuning ito, ang magsalita tungkol sa katotohanan. Sinumang nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa akin.” (Juan 18:37, TEV; Lucas 4:43) Si Jesus ay hindi umurong sa pagtuturo sa mga taong may mga puso at isip na tumatanggap. Sa Lucas 24:45 ay sinasabi sa atin: “Nang magkagayon ay lubusan niyang [si Jesu-Kristo] binuksan ang kanilang mga pag-iisip upang makuha ang kahulugan ng Kasulatan.”
Nang panahon ng ministeryo ni Jesus malaya siyang sumipi buhat sa nasusulat na Salita, ipinaliliwanag at tumutukoy sa mga kasulatan sa “batas ni Moises at sa mga Propeta at Mga Awit.” (Lucas 24:27, 44) Yaong mga nakarinig ng kaniyang maka-Kasulatang mga paliwanag ay lubhang namangha sa kaniyang malinaw na pagkaunawa, gayundin sa kaniyang kakayahang magturo. (Mateo 7:28, 29; Marcos 1:22; Lucas 4:32; 24:32) Sa kaniya, ang Kasulatan ay isang aklat na madaling maunawaan.
Ang Bibliya at ang mga Tagasunod ni Jesus
Si apostol Pablo, na isang tagatulad kay Jesu-Kristo, ay nakakita ng pangangailangan na turuan ang iba ng nilalaman ng Kasulatan. Siya man ay nakaaalam na ang mga ito ay sadyang nilayong maunawaan. Kaya naman siya ay nagturo sa madla at tiyak na ipinaliwanag niya ang Kasulatan sa tahanan ng mga taong nagnanais maunawaan iyon. Ipinakilala ni Pablo ang kaniyang paninindigan nang kaniyang sabihin: “Batid ninyo na hindi ko ipinagkait ang anuman na makatutulong sa inyo samantalang ako’y nangangaral at nagtuturo sa madla at sa inyong mga tahanan.” (Gawa 20:20, TEV) Sa kaniyang pakikipagtalakayan ay nangatuwiran siya mula sa Kasulatan, na ipinaliliwanag at pinatutunayan ang kaniyang mga punto sa pamamagitan ng mga reperensiya. (Gawa 17:2, 3) Siya’y interesado sa pagtulong sa iba na maunawaan ang kahulugan ng Kasulatan.
Ikaw ba ay may pagnanasang maunawaan ang mga bagay na itinuro ni Jesus at ng kaniyang mga alagad? (1 Pedro 2:2) May gayong hangarin ang mga mamamayan ng sinaunang Berea, at sila’y sabík na maniwala sa itinuturo sa kanila ni apostol Pablo tungkol sa Kristo. Kaya sila’y hinimok na pag-aralan ang Kasulatan sa araw-araw at sa gayo’y matiyak na ang mabuting balitang kanilang napakinggan ay tunay ngang siyang katotohanan. Dahilan sa ang kanilang mga isip ay handang tumanggap, “marami sa kanila ang naging mananampalataya.”—Gawa 17:11, 12.
Upang maunawaan ang Bibliya, ang isang tao ay kailangang may tamang kalagayan ng puso, isang taimtim na hangaring matuto, at ang ‘pagkapalaisip sa espirituwal na pangangailangan ng isa.’ (Mateo 5:3) Nang tanungin si Jesus: “Bakit nga ba nagsasalita ka sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga ilustrasyon?” siya’y sumagot: “Sa inyo ay ipinagkakaloob na maunawaan ang mga sagradong lihim ng kaharian ng mga langit, ngunit sa mga taong iyon ito ay hindi ipinagkaloob.” Inihula na kaniyang ‘bubuksan ang kaniyang bibig na may mga ilustrasyon at ihahayag ang mga bagay na natatago.’ (Mateo 13:10, 11, 35) Kaya si Jesus ay nagsalita sa pamamagitan ng mga ilustrasyon upang ang nagtatanong na wala sa loob at gusto lamang makaalam ay maihiwalay sa taimtim na nag-uusisa. Minsan ay ipinakita ng mga alagad ni Jesus ang kanilang kataimtiman nang sila’y sumama sa kaniya sa isang bahay at nagsabi: “Ipaliwanag mo sa amin ang ilustrasyon tungkol sa mga panirang-damo sa bukid.”—Mateo 13:36.
Maliwanag na kailangan natin ang tulong upang maunawaan natin ang Bibliya. Ganito ang sabi ng klerigong si Hal Llewellyn, ang kalihim sa teolohiya, pananampalataya, at ecumenismo ng United Church: “Napakahalaga na liwanagin kung ano ang kabuluhan sa atin ng Bibliya at kung papaano ito binabasa at ipinaliliwanag.” Subalit kahit na iyon ay hindi natatanto ng lahat, ang totoo ay hindi natin mauunawaan ang Bibliya kung sa ganang ating sarili lamang. Kailangan natin ang tulong.
Anong Tulong ang Makukuha?
Sa Bibliya ay may mga palaisipang kasabihan, nakalilitong mga tanong, at malalalim na mga pangungusap na nangangailangang liwanagin. Ang mga ito ay maaaring sadyang pinalabo, anupat ginamitan ng makahulugang mga paghahambing na hindi nilayong maunawaan sa panahon nang isulat ang mga iyon. Subalit ang mga iyon ay tungkol sa mga layunin ni Jehova. Halimbawa, sinasabi ng Apocalipsis 13:18 na “ang bilang ng mabangis na hayop” ay “anim na raan at animnapu’t anim.” Bagaman sinasabi ng talata na “dito pumapasok ang karunungan,” hindi naman ipinaliliwanag nito ang kahulugan ng bilang na iyan. Subalit, si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, ay nagpahintulot na maunawaan ng kaniyang tapat na mga lingkod ang kahulugan nito ngayon. (Tingnan ang kahon, “Alulod sa Pag-unawa sa Bibliya.”) Ikaw man ay magkakamit ng kaunawaang ito sa tulong ng mga may karanasan na “ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.”—2 Timoteo 2:2, 15, 23-25; 4:2-5; Kawikaan 2:1-5.
Kung minsan si Jesus ay gumagamit ng mga ilustrasyon upang ipakita ang pagtugon o kawalan ng pagtugon sa mensahe ng Kaharian. Binanggit niya na ang ilan ay hindi susulong dahil sila’y nasisiraan ng loob bunga ng pananalansang buhat sa mga kaibigan at mga kamag-anak. Pahihintulutan naman ng iba na sirain ng “kapighatian o pag-uusig” ang kanilang pagpapahalaga sa mensahe ng Kaharian. Mayroon namang iba na hahayaang ang pang-araw-araw na kalakaran ng buhay, “ang kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan,” ay sumakal sa anumang pag-ibig na maaaring taglayin nila ukol sa mabuting balita. Sa kabilang dako, may mga tumutugon nang may kagalakan at nananabik na makapakinig ng mahalagang salita at maunawaan ang diwa niyaon. Sila ay “nagbubuntung-hininga at dumaraing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa” sa Sangkakristiyanuhan, ipinagpapalagay na iyon ay sa pangalan ni Jesu-Kristo. Ang gayong mga tao ay sabik na maturuan sa daan ni Jehova at samakatuwid ay maunawaan ang binabasa nila sa Bibliya.—Mateo 13:3-9, 18-23; Ezekiel 9:4; Isaias 2:2-4.
Sa mga ibig na personal na magkamit ng malalim na unawa sa mga layunin ni Jehova, maaring pangyarihin ni Jehova na mailaan ang kinakailangang tulong. Upang ilarawan, iniuulat ng Bibliya na inakay ng espiritu ni Jehova ang ebanghelistang si Felipe upang tulungan ang isang lalaking Etiope na nagbabasa ng aklat ni Isaias sa Bibliya habang siya’y naglalakbay mula sa Jerusalem. Sa kaniyang pag-uwi, binabasa niya iyon sa kaniyang karo. Bilang pagtalima sa pag-akay ng banal na espiritu ni Jehova, si Felipe ay tumakbo sa tabi ng karo at nagtanong: ‘Nauunawaan mo ba ang iyong binabasa?’ Ang lalaki ay mapagpakumbaba at may katapatang umamin na siya’y nangangailangan ng tulong. Malugod na tinuruan ni Felipe ang taong ito na nagugutom sa espirituwal at natuturuan. Ang pagtuturo ay nakatulong sa kaniya upang maunawaan ang Kasulatan. Natutuhan niya kung ano ang kailangan niyang gawin ngayon upang magtamasa ng sinang-ayunang kalagayan kay Jehova at sa gayo’y magtamo ng buhay na walang-hanggan. Siya’y naging isang maligaya, bautisadong lingkod ni Jehova, na nagtaguyod ng isang buhay na nakalulugod sa Diyos.—Gawa 8:26-39.
Marahil ikaw ay may Bibliya sa iyong tahanan, at marahil ay nabasa mo na iyon nang maraming beses. Malamang na nakaranas ka ng gayunding suliranin gaya ng naranasan ng taimtim, mapagpakumbabang Etiope. Hindi niya maunawaan ang binabasa niya. Kailangan niya ng tulong at hindi naman siya nag-atubiling tanggapin ang tulong na nakalugod sa Diyos na Jehova na ilaan. Tulad ni Felipe, naliligayahan ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka sa pag-unawa sa mga bagay tungkol sa Diyos na nasusulat sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Batid nila na si Jehova ang naglaan ng Bibliya at sadyang nilayon na iyon ay maunawaan.—1 Corinto 2:10; Efeso 3:18; 2 Pedro 3:16.
Bakit Kailangan ang Bibliya?
Nabubuhay tayo sa panahon sa kasaysayan ng tao na kailangan ng apurahang pagkilos. Tinutukoy ito ng Bibliya bilang ang “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Ang maraming pangyayari na nagaganap bilang katuparan ng hula sa Bibliya sapol noong taóng 1914 ay nagpapakita na sa pinakamadaling panahon ngayon ang makalangit na Kaharian ng Diyos ay kikilos upang ‘durugin at wakasan ang lahat ng iba pang mga pamahalaan.’—Daniel 2:44.
Basahin mo kung ano ang inihula ng Bibliya sa Mateo kabanata 24, Marcos kabanata 13, at Lucas kabanata 21. Mapapansin mo na ang mga pangyayaring binanggit ay magaganap sa buong globo. Kasali sa mga ito ang mga digmaang pandaigdig—naiiba sa lahat ng iba pang mga digmaan. Sapol noong Digmaang Pandaigdig I, nasasaksihan natin ang inihulang mga kakapusan sa pagkain, mga lindol, at isang panahon ng pambihirang katampalasanan. At ngayon ang mga bansa ay waring pagkalapit-lapit nang gumawa ng isang pag-aangkin na magbibigay ng di-mapagkakamalang tanda na napipinto na ang pagkapuksa ng sanlibutan. Tungkol dito, sumulat si apostol Pablo: “Ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay biglang pagkapuksa ang kagyat na mapapasa-kanila; . . . at hindi sila sa anumang paraan makatatakas.” (1 Tesalonica 5:2, 3) Sino ang mga hindi makatatakas? Si Pablo ay nagpapaliwanag: ‘Yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos at yaong mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.’ (2 Tesalonica 1:7-9) Isang bahagi ng kabuuang tanda ang tutuparin niyaong mga sumusunod sa utos na ibinigay sa Mateo 24:14 na ipangaral ang “mabuting balita ng kaharian . . . sa buong tinatahanang lupa.”
Angaw-angaw na mga Saksi ni Jehova ang tumutupad ng utos na ito sa 231 lupain at mga isla sa dagat. Sila’y dumadalaw sa tahanan ng mga tao at personal na inaanyayahan sila na matuto tungkol sa pamahalaan ng Kaharian ng Diyos. May kabaitang ipinakikita nila ang landas ng pagkilos na kailangang gawin ng bawat isa upang makabilang sa makaliligtas sa sistemang ito ng mga bagay at mamumuhay sa isang paraisong lupa na wala nang pagdadalamhati, pagbubuntung-hininga, kirot, o kamatayan.—Apocalipsis 21:3, 4.
Ang panahon ay mabilis na nauubos para sa balakyot na sanlibutang ito, at mahalaga para sa lahat ng nagnanais na makaligtas sa katapusan ng sanlibutang ito na matutuhan kung ano ang nasasangkot sa ‘pagsunod sa mabuting balita’ at sa gayo’y makatakas sa pagkapuksa. Sa susunod na pagkakataong dumalaw sa inyong tahanan ang mga Saksi ni Jehova, bakit hindi tanggapin ang paanyayang magkaroon ng isang lingguhang pag-aaral ng Bibliya? Lalong mabuti pa nga, bakit hindi hilingin sa kanila na makipag-aral sa iyo ng Bibliya dahil ibig mong maunawaan iyon?
[Kahon sa pahina 8]
ALULOD SA PAG-UNAWA SA BIBLIYA
TINIYAK sa atin ni Jesus na pagkamatay at pagkabuhay-muli niya, siya’y magbabangon ng isang “tapat at maingat na alipin” na magsisilbing kaniyang alulod ng pakikipagtalastasan. (Mateo 24:45-47) Ipinakilala ni apostol Pablo ang alulod na ito sa mga Kristiyano sa Efeso nang siya’y sumulat upang “maipaalam sa pamamagitan ng kongregasyon ang malawak na pagkakasari-sari ng karunungan ng Diyos, ayon sa walang-hanggang layunin na kaniyang binuo may kaugnayan sa Kristo, si Jesus na ating Panginoon.” (Efeso 3:10, 11) Ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, na isinilang noong Pentecostes 33 C.E., ang pinagkatiwalaan ng “mga bagay na isiniwalat.” (Deuteronomio 29:29) Bilang isang grupo, ang pinahirang mga Kristiyano ay nagsisilbing siyang tapat at maingat na alipin. (Lucas 12:42-44) Ang kanilang atas mula sa Diyos ay ang maglaan ng espirituwal na kaunawaan sa “mga bagay na isiniwalat.”
Kung papaanong ang hula ng Bibliya ay patiunang nakaturo sa Mesiyas, inaakay din tayo niyaon sa nagkakaisang lupon ng pinahirang Kristiyanong mga Saksi na ngayo’y naglilingkod bilang ang tapat at maingat na alipin.a Ito ang tumutulong sa atin upang maunawaan ang Salita ng Diyos. Lahat ng nagnanais na maunawaan ang Bibliya ay dapat magpahalaga sa bagay na ang “malawak na pagkakasari-sari ng karunungan ng Diyos” ay makikilala lamang sa pamamagitan ng alulod ni Jehova sa pakikipagtalastasan, ang tapat at maingat na alipin.—Juan 6:68.
[Talababa]
a Tingnan Ang Bantayan, Setyembre 1, 1981, pahina 22-26.