Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 10/15 p. 12-15
  • May Pananampalataya Kaya si Jesus sa Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • May Pananampalataya Kaya si Jesus sa Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Panalangin na Walang Pananampalataya?
  • Ginawang Sakdal ang “Tagapagpasakdal ng Ating Pananampalataya”
  • Siya ba’y Hindi Naniwala sa Salita ng Diyos?
  • Si Jesus, ang Huwaran ng Pananampalataya na Dapat Tularan
  • Isagawa ang Pananampalataya Salig sa Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Ipakita ang Iyong Pananampalataya sa mga Pangako ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Talaga Bang May Pananampalataya Ka sa Mabuting Balita?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • “Tulungan Mo Ako Kung Saan Kailangan Ko ng Pananampalataya!”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 10/15 p. 12-15

May Pananampalataya Kaya si Jesus sa Diyos?

Isang Mabigat na Suliranin ng Trinitaryo

“PAPAANONG si Jesus ay may pananampalataya? Siya ang Diyos; nalalaman at nakikita niya ang lahat ng bagay nang hindi umaasa sa kaninuman. Ngayon ang pananampalataya ay nakasalalay nang tiyakan sa pagtitiwala sa iba at sa pagtanggap sa isang di-nakikita; kung gayon, hindi kasali rito ang bagay na si Jesus na Diyos ay may pananampalataya.”

Ayon sa teologong Pranses na si Jacques Guillet, iyan ang nangingibabaw na opinyon sa Katolisismo. Nakapagtataka ba para sa iyo ang paliwanag na ito? Maaaring naisip mo na yamang si Jesus ay isang halimbawa para sa mga Kristiyano sa lahat ng bagay, siya rin naman ay kailangang maging isang huwaran ng pananampalataya. Kung ganiyan ang palagay mo, hindi mo isinaalang-alang ang doktrina ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa Trinidad.

Ang suliranin tungkol sa pananampalataya ni Jesus ay talagang isang palaisipan para sa mga teologong Katoliko, Protestante, at Ortodokso na naniniwala sa Trinidad bilang “ang pangunahing misteryo ng Kristiyanong pananampalataya at pamumuhay.”a Gayunman, hindi lahat ay tumatanggi sa pananampalataya ni Kristo. Tinitiyak ni Jacques Guillet na “imposibleng hindi makilala na si Jesus ay may pananampalataya,” bagaman inaamin ni Guillet na, kung isasaalang-alang ang doktrina ng Trinidad, iyon ay isang “kabalintunaan.”

Ang Jesuitang Pranses na si Jean Galot, at ang gaya niya na karamihan sa mga teologo, ay tiyakan sa pagsasabi na sa pagiging “tunay na Diyos at tunay na tao, . . . si Kristo ay hindi maaaring maniwala sa kaniyang sarili.” “Ang pananampalataya ay nakasalalay sa paniniwala sa iba, hindi sa paniniwala sa sarili,” ang sabi ng publikasyong La Civiltà Cattolica. Ang hadlang sa pagkilala sa pananampalataya ni Jesus, kung gayon, ay ang doktrina ng Trinidad, yamang ang dalawang idea ay malinaw na salungat sa isa’t isa.

“Ang Mga Ebanghelyo ay hindi kailanman bumabanggit tungkol sa pananampalataya ni Jesus,” ang sabi ng mga teologo. Sa katunayan, ang mga salitang pi·steuʹo (maniwala, manampalataya) at piʹstis (pananampalataya) na ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay karaniwan nang tumutukoy sa pananampalataya ng mga alagad sa Diyos o kay Kristo, sa halip na sa pananampalataya ni Kristo sa kaniyang makalangit na Ama. Kaya dapat ba tayong manghinuha na ang Anak ng Diyos ay walang pananampalataya? Ano ang mauunawaan natin buhat sa kaniyang ginawa at sinabi? Ano ang sinasabi ng Kasulatan?

Mga Panalangin na Walang Pananampalataya?

Si Jesus ay isang taong malimit manalangin. Siya’y nanalangin sa bawat pagkakataon​—nang siya’y bautismuhan (Lucas 3:21); nang magdamag bago piliin ang kaniyang 12 apostol (Lucas 6:12, 13); at bago ng kaniyang makahimalang pagbabagong-anyo sa bundok, samantalang kasama ang mga apostol na sina Pedro, Juan, at Santiago. (Lucas 9:28, 29) Siya’y nananalangin nang isa sa kaniyang mga alagad ang humiling sa kaniya: “Turuan mo kami kung paano manalangin,” kaya itinuro niya sa kanila ang Panalangin ng Panginoon (ang “Ama Namin”). (Lucas 11:1-4; Mateo 6:9-13) Siya’y nanalanging mag-isa at nang matagal maaga sa kinaumagahan (Marcos 1:35-39); nang kinagabihan, sa isang bundok, pagkatapos paalisin ang kaniyang mga alagad (Marcos 6:45, 46); kasama ng kaniyang mga alagad at ukol sa kaniyang mga alagad. (Lucas 22:32; Juan 17:1-26) Oo, ang panalangin ay isang mahalagang bahagi sa buhay ni Jesus.

Halimbawa, siya’y nanalangin bago gumawa ng mga himala, bago buhaying-muli ang kaniyang kaibigang si Lazaro: “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na dininig mo ako. Totoo, alam ko na lagi mo akong dinirinig; ngunit dahil sa pulutong na nakatayo sa palibot ako ay nagsalita, upang sila ay maniwala na isinugo mo ako.” (Juan 11:41, 42) Ang katiyakan na sasagutin ng kaniyang Ama ang panalanging iyan ay nagpapahiwatig ng tibay ng kaniyang pananampalataya. Ang kaugnayang ito sa pagitan ng panalangin sa Diyos at pananampalataya sa Kaniya ay maliwanag buhat sa sinabi ni Kristo sa kaniyang mga alagad: “Lahat ng mga bagay na inyong ipinapanalangin at hinihingi ay magkaroon kayo ng pananampalataya na parang tinanggap na ninyo.”​—Marcos 11:24.

Kung si Jesus ay walang pananampalataya, bakit siya nanalangin sa Diyos? Ang mensahe ng Bibliya ay pinalalabo ng di-maka-Kasulatang turo ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa Trinidad, na si Jesus ay kapuwa tao at Diyos sa iisang panahon. Hinahadlangan nito ang mga tao na maunawaan ang pagiging maliwanag at mabisa ng Bibliya. Kanino nagsumamo ang taong si Jesus? Sa kaniyang sarili? Hindi ba niya nalalaman na siya ay Diyos? At kung siya ay Diyos at alam niya iyon, bakit siya nanalangin?

Ang mga panalangin ni Jesus noong huling araw ng kaniyang buhay sa lupa ay nagbibigay sa atin ng mas malalim na unawa sa kaniyang matatag na pananampalataya sa kaniyang makalangit na Ama. Palibhasa’y nagpapahayag ng pag-asa at may-pagtitiwalang paghihintay, hiniling niya: “Kaya ngayon ikaw, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko sa iyong piling bago pa ang sanlibutan.”​—Juan 17:5.

Sa pagkaalam na papalapit na ang pinakamahihirap na pagsubok sa kaniya at ang kaniyang kamatayan, nang gabing siya ay nasa halamanan ng Getsemani sa Bundok ng mga Olibo, “siya ay nagpasimulang mapighati at lubhang mabagabag,” at sinabi niya: “Ang aking kaluluwa ay lubhang napipighati, maging hanggang sa kamatayan.” (Mateo 26:36-38) Pagkatapos siya ay lumuhod at nanalangin: “Ama, kung nais mo, alisin mo ang kopang ito sa akin. Gayunpaman, maganap nawa, hindi ang aking kalooban, kundi ang sa iyo.” Nang magkagayon “isang anghel mula sa langit ang nagpakita sa kaniya at pinalakas siya.” Pinakinggan ng Diyos ang kaniyang panalangin. Dahil sa kaniyang masidhing mga emosyon at matinding pagsubok, “ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa.”​—Lucas 22:42-44.

Ano ang ipinahihiwatig ng mga pagdurusa ni Jesus, ang kaniyang pangangailangan na palakasin, at ang kaniyang mga pagsusumamo? “Isang bagay ang tiyak,” ang isinulat ni Jacques Guillet, “si Jesus ay nanalangin, at ang panalangin ay isang mahalagang bahagi ng kaniyang buhay at ng kaniyang mga pagkilos. Nanalangin siya gaya ng pananalangin ng mga tao, at nanalangin siya alang-alang sa mga tao. Ngayon, hindi magiging kapani-paniwala ang panalangin ng mga tao kung walang pananampalataya. Kapani-paniwala ba ang panalangin ni Jesus kung walang pananampalataya?”

Samantalang nakabayubay sa pahirapang tulos mga ilang sandali bago siya mamatay, si Jesus ay humiyaw taglay ang malakas na tinig, na inuulit ang isang awit ni David. Pagkatapos, sa pananampalataya, taglay ang malakas na tinig, siya’y humiyaw ng isang huling pagsusumamo: “Ama, sa iyong mga kamay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.” (Lucas 23:46; Mateo 27:46) Isang Italyanong interdenominasyonal na salin, ang Parola del Signore, ay nagsasabi na ‘ipinagkatiwala [ni Jesus] ang kaniyang buhay’ sa kaniyang Ama.

Ganito ang komento ni Jacques Guillet: “Sa pagpapakita sa atin na ang Kristo ay ipinako sa krus, na humihiyaw sa kaniyang Ama sa pamamagitan ng mga awit ng Israel, pinaniniwala tayo ng mga manunulat ng Ebanghelyo na ang paghiyaw na iyan, ang paghiyaw ng bugtong na Anak, isang paghiyaw ng ganap na pagdadalamhati, isang paghiyaw ng lubusang pagtitiwala, ay isang paghiyaw ng pananampalataya, ang paghiyaw sa isang kamatayan na may pananampalataya.”

Palibhasa’y nakaharap sa ganitong maliwanag at madulang patotoo ng pananampalataya, sinisikap ng ilang teologo na gumawa ng pagkakaiba sa pagitan ng pananampalataya at “pagtitiwala.” Gayunman, ang gayong pagkakaiba ay hindi nakasalig sa Kasulatan.

Subalit ang matitinding pagsubok na kaniyang tiniis ay talagang nagsisiwalat ng ano tungkol sa pananampalataya ni Jesus?

Ginawang Sakdal ang “Tagapagpasakdal ng Ating Pananampalataya”

Sa ika-11 kabanata ng kaniyang liham sa mga Hebreo 11, binanggit ni apostol Pablo ang malaking ulap ng tapat na mga lalaki at mga babae noong bago ng panahong Kristiyano. Kaniyang tinapos iyon, sa pamamagitan ng pagtukoy sa pinakadakila at sakdal na halimbawa ng pananampalataya: “Nakatingin tayong mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan . . . Isaalang-alang nga ninyo nang maingat ang isa na nagbata ng gayong salungat na salita ng mga makasalanan laban sa kanilang sariling mga kapakanan, upang hindi kayo manghimagod at manghina sa inyong mga kaluluwa.”​—Hebreo 12:1-3.

Karamihan ng mga teologo ay nagsasabi na ang talatang ito ay hindi bumabanggit tungkol sa “personal na pananampalataya ni Jesus” kundi, sa halip, tungkol sa kaniyang papel bilang “tagapagpasimula o tagapagtatag ng pananampalataya.” Ang salitang Griego na te·lei·o·teś na lumilitaw sa pariralang ito ay tumutukoy sa isa na nagpapasakdal, na tumutupad o lumulubos ng isang bagay. Bilang ang “Tagapagpasakdal,” nilubos ni Jesus ang pananampalataya sa diwa na ang kaniyang pagparito sa lupa ay tumupad ng mga hula sa Bibliya at sa gayo’y nagtatag ng isang mas matibay na saligan para sa pananampalataya. Subalit nangangahulugan ba ito na siya ay walang pananampalataya?

Ang mga talata buhat sa liham sa mga Hebreo na makikita mo sa kahon sa pahina 15 ay pumapawi ng alinlangan. Si Jesus ay ginawang sakdal sa pamamagitan ng kaniyang mga pagdurusa at ng kaniyang pagsunod. Bagaman isa nang sakdal na tao, sa pamamagitan ng kaniyang mga karanasan ay ginawa siyang sakdal at ganap sa lahat ng bagay, kahit na sa pananampalataya, upang siya’y maging lubusang kuwalipikado bilang Mataas na Saserdote ukol sa kaligtasan ng tunay ng mga Kristiyano. Nagsumamo siya sa kaniyang Ama “na may malalakas na paghiyaw at mga luha,” siya ay “tapat” sa Diyos, at siya ay may “maka-Diyos na takot.” (Hebreo 3:1, 2; 5:7-9) Siya ay “subók na sa lahat ng mga bagay” eksaktong “tulad natin,” sabi ng Hebreo 4:15, samakatuwid nga, tulad ng sinumang tapat na Kristiyano na ang pananampalataya ay dumaraan sa “sari-saring pagsubok.” (Santiago 1:2, 3) Makatuwiran bang maniwala na si Jesus ay maaaring ilagay sa pagsubok “tulad” ng kaniyang mga tagasunod nang hindi sinusubok ang kaniyang pananampalataya di-tulad nila?

Ang mga pagsusumamo, pagsunod, pagdurusa, pagsubok, katapatan, at maka-Diyos na takot ay nagpapatunay sa ganap na pananampalataya ni Jesus. Ipinahihiwatig ng mga ito na siya ay naging “Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya” pagkatapos lamang na gawing sakdal sa kaniyang sariling pananampalataya. Maliwanag, hindi siya ang Diyos Anak, gaya ng iginigiit ng doktrina ng Trinidad.​—1 Juan 5:5.

Siya ba’y Hindi Naniwala sa Salita ng Diyos?

Gayon na lamang ang impluwensiya ng doktrina ng Trinidad sa pag-iisip ng mga teologo anupat sila’y umabot sa sukdulang pananaw sa pagsasabing si Jesus ay “hindi maaaring maniwala sa Salita ng Diyos at sa mensahe nito” sapagkat “bilang ang mismong Salita ng Diyos, maaari lamang niyang ipahayag ang salitang iyan.”​—Angelo Amato, Gesù il Signore, na may pagsang-ayon ng iglesya.

Gayunman, ano ang talagang ipinakikita ng malimit na pagtukoy ni Jesus sa Kasulatan? Nang siya’y tuksuhin, bumanggit siya mula sa Kasulatan nang tatlong beses. Ang kaniyang ikatlong tugon ay nagsabi kay Satanas na ang Diyos lamang ang sinasamba ni Jesus. (Mateo 4:4, 7, 10) Sa maraming pagkakataon ay binanggit ni Jesus ang mga hula na kumakapit sa kaniyang sarili, na ipinakikita ang pananampalataya sa katuparan ng mga ito. (Marcos 14:21, 27; Lucas 18:31-33; 22:37; ihambing ang Lucas 9:22; 24:44-46.) Buhat sa pagsusuring ito ay dapat na mahinuha natin na alam ni Jesus na kinasihan ng kaniyang Ama ang Kasulatan, sinunod niya ang mga ito taglay ang pananampalataya, at siya’y may lubos na tiwala sa katuparan ng mga hula tungkol sa kaniyang mga pagsubok, pagdurusa, kamatayan, at pagkabuhay-muli.

Si Jesus, ang Huwaran ng Pananampalataya na Dapat Tularan

Kinailangang ipakipaglaban ni Jesus ang pananampalataya hanggang sa katapusan upang mapanatili ang katapatan sa kaniyang Ama at upang ‘madaig ang sanlibutan.’ (Juan 16:33) Kung walang pananampalataya, imposibleng matamo ang gayong tagumpay. (Hebreo 11:6; 1 Juan 5:4) Dahil sa matagumpay na pananampalatayang iyan, siya ay isang halimbawa sa kaniyang tapat na mga tagasunod. Tunay na siya ay may pananampalataya sa tunay na Diyos.

[Talababa]

a Isang mas malawak na pagtalakay sa kawalang-batayan ng turo ng Trinidad ang matatagpuan sa brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Kahon sa pahina 15]

Si Jesus, ang “Tagapagpasakdal,” ay Ginawang Sakdal

Hebreo 2:10: “Naaangkop para sa isa na alang-alang sa kaniya ang lahat ng mga bagay at sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian, na gawing sakdal ang Punong Ahente ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.”

Hebreo 2:17, 18: “Naging obligado siyang maging tulad ng kaniyang ‘mga kapatid’ sa lahat ng bagay, upang siya ay maging isang mataas na saserdote na maawain at tapat sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos, upang maghandog ng pampalubag-loob na hain para sa mga kasalanan ng mga tao. Sapagkat yamang siya mismo ay nagdusa nang inilalagay sa pagsubok, magagawa niyang sumaklolo doon sa mga inilalagay sa pagsubok.”

Hebreo 3:2: “Siya ay tapat sa Isa na gumawa sa kaniyang gayon, kung paanong si Moises ay gayundin sa buong bahay ng Isang iyon.”

Hebreo 4:15: “Taglay natin bilang mataas na saserdote, hindi ang isa na hindi magawang makiramay sa ating mga kahinaan, kundi ang isa na subók na sa lahat ng mga bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.”

Hebreo 5:7-9: “Nang mga araw ng kaniyang laman ay naghandog si Kristo ng mga pagsusumamo at ng mga pakiusap din sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya mula sa kamatayan, na may malalakas na paghiyaw at mga luha, at pinakinggan siya nang may pagsang-ayon dahil sa kaniyang maka-Diyos na takot. Bagaman siya ay Anak, natuto siya ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan; at pagkatapos na magawa siyang sakdal siya ang nagkaroon ng pananagutan ukol sa walang-hanggang kaligtasan.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share